Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Paano Ako Magiging Maygulang Kung Hindi Ako Magsasarili?”

“Paano Ako Magiging Maygulang Kung Hindi Ako Magsasarili?”

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

“Paano Ako Magiging Maygulang Kung Hindi Ako Magsasarili?”

KATULAD ng karamihang mga kabataan, marahil ay inaasam-asam mo ang panahon kapag ikaw ay magkakaroon ng mga kalayaan (at mga pananagutan!) ng pagkamaygulang. Gayunman, inaakala ng iba na ang pinakamabuting paraan upang kamtin ang kalayaang ito ay sa pagsasarili at maranasan mismo ang buhay.

Totoo, ang mga hamon ng ‘pagsasarili’ ay nakatulong sa ibang mga kabataan na mabilis na magkaisip o gumulang. Nguni’t kailangan bang ang isa ay umalis ng bahay upang maging maygulang? Yaon lamang bang ‘mga nagsasarili’ ang nakagagawa ng maygulang na mga pagpapasiya, nagiging responsable? Hindi naman. Ang aklat na Adolescence ay nagsasabi: “Ang basta pag-alis ng bahay upang magsarili ay hindi gumagarantiya ng isang matagumpay na pagbabago [tungo sa pagkamaygulang]. Ni nangangahulugan man ng hindi pagiging maygulang ang pananatili sa tahanan.” (Amin ang italiko.) Maraming kabataan na umaalis ng tahanan upang magsarili ang aktuwal na nagwawakas na ekonomikal at emosyonal na dumidepende sa kanilang mga magulang. Sa kabilang dako, marami na pumipiling manatili sa tahanan ay nagiging maygulang, responsableng mga may sapat na gulang. ‘Nguni’t papaano ka magiging maygulang kung hindi ka magsasarili?’ tanong ng ilan.

Pagkamaygulang​—Ano ba Ito?

Sa ilang kabataan, ang pagkamaygulang ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kanilang sariling pera, trabaho at apartment. Nguni’t iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, nang inilalarawan ang paglaki ni Samuel ay sabi nito: “At ang batang si Samuel ay lumalaki at lalong kalugud-lugod sa pangmalas ni Jehova at ng mga tao rin naman.” (1 Samuel 2:26) Marami ang ipinahahatid dito tungkol sa paglaki o pagkamaygulang. Unang-una, upang maging “kalugud-lugod” sa Diyos, ang ugali o asal ni Samuel ay kailangang walang kapintasan. (Awit 15:1, 2) Malamang na regular siyang nanalangin at nagpakita ng “pagkagiliw” sa mga batas ng Diyos. (Awit 119:16) Pansinin, din, na siya’y “kalugud-lugod” din sa mga tao. Marunong siyang makibagay sa mga tao. Kaya bagaman siya’y bata pa lamang, si Samuel ay maygulang na sa maraming paraan.

Gayunman, ang isang maygulang ay dapat ding gumawa ng kaniyang sariling mga disisyon. Isinulat ni Solomon ang aklat ng mga Kawikaan “upang magbigay ng katalinuhan sa walang karanasan, kaalaman at kakayahang mag-isip sa isang kabataan.” (Kawikaan 1:4) Bagaman nagsasarili, maraming kabataan ang walang “kakayahang mag-isip.” Gumagawa sila ng mga disisyon na emosyonal at espirituwal na nakapipinsala sa kanila. Nguni’t, sabi ni Solomon: “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging ligaya sa iyong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip mismo ay magbabantay sa iyo, upang iligtas ka sa daan ng kasamaan.”​—Kawikaan 2:10-12.

Sa gayon ang pagkakaroon ng “karunungan” at “kakayahang mag-isip” na ito ay isa pang palatandaan ng pagkamaygulang. At karaniwan nang ang pakikinig at pagsunod sa patnubay ng iyong mga magulang ang pinakamabuting paraan upang makamit ito. Sapagka’t sinasabi ng Bibliya, “Ang karunungan mula sa itaas ay unang-una, malinis, saka mapayapa, makatuwiran, handang sumunod.” (Santiago 3:17) Subali’t ano naman kung ikaw ay nagkakaproblema sa bahay? Posible kayang maging maygulang samantalang nakatira roon?

‘Pagpasan ng Pamatok sa Kabataan’

Ang buhay ay nauunawaang lubos sa pamamagitan ng pagharap sa mga problema at pagsisikap na alin sa lutasin o pakitunguhan ang mga ito. Walang mapapala sa pagtakas sa mga kalagayan na hindi natin naiibigan. Gayunman, para sa maraming kabataan ang pag-alis ng bahay ay isa lamang pagtakas sa mga magulang na nahihirapan silang pakibagayan o inaakala nilang napakaistrikto. Ang propeta Jeremias, gayunman, ay minsang nagsabi: “Mabuti nga sa malakas-katawang tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.”​—Panaghoy 3:27.

Nagugunita ni Mac, ngayo’y 42 taong-gulang, kung gaano kahirap para sa kaniya na mamuhay at tumira sa bahay: “Si itay ay nagtatrabaho sa isang konstruksiyon na kasama ng isang pangkat ng mga tao at wala siya sa buong araw. Nangangahulugan ito na kami ang gagawa ng mga gawain sa bukid pagdating namin mula sa paaralan. Pagdating naman ng bakasyon, dadalhin kami ni Itay sa kaniyang trabaho buong araw. Sa pakiwari ko’y siya na ang pinakamasamang taong nabubuhay sapagka’t hindi niya kami pinaglalaro o masiyahan man lamang sa aming sarili. Naiisip kong madalas, ‘Kung makakaalis lamang ako dito at makapagsasarili!’ ” Subali’t ang ‘pagpasan ba ng pamatok’ ay napatunayang “mabuti” para kay Mac? Sabi niya ngayon: “Napakahalaga ng ginawa sa akin ni Itay. Tinuruan niya akong gumawa ng mabigat na trabaho at tiisin ang mga kahirapan. Mula noon ay nagkaroon na ako ng mas grabeng mga problema, nguni’t alam ko kung papaano haharapin ang mga ito.”

Isang Paraiso ng Mangmang

Gayunman, ang basta pagtira sa bahay ay hindi gumagarantiya sa iyong pagiging maygulang. Nagugunita pa ni Horst, na umalis ng bahay sa gulang na 17: “Ang pamumuhay sa tahanan na kasama ng aking mga magulang ay gaya ng paninirahan sa isang paraiso ng mangmang. Ginawa nila ang lahat ng bagay para sa akin. Hindi ko kailangang gawin ang anumang gawaing bahay. Nguni’t nang umalis ako ng bahay nagsimula akong maglaba ng aking mga labahin. Kadalasang ang damit ko ay kupas o kaya’y may mantsa.”

Bahagi ng paglaki sa pagkamaygulang ay ang pagkatuto kung papaano gagawin ang mga bagay-bagay sa iyong sarili. Sa kasamaang palad, gayunman, talagang hindi nauunawaan ng maraming kabataan ang kahalagahan ng pagtulong sa mga gawain sa bahay. Ipagpalagay na, ang paglalabas ng basurahan o ang paglalaba ay hindi kasinsaya ng pagpapatugtog ng iyong paboritong mga plaka. Nguni’t ano ang maaaring ibunga kung hindi mo matutuhang gawin ang mga bagay na ito? Maaari kang maging isang walang-silbing may sapat na gulang, lubusang dumidepende sa iyong mga magulang. Kaya pinapayuhan ni Dr. Richard Robertiello ang mga kabataan na magkaroon ng ganap na bahagi sa mga gawaing bahay, yamang ito’y isang “gawain na gumaganyak sa pagkakaroon ng isang nagsasarili at indipendiyenteng sarili.”

Ikaw ba (isang kabataang lalaki o kabataang babae) ay naghahanda para sa pagsasarili sa dakong huli sa pamamagitan ng pag-aaral magluto, maglinis, mamalantsa o magkumpuni? Ngayon, maaaring kailanganin mo ang pagkukusa o pagpapasimuno, lalo na kung ang iyong mga magulang ay uring nais gawin ang napakaraming bagay para sa iyo. Gayunman, isang kabataang nagngangalang Timo ang humiling sa kaniyang mga magulang na atasan siya ng isang gawaing bahay ay nagsabi na siya’y “namangha” sa kanilang positibong reaksiyon! Maaaring gayundin ang maging reaksiyon ng iyong mga magulang.

Pagsasarili sa Kabuhayan

Sabi ng 12-taóng-gulang na si Lucy: “Naiisip kong madalas na hindi ito makatuwiran sapagka’t ayaw kang payagan ng iyong mga magulang na gawin mo ang maibigan mo sa iyong sariling salapi.” Karaniwang pinipili ng mga kabataan na sila ang kumita at maghawak ng kanilang sariling pera kaysa mamuhay sa isang sustento, at ang pagkakaroon ng isang part-time na trabaho ay maaaring maging isang napakahalagang karanasan.

Nguni’t kasinghalaga ng pagkita ng salapi ay ang pamamahala nito! Napansin ni Dr. Jerald Bachman ng Institute for Social Research na kadalasang ginagasta ng mga kabataan ang kanilang pera sa maluluhong bagay. Gayunman, sinasabi niyaong mga may perang lulustayin na ang salaping madaling kinita ay mas madaling gastahin. Magugulat sila kapag sila’y nagsarili! Naaalaala ni Horst (na binanggit kanina): “Sa katapusan ng buwan ang aking pitaka at paminggalan ay wala nang laman.”

Kaya alamin kung paano hahawakan ang pera samantalang ikaw ay nasa bahay pa. At ang iyong mga magulang ay maaaring maging napakahusay na mga guro. Mayroon na silang maraming taon ng karanasan sa paggawa nito at kadalasa’y maaaring tumulong sa iyo na iwasan ang maraming patibong. Ngayon, maaaring mag-atubili silang sabihin sa iyo ang halaga ng kanilang kinikitang salapi, nguni’t marahil mas handa silang sabihin sa iyo kung magkano ang kanilang ginagasta. Iminumungkahi ng aklat na Pulling Up Roots na tanungin sila ng mga katanungang gaya nito: ‘Magkano ang ibinabayad sa kuryente buwan-buwan? Sa pagpapainit? Tubig? Telepono? Anu-anong uri ng mga buwis ang ating binabayaran? Anu-ano ang ating inuupahan?’ Marahil ay magugulat ka na malaman na ang nagtatrabahong mga kabataan ay kadalasang mas maraming pera kaysa kanilang mga magulang! Kaya kung nagtatrabaho ka, magkusa kang gumawa ng makatuwirang kontribusyon sa gastos ng sambahayan.

Matuto Bago Ka Umalis

Hindi, hindi mo kailangang umalis ng bahay upang maging maygulang. Nguni’t kailangan mong gumawa nang masikap samantalang naroroon upang magkaroon ng mabuting paghatol at katatagan ng isip. Ang ‘kabaitan, kabutihan, kahinahunan at pagpipigil sa sarili’ ay gagawa rin sa iyo na kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. (Galacia 5:22, 23) Nguni’t kailangan mo ng panahon upang mag-aral ng Bibliya at ng mga publikasyon na salig-Bibliya. Matuto ring, makibagay sa iba. Patunayan mong kaya mong tanggapin ang pagpuna, kabiguan o pagkasiphayo. Ang mga katangiang ito ang tunay na mga palatandaan ng isang maygulang na Kristiyanong lalaki o babae.

Darating ang panahon na maaaring akayin ka ng mga kalagayan na bumukod​—marahil ikaw ay mag-aasawa o bumangon ang pagkakataon upang palawakin mo ang iyong paglilingkod sa Diyos. Nguni’t kung ikaw ay totoong maygulang na, ang pag-alis mo ng bahay ay hindi magsasadlak sa iyo sa sakuna. Ang natutuhan mo roon ay magiging isang matibay na pundasyon para sa higit pang pagsulong. At bagaman ang iyong pag-alis ay maaaring pumutol pa sa mga buklod ng pagkaumaasa, ang mga buklod ng pag-ibig at pagmamahal sa pagitan mo at ng iyong mga magulang ay mananatili magpakailanman.

[Larawan sa pahina 16]

Ang tahanan ay maaaring maging paraiso ng isang mangmang kung hindi ka magsisikap na tumulong sa bahay

[Larawan sa pahina 17]

Ang ating mga magulang ay may maraming taon ng karanasan sa paghahawak ng pera at kadalasa’y malaki ang maituturo nila sa atin