Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Upang Mawala ang Gutom sa Daigdig

● “Kakilakilabot, talagang walang-isip,” ang sabi ni George Ignatieff, dating embahador ng Canada sa United Nations at NATO. “Daan-daang mga bata ang namamatay bawa’t minuto. Subali’t sa halip na pakainin natin sila ay gumagasta tayo ng mahigit na isang milyong dolar bawa’t minuto sa mga armas. At ginagastusan natin ang higit at higit na kawalang-seguro, higit at higit na panganib.” Sang-ayon sa U.S. Arms Control and Disarmament Agency, tinataya na sa 1985 ang magagasta ng buong daigdig sa digmaan ay $1 trilyon ($1,000,000,000,000). Sa isang trilyon na iyan, 10 hanggang 15 porciento ang makalulunas sa kagutuman sa daigdig, ang sabi ng UN Food and Agriculture Organization.

Milagrong Ten-Cent

● Pinapurihan ang natuklasan bilang “may potensiyal na maging ang pinakadakilang pagsulong sa medisina sa siglong ito” ng The Lancet ng Britanya. Ano iyon? Ang gamot sa pagkukurso, na ikinasasawi ng limang milyong bata sa isang taon sa mga bansa ng Third World. Ang ginagawa sa paraang ito ng paggamot, at tinatawag na ORT (oral rehydration therapy), ay pinakakain ang nagkukursong bata ng pinaghalu-halong asin, asukal, baking soda at potassium na tinunaw sa tubig. Mabilis ang paggaling. Subali’t kakaunti-kaunting mga magulang ang gumagamit ng ORT, bagaman ang isang papelito ng ORT ay pagkaliit-liit ang halaga. “Aming natuklasan na kung hindi sa pagtuturo, ito ay bale-wala,” ang sabi ni Gail Smith, deputy executive director sa UNICEF Canada sa Toronto. “Ang kinauukulang mga pamahalaan ay kailangang magsagawa ng isang puspusang kampanya, upang maibenta ang idea ng ORT gaya ng kung nagbebenta tayo ng isang bagong soft drink. Kailangan ang mga nakapaskil na karatula, mga artista sa aninong gumagalaw at mga anunsiyo sa radio na tumatawag ng pansin. Pinakamagaling na marahil iyan.”

Lumalaganap na mga Disyerto

● Noong 1977 isang komperensiya ng United Nations ang bumuo ng isang programa upang mapigil ang paglaganap ng mga disyerto hanggang sa pagsapit ng taóng 2000. Subali’t makalipas ang anim na taon, ang resulta’y bahagyang progreso. “Kakaunting mga bansa ang nakapagpaunlad ng pambansang mga plano,” at maraming panukala ang nabigo “sapagka’t kulang ng pakikibahagi at pagsuporta ang pamayanan,” ang sabi ng isang report ng United Nations Environment Programme (UNEP). Ang isa pang nakapagpapalubha sa problema ay yaong bagay na “ang binibigyan ng higit na atensiyon ay ang pagpapasulong ng produksiyon. Imbis na ang pagsugpo sa lumalaganap na mga disyerto.” Samantala, ang lumalaganap na mga disyerto ay nagsasapanganib sa 35 porciento ng lupain ng mundong ito at ng mga taong naririto. Ang laki ng mga sakahan na sumásamâ nang sumásamâ taun-taon​—ngayo’y mga 21 milyong hektarya (52 milyon a.)​—ay patuloy na nadaragdagan sa taun-taon. Ang pinakaapektadong mga lugar ay kinaroroonan ng 135 milyong katao sa Aprika, sa sub-kontinente ng India at sa Timog Amerika.

Abiso Tungkol sa Isang Bagong Droga

● “Ang paghitit ng coca paste (ang unang produkto ng katas buhat sa dahon ng coca) ay uso na ngayon sa Peru at Bolivia at lumalaganap sa kontinente,” ang sabi ng report sa The Journal ng Toronto, Canada. Nangangamba ang mga eksperto na malapit ng makarating sa Norte Amerika ang lansakang importasyon nito. “Ang dapat malaman ng mga tao sa Estados Unidos at Canada ay na lalong mapanganib ang cocaine sulphate (coca paste) at lalong madaling makasugapa kaysa cocaine hydrochloride [ang dinalisay na maputing pulbos],” ang sabi ng Bolivian cocaine expert na si Dr. Nils Noya. Binanggit niya ang tungkol sa mga taong kilala niya na waring nakapaglalagay ng limitasyon sa kanilang paggamit ng cocaine hydrochloride, at nagbabala siya: “Kung tungkol sa coca paste, hindi ito maaaring gamitan ng gayong kontrol. Sa sandaling maging sugapa ka, imposible na makahinto ka​—kung sakaliman​—maliban sa mayroon kang isang bukud-tanging pagkatao.” Dalawang linggo lamang ang kailangan upang ikaw ay maging sugapa, kung minsan ay apat o limang araw lamang. Ang mga sugapang bata at matatanda​—na halos ayaw nang kumain​—ay mistulang mga bangkay. Isa pa, ang sabi ng report, “nakakatawa nga at murang-mura ang coca paste; ang isang hitit ay nagkakahalaga ng 20c.”

Talo ng mga Tao ang mga Makina

● Makalipas ang sampung taon ng karanasan sa larangan, ang mga eksperto sa paggawa ng kalye ay nagsabing ang mga manggagawa sa Third World ay nakapagtatayo sa mga kabukiran ng mga kalyeng yari sa graba nang kasinghusay ng mga buldoser, graders at compactors, sang-ayon sa ulat ng New Scientist. Isa pa, matipid at matatag ang pamamaraan na may mga manggagawa “kung saan ang upa sa kanila’y hindi lalampas sa $4 isang araw, na marahil sumasaklaw ng mahigit na 80 porciento ng nagpapaunlad na daigdig,” ang paliwanag ni Dr. Geoff Edmonds ng ILO (International Labour Office) sa isang seminar na ginanap sa London. Bagaman maraming inhenyero ang naniniwalang ang paggamit ng mga tao bilang manggagawa ay makaluma at hindi kaagapay ng teknolohia, sinabi niyang ang paggamit ng mga manggagawa ay magbibigay ng trabaho sa marami, mababawasan ang gastos sa importasyon at mapasusulong ng nagpapaunlad na mga bansa ang kanilang sariling sikap.

Pagkarumi-ruming Dagat

● Halos isang kapat na bahagi ng mga tabing-dagat ng Mediteraneo ang pagkarumi-rumi upang paliguan, ayon sa isang United Nations surbey ng 700 tabing-dagat sa 14 na bansa. At, ang mga kabibing-dagat ay hindi ligtas na kainin sa 48 sa 50 mga lugar na kinuhanan nito sa apat na bansa. Isa pang pag-aaral na ginawa ng UN ang nagbabala na ang mga babaing buntis ay hindi dapat kumain ng napakaraming isdang tuna na nahuli sa Mediteraneo. Bakit? Napakaraming sukal na humuhuho sa Dagat Mediteraneo, na galing sa imburnal o kaya’y sa mga pabrika.

Mga Palsong Asawa

● Ang uri ng mga taong nagsasama nang di-kasal ay hindi nagsisimba na singdalas ng iba, mabuway ang paniwala sa tradisyonal na bahaging dapat gampanan ng mag-asawa at hindi matatag sa paniwala na dapat maging permanente ang pagsasama ng mag-asawa. Ganiyan ang natuklasan ng mga sosyologong sina Alfred DeMaris ng Auburn University at Gerald Leslie ng Unibersidad ng Florida pagkatapos kapanayamin ang 544 na kakakasal pa lamang na mga mag-asawa. Sa Psychology Today ay sinusuma ang konklusyon ng dalawang mananaliksik na ito sa pagsasabing “ang mga nagsasama na [bago pakasal] ang marahil pinakamaliit ang posibilidad na kumumporme sa tradisyonal na mga kalakaran sa pag-aasawa at, kung gayon, pinakamalaki ang posibilidad na mabigo sa kanilang pag-aasawa.”

Kapinsalaan sa Utak

● Ang ebidensiya ng kapinsalaan ng utak sa amateur at propesyonal ng mga boksingero ay “walang duda,” ang sabi ng British Medical Asociation. Ang mga doktor na gumagamit ng X-ray scanning ay nakakamanman ng pinsala sa utak kahit na bago pa ang mga boksingero’y makitaan ng mga palatandaan ng malabong pagsasalita, pasuray-suray na mga pagkilos o pagkawala ng memorya. Sinasabi ng report ng asosasyon na ang pinsalang likha ng paulit-ulit na pagkasuntok sa ulo ay nagkakapatung-patong at hindi na maiuuli pa at nagmumungkahi na ang mga boksingero’y dapat hilingan na lumagda sa isang porma na kasunduan ng pagsang-ayon gaya niyaong ibinibigay sa mga pasyente bago sila uperahan sa utak. Bagaman ang bagong pananaliksik na ito ay malamang na pumukaw ng pagsisikap na ipagbawal ang boksing, may paniwala naman ang iba, gaya ng pagkasabi ng isang editor ng The Times ng London na “kung gusto ng mga tao na pinsalain ang kanilang utak hindi tungkulin ng estado na manghimasok.”

Napakaraming Babasahin

● Gaanong siyentipikong impormasyon ang inilalathala sa taun-taon? Ang SCI (Science Citation Index) ng Institute of Scientific Information ay nagtala ng 540,000 siyentipikong artikulo, rebista, at iba pa, para sa taong 1982. Kung bawa’t isa ay limang pahina ang haba sa katamtaman, ang taunang impormasyon ay mangangailangan ng 2.7 milyon na pahina. Datapuwa’t ang itinala lamang ng SCI ay yaong pinakaimportanteng siyentipikong materyales. Kung ang isinali nito’y isang kalimang bahagi lamang ng impormasyon na lathala sa buong daigdig, 13.5 milyong pahina ang kakailanganin​—katumbas ng halos isang libong metro (mahigit na kalahating milya) ng mga estanteng punô ng literatura. Ganito ang sabi ng pahayagang Pinlandes na Helsingin Sanomat: “Kung sisimulan mo ngayon na basahing tuluy-tuloy ang lahat ng siyentipikong impormasyon na lathala noong nakalipas na taon, at ang mababasa mo’y 20 pahina isang oras, araw at gabi, matapos ka ng pagbabasa sa taóng 2050.”

Huwag Luglugin ang mga Bata

● Ang mga magulang na nagagalit o napoproblema sa isang bata at mahilig hablutin ang bata at “luglugin upang magkaisip” ay pinapayuhan: Huwag luglugin ang bata! Ang uring ito ng disiplina ay maaaring makamatay sabi ni Dr. David B. Horner, presidente ng California Medical Association. “Napakahina ng mga kalamnan sa leeg ng mga bata at unti-unting nagkakaroon ng lakas upang kontrolin ang kanilang mabibigat na ulo,” paliwanag niya. “Kung sila’y luluglugin, ang kanilang mga ulo ay naaalog na mabilis . . . at ang mabilis na pagkilos na ito ng ulo ay maaaring maging sanhi ng pinsala sa utak at pagdurugo sa loob o sa labas ng ibabaw ng utak. . . . kahit na sa mga 4-taong-gulang.” Gaya ng iniulat sa Parade Magazine, ang Shaken Infant Syndrome, gaya ng tawag dito, ay maaaring pagmulan ng “pinsala sa utak, mental retardation, pinsala sa gulugod, pinsala sa mata, at kamatayan pa nga.”