Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Akong Magkaroon ng Mabuting Asal?

Bakit Dapat Akong Magkaroon ng Mabuting Asal?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Dapat Akong Magkaroon ng Mabuting Asal?

MGA babaing nagtutulakan sa walang patumanggang pag-uunahan sa mga baratilyo sa malalaking tindahan. Ang mga lalaki naman ay marahas na nag-uunahan sa pagpasok sa elebeytor. Ang mga kabataan ay halos nagsasalya sa matatanda at may mga karamdaman samantalang sila’y naglalakad sa kalye. Marahil ay nakakita ka na ng ganiyang kawalan ng mabuting asal.

Isang artikulo sa Newsweek magasin ang nagsabi minsan: “Sa parami nang paraming mga taong nakatatanda, ang dating mabuting asal ay naagnas na dahil sa mga kagipitan sa araw-araw na pamumuhay: pagkarami-raming tao, ingay, kalupitan na palasak sa lahat ng dako, at napapanood sa sine’t telebisyon, nababasa sa mga babasahin . . . [Ito] ang berdugo [ng asal].” Ang ganitong palasak na pagkapawi ng kabutihang-asal ay sa malalaking siyudad lalo nang kapansin-pansin. Halimbawa, ang mga subway sa New York City ay tinatawag na isang “Tragi-Comedy of No Manners.” Ang pagtutulakan at pagsasalyahan ay waring isang bahagi ng di-nakasulat na batas ng “modo” sa subway.

Kapuna-puna, ang mga ibang kabataan ay waring talagang may pagkabahala tungkol sa problemang ito. Isang popular na magasin para sa mga teenager ang may lathalain na isinulat ng isang babaing ang tawag sa kaniyang sarili ay “Miss Manners.” Subali’t, marahil ay naitanong mo na sa iyong sarili kung sulit na pagsikapan ang pagkakaroon ng mabuting asal. ‘Paano ko kaya pakikinabangan ang pagpapahusay ng aking asal?’ ang sumasaisip mo marahil. ‘Ano ang layunin sa pagsasabi ng “pakisuyo” at “salamat po”?’

Mabuting Asal​—Bakit Napakahalaga?

May kasabihan, “Ang maliliit na bagay ay mahalaga.” Ang mabuting asal ay gaya ng mga elemento na cobalt, molybdenum at boron. Bagaman bahagyang-bahagya lamang nito ang nasa ating pagkain, ito’y totoong kailangan natin upang tayo’y lumusog. Gayundin, ang nanay mo’y gumagamit ng katiting na katiting lamang pampalasa o asin sa pagluluto ng iyong paboritong pagkain. Gayunman “ang maliliit na bagay” na ito ay nagbibigay ng lasa sa kaniyang niluluto. Ang mabubuting asal ay tulad ng langis at grasa na kailangan upang ang makina’y patuluyang umandar nang maayos.

Ang asal ay isa na sa “maliliit na bagay” na nagbibigay ng kaluguran sa buhay. Isipin sandali: Hindi ba nalulugod kang makasama ang isang taong may magandang asal? Hindi ba inaayawan mo ang isang taong bastos o walang konsiderasyon? Kung gayon, alalahanin ang tanyag na ginintuang alituntunin, “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”​—Mateo 7:12.

Subali’t mayroong iba pang praktikal na kabutihan ang pagkakaroon ng mabuting asal. Halimbawa, baka interesado kang makakita ng trabaho. Sa aklat na Your Working Life: A Guide to Getting and Holding a Job ay nakatala ang ilang mga bagay na tutulong sa iyo upang makagawa ka ng mabuting impresyon sa isang maypatrabaho. Kabilang doon ang pagiging magalang, maayos at mapitagan. Gusto mo bang balang araw ay makatagpo ka ng isang mahusay na mapapangasawa? Sa isang surbey, tinanong ang mga binatilyong teenager kung anong mga katangian ang nakakaakit sa kanila sa mga babae. Ang sagot ng karamihan ay pagiging “makonsiderasyon sa iba.” Sa isa pang surbey, mga dalagita namang teenager ang tinanong kung para sa kanila’y ano ang “walang kapintasang asawang lalaki.” Nakapagtataka, 30 porsiyento lamang ng mga dalagitang iyon ang sumagot na sa ganang kanila’y ang kagandahang-lalaki ang mahalaga. Ang higit na mahalaga sa kanila ay ang pagiging makonsiderasyon ng isang ibig nilang maging asawa.

Sa liwanag ng lahat na ito, hindi kataka-takang sabihin ni Amy Vanderbilt sa kaniyang tanyag na aklat tungkol sa kagandahang-asal: “Tanging ang isang malaking tungak o ang isang dakilang henyo ang malamang na malayang lumabag sa mga alituntunin ng kagandahang-asal, at alinman sa kanila, na gumagawa ng gayon, ay hindi kalugud-lugod na kasama.”

Pagpapahusay ng Asal

Papaano nga ba mapahuhusay ang asal upang magkaroon ka ng magandang asal? Sa pamamagitan ba ng paggugol ng maraming oras sa pagbabasa ng mga aklat tungkol sa kagandahang-asal? Sa pamamagitan ba ng pagsasaulo ng pagkarami-raming mga tuntunin? Hindi sa tuwina, bagaman ang mga aklat at mga tuntunin ay may kani-kaniyang dako. Sa kalakhang bahagi, ang pagpapakita ng mabuting asal ay wala kundi ang pagkakapit ng mga pangunahing simulaing Kristiyano. Si apostol Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano na “isakbat ang Panginoong Jesu-Kristo,” o gaya ng pagkasalin ng New World Translation (1960 edisyon) sa talatang ito, “tularan ang asal ng Panginoon.” (Roma 13:14) Si Kristo ay makonsiderasyon sa damdamin at pangangailangan ng iba. (Ihambing ang Mateo 15:32.) Mapagpahalaga siya sa pagod ng iba. (Marcos 14:3-9) Dahilan sa siya’y “maamo at mapagpakumbabang-puso,” ang mga tao’y nakadama ng ‘kaginhawahan’ pagka siya’y kasa-kasama nila.​—Mateo 11:28-30.

Ikaw man ay makapagpapaunlad din ng tulad-Kristong ugali na walang-imbot na pagkamakonsiderasyon sa iba. Papaano? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng tungkol sa naging buhay ni Kristo at pagbubulay-bulay niyaon. Ang taong nagkakapit ng mga turo ni Kristo ay pambihirang mapipintasan na may pangit na asal.

Sa mga ilang situwasyon ay inaasahang susunod ka sa espesipikong mga tuntunin ng asal. Si apostol Pablo ay nagbigay sa binatang si Timoteo ng mahalagang mga alituntunin upang kaniyang ‘maalaman kung paano siya dapat gumawi sa sambahayan ng Diyos.’ (1 Timoteo 3:15) Ang iyong mga magulang ay makagagawa rin niyan.

Bueno, hindi lahat ng kabataan ay ganiyang ang pangmalas diyan. Ganito ang riklamo ng kabataang si Jordy: “Ibig ng aking mga magulang na ako’y kumilos nang gaya nila. Sabi nila, ‘Gumawi ka nang wasto,’ at ang sabi ko naman, ‘Basta kung ano ho ang gusto ko, ganoon ang igagawi ko.’ ” Subali’t hindi natin laging magagawa ang ibig natin. Alam ito ng mga magulang at sabik sila na ikaw ay matuto ng mabuting asal. Marahil ay hihilingan ka nila ng mga ilang bagay.

Halimbawa, baka hilingan ka na pamalagiin mong malinis ang iyong kuwarto. (Nakalulungkot sabihin, ang mga ibang magulang ay umatras na sa bagay na ito, tulad niyaong isa na nagsabi, “Basta sundin niya kung ano ang gusto niya tungkol sa kaniyang kuwarto, tutal, siya ang titira roon.”) Ang maalalahaning mga magulang ay nakababatid na nasasalamin sa iyo ang iyong kuwarto. Ano ang aakalain sa iyo ng iba kung iimbitahan mo sila sa isang kuwartong marumi o nagkalat ang iyong mga damit? Batid din ng iyong mga magulang na balang araw ay magkakaroon ka ng sariling tahanan na aasikasuhin. Anong asikaso ang gagawin mo roon? Ang pagtugon sa patnubay ng iyong mga magulang ay isang mahalagang hakbang sa pagkatuto ng mabuting asal.

Ang Pagsunod sa Mabuting Asal

Ngayon pag-usapan natin ang mga ilang halimbawa. Ikaw ba’y basta nagtatapon ng basura kung saan-saan lamang o sa basurahang dapat pagtapunan? Sabi ng iba’y hindi naman makakaano kung magtapon ka man ng kaunting basura sa palibot. Subali’t masdan mo ang nangyayari sa mga siyudad, sa mga ilog, sa mga parke at mga dakong inilaan na mapagpiknikan! Laganap ang basura at polusyon. Tanungin ang iyong sarili, ‘Natutuwa ba akong bumisita sa mga lugar na pinapangit na ng mga taong walang pakundangan at pangit ang mga asal?’

Kung minsan ay may isa pang uri ng polusyon na nanggagaling sa mga kabataan​—pinupuno ang paligid ng malalaswang salita. May mga kabataan na waring tuwang-tuwa na magsalita ng mga kalaswaan. At ang ganitong kaisipan ay baka madaling makahawa sa iyo kung hindi ka maingat. Oo, huwag mong payagang maimpluwensiyahan ka ng mga taong walang modo. Maikakapit mo ang payo ng Bibliya: “Ano mang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig.”​—Efeso 4:29.

Komusta naman ang pagmamaneho? Nakasakay ka man sa bisikleta o nagmamaneho ng inyong kotse, mahalaga na sundin mo ang kagandahang asal. Kung palaging gusto mong masakupan ang buong kalye ay kainisan ka ng iba at ito’y mapanganib din naman. Ang walang tiyagang pagmamaneho nang pagkabilis-bilis ay mapanganib din. Isang artikulo sa Grit ang nagpagunita sa mga kabataan na “ang aksidente sa kotse ang hangga noon ay pangunahing sanhi ng kamatayan para sa mga taong 15 hanggang 24 anyos ang edad.” At ano kadalasan ang sanhi ng gayong mga aksidente? Ganito ang pagpapatuloy ng artikulo: “Maraming teen-ager ang inaaresto dahil sa napakatuling pagmamaneho kaysa ano mang paglabag.” Kaya’t sundin mo ang mga alituntunin sa kalye at iwasan ang isapanganib ang iyong sarili at pati ang iba.

Ang mga oras ng pagkain ay mga pagkakataon na makapagpapakita ka ng kabutihang-asal. May mga kabataang nagsisimula nang kumain bago pa makapaghandog ng panalangin. Ang iba naman ay kumukuha ng pagkain na labis sa dapat na mapasa-kanila. Bagaman mabuti na magkuwento ka ng iyong mga karanasan, wasto ba na palaging ikaw na lamang ang magsalita nang magsalita, lalo na kung may kasama kang matatandang tao?

Ang mga mungkahing ito ay baka makatulong. Kung minsan ay baka wala sa loob mo na makapagsalita ka ng nakasasakit. Subali’t maiiwasan mo na palubhain pa ang masama nang kalagayan kung hihingi ka ng paumanhin. Tandaan ang talagang makapagpapakilos sa iyo upang magsikap na magkaroon ng mabuting asal​—ang pag-ibig Kristiyano. Kahit na sa isang panahon na waring bigo ang iba pa mang bagay, ang Kristiyanong “pag-ibig ay hindi nabibigo.”​—1 Corinto 13:4-8.

[Larawan sa pahina 13]

Kasali sa mabuting asal ang paghahandog ng tulong sa iba