Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Teleskopyo at Mikroskopyo—Pagsulong Noong Nakaraan Hanggang Ngayon

Teleskopyo at Mikroskopyo—Pagsulong Noong Nakaraan Hanggang Ngayon

Teleskopyo at Mikroskopyo​—Pagsulong Noong Nakaraan Hanggang Ngayon

ANG kasalukuyang mga teleskopyo ay halos mga dambuhala kung ihahambing sa mga modelo ni Galileo na may 1 3/4-pulgada-diametro (4.4 cm). Ang kaniyang magagaspang na mga instrumento ay mga teleskopyong refractor. Sa isang malaking lenteng convex sa isang dulo nasisilip ang larawan at isang maliit na lenteng concave sa kabilang dulo, na pagtatagal ay binabago upang maging convex din, ang nagpapalaki sa larawan. Sa kaniyang instrumento ay 33 beses ang inilalaki ng mga bagay na sinisilip doon, kaya’t nasisilip niya roon kahit ang pagkalalayong mga kababalaghan na gaya ng apat na buwan ng Jupiter at ng korteng-buwan na mga pagbabago ng Venus.

Sa ngayon ang mga teleskopyong nagpapalos ay gumagamit ng pagkalalaki at korteng-mangkok na mga salamin (hanggang 236 pulgada [600 cm] ang lapad!) upang tumipon ng liwanag buhat sa pagkalalayong mga paglalang sa kalangitan. Kaya’t ang mga ito ay nakakamanman ng mga bagay na sampung milyong beses ang kahinaan kaysa roon sa nakikita ng ating mata. Aba, mayroon daw isang teleskopyo sa Australia na nakakamanman ng isang ningas ng kandila na isang libong milya (1,600 km) ang layo!

Kapuna-puna, ang mga astronomo ngayon ay may problema rin na kagaya niyaong napaharap kay Galileo. Kaniyang napansin na pagka pinalaki sa teleskopyo ang sinisilip na mga bituin sila’y dumarami nguni’t pareho rin ang laki. Naisip ni Galileo na tiyak na pagkalayu-layo ang mga bituin upang manatiling mga kudlit lamang ng liwanag pagka sinilip. Bagaman alam marahil ng mga astronomo kung gaanong kalalayo ang mga bagay na ito, kahit na mayroon sila nitong modernong mga lente at mga salamin, kanilang nasisilip ang mga bituin na para lamang mga kudlit ng liwanag. Gaya ng sabi ng The Observer’s Book of Astronomy: “Pagkalayu-layo ng mga bituin na kung sa ano mang teleskopyo sa kasalukuyan mo sisilipin ay makikita sila na mga kudlit lamang ng liwanag.”

Gayunman, hindi nakahahadlang ito sa mga siyentipiko sa pagsisikap na masilip nila nang lalong malapitan ang mga bituin. Halimbawa, sa 1986, ang National Aeronautics and Space Administration (E.U.A.) ay nagbabalak na maglunsad ng isang malaking teleskopyo na magkakaroon ng iniikutang landas sa ibabaw ng atmospera ng lupa. Naniniwala ang mga siyentipiko na makakamanman ito ng mga bagay na maka-50 beses ang hina sa pagmamanman na nagagawa ng mga teleskopyo na nakaistasyon dito sa lupa.

Mayroong mga iba pang paraan upang makita ang sansinukob. Mga ilang panahon na ngayon na natuklasan na mayroong mga bituin na nagbubuga ng mga radio waves. Sa mga sandaling makarating sa mundo ang mga signales na ito ay maaaring humina ito na kasinghina ng ika-isang trilyon ng isang watt. Sa gayon, gumawa ng malalaking radio teleskopyo upang tipunin at palakihin ang mga signales na ito. Kaya’t nakita ng mga astronomo ang quasar, pulsar at iba pa.

Sa gayon, ang mga astronomo ay hindi na gumugugol ng maraming oras sa nagkakanduduling na pagsilip sa silipan ng isang teleskopyo, gaya ni Galileo. Ipinaliliwanag ng Encyclopædia Britannica: “Halos lahat ng pagsasaliksik ng mga astronomo ay ginagawa sa pamamagitan ng potograpya o potoelektrika, imbis na sa pamamagitan ng tuwirang pagsilip . . . Ang mga bagay ay maaaring kunan ng larawan bagaman mas malalabo ito kaysa nakikita kung sisilipin. Ang isang klitse na inihanda sa pamamagitan ng nasabing paraan ay kinalalamnan ng napakaraming impormasyon . . . 1,000,000 mga larawan ng bituin at 100,000 mga larawan ng galaksi.”

Ang mga siyentipiko ay makagagawa ng kagilagilalas na mga bagay sa pamamagitan ng gayong mga larawan. Minsan ay binanggit ng magasing Sky and Telescope na ang isang pamamaraang tinatawag na speckle interferometry ay nakapagsisiwalat ng mga disk ng mga ibang superhigante, bagaman ang ibang mga bituin​—kahit na yaong pinakamalalapit​—ay nananatiling mga kudlit lamang ng liwanag.

Ang pinakamalapit na bituin sa ating araw, na nakikita ng mata ng tao, ay tatlo pala kung sisilipin sa teleskopyo. Ang isa ay Proxima Centauri. Ang dalawa naman ay isang pares ng mga bituin na umiikot sa isa’t-isa tuwing 80 taon at tinatawag na Alpha Centauri. Maliban sa araw, ang tatlong ito ang pinakamalalapit na mga bituin, gayunman sila ay 4.3 light-years (mahigit na 25 trilyong milya; 40 trilyong kilometro) ang layo sa lupa! Ang sabi ng aklat na Astronomy: “Kung ang laki ng araw ay irerepresenta ng isa sa mga tuldok sa pahinang ito, ang pinakamalapit na bituin sa araw, ang dalawang bituin na Alpha Centauri, ay mairerepresenta naman ng dalawang tuldok na 16 na kilometro [9.6 mi] ang layo.”

Tumatawid sa polo sur sa kalangitan ang animo’y dalawang pinagtapal na ulap. Noong ika-15 siglo, ang tawag dito ng mga nabiganteng Portuges ay Clouds of the Cape (ulap ng lungos). Nang malaunan ay pinanganlan ito ayon sa tanyag na manggagalugad na si Ferdinand Magellan. Isinisiwalat ng mga teleskopyo na kapuwa ito pagkalalawak na mga galaksi. Sa Large Magellanic Cloud lamang ay mayroong limang libong milyong mga bituin ayon sa taya.

Sa gayo’y bumalik ang tao sa pinanggalingan nang katayuan. Bagaman pinawi ng teleskopyo ang mga pamahiin tungkol sa sansinukob, siya ngayon ay nakatingala pa rin at nagmamasid sa itaas na taglay ang panibagong pangingilabot!

Pagmamasid sa Nakakubling Daigdig

Ang daigdig na mga ubud-liliit naman ay kabigha-bighani rin. Si Leeuwenhoek ay may hindi mapawing gutom sa kaalaman kung kaya nahirati na siyang mag-aral ng tungkol sa anuman na magkakahusto sa ilalim ng kaniyang lente. Minsan ay kumuha siya ng kaunting laway sa kaniyang bibig at sinuri iyon sa ilalim ng kaniyang mikroskopyo. Gulat na gulat siya nang makakita siya ng “maraming pagkaliliit na nabubuhay na mga animalcules [maliliit na hayop], na gumagalaw nang pagkagaganda.” Nang magkagayo’y isang deskripsiyon at drowing ng mga bakteryang ito sa bibig ang ipinadala niya sa Royal Society of London noong 1683. “Ano kaya kung sasabihin ng isa,” ang bulalas ni Leeuwenhoek nang malaunan, “na mas maraming hayop na nabubuhay sa iskoma ng ngipin sa bibig ng isang tao, kaysa dami ng mga tao sa isang buong kaharian?” Tinataya sa ngayon na ang dami ng mga mikroorganismong nasa bibig ng tao ay umaabot sa bilyun-bilyon.

Oo, ang mga siyentipikong sumisilip sa nakakubling daigdig na iyan ay nakatuklas ng mga bagay na pagtatakhan kahit na ni Leeuwenhoek. Halimbawa, nakikita nila ngayon na ang isang patak lamang ng dugo ay may mga 35 milyong mga selulang pula. Ang bawa’t selula naman ay maaaring may mahigit na 280 milyong molecula ng hemoglobin. “Isip-isipin ang trabahong pagsasaayos ng 10,000 mga atomo ng isa lamang molecula ng hemoglobin,” ang bulalas ni Dr. Coppedge sa kaniyang aklat na Evolution: Possible or Impossible?

Mikroorganismo​—Mabuti o Masama?

Marami sa atin ang natural na kinikilig pagka ating naisip ang mga mikrobyo. At totoo naman na mayroong mga mikroorganismo na sanhi ng sakit at kamatayan. Gayunman, waring ito’y kataliwasan imbis na alituntunin.

Halimbawa, nasasarapan ka ba sa isang basong gatas? Bueno, trilyun-trilyong mikroorganismo sa tiyan ng baka ang kailangan upang matunaw ang kaniyang kinain at makagawa siya ng gatas. Mga mikrobyong hindi nakapipinsala ang naririto rin sa bituka ng tao. Ganito ang sabi ng aklat na Elements of Microbiology: “Maraming bakterya sa bituka ang makagagawang pagsama-samahin ang mga pangunahing mga bitamina B at bitamina E at K. Ang resulta nitong mga bitamina ay mahalagang bahagi ng mga bitaminang kinakailangan ng katawan ng tao.”

Ang pagkaliliit na mga mikroorganismo ay malaki ang nagagawa sa ikalilinis. “Kung ang mga mikrobyo ay hindi tumutulong sa pagliligpit sa mga patay at mga sukal,” ang isinulat ng manunulat sa siyensiya na si Ludovici, “mapapatambak ito hanggang sa punuin ang lahat ng espasyo at tayo’y magkamatay dahilan doon. Hindi isang pagmamalabis na sabihing ang buhay natin ay depende sa mga mikrobyo, sa isang di-nakikitang daigdig na nakikita na ngayon sa tulong ng mikroskopyo.”

Ngayong mayroon nang hustong gamit, ang mga biologo ay naaari nang makapagmasid nang lalong malapitan sa mismong mga mikroorganismo. Ito man ay napakamasalimuot at kagilagilalas. May mga mikroorganismo na may tulad-panlatigong buntot na tinatawag na flagellum. Kawili-wiling sumilip ka sa isang mikroskopyo at panoorin sila nang kapaparoo’t parito sa isang patak na tubig! May isang uri ng bakterium (tinatawag na Spirillum serpens) na mayroon pang mga buntot na umiikot na parang mga elisi. (Ito’y umiikot sa bilis na 2,400 rpm!) At kung ang minisubmarinong ito ay kailangang mag-iba ng direksiyon, kailangan lamang na magsuwits ito sa kabilang direksiyon!

Mikroskopyo​—Ang Kalagayan ng Sining

Ang gawang-bahay na mga aparato ni Leeuwenhoek, na kagilagilalas na, ay maka-250 beses na nakapagpapalaki sa mga bagay na sinisilip doon. Subali’t, ang optikal na mga mikroskopyo sa ngayon ay makalibong beses na nakapagpapalaki ng mga bagay na sinisilip doon. “Ang karaniwang langaw na pinalaki ng gayon ay magtitinging mahigit na 30 piye [9 m] ang haba,” ang paliwanag ng aklat na Elements of Microbiology.

Noong 1931 ay naimbento ang electron microscopes. Sa pamamagitan ng pagpupuntirya ng mga electron sa isang bagay, maaaring makunan iyon ng larawan na kung saan ang mga bagay ay napalalaki nang mga isang milyong beses. Mayroon itong isang kahinaan: Ito’y hindi magagamit sa pag-aaral ng buháy na mga espesimen. Subali’t, may isang bagong aparato na doo’y pinagsasama ang optical microscope at ang mga television camera at computer memory, at sa pamamagitan nito ay aktuwal na nasasaksihan ng mga siyentipiko ang mga aktibidades ng buháy na mga selula! Nag-ulat ang The New York Times: “Mga túbo, o microfilaments, na isang ika-milyong parte lamang ng isang pulgada ang diametro, ang makikitang naghahatid ng gayong mga partikulo ng pagkain at sukal sa magkasalungat na direksiyon nang magkakasabay.”

Sa gayo’y mahalagang mga gamit ang mga teleskopyo at mikroskopyo. Sa pamamagitan nito’y nagkaroon ang tao ng kamanghamanghang pagkaunawa sa daigdig​—at sa sansinukob​—na kinabubuhayan niya. Nguni’t ang ganito bang pagkaunawa sa daigdig​—at sa sansinukob​—na kinabubuhayan niya. Nguni’t ang ganito bang pagkaunawa ay nagpapalaki​—o sa mga ibang paraan ay nagbabawas​—sa pangangailangan ng pananampalataya?

[Blurb sa pahina 4]

Tinataya na mayroong 200 mga tumpuk-tumpok sa ating Milky Way galaksi, bawa’t isa’y may libu-libo hanggang daan-daang libong mga bituin

[Larawan sa pahina 5]

Isinisiwalat ng mga teleskopyo ang isang sansinukob na punô ng bilyun-bilyong galaksi, bawa’t isa’y may bilyun-bilyong mga bituin

[Larawan sa pahina 6]

Sa isang patak na dugo ay milyun-milyon ang pulang selula, bawa’t selula’y may milyun-milyon na mga molecula ng hemoglobin, bawa’t molecula ay may 10,000 atomo

Ang isang kutsarita ng lupa ay may bilyun-bilyong mga mikroorganismo

[Larawan sa pahina 7]

Ang flagella ng ubud-liit na bacterium na ito ay umiikot na parang mga elisi. Ang bilis ng ikot ng iba nito ay hanggang 2,400 rpm