Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ngayon Ako’y Abala ng Paggawa ng Lalong Mabuting Pangalan

Ngayon Ako’y Abala ng Paggawa ng Lalong Mabuting Pangalan

Ngayon Ako’y Abala ng Paggawa ng Lalong Mabuting Pangalan

Inilahad ng punong Indian na si William Jeffrey

ANG Museum of Northern British Columbia ay naglathala noong 1982 ng booklet na Totem Poles of Prince Rupert. Sa 22 haligi o totem poles na nakalarawan doon, ang 15 ay ako ang manlililok. Nasa Prince Rupert ang isa sa pinakamalaking koleksiyon ng gayong nakatayong mga haligi, na ang taas ay mula sa 30 hanggang 70 piye (10 hanggang 20 m), at mahigit na 20 rito ang gawa ko.

Nang ako’y rumitiro na noong 1960 saka lamang naging pambuong panahong hanapbuhay ko ang paglilok ng mga haligi, pagkatapos ay manakanaka na lamang, upang ang mga gastado na’y halinhan ng bago. Naging manlililok ako para sa mga museo sa buong daigdig at para sa mga pantanging displey na gaya niyaong nasa Prince Rupert. Bagaman marami ng gayong mga haligi ang mabibili ng isang libong dolar, ang sa akin ay ipinagbibili ng $12,000 at higit pa dahilan sa mahusay na klase ang mga ito. Sa idinamidami ng ipinasok sa timpalak, ang isa sa aking mga pole ang napili upang maging ang centennial pole para sa 1871-1971 British Columbia Centennial. Isa pang 22-pulgada ng gayong haligi ang nililok ko buhat sa isang piraso ng jade. Siyam na buwan na ginawa ko iyon, nagkakahalaga ng $75,000 at ngayon ay nakadispley sa Birks sa Vancouver.

Kaya’t napabantog na ang aking pangalan bilang isang dalubhasang manlililok ng mga totem pole. Subali’t ngayon ay abala ako sa paggawa ng isang lalong mabuting pangalan.

Pasimulan natin sa umpisa​—na isang di-pangkaraniwang pagsisimula. Ako’y ipinanganak noong 1899, sa gawing norte ng bayan ng Port Simpson sa British Columbia. Ang aking mga magulang ay mga Indian na tagaroon sa bansang Tsimshian at sila’y angkan ng mga puno ng Indian. Kaya naman ako ay nakatoka na maging mataas na puno rin balang araw.

Ako’y inaruga ng aking mga nuno​—sapagka’t samantalang nangangaso ay nahulog si itay buhat sa isang matarik na dalisdis at namatay. Nagugunita ko pa na nang maliit pa ako’y pinahawak ako ni lolo ng isang panlilok, binigyan ako ng kapirasong kahoy at tinuruan ako ng paglililok. Kaniyang binigyan ako ng mga ilang tagubilin tungkol sa paglilok ng mga totem pole. Nakitaan ako ng hilig dito, subali’t lumipas pa ang maraming taon bago ko nagawa ang binanggit ko na nga.

Pagkamatay ng aking mga nuno, nag-aral ako sa isang boarding school para sa mga ulila, at pagkatapos nito’y sa isang Indian residential school mula 1914-17. Ibig ko sana noon na mag-aral sa kolehio at maging isang solicitor (abugado), subali’t pagka nag-aral sa kolehio ang mga Indian sila’y kailangan mag-aral na maging mga predikador. Alam ninyo, nang panahong ito ang mga Indian ay inilagay na sa mga reserbasyon, at ang mga reserbasyong ito ay ipinagpalabunutan para ipamahagi sa iba’t-ibang relihiyon​—isa sa mga Methodista, isa sa Iglesya Unida, isa sa Salvation Army, isa sa mga Katoliko, at sa iba pa. Ang akin ay napapunta sa mga Methodista. Bawa’t reserbasyon ay mayroong kaniyang paaralang parokyal. Ang mga guro ay walang sapat na kakayahang magturo, palso ang turo, at noon ay hindi tinutulutang mag-aral sa mga paaralang-bayan ang mga Indian.

Ibig kong maalis ang mga paghihigpit na ito. Kaya noong 1930 ako at tatlo pang mga Indian ay bumuo ng Indian Native Brotherhood of British Columbia. Bilang kinatawan ng kapatirang ito, sa batasan ng Ottawa ako nagsimulang nakipag-ayos tungkol sa mga suliranin ng mga Indian. Bago ako naparoon, ako’y nagtipon muna ng mga katibayan tungkol sa kalagayan ng mga Indian sa British Columbia​—tungkol sa mga Indian sa mga ospital, sa mga kalagayan sa mga paaralan, sa kung ano ang ginagawa ng mga relihiyon para sa kanila, sa pangangailangan ng angkop na mga pension para sa mga may-edad, sa mga karapatan ng mga Indian sa pagmamana ng lupa, at sa pagkakait sa mga Indian ng mga pahintulot sa pangangaso at pangingisda.

Ang Kagalang-galang Crerar ang Ministro ng Indian Affairs noong 1940 nang humarap ako sa House of Commons. Ang mga denominasyong relihiyoso sa Canada ay nagsubmite ng report na nagsasabing ang mga Indian ay hindi matuto.

Nagharap ako ng mga halimbawa ng mga Indian na napabantog sa pamamagitan ng kanilang mga dakilang gawa sa maraming larangan ng buhay at nagpatuloy ako ng pagsasalita: “Hindi kayo sumangguni sa amin nang kunin ninyo ang aming lupain at ilagay kami sa mga reserbasyon. Binigyan ninyo kami ng relihiyon, at ang mga klerigo nito ang sumunog ng aming mga totem pole, sapagka’t sinasamba raw namin ito. Hindi totoo iyan, sapagka’t ang mga ito ay aming mga pang-alaala at aming mga pananda sa lupa. Inyong inalis ang mga ito at ninakaw ang aming lupain. Kami’y binigyan ninyo ng Bibliya​—walang masama sa Bibliya​—nguni’t ginagamit ninyo sa masama at hindi naman ninyo sinusunod.”

Hindi nagtagal at dumating ang mga pagbabago. Ang mga anak ng mga Indian sa buong Canada ay pinayagang mag-aral sa mga paaralang-bayan at magpatuloy ng pag-aaral sa mga kolehio. Kasunod nito ang iba pang mga karapatan para sa mga Indian​—binigyan sila ng karapatang mangaso at mangisda, magsaayos ng mga presyo para sa kanilang mga húling isda, pinahusay ang mga kalagayan sa pagtatrabaho sa mga pabrika ng pagsasalata, sa mga programa sa pagsasanay sa trabaho, at iba pa.

Ang huling pakikipagnegosasyon ko ay tungkol sa lupa, na matitirhan ng mga Indian na pinalayas sa kanilang mga lupa at tinungkos doon sa mga reserbasyon. Hanggang sa kasalukuyang panahon, wala pang tiyakang kasunduan tungkol dito ang nayayari sa pagitan ng Ottawa at ng katutubong mga Indian.

Sa nakalipas na mga ilang taon ay nakabalita ako ng tungkol sa isa pang pamahalaan na magdadala ng kapayapaan at katarungan sa mga tao ng lahat ng lahi, bansa, paniwala at kulay.

Una kong narinig ang balitang ito noong 1930. Ako’y doon nakatira sa Kispiox at paalis na noon ako sa bahay, bitbit ang aking portpolyo, patungo sa pupuntahan ko bilang kinatawan ng Brotherhood upang ipaglaban ang karapatan ng mga Indian. Sinalubong ako ni Frank Franske at ang sabi sa akin: “Gusto mo ba ng katotohanan na magpapalaya sa iyo?” At siya’y nagpatotoo sa akin. Siya’y isang naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang sampung taon ay nanirahan ako sa Port Edward, at isang Saksing nagngangalang Leonard Seiman ang nagtatag ng lingguhang pag-aaral sa Bibliya sa aking pamilya. Siya’y naglalakad nang 12 milya (19 km) papunta lamang, 24 na milya (38 km) papunta’t pabalik, nguni’t hindi siya pumapalya kailanman! Sa wakas ang aking maybahay ay naging isang Saksi, pati ang ibang mga anak ko. Naglaan ako ng mga bangka at pagkain sa naglalakbay na mga tagapangasiwa sa kanilang pagpapatotoo nang paroo’t-parito sa baybaying-dagat.

May mga 30 taon na ngayong gumagawa ako ng lahat ng uring trabaho​—pangangaso, pangingisda, paninilo, pagmimina, pagtotroso, pagtatrabaho sa lagarian ng tabla, pagkakontratista at iba pa​—upang tustusan ang aking pamilya na binubuo ng aking maybahay, at sampung anak, anim na lalaki at apat na babae. Ito, pati aking trabaho sa Kapatiran, ang umuubos ng aking panahon. Subali’t ngayon, sa wakas, noong 1953, ako’y nabautismuhan. Nang taóng iyan ako’y dumalo sa isang pandaigdig na asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York. Noon unang nakasaksi ako ng tunay na pagkakapatiran​—lahat ng lahi’y nagtitipong mapayapa, walang pagtatangi-tangi dahilan sa naiibang kulay ng balat, kundi ito’y isang tunay na pagkakaisa.

Mula na noon ay itinodo ko ang lahat. Ako’y nangaral sa lahat ng makikinig, lalo na sa aking katutubong mga kababayan. Kami’y nagbabangka ng aking pamilya at nagpupunta sa liblib na mga nayon ng mga Indian sa baybayin ng Prince Rupert, sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang sumunod na mga ilang taon ay may mga ilang problema. Dinapuan ng biglaang atake ang aking maybahay, si Elsie, at isinugod ko siya sa isang ospital sa Prince Rupert. Samantalang nagpapatotoo ako sa North Vancouver, ako’y nakagat ng isang Doberman pinscher (asong Aleman) at nabulag ang aking kaliwang mata. Sa isang aksidente ng kotse, dagling hinila ako ng aking anak na si George bago sumabog na bigla ang kotse​—ang aking mga paa at balagat ay kapuwa napinsala. Kaya’t hindi na ako gaanong makapagbahay-bahay na gaya ng dati.

Pagkamatay ni Elsie ako’y napakasal sa aking kasalukuyang asawa, si Juana. Kami ngayon ay nagpapatotoo sa lansangan uma-umaga. Kung hapon ay sumusulat ako ng mga liham at sa buwan-buwan ay nakapagpapasakamay ng 192 magasin sa pamamagitan ng koreo. Ang aktibidad na ito, pati ang pagbabahay-bahay na nagagawa ko, ay gumugugol nang 60 hanggang 100 oras isang buwan.

Manakanaka ay nagpupunta ako sa mga reserbasyon sa buong timugan, sentral at hilaga na bahagi ng British Columbia, na doo’y nagpapatotoo sa mga Indian at namamahagi ng daan-daang mga aklat at magasin na nagbabalita ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa sa pag-iral ng katuwiran at pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso. Pangkaraniwan, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi makapasok sa mga reserbasyong ito upang mangaral. Ang mga relihiyon na inatasan sa mga reserbasyon ay ayaw magpapasok sa kanila rito. Subali’t hindi nila ako mahadlangan. Ako’y isang katutubong Indian at isa pa ring mataas na puno ng mga Indian. Noong 1982 kami ng aking anak na babae ay nakagawa ng 2,000 milya (3,200 km) na pagpapatotoo sa mga reserbasyon. Noong 1983, at muli sa taóng ito (ng 1984), ako’y naparoon uli, kasama ang tatlo pang miyembro ng aking pamilya.

Noong nakaraan ako’y gumawa ng pangalan sa pamamagitan ng paglilok ng mga totem pole. Ngayon ay nagsisikap akong gumawa ng pangalan sa harap ng Diyos na Jehova, isang mabuting pangalan na kaniyang aalalahanin, at magdadala ng gantimpalang buhay na walang hanggan sa isang bagong lupang paraiso na kung saan angaw-angaw na mga tao sa “lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” ay magkakaisa-isa sa pagpuri sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus magpakailanman.​—Apocalipsis 7:​9, 10; Eclesiastes 7:1.

Walang gaanong kabuluhan ang paggawa ng pangalan sa harap ng sanlibutang ito. Ang paggawa ng mabuting pangalan sa harap ng Diyos ay nagliligtas ng buhay.

[Blurb sa pahina 24]

Binigyan ninyo kami ng relihiyon, at ang mga klerigo nito ang sumunog ng aming mga totem pole, sapagka’t sinasamba raw namin ito. Ito’y hindi totoo!

[Blurb sa pahina 26]

Walang gaanong kabuluhan ang paggawa ng pangalan sa harap ng sanlibutang ito. Ang paggawa ng mabuting pangalan sa harap ng Diyos ay nagliligtas ng buhay

[Kahon sa pahina 23]

Maraming anyo ng totemismo ang umiiral sa buong daigdig, mula sa mga sagisag lamang ng tribo hanggang sa pagsamba sa mga totem na hayop.​—“Totemism,” sa The New Encyclopædia Britannica Macropædia, 1976, tomo 18, pahina 529-33.

Subali’t tungkol sa totem poles ng Northwest Coast Indians The New Encyclopædia Britannica Micropædia, 1976, ay nagsasabi: “Mali ang pagkakapit ng salitang totem, sapagka’t maging ang haligi o ang mga hayop na iniukit doon ay hindi sinasamba.”​—Tomo X, pahina 62. Tingnan din ang pahina 25 ng istoryang ito.

[Kahon sa pahina 25]

Kahulugan ng Totem Poles ng British Columbia

“Ang kahulugan ng totemismo at ng layunin nito ay lubhang nagkakaiba sa buong daigdig . . . Isang kapuna-puna sa lugar na ito [baybayin ng British Columbia] ay ang maraming inukit na mga poste, na tinatawag na totem poles . . . at kumakatawan sa pinaka-simbolo para sa isang tribo o angkan. Kasama sa mga simbolong ito ang kasaysayan ng pamilya.”​—Encyclopedia Americana, 1977, tomo 26, pahina 872.

“Ang totem pole ay mas maiintindihan kung ito’y ituturing na katumbas ng isang kutamaya sa Europa; ito’y iginagalang nguni’t hindi kailanman sinasamba, na, tulad ng isang simbolo ng angkan, may kahulugan nguni’t walang kinalaman sa relihiyon.”​—Haida Totems in Wood and Argillite, 1967, ni S. W. A. Gunn, pahina 5.

“Ang pole ay nangangahulugan ng pag-asenso sa ranggo ng isang tao, ng pagtatayo ng isang bahay, ng pagkamatay ng isang taong prominente, o sa pambihirang mga okasyon, ng pag-aalaala sa isang lubhang mahalagang pangyayari. Ang nakatayong mga posteng ito ay sumasagisag din sa ranggo at katayuan ng mga naninirahan sa naturang bayan, nagpapakilala kung aling mga bahay ang sa mga miyembro ng isang angkan o bahagi ng isang tribo.”​—Totem Poles of Prince Rupert, 1982, ni Dawn Hassett at F. W. M. Drew, pahina 6.

“Tandaan natin na ang mga simbolo sa totem poles ay mga sinaunang panghalili sa nakalimbag na salita. Ang totem pole ang karatula, ang talaangkanan, ang memoryal, ang klasipikadong anunsiyo ng rehiyon. Iyon ang kampanya sa pagpapakilala sa isang taong tanyag at, sa pamamagitan ng kaniyang talaangkanan, nagpapakilala sa kaniya at sa kaniyang pamilya, sa kaniyang angkan, at manakanaka sa kaniyang tribo, at nagsasaysay ng importanteng mga pangyayari sa nakaraang panahon ayon sa katibayan at sa alamat.”​—The Totem Pole Indians, 1964, ni Joseph H. Wherry, pahina 90.

Tungkol sa mga Indian ng Pacific Northwest, ang Encyclopædia Britannica Micropædia, 1976, tomo 10, pahina 62, ay nagsasabi: “Mali ang pagkakapit ng salitang totem, sapagka’t maging ang haligi o ang mga hayop na iniukit doon ay hindi sinasamba. Ang kahulugan ng hayop na iniukit sa totem pole ay ang kaugnayan niyaon na nagpapakilala sa angkan ng ulo ng sambahayan. Ang hayop ay ipinakikita bilang isang simbolo ng pamilya, tulad ng isang Ingles na ang simbolo ng angkan ay isang leon, o ng isang rantsero na ang simbolo’y isang toro.”

Gayunman, ang mga sinaunang misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay sumingit upang iligtas ang mga “barbaro” at nagkaroon ng ganitong maling palagay: “Maraming misyonero ang may palagay na ang mga [totem] poles ay mga inukit na imahen o idolo. Sinikap na kumbertihen ang mga Indian sa pamamagitan ng paglansag at pagsunog sa mga totem poles. Marami nito ang sinunog, at marami rin ang iginiba, pinagtataga, o inalis sa mga ibang paraan.”​—Totem Poles of Prince Rupert, pahina 12.

[Larawan sa pahina 25]

Inukit ni William Jeffrey