Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Teleskopyo at Mikroskopyo—Paano Ka Naapektuhan ng Isinisiwalat Nito?

Teleskopyo at Mikroskopyo—Paano Ka Naapektuhan ng Isinisiwalat Nito?

Teleskopyo at Mikroskopyo​—Paano Ka Naapektuhan ng Isinisiwalat Nito?

TELESKOPYO at mikroskopyo. Isiniwalat nito ang nakakubling mga kababalaghan: mga galaksi na sumasaklaw ng pagkalalawak na mga distansiya, mga mikroorganismo na ubud-liliit na ang singdami ng isang-kapat na milyon ay magkakahusto sa tuldok na nasa dulo ng pangungusap na ito. At dahil dito, ang mga gamit na ito ay nakaapekto nang malaki sa paniniwala ng tao. Noong sinaunang panahon ang kalangitan ay pinagmamasdan ng tao na taglay ang makadiyos na pagpapakundangan. Ang mga bituin at mga planeta ay kinikilala na mga diyos na nakakaimpluwensiya nang malaki sa buhay ng mga tao. Gayunman, ang tao ay nananalig na siya at ang kaniyang planeta, ang Lupa, ang pinaka-sentro ng sansinukob.

Ang ganitong paniniwala na ang lupa ang pinaka-sentro ng sansinukob, sang-ayon sa propesor ng astronomiya na si Edward R. Harrison, ay “isang matatag na pundasyon para sa [paganong] relihiyon,” at waring ito’y “nagbigay ng kabuluhan at layunin sa buhay ng tao sa Lupa.” Sinira ng teleskopyo ang ganitong pagkakilala sa sansinukob. Sa pamamagitan ng mikroskopyo ay hindi na naging isang hiwaga ang mga bagay na gaya baga ng paglilihi at ng panganganak (na dati’y di-malirip na mga himala​—nguni’t mga himala pa rin) at ng sakit (na dati’y inaakalang salot na pahatid ng mga diyos).

Marami ang sa gayo’y nag-aakala na ang mga tanong na dating sinasagot ng relihiyon ay pinakamagaling na masasagot ngayon ng nakaputi-jaket na mga mananaliksik. Nguni’t ang tao ba’y talagang napakahusay na ngayon na magmasid, sumukat at magsuri na anupa’t hindi na niya kailangan ang Diyos upang siyang magbigay ng kahulugan sa kaniyang nakikita? Inalis na ba ng teleskopyo at ng mikroskopyo ang saligan ng paniniwala sa pinakamahalagang aklat tungkol sa Diyos, ang Bibliya?

[Kahon/Larawan sa pahina 3]

Nanggilalas si Galileo. Nang gabing iyon noong 1609 ang kaniyang teleskopyo ay itinuon niya sa tinatawag ng mga sinaunang tao na isang “bilog ng gatas.” Sa tulong ng kaniyang teleskopyo (kaliwa) nakita ni Galileo ang dati’y hindi nakikita ng mata ng tao: Ang Milky Way na “isang bunton ng pagkarami-raming bituin.”

Makalipas ang mahigit na 70 taon isang negosyanteng Olandes na nagngangalang Antoni van Leeuwenhoek ang sumilip din sa isang gawang-bahay na kagamitan na yari sa kristal at metal (nasa ibaba). Subali’t siya ay walang sadyang pinag-aralang kaalaman sa siyensiya; isang libangan lamang noon ang paghahanda ng mga lente para gamitin sa kung anuman. Sa tulong ng mga lenteng ito’y gumawa siya ng magaspang na instrumento na magsisilbing daan upang ang tao’y makapasok sa isang naiibang uri ng sansinukob: ang daigdig ng ubud-liliit, na kung saan ang isang patak ng tubig o kahit na isang kudlit ng lupa ay punung-puno ng mga bagay na may buhay.