Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patikim ng Pagtatayo sa Paraiso

Patikim ng Pagtatayo sa Paraiso

Patikim ng Pagtatayo sa Paraiso

“Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa pagtatayo ng mga kapilya sa loob ng 48 oras. Nguni’t sa dulo-ng-sanlinggong ito ay nagawa nila ang pambihira sa lahat. Ngayon, sa loob ng 48 na oras ang mga Saksi ni Jehova ay nagtayo ng dalawang kapilya na mga Kingdom Hall na may kakabit na apartment.”

GANIYAN ang pambungad ng reporter na si Annette Lopez-Munoz sa kaniyang isinulat na istorya sa South Dade News Leader ng Lunes, Pebrero 27. Tinutukoy nito ang dulo-ng-sanlinggong katatapos lamang, Pebrero 25 at 26.

Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Homestead, Florida, ay pagkabilis-bilis lumago kung kaya’t kailangan ang dagliang pagkilos para makahabol sa mabilis na pagdami. Si Jim Crosley, isang naglalakbay na tagapangasiwa sa nasasakupan ng South Florida, ay nagpahayag ng ganito sa reporter: “May karagdagan pang pangangailangan na maitayo ang mga Kingdom Hall na kapilyang ito sapagka’t ang aming mga kapatid na Cubano ay pinaalis na sa barkong Mariel na kinalulanan nila. Kami’y kailangan ding magtayo ng lima o anim pang mga kapilya sa Miami.”

Ang dalawang bulwagan na itinayo sa Homestead ay ginagamit ng apat na kongregasyon​—dalawang Kastila at dalawang Ingles.

Sinipi sa The Miami News ang sinabi ng isa pang Saksi na nagpaliwanag ng dahilan ng pagtatayo nang “madalian” sa mga Kingdom Hall: “Ang katuwiran namin ay itayo ang mga ito na pinakamabilis hangga’t maaari upang makagawa naman kami ng lalong importanteng mga bagay.”

Ang pinaka-buod ng “lalong importanteng mga bagay” ay ang mga aktibidades sa ebanghelyo, ang pangmadlang pangangaral at pagtuturo tungkol sa dumarating na Kaharian ng Diyos, paggawa ng mga alagad, pagbabautismo at pagsasanay sa kanila upang sila man ay “makapaghandog ng banal na paglilingkod sa Diyos na buháy.”​—Hebreo 9:14; Mateo 24:14; 28:19, 20.

Kaya’t kailangan ang mga dakong mapagtuturuan​—mga sentro ng pagtuturo sa Bibliya, mga Kingdom Hall. Ang mga hall, ang patuloy pa ng The Miami News, ay praktikal. “Ang mga ito ay hindi maadorno sapagka’t inaakala namin na ito’y mga paaralan o sentro ng pagtuturo. Ito’y mga dako ng pagsamba, nguni’t ang mga serbisyo sa pagsamba ay kakukuhanan ng turo.” Ang bawa’t bulwagan ay 4,000 piye kuwadrado (370 m ku.), may auditorium na 250 katao ang nakauupo, dalawang silid-aralan, isang kuwartong pahingahan, isang silid para sa mga magasin at dalawang kasilyas.

Dalawang Bulwagan sa Loob ng 48 Oras?

Isang Saksing taga-Homestead, si Beatrice Rogers, ang nagkaloob ng isang limang-acre (2-ha) na loteng taniman ng avocado at nasa isang lugar na halos nakagitna sa apat na kongregasyon. Ipinasiya, pagkaraan ng isang taong masusing pag-aaral at pagpaplano, na itayo na magkatabi ang dalawang bulwagan.

Sa nakalipas na dalawang taon ang mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at Canada ay nagtatayo ng sa katamtaman ay isang Kingdom Hall linggu-linggo sa pamamagitan ng “madaliang” paraan ng pagtatayo. Subali’t komusta naman ang dalawa sa isang lote? Ipinakita ba ng nakaraang karanasan na magagawa ito? Sapat ba ang dami ng mga boluntaryong tumulong? Isang hamon ang mamanihala ka sa 200 hanggang 400 mga manggagawa sa kahit isa lamang bulwagan, nguni’t ano kaya kung iyon ay 400 hanggang 600? Sa dami ng gayong mga tao at sa dami ng mga materyales na gagamitin sa pagtatayo, hindi kaya ang buong proyektong iyon ay mauwi lamang sa pulos kaguluhan?

Pinag-isipang mabuti ang paalaala ni Jesus na: “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos? Baka kung mailagay na niya ang patibayan nguni’t hindi maipatapos, lahat ng makakita ay magpasimulang libakin siya, at sabihin, ‘Ang taong ito’y nagpasimulang nagtayo nguni’t hindi naipatapos.’ ”​—Lucas 14:28-30.

Subali’t pagkaraan ng kung ilang mga buwan ng lakip-panalanging pag-uusap-usap at pagkuwenta ng gastos at pag-aaral ng mga disenyo at mga paraan, ang mga Saksi ni Jehova sa Homestead ay nakapagpasiya: “Sa tulong ni Jehova ay magagawa natin iyan!”

Biyernes ng gabi, Pebrero 24, si Nelson Crites, isang coordinator ng mga proyekto ng Kingdom Hall sa South Florida, ay nagbigay ng ganitong kasiguruhan sa isang pulong ng mahigit na 700 masisiglang boluntaryo sa South Dade High School auditorium: “Ito’y isang makasaysayang pangyayari. Ito’y magtatagumpay sa tulong ng lakas ni Jehova.”

Ang mga boluntaryo ay idinistino sa 11 mga pangunahing departamento na organisado sa ilalim ng may karanasang mga kontratista at dalubhasang mga manggagawa, at marami sa kanila ang nakaranas na na makibahagi sa dalawang-araw na pagtatayo ng gayong mga bulwagan. Ngayon ang mga manggagawa ay kailangang madalawahang pangkat, isa sa bawa’t bulwagan​—mga karpintero, tubero, elektrisista, at iba pa. Isa pa, lahat ng pakikipagtalastasan ay kailangang isalin sa kapuwa Kastila at Ingles. Maliban sa kinontratang dalawang grua para sa paglalagay ng mga balangkas ng bubong noong Sabado ng umaga, halos lahat ng trabaho at paglilingkod ay mga boluntaryo ang nagsigawa.

Umuulan Nang Pasimulan

Alas-seis ng umaga ng Sabado nang magsilbi ng almusal. Naroon, sa harap ng boluntaryong mga lalaki, babae at mga bata ang isang kapat na milyong dolar ang halaga na mga materyales sa pagtatayo. Lahat ng gamit ay ipinuwesto sa kani-kaniyang lugar kung saan madaling makukuha iyon kung kinakailangan. doon sa dalawang kongkretong pundasyon na kinalagyan. Ang mga ito ay suportado ng mga suhay na bakal ayon sa kahilingan ng Dade County sa mabagyong lugar ng Florida, at ang sukat ay 4,000 piye kuwadrado. Sa ganap na alas-siete ay magsisimula ang trabaho upang ang mga materyales na ito ay mabuo sa dalawang Kingdom Hall.

At sa eksaktong alas-siete ay nagsimula nga ang trabaho. Umuulan nang pasimulan ito. Patu-patuloy ang ulan sapol pa nang maghahating-gabi. Subali’t hindi nakapigil iyon sa mga manggagawa. Nagtayo ng mga tolda at habong na plastik para sa mga elektrisista at iba pang mga manggagawa. Ang mga kontratista at iba pa ay sa kanilang mga trak at sasakyan nagtatrabaho. Libu-libong mga nakakahong pagkain na inihanda sa tahanan ang isinilid sa mga plastik at inilagay sa mahahabang mesa sa lilim ng mga punong avocado. Sa kanilang kusina sa labas, na may bubong na plastik, ang mga tagaluto at kusinerong distino roon ay abalang-abala sa kanilang pagluluto. Ang ulan ay bale-wala sa kanila.

Mientras lumalakas ang ulan, lalo namang mabilis na nailalagay ang mga balangkas at nabubuo ang bubong. Isa at kalahating oras lamang ang ginugol sa paglalagay ng gayong mga balangkas sa dalawang bulwagan. Isinabay na rin ang pagdidingding. Makaraan ang dalawang oras ang mga balangkas na iyon ay areglado na. Alas-nuebe ay tapos na ang trabaho ng tagapagpaandar ng grua. Sa buong paligid ay masisipag na mga kamay ang gumagalaw sa pagtutulung-tulong, at bago natapos ang isa pang oras, ang dalawang bulwagan ay halos nadingdingan. Unti-unting nagkakaanyo ang itinatayong mga gusali na napaliligiran ng mga punong palma na itinanim doon sa tulong ng mga makina isa o dalawang araw pa bago noon.

Mientras nagdidilim ang langit, lalo namang bumibilis ang pagtatrabaho. At sa halip na mag-alisan ang mga tao, walang lubay ang pagdadatingan. Doon sa kalye, patuloy naman ang babaing pulis ng pagsasabi na ang pinakamalaking gawain na kailangan niyang gawin ay ang huwag humalang sa daan. Mga boluntaryong tagapag-ayos ng trapik ang namanihala sa trapik sa mga blokeng sakop ng 288th Street, sa mga kanto at sa harap ng dakong pinagtatayuan ng proyektong iyon. Isang kapitbahay ang nagmagandang-loob ng pagbubukas ng kaniyang 15-acre (6-ha) na bukid sa kabila ng kalye para mapagparadahan ng mga sasakyan, libre.

Nakatulong ang ulan para sa trabaho ng landscaper. Ang mga halaman ay nadiligan nang husto. Tubig-ulan ang ginamit ng mga kantero sa paghahanda ng kanilang gagamiting semento.

Samantala ang mga dingding ay patuloy na nangabubuo. Singbilis ng pagkalagay ng mga pandingding ang pagkalagay ng pambalot na pieltro. Sa bughaw na kalangitan ay naaaninaw ang anino ng daan-daang mga manggagawa. Sa ibaba ay nanggagaling paitaas ang ikinakabit na mga tubo tungo sa atik. Ipinapako na sa labas ang yari nang mga panel. Mga tisa na pambubong ang hinahakot at dinadala sa bubong para ikabit doon. Kung titingnan sa camera, animo’y pagkalawak-lawak na lugar iyon na punung-puno ng mga tisa at mga manggagawa.

Ano ang nangyari sa ulan? Tumila nang hindi napapansin. Nang umulan uli, tapos na ang dalawang bubong.

Patuloy ang Pagdagsa ng mga Boluntaryo

Isang apartment, na may apat na pinto, ang itinayo upang magkatnig sa dalawang Kingdom Hall. Kung titingnan buhat sa itaas ang pinagkatnig-katnig na mga gusaling ito ay korteng isang pagkalaki-laking H.

Isang Volunteer Service Department sa isang toldang plastik ang laging bukás, umulan at umaraw. Mas marami ang mga manggagawa kaysa trabaho. Ang mga boluntaryo ay galing pa sa Texas, Ohio, Idaho, Inglatera, Canada at Jamaica, huwag nang sabihin pa ang karatig na mga estado at lahat ng panig ng Florida. Ang mga aplikasyon ay umabot hanggang sa bilang na 810.

Sang-ayon kay Dawn Brinklow, na namamanihala sa pagpapaganda ng paligid, ang kaniya raw mga boluntaryo ay hindi alam ang mga pangalan ng mga halaman​—ang kaibahan ng Philodendron selloum sa Malpighia. “Kaya’t gumamit kami ng mga kulay bilang mga simbolo. Kami’y nagpapadala ng mga grupo ng mga manggagawa ayon sa kulay​—‘Magdala kayo ng pula, o ng asul, o ng berde.’ Bukod pa riyan, lahat ng salita ay kailangang isalin sa magkapuwa wika. Walang grupo ng mga manggagawa na hindi may halong itim, puti at mga Kastila.”

Pagkakaisa, Pag-ibig at Espiritu ni Jehova

Isang ginoo na kinasanglaan ng ari-ariang iyon ang hinilingan na pumaroon doon nang Sabado at siya’y babayaran. Siya’y napatigagal nang makita niya ang dalawang gusaling 4,000-piye-kuwadrado na isang araw lamang bago noon ay mga balangkas lamang na kongkreto, kaya’t siya’y dali-daling umuwi upang kaunin ang kaniyang maybahay.

Ang News Service Department ang tumanggap at nagsilbing escort sa mga reporter, potograpo, TV cameramen at sa walang lagot ang pagdating ng mga bisita. May mga kontratistang umaasang madidiskubre nila ang lihim ng kung paano sila makapagtatayo na gaya ng mga Saksi ni Jehova. Mayroong isang guro ng relihiyong Baptists na umaasang mahihila niya ang kaniyang mga miyembro na gaya ng mga Saksi ni Jehova​—“Hindi ko maipaayos ang kahit isang butas na tumutulo sa aming simbahan nang hindi ako nagbabayad sa mag-aayos.”

Si Archie Francis ng Hialeah ay nagtrabaho nang buong Sabado sa Cleaning Department. Nang gabing iyon ay dumating sa kanila ang kaniyang tiyahin galing sa bansa ng Belize sa Central America. Binanggit ng lalaking ito na siya’y tumulong ng pagtatayo ng dalawang Kingdom Hall nang dulo-ng-sanlinggong iyon.

“Hindi ako naniniwala,” sabi ng tiyahin.

“Puede pong ipakita ko sa inyo ang mga ilang video tapes.”

“Hindi.” Pagka nakita lamang niya saka niya paniniwalaan iyon.

Sa pagpupumilit ng tiyahing ito sila’y nagbiyahe kahit hatinggabi ng 22 milya (35 km) sa itinatayong mga gusali, ang mga manggagawang nagdidingding, na magdamagang nagtrabaho, ay pinasisigla ng isang grupo ng mga sister na nag-aawitan sa Kastila ng mga awiting pang-Kaharian. Sa kanila’y sumali ang tiyahin ni Archie. “Baka ako’y maging isa ring Saksi ni Jehova,” ang sabi niya. “May mga suki akong Saksi sa aking negosyo. Sila’y hindi mga magdaraya. “At sa tuwina’y binabasa ko ang kanilang mga magasin.”

Isa pang kamag-anak ang gayon na lamang ang kabiglaanan, kaya ang tanong: “Paano ba ninyo ginagawa iyan?”

“Sa pamamagitan ng pagkakaisa. Pag-ibig. Espiritu ni Jehova,” ang sagot ni Archie.

Ang kinadidistinuhang dako sa South Dade ng pulis na si Warren Brundage ay isang “pusaliang dako” ng patayan, mga droga at alitan ng sarisaring lahi. Iba ngayon ang nakita niya roon. “Sa palagay ko’y hindi ito kapani-paniwala!” ang sabi niya sa isang reporter. “Ang maraming taong ito na gumagawang sama-sama at walang awayan, walang alitan . . . Sila’y mga itim, puti, mga Kastila . . . sila’y may iba’t-ibang hanapbuhay nguni’t silang lahat ay gumagawang sama-sama alang-alang sa iisang kapakanan. Kahapon ay may isang bangkero na tumutulong ng pagbububong.” Siya’y naroon pa rin kahit na pagkatapos ng kaniyang rilyebo noong alas-singko​—hindi ang sinusunod niya’y oras ng bangko!

Maaga noong Linggo ng hapon, sa pakiusap ng isang potograpo, sa Ingles at Kastila ay ipinatalastas sa mga manggagawa at mga bisita na sila’y huminto sandali upang magsama-sama at makunan ng ritrato sa ayos na ang mga kamay ay nagbabadya ng tagumpay. Apat na libo katao ang nagsitugon. Ang daming iyan ay salig sa bagay na mga ilang saglit lamang bago noon, ang Departamento ng Pagpapakain ay nagpakain ng 4,000.

Isang Anino ng Paraiso, Dito sa Lupa

Ang isang nakapagbigay sa tanawing iyon ng larawan ng isang makalupang paraiso ay ang pagkaayos ng halamanan. May nayaring dalawang tropikal na halamanan, isa sa harap, isa sa likod, na natatamnan ng mga punong palma, ng mga bulaklakin at may mga nakapalamuting batuhan. Kung ilang mga trak ang naghatid ng mga puno at mga pananim. Isang Saksi ang nagregalo ng mga punong palma. Ang tagapagpaganda ng looban na humayo upang pumili ng mga punong itatanim ay nakakita ng isang kumpol ng tatlong Phoenix reclinata, mga pambihirang uri ng palma. Hindi man lamang alam ng may-ari na ito’y tumutubo pala roon. Anong laking pag-iingat ang ginawa ng opereytor ng bulldozer nang kaniyang ilipat iyon, pagkatapos na mapag-alaman niya na ang mga puno ay nagkakahalaga ng libu-libong dolar (U.S.) isang piraso!

Pagkaraan ng dalawang araw na pagtataniman, ang nalalaganapan ng mga halamanan ay humigit-kumulang isang acre at kalahati (.6 ha). Anim katao na arkilado ang gugugol ng mga tatlong linggo upang gawin ang trabahong iyon nang may bayad, sa halagang $25,000 hanggang $30,000 (U.S.). Lahat na iyon ay donasyon.

Isang Natatanging Panahon, Natatanging Pagtutulung-tulong

Ang reporter na si Lopez-Munoz ay bumalik nang Linggo kasama ang kaniyang ina, na walang alam na wika kundi Portuges. Nahalata ng peryodistang iyon na mayroong isang bagay doon na mahirap ilarawan. “Ano ba ang nagpapakilos at gumaganyak na ito sa inyo?”

“Ito’y nanggagaling sa Bibliya,” ang sabi sa kaniya.

“Nabasa ko sa Bibliya na may mga taong nagtatayo ng isang matayog na tore nang guluhin ng Diyos ang kanilang mga wika at hindi na nila natapos.”

“Iyan ay sapagka’t ang ginagawa nila noon ay labag sa kaniyang kalooban.”

“Pero ngayon ay kaniyang tinutulungan kayo na makapanaig sa mga balakid na dahil sa pagkakaiba-iba ng wika?”

“Sapagka’t ginagawa namin ang kaniyang kalooban.”

Sinabi sa kaniya na isinasaisip ng mga Saksi ni Jehova na “ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa.” (Hebreo 4:12) Tumugon ka rito at tanggapin mo ang kaniyang espiritu upang pakilusin ka.

“Ang isang bahagi ng inyong nakikita ay ang kaligayahang nakakamit namin sa mga pantanging pagtitipon gaya baga sa pagtatayo ng Kingdom Hall,” ang paliwanag ng isang boluntaryo sa News Service. “Ang kasiglahan ng mga Saksi ni Jehova ay nanggagaling ang kalakhang bahagi sa aming pagiging isang samahang ebangheliko. Kami’y nagkakaisa sa pangangaral at pagtuturo tungkol sa dumarating na Kaharian ng Diyos. Kaya naman kailangan namin ang mga Kingdom Hall bilang mga sentro ng pagsamba at ng pag-aaral sa Bibliya. Sa natatanging panahon na katulad nito kami’y nakapagsasama-sama sa malawakang paraan. Maaari naming gamitin dito ang aming natatanging mga kaalaman at kakayahan sa paggawa. O dili kaya’y kahit ipakita lamang namin na handa kaming gawin ang ano mang kaya namin upang matulungan ang iba. Bawa’t isa’y ginagawa ang pinakamagaling na magagawa niya. At pinahahalagahan naman iyon. Subali’t dito man, mga simulain ng Bibliya ang sinusunod namin. Halimbawa, isinasaisip namin ang Galacia 5:26: ‘Huwag tayong maging labis na palaisip sa sarili, na nagpapaligsahan sa isa’t-isa, nagkakainggitan sa isa’t-isa.’ Gayundin, ang Kawikaan 11:14: ‘Kung saan walang mahusay na pamamatnubay, ang bayan ay bumabagsak.’”

Isang Anino ng Paraiso, sa Espirituwal

Ang kanilang pananampalataya ang nagpapangyari na gawin ng mga Saksi ni Jehova ang mga bagay na hindi magawa ng iba. Sila’y nagsisimula sa pamamagitan ng pagwawaksi sa espiritu ng sanlibutan. Kasali na rito, gaya ng dagliang nakilala ng pulis na si Brundage, ang pagwawaksi ng espiritu ng sanlibutan na pagtatangi-tangi ng lahi, pagkakapootan, inggitan, pag-uuri-uri ayon sa katayuan sa lipunan, mga droga, labis na pagkahilig sa sekso at iba pa. Siya noon ay nasa isang naiibang daigdig, na kung saan ang lahat ng malisyosong kapaitan, galit, poot, pambubulyaw at masamang bibig ay iniwaksi na kasama ang lahat ng kasamaan, at ang mga tao’y aktuwal na nagsisikap na “maging mabait sa isa’t-isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t-isa gaya ng saganang pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.​—Efeso 4:31, 32.

Ang espiritu ng sanlibutan, na makikita sa “mga gawa ng laman,” ay kaaway ng Diyos. Pagka iniwaksi ang espiritung iyan ay nabibigyang daan ang mga bunga ng espiritu ng Diyos, na “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”​—Galacia 5:19-23; Roma 8:5-8.

Isang bisita, na miyembro ng Iglesyang Mormon, ang may nakitang mga batang Saksi​—itim, kayumanggi at puti​—na sama-samang nangaglalaro. Aniya: “Kami’y umampon ng isang batang itim. Ayaw payagan ng aming simbahan na ang kanilang mga anak ay makipaglaro sa aming anak.”

Sa pamamagitan ng pagtugon sa turo ng Bibliya ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa-isa sa lalong maraming mga bansa na kasapi sa United Nations.

Binanggit na ang dalawang-araw na pagtatayo ng Kingdom Hall ay isang “patikim ng pagtatayo sa paraiso.” Nahahayag dito ang matibay na paniniwala ng mga lingkod ni Jehova na hindi na magtatagal at ang Maylikha ng lupa ay kikilos upang lipulin ang lahat ng mga nagpapahamak sa lupa at ang lipunan ng mga tao na naririto, upang mapasimulan na ang pagtatayo sa Paraiso sa buong globo.​—Apocalipsis 11:17, 18; 21:3, 4; Isaias 65:17-25.

[Larawan sa pahina 18]

Pinagsabay ang pagdidingding at pagbububong. Alas-nuebe naiakyat na ng makina ang huling piyesang pambubong

[Larawan sa pahina 21]

Sa tulong ng makina ay ipinapasok ng opereytor ang tatlong punong palma​—bahagi ng “madaliang” pagpapaganda ng looban