Teleskopyo at Mikroskopyo—Pinahina Ba o Pinalakas ang Iyong Pananampalataya ng Kanilang Isinisiwalat?
Teleskopyo at Mikroskopyo—Pinahina Ba o Pinalakas ang Iyong Pananampalataya ng Kanilang Isinisiwalat?
MGA kalapati ang sinisi ni Penzias at ni Wilson. Nang patuloy na magbuga ng kakatuwang ingay ang kanilang mahusay na sumagap ng tunog na radyo, siniyasat iyon ng dalawang siyentipiko at natuklasan nila ang isang mag-asawang kalapati na nagpugad pala sa kanilang dambuhalang antena. Subali’t nang patuloy pa rin ang gayong ingay kahit na pagkatapos paalisin ang mga ibong iyon, napag-isip nila na ang tunog na kanilang narinig ay nanggaling sa kalayu-layuang kalawakan.
Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang inaakala noon nina Penzias at Wilson na mga pagkagambala lamang buhat sa atmospera ay aktuwal na alingawngaw ng isang “big bang”—isang cosmicong eksplosyon na nagpapangyaring mailuwal ang ating sansinukob noong lumipas na matagal na panahon na. Ang kanilang natuklasan, lakip ang marami pang umaalalay na ebidensiya, ay umakay sa mga ibang siyentipiko na pag-isipan ang ganitong posibilidad: Tama ang sinasabi ng Bibliya na, “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Genesis 1:1.
Halimbawa, sa labas ng magasing New Scientist noong Hunyo 23, 1983, ganito ang paulong-balita: “Ang bumangong siyensiya ng cosmology ay hindi nagtatatuwa at hindi makapagtatatuwa sa pag-iral ng Diyos.” Ang manunulat, isang propesor ng physics, ay nagsabi:
“Noong nakalipas na mga ilang taon parami nang paraming siyentipiko ang naimpluwensiyahan ng sa palagay nila’y sunud-sunod na ‘di-sinasadya’ o ‘nagkataon’ na mga pangyayaring malayong mangyari at kaugnay ng mga batas ng physics upang magkaroon ang sansinukob ng nakikita nating mga kaayusan—mga galaksi, bituin, atomo at, pinakamahalaga sa lahat, tayo . . . Ang kaliit-liitang pagbabago sa lakas ng mga puwersa ng gravity at electromagnetismo ay magpapabago sa mga bituin na tulad baga ng Araw upang maging higante o dili kaya’y mga unano. Sa buong palibot natin, nakikita natin ang ebidensiya na talagang hustung-husto ang ginawa ng kalikasan.”
Samakatuwid hindi pinawi ng teleskopyo ang saligan ng paniniwala sa Maylikha. Kung gayon, posible kaya na ang Bibliya, ang pangunahing aklat relihiyoso sa daigdig, ay pakundanganan din nang husto? Oo, sapagka’t ang teleskopyo at ang mikroskopyo ay nagbibigay ng matinding mga dahilan sa paggawa ng gayon. Pag-usapan natin ang ilan lamang.
“ANG ISANG BITUIN AY NAIIBA SA IBANG BITUIN”
Ang mga aklat-aralan sa siyensiya ay kaydali-daling lipasan ng panahon, sapagka’t malimit na dahil sa mga bagong natuklasan ay nawawalan na ng kabuluhan ang mga dating paniwala. Subali’t ang Bibliya, bagaman isinulat daan-daang taon na bago pa pumasok sa guniguni ang mga teleskopyo at mikroskopyo, ay malimit na bumabanggit na nang may pambihirang kawastuan ng siyentipikong mga paksa.
Ang isang halimbawa ay sa 1 Corinto 15:41 nang sabihin ni apostol Pablo: “Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka’t ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.”
Sa isang basta nagmamasid lamang ang karamihan ng mga bituin ay tingin na pare-pareho, maliban sa pagkakaiba-iba ng liwanag. Nguni’t sinasabi ng mga astronomo na ang mga bituin ay nagkakaiba-iba ng kulay, may puti, nangangasul-puti, dilaw, kulay-dalanghita, namumula-mula at ganap na pula. Ang mga pulsar naman—mabibilis daw ang inog na mga bituin—ay may pambihirang “kaluwalhatian.” Tulad ng lumalagitik na mga molinete, ito’y naglalabas ng mga radyo signales ang regular na regular. Sa mga pulsar na Crab at Vela ay may lumalabas pang nakikitang liwanag. Ang mga bituin ay nagkakaiba-iba rin sa densidad. Nagkakaiba-iba rin sila sa laki. Tinataya na ang superhiganteng Betelgeuse ay mahigit na 250 milyon milya (400 milyon km) ang diametro! Kung ito’y nasa lugar ng ating araw, matatakpan nito ang buong lupa at ang ating buong sistema solar hanggang sa pinaka-landas ng Marte!
Papaano kaya nakasulat si apostol Pablo ng ganiyang mga katotohanan sa siyensiya gayong wala naman siyang instrumento kahit na kagaya niyaong kay Galileo? Makatuwirang sabihin na siya’y kinasihan ng Diyos sa bagay na ito.
“MGA ALITUNTUNIN NG LANGIT”
“Matatalian mo ba ang pagkakaayos ng mga bituin ng Kimah, o makakalagan ang mga tali ng mga bituin ng Kesil?” ang tanong ng Diyos. “Nalalaman mo na ba ang mga alituntunin ng langit, o maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?” (Job 38:31, 33) Sa loob ng daan-daang taon, walang malay ang mga tao na “mga alituntunin,” o mga batas, ang sinusunod ng paggalaw ng mga bituin sa langit. Batay sa mga natuklasan ni Johannes Kepler, Sir Isaac Newton, Albert Einstein at iba pa, naunawaan ng mga astronomo na ang gravity ang ‘tali’ na pumipigil sa kaayusan ng mga bituin—tulad baga ng “Kimah”—upang magkasama-sama.
Sinasabi rin ng mga astronomo na ang mga bituin ay gumagalaw, gaya ng sabi ng isang astronomo, ito’y ‘umiikot sa palibot ng sentro, o nukleo, ng galaksi, gaya ng isang pagkalaki-laking tsubibo.’ Tinataya na gumugugol ng 200 milyong taon upang ang ating araw ay makaikot sa Milky Way. Tama ang sinasabi ng Bibliya na ang mga bituin ay may mga orbit o landas.
SA BUHAY NANGGAGALING ANG BUHAY
Ang pagiging kapani-paniwala ng Bibliya ay pinatutunayan ng mikroskopyo. Pag-usapan natin ang biolohikong batas na nasa Genesis kabanata 1: Ang mga bagay na may buhay ay nag-aanak ‘ayon sa kani-kanilang uri.’ Sa tulong ng modernong mga mikroskopyo ay lalong naunawaan ng mga siyentipiko ang pag-aanak at ang henetikong mga hangganan na nagpapatunay sa siyentipikong pangungusap ng Bibliya.
Awit 36:9 ay sinasabi pa ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Nasa iyo ang bukal ng buhay; sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.” Daan-daang taon na ang mga tao’y naniwala sa bungang-isip ng pilosopong Griego na si Aristotle na ang buhay ay kusang sumisipot galing sa materya na walang buhay. Hangga noong ika-17 na siglo, maging ang mga tao mang edukado ay naniniwala pa rin na ang buhay ng mga daga ay galing sa mga lumang basahan, ang mga bukbok ay galing sa trigo, ang mga palaka ay sa putik at ang mga igat ay sa hamog.
SaPinagtatalunan pa rin iyan nang ilathala ni Darwin ang The Origin of Species noong 1859. Marami ang bumanggit sa ipinagpapalagay na kusang pagsulpot ng bakterya bilang suporta sa ebolusyon at bilang paliwanag sa pinagmulan ng buhay. Nang taon ding iyon “pinatunayan” ng siyentipikong Pranses na si Pouchet na ang mga mikroorganismo ay sumulpot sa tubig, sa hangin at sa dayami. Subali’t, isa pang siyentipikong Pranses, si Louis Pasteur ang nagharap ng hamon sa pag-aangking ito, at ipinakita niya na ang mga bakteryang dala-dala ng hangin sa mga butil ng alikabok ay maaaring nakaimpeksiyon sa mga eksperimento ni Pouchet.
Inulit ni Pouchet ang kaniyang mga eksperimento, ngayon naman ay sa libre-alikabok na hangin sa Bundok Pyrenees. At, kaniyang pinakulo ang tubig na may dayami upang patayin ang ano mang bakterya, natiyak niya na sa wakas ay napatunayan din niya ang kusang pagsulpot ng buhay. Datapuwa’t, noong 1870’s natuklasan ng siyentipikong Irlandes na si John Tyndall na ang bakterya sa dayami ay nakagagawa ng panlaban-sa-init na mga espora na sa loob ng maraming oras ay hindi naaapektuhan ng pagkulo. Kaawa-awang Pouchet! Ang kaniyang pinakulong tubig ay hindi pala napakulo nang husto. Kaya’t ang mga eksperimento ni Tyndall ang nagpabulaan sa teoriya ng kusang pagsulpot ng buhay.
Sa tulong ng modernong mga mikroskopyo ay nakikita na ngayon ng mga siyentipiko kung paano naghahati-hati at dumarami ang mga selula. Na sa dati nang umiiral na buhay nanggagaling ang buhay ay napatunayan na ngayon ng siyensiya—na noong pang libu-libo nang taóng lumipas sinasabi ng Bibliya!
“NANG AKO’Y BINHING SUMISIBOL”
Sa Awit 139:16 ang Bibliya ay nagsasabi: “Nakita ng mga mata mo [ng Diyos] pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang mapasulat ang lahat ng bahagi.” Pansinin na sinasabi ng Bibliya na “lahat ng bahagi” ng isang binhing sumisibol ay ‘nakasulat.’ Sa patulang paraang ito ay maliwanag na tinutukoy ng salmista ang kamakailan lamang natuklasan ng mga siyentipiko: ang DNA, o henetikong impormasyon, sa bawa’t selula. Ipinagugunita sa atin ng magasing Huisgenoot sa Timog Aprika na “walang sinumang ‘nakakabasa’ pa” sa henetikong materyal na ito, “kahit na gamitan ng pinakamakapangyarihang electron microscope. Subali’t batid ng mga siyentipiko na ang mga partikulong ito ng impormasyon ay bukud-tanging para sa isang naturang tao at depende rito ang kaniyang personalidad at hitsura.”
ANG AKLAT NA NAGPAPATIBAY NG PANANAMPALATAYA
Si Propesor Merlyn Mehl, isang pisisista sa University of the Western Cape, South Africa, ay nagsabi kamakailan: “Mahirap
gunigunihin kung paano sinumang bihasa sa siyentipikong pangangatuwiran ay hindi madadala ng katotohanan ng Kasulatan. Ang pagkakaisa at pagkakasuwato na makikita sa pisikal na daigdig ng kalikasan ay malinaw na makikita sa kagila-gilalas na aklat ng mga aklat—Ang Bibliya.” Kung sa bagay, ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralan sa siyensiya. Gayunman, sinasagot nito ang mga tanong na talagang mahalaga sa tao. Ang siyensiya ay nagsisiwalat ng tungkol sa sansinukob at sinusuri ang masalimuot na mekanismo ng mga kaayusan ng buhay. Subali’t gaano ang mapapakinabang sa lahat na ito kung hindi natin alam ang layunin ng buhay? Ang Bibliya lamang ang nagbibigay ng kasiya-siyang kasagutan sa mga tanong na ito.Batid ito ng salmistang si David. Tulad ng mga astronomo sa ngayon, malaking panahon ang ginugol niya sa pag-aaral tungkol sa mabituing langit. “Ang sangkalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” ang napansin niya. Subali’t natalos ni David na hindi sapat ang humanga ka lamang sa kalikasan. Sa awit ding iyan ay sinasabi niya: “Ang batas ni Jehova’y sakdal, isinasauli ang kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova’y mapagkakatiwalaan, pinadudunong ang walang karanasan. Ang mga utos ni Jehova’y matuwid, pinasasaya ang puso.”—Awit 19:1-4, 7, 8.
Buong diin na ipinakikita ng teleskopyo at mikroskopyo na, mula sa kalaki-lakihan hanggang sa kaliit-liitan, ang daigdig na ating kinatitirhan ay totoong kagila-gilalas at pagkasali-salimuot. Ang mga problemang kailangan nating harapin ay masalimuot din, totoong napakamasalimuot upang mapagtagumpayan ng tao nang hiwalay sa Diyos. “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang bunduk-bundok mang mga impormasyon sa siyensiya ay hindi makapagliligtas sa tao ngayong animo’y mapapabulusok siya sa sariling-pagpapatiwakal. Sa gayon, ang palaisip na mga tao ay sa ibang dako humahanap ng kasagutan. At ang mga sagot na ito ay matatagpuan sa aklat na nakapanaig sa katagalan ng panahon—at ngayon maging sa kabila man ng isinisiwalat ng teleskopyo at ng mikroskopyo.