Si Luther—Isang Bagong Puwersa sa Pagkakaisa?
Si Luther—Isang Bagong Puwersa sa Pagkakaisa?
Karaniwan nang aasahan ng isa na ang ika-1,950 anibersaryo ng isang napakahalagang pangyayari ay kumuha ng higit na pansin kaysa ika-500 anibersaryo ng isa pang pangyayari na hindi gaanong mahalaga. Gayunman noong 1983, ang ika-1,950 anibersaryong taon ng kamatayan ni Jesu-Kristo, ang Nagtatag ng Kristiyanismo, ay hindi halos pansin ng Sangkakristiyanuhan. Gayunman, hindi gayon kung tungkol sa ika-500 anibersaryong kapanganakan ng isa sa kaniyang nag-aangking tagasunod, si Martin Luther. Ang anibersaryong ito ni Luther ang naging paulong-balita sa mga bansa na kung saan naninirahan ang 70 angaw na mga Lutherano sa daigdig. Nang Taon ni Luther maraming mga pagdiriwang, mga komperensiya at mga pagtatanghal ang ginanap, ang isa rito ay nagtanghal ng mahigit na 600 mga iginuhit na larawan, mga eskultura, mga pagguhit na grapiko at mga dokumento.
HINDI maikakaila na malaki ang epekto ni Luther sa kulturang Aleman, bagaman marahil ay hindi gaanong kilala—sa paano man sa labas ng Alemanya—kaysa yaong nagawa niya sa relihiyosong kasaysayan. Maliban kay Jesu-Kristo, ang epektong ito ay malamang na mas malaki kaysa kanino mang tao sa nagsasalita-Aleman na daigdig. Ang Neue Berliner Illustrierte ng East Berlin, halimbawa, ay nagsasabi na “binago ng salin ni Luther na Bibliya ang intelektuwal na buhay sa Europa, hinubog ang mga salinlahi at tiniyak ang kanilang mga paglilimi at mga disisyon.”
Mula sa napakaraming diyalekto na umiral noong kaarawan niya, si Luther talaga ang lumikha ng pamantayan o istandard na Aleman na sinasalita ngayon. Malaki rin ang kaniyang naitulong sa pagtatatag ng kung ano nang malaunan ay naging mga paaralang bayan sa gramatika. Napakalaki ng kaniyang nagawa sa kapakanan ng nagkakaisang estadong Aleman na lumitaw nang dakong huli. Subali’t tinabunan ng kaniyang relihiyosong mga gawain ang mga naitulong niyang ito sa kultura, na naging simula ng relihiyosong pagkakahati o di-pagkakaisa na umiiral pa rin.
Minsan pa’y Isang Puwersa sa Pagkakaisa
Gayunman, ang mga pagsisikap kamakailan na itampok ang mga naitulong ni Luther sa kultura ay minsan pang gumawa sa kaniya na isang sagisag ng pagkakaisa. Ang mga pagdiriwang sa Taon ni Luther ay ginanap kapuwa sa Federal Republic of Germany at sa German Democratic Republic (DDR) a. Binabanggit siya ng isang aklat sa DDR na pinamagatang Martin Luther und seine Zeit (Si Martin Luther at ang Kaniyang Panahon) bilang “isa sa pinakadakilang personalidad na kilala sa buong globo” na nakagawa ng nagtatagal na impresyon sa Alemanya at Europa. Sabi nito: “Dahilan sa katangi-tanging kahalagahan sa kasaysayan ng Alemanya at ng daigdig at sapagka’t ang karamihan ng mga lugar na pinagtrabahuan ni Martin Luther ay nasa teritoryo ng German Democratic Republic, ang DDR ay may pantanging pananagutan na linangin ang pamana ni Luther at parangalan si Martin Luther sa okasyon ng kaniyang ika-500 kompleanyo o kapanganakan.”
Bagaman ang Federal Republic of Germany at ang German Democratic Republic ay nagkakasalungatan sa pulitika, ang mga pagdiriwang ng Taon ni Luther ay nagpaalaala sa kanila ng kanilang iisang pamana at ang mga nagawa ni Luther dito. Ito man ay kinilala ng presidente ng Federal Republic, si Karl Carstens. Nagsasalita sa pagbubukas ng nasabing pagtatanghal o eksibisyon sa Nuremberg, sinabi niya na si Luther ay tumigil na bilang isang “sagisag ng di-pagkakaisa o pagkakabahagi.” Sa katunayan, “si Luther ay naging isang sagisag ng pagkakaisa sa lahat ng Alemanya,” sabi niya. “Tayong lahat ay mga tagapagmana ni Luther.”
Nguni’t kung si Luther ay sinasabing isang sagisag ng pulitikal na pagkakaisa, kumusta naman ang tungkol sa relihiyosong pagkakabahagi na dinala niya? Ito kaya ay hindi na pansin? Maliwanag na hindi, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga ulat ng pahayagan.
“Ang taóng anibersaryo ay hindi nagbukas ng bagong agwat sa pagitan ng mga Lutherano at mga Katoliko. Sa kabaligtaran: ang kultural na mga pangyayari, mga diskusyon at literatura, hanggang sa makakaya naming alamin, ay nagdala ng ekuménikóng bunga.”—Nürnberger Nachrichten.
“Tunay, bilang isang repormador na humati o sumira sa Kristiyanismo, si Luther nang malaunan ang naging susi sa pagkakaisa nito.”—Time.
Upang maunawaan ang di inaasahang pangyayaring ito, dapat nating repasuhing sandali kung paano sa una pa’y pinapangyari ni Luther ang pagkakabahaging ito.
Si Luther—Isang Puwersa sa Pagkakabahagi
Si Martin Luther ay isang mongheng Augustinian at isang paring Katoliko. Kahit na sa kaniyang kabataan ay pinag-alinlangan niya ang iba’t ibang turong Katoliko. Pinuna rin niya ang ipinalalagay niyang mga kasamaan at mga pagpilipit ng simbahan at mga klero. Ang iskandalosong pagbibili ng mga indulhensiya ng arsobispo
ng Mainz, halimbawa, ay nagpagalit sa kaniya. Kung karakaraka sanang ipinahatid ang mga pagpunang ito sa Iglesia Katolika at marahil ay gumawa ng ilang mga pagbabago, malamang na hindi naganap ang Repormasyon.Gayunman, si Luther ay namaneobra ng mga pangyayari sa higit pang malakas na katayuan ng oposisyon. Noong Oktubre 31, 1517, (gaya ng pagkakasabi ng tradisyon) ipinako niya sa pintuan ng simbahan sa Wittenberg ang 95 mga Tesis o sanaysay na naglalantad sa maling mga turo ng simbahan. Saka noong 1520 ay inilathala niya ang mga pulyetong “Ang Address to the Christian Nobility of the German Nation,” (Isang Pasabi sa Kristiyanong Maharlika ng Bansang Aleman) “The Babylonian Captivity of the Church” (Ang Babilonikong Pagkabihag ng Simbahan) at “The Liberty of a Christian Man” (Ang Kalayaan ng Isang Kristiyano). Ang bawa’t isa ay naging higit na matulis sa pagpuna nito. Isang batas ng papa ang nagbanta kay Luther ng ekskomunikasyon. Noong Disyembre 10, 1520, buong pagsuway na sinunog niya ang batas na ito ng papa. Noong 1521 sa Batasan o Kongreso ng Worms ay tumanggi siyang bawiin ang lahat ng kaniyang pagbatikos, kaya siya’y ipinahayag na isang manlalabag batas sa Banal na Imperyong Romano at sa gayo’y napilitan siyang magtago. Samantalang kinakalinga ng mga kaibigan ay nagkapanahon siya na tapusin ang kaniyang salin ng “Bagong Tipan.” Ito ay noong taglagas ng 1522. Nang 1534 natapos niya ang pagsasalin ng “Matandang Tipan,” ngayo’y gumagawa, sa kauna-unahang pagkakataon, sa kaniyang buong Bibliya na mababasa sa Aleman. Sa kasaysayan ng pagsalansang nito sa mga salin ng Bibliya sa sariling wika, hindi naibigan ng herarkiyang Katoliko ang balitang ito. Sa ngayon ang pagkakahati sa pagitan ng mga Katoliko at mga Lutherano ay naging ganap.
Bago ang gayong tao na gaya ni Luther ay maaaring malasin bilang isang puwersa sa pagkakaisa, kinakailangang mayroong hindi mumunting pagbabago sa mga saloobin. Naganap na ang gayong pagbabago.
Pagbaligtad ng Saloobin
Sang-ayon sa Rheinische Post, “ang pangmalas ng Katoliko kay Luther ay . . . nagkaroon ng nakapagtatakang pagbabago. Para sa mga Romano Katoliko ang Repormador ay itinaas mula sa isang isinumpang erehes tungo sa isang ama sa pananampalataya.” Na dito idinagdag pa ni Kardinal Höffner ng Cologne, sa isang talumpati sa isang Lutheranong anibersaryong seremonya sa Worms, na ang mga palagay ng Protestante at Katoliko tungkol kay Luther ay hindi na maaaring gamitin upang papaghiwalayin sila.
Noon pa mang 1967, ganito ang puna ng Protestanteng teologo na si Walther von Loewenich: “May lumalagong pagmamahal kay Luther sa gitna ng Alemang mga teologong Katoliko na hihiya sa isang Lutherano.” At ngayon, sa isang liham kay Kardinal Jan Willebrands ng Netherlands, binanggit pa nga ng Katolikong papa ang tungkol sa “lubhang pagkarelihiyoso” ni Luther. Ito at ang iba pang nakapagpapalubag-loob ng komento tungkol kay Luther na na liham ng papa ay nagpangyaring itanghal ito ng mga pahayagan sa Roma bilang isang “makasaysayang yugto sa kaugnayan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante.”
Linggo, Disyembre 11, 1983, ay isa pang kaunahan. Hindi kailanman nangyari sa kasaysayan na ang isang papa ay nagsermon sa isang kongregasyong Lutherano sa simbahang Lutherano sa Roma. “Inaasam-asam natin ang pagkakaisa, at gumagawa tayo para sa pagkakaisa,” sabi niya sa kaniyang mga tagapakinig, nagsasalita sa wikang Aleman. “Sa taon na gumugunita sa kapanganakan ni Martin Luther limang siglo na ang nakalipas, naniniwala kami na parang nababanaag sa hinaharap ang
bukang-liwayway na pagsapit ng pagkakaisa.”Makamit Kaya ang Pagkakaisa ng Relihiyon?
“Kung ang pagharap ng papa sa [simbahang Lutherano] ng Roma ay maituturing na isang mahalagang yugto o pangyayari sa kilusang ekuménikó, o kung ang makasaysayang pagpapahayag na ito ay mananatili na gayon lamang—isang pagpapahayag—sino sa atin ang makapagsasabi ngayon? Ito ang tanong na ibinangon ng Süddeutsche Zeitung ng Munich.
Ito man ay mapatunayang isang mahalagang pangyayari sa daan ng pagkakaisa o hindi, isa pang mahalagang katanungan ay: bakit ang bigla at di inaasahang pagkukusang ito na magkaisa?
Tiyak na may ilang mga salik na nasasangkot—ang pangkalahatang pagbaba ng interes sa relihiyon at ang kawalan ng autoridad at impluwensiya ng relihiyon, bilang halimbawa. Kapuwa ang Katolisismo at Protestantismo ay nakaharap sa isang krisis. Lumalaganap ang mga damdaming laban sa simbahan at laban sa relihiyon. Waring gumuguho ang organisadong relihiyon. Bumabangon ang sekularisasyon. Para bang ang pagkakaisa ang siyang paraan upang sugpuin ito.
Sang-ayon sa mga ulat ng pahayagan, si George Lindbeck, kasamang tagapamanihala ng isang internasyonal na komisyon ng mga Lutherano-Katoliko, ay naniniwala na kung wala si Luther at ang kaniyang Repormasyon “ang relihiyon ay hindi sana naging gaanong mahalaga sa sumunod na 400 hanggang 500 mga taon. At yamang gumuguho ang medyebal na relihiyon, ang sekularisasyon ay kailangang magpatuloy, nang walang sagabal.” Isa itong kaakit-akit na akala o palagay, sapagka’t nangangahulugan ito na si Luther din na nagpanatili sa organisadong relihiyon noon sa pagiging isang puwersa sa pagkakabahagi ang siya ngayong sinusunggaban bilang isang puwersa sa pagkakaisa.
Ang pangmalas na ito ay lalo nang interesante sa mga Kristiyano na pamilyar sa mga hula ng Bibliya na humuhula sa pagkapuksa ng organisadong huwad na relihiyon sa ilalim ng sagisag na Babilonyang Dakila. (Tingnan ang Apocalipsis, mga kabanatang 17 at 18.) Ang pagkapuksang ito ay inihulang magaganap sa isang yugto ng panahon sa kasaysayan ng tao na hindi magsisimula bago ang 1914, tiyak na hindi noong kaarawan ni Luther. Kaya ang Repormasyon ni Lether ay nakatulong sa pagpapanatili sa organisadong relihiyon “sa pamumuno” hanggang sa dumating ang itinakdang panahon ng Diyos upang kumilos laban dito.
Ang Tunay na Pagkakaisang Kristiyano
Ang pagkakaisang Kristiyano ay kanais-nais, at pinasisigla tayo ng Bibliya na panatilihin ito. “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10.
Gayunman, ang pagkakaisa ay tunay tangi lamang kung salig sa matibay na pundasyon ng katotohanan, hindi sa oportunistikong pakikikompromiso. Ang tunay na pagkakaisang Kristiyano ay humihiling ng pagsunod sa maka-Kasulatang payo na ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Kayo’y magkaisang tumulad sa akin, mga kapatid, at mataan ninyo ang mga nagsisilakad ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.”—Filipos 3:17.
Ang Iglesia Katolika ba sa ngayon ay “nagsisilakad ayon sa halimbawa” na masusumpungan natin kay Pablo at sa iba pang sinaunang mga Kristiyano? Tinutularan ba sila ng simbahan sa doktrina, sa
paggawi at sa paglalagak ng mga pangunahin sa buhay? At kumusta naman ang Iglesia Lutherano? Tiyak na utang ng bawa’t Katoliko at Lutherano sa kaniyang sarili na suriin kung paano nakakatugon ang kaniyang simbahan sa panukat na ito.Walang alinlangan na darating ang pangglobong pagkakaisa. Ipinangangako ito ng hula sa Bibliya, sa pampamahalaan at gayundin sa relihiyosong paraan. Ang pampamahalaang pagkakaisa ay matatamo sa paghahalili sa pulitikal na sistema ngayon ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, na itinuro ni Kristo na idalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang pamahalaang ito ay “hindi magigiba kailanman,” pangako ng Daniel 2:44. Bagkus, sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, “dudurugin at wawasakin niyon ang lahat [ng iba pang] kahariang ito [o mga pamahalaan], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” Sa ilalim ng Kahariang iyon ang lahat ng sangkatauhan ay, sa pamamagitan ni Kristo, magkakaisa sa pagsamba sa isang tunay na Diyos.
Ang saligan para sa pampamahalaan at relihiyosong pagkakaisa sa gayon ay nailatag na noong kamatayan ni Kristo, ang ika-1,950 anibersaryo nito ay ipinagdiwang noong Martes, Marso 29, 1983. Sa kabilang dako naman, ang ika-500 anibersaryong pagdiriwang ng kapanganakan ni Martin Luther, bagaman pansamantalang nakatawag ng pansin, ay hindi nangangako ng nagtatagal na pangglobong pagkakaisa, alin sa pamahalaan o sa relihiyon.
Alamin ang higit pa tungkol sa tunay na puwersa sa pagkakaisa ngayon—ang Kaharian ng Diyos. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay malulugod na tustusan kayo ng karagdagang impormasyon kung hihilingin ninyo, o maaaring hilingin ninyo ang isa sa mga Saksi ni Jehova.
[Talababa]
a Ito ang opisyal at wastong mga pangalan ng tinatawag ng marami na Kanlurang Alemanya at Silangang Alemanya.
[Mapa/Larawan sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)
Ang Taon ni Luther ay tumulong na gawin si Luther na isang sagisag ng pulitikal na pagkakaisa sa buong Alemanya.
FEDERAL REPUBLIC OF GERMANY
GERMAN DEMOCRATIC REPUBLIC