Ang Kalunus-lunos na “Semana Santa” sa Popayán
Ang Kalunus-lunos na “Semana Santa” sa Popayán
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Colombia
ANG daan-daang taóng pagdiriwang ay nagsimula noong Linggo ng Palaspas ng Sangkakristiyanuhan. Libu-libong mga turista ang dumating—pati na sa ibang lupain—upang daluhan ang taunang pagdiriwang ng “Semana Santa” sa Popayán, Colombia. Sa unang mga prusisyong ito gabi-gabi, inilalarawan ng mga pari, kasunod ng kilalang mga tao sa bayan at mga batang mag-aaral ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem upang iharap ang kaniyang sarili bilang Hari. Sa mga prusisyon sa susunod na mga gabi ay ipakikita ang iba pang mga pangyayari sa mga huling araw ng buhay, kamatayan at pagkabuhay-muli ni Kristo.
Samantalang ang malalaking mga imahen ni Jesus, ni Maria at ng iba pang mga tauhan sa Bibliya ay taimtim na binubuhat, pulu-pulutong na mga tao ang tahimik na nakahanay sa magkabilang panig ng makipot na mga lansangan sa kahabaan ng 20-blokeng ruta kung saan naroon ang lahat ng importanteng mga simbahan ng lunsod. Pana-panahon ang mga cargueros (tagabuhat) ay hihinto at ibababa ang mabibigat na mga plataporma na yari sa encina na pinaglalagyan ng mga imahen, pansamantalang pinamamahinga ang kanilang namamagang mga balikat at sumasakit na mga braso at likod.
Hindi man lang naguniguni ng sinuman na sa kalagitnaan ng “Semana Santa” ay babagsak ang pagkalaki-laking simburyo ng daan-daang taóng katedral, pinapatay ang mga 50 maagang mga mananamba; ni naisip man ng sinuman na mga ilang daang katao pa ang biglang mamamatay nang ang 60 porsiyento ng makasaysayang bahaging ito ng 446-taóng-gulang na lunsod ay literal na gumuho sa abo.
Ang Pinagmulan ng Kapistahan
Ang Popayán, na nasa mabungang libis sa kaitaasan ng Kabundukan ng Andes ng timog-kanlurang Colombia, ay itinatag noong 1537. Alinsunod sa kaugaliang Katoliko, inialay ng pundador na si Sebastian de Belalcazar ang Popayán kay Nuestra Señora del Reposo (Our Lady of Repose) bilang patron. Mula sa simula, maadornong mga imahen at mga istatuwa ng relihiyosong mga bayani ay ginawa at inilagay sa mga templo at mga simbahan. Sa
pantanging mga okasyon, lalo na kung panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, ang mga ito ay inilalabas at pinapasan sa mga lansangan sa masayang mga prusisyon, habang pinangungunahan ng mga pari at sinusundan naman siya ng mga taong-bayan. Sing-aga ng 1558, ang Popayán bilang pagtulad sa kahawig na mga seremonya ng Europa noong Edad Medya, ay nagkaroon ng kaniyang sariling mga prusisyon at mga pagdiriwang para sa “Semana Santa.”Habang ang lunsod ay umuunlad sa laki at kayamanan, ang mga simbahan at mga kapilya ay sumulong sa bilang at sa kasalimuotan. Higit pang mga imahen at mga istatuwa ang idinagdag sa koleksiyon—ang ilan ay lokal na ginawa, ang iba pa ay mula sa Espanya, Italya at Peru. Ang mga pagdiriwang at mga prusisyon ng “Semana Santa” sa Popayán, isang mahalagang lugar ng Koronang Kastila, ay naging tanyag. Ang kaniyang mga simbahan, mga templo at mga museo ay naging mga repositoryo o taguan ng mamahaling mga gawa ng sining. Ang paglalakbay sa kaakit-akit na Popayán ay isang lugar na tiyak na pupuntahan ng ika-20 siglong bisita na dumadalaw sa timog-kanlurang Colombia.
“Ang Katapusan ng Daigdig!”
Sa panahong ito ng “Semana Santa” ng 1983, ang mga prusisyon ng Martes at Miyerkules-ng-gabi ay nagpatuloy ayon sa iskedyul. Ang “Huwebes Santo,” isang opisyal na relihiyosong kapistahan sa Colombia, ay nagbukang-liwayway at ang ilang maagang mga tao ay nagtungo sa katedrál para sa Misa. Noon ay mga alas 8:10 n.u.
Pagkatapos, kasunod ng isang mahinang dagundong na mula sa ilalim ng lupa, ang lupa ay nagsimulang yumanig. Nahihintakutan, ang mga tao ay naglabasan sa mga lansangan, ang ilan ay nakadamit pantulog pa. Ang dagundong ay lumakas na parang hugong ng isang eroplanong jet, samantalang patuloy na lumalakas ang pagyanig at pag-uga. Ang mga tao ay nag-iiyakan, marami sa kanila ang nakaluhod at tinatawag ang mga pangalan ng paboritong “mga santo.”
Walang anu-ano, nagkaroon ng ilang matinding mga pag-alog at malakas na pagyanig. “Akala nami’y ito na ang katapusan ng daigdig!” sabi ng ilan pagkatapos. Ang pagkalalaking mga istatuwa nina Pedro at Pablo, mataas na nakalagay sa harapan ng katedrál, ay umuga at saka bumagsak—nagkadurug-durog sa simentadong liwasan sa ibaba. Ang matataas na nakaarkong mga simburyo ng katedrál ay bumagsak, nag-iiwan lamang ng hungkag na simbahan na isa sa pinakamatandang mga katedrál sa Amerikas.
Sa 35 relihiyosong mga templo sa Popayán, iniulat na ang kalahati ay nasira o lubhang napinsala anupa’t ang mga ito’y kailangang gibain. Sa Sementeryo Sentral, ang mga dingding ng mga libingang kahon ay nasira, at ang mga ataul, na humagis at nabuksan, ay inilabas ang kakila-kilabot na mga labi sa paningin ng madla, kahawig ng iniuulat ng Bibliya sa Mateo 27:51, 52. Sa loob lamang ng 18 mga segundo, ang 446 mga taón ng kasaysayan ay waring nagwakas.
Nawasak ang Popayán
Sa Cali, 85 milya (137 km) sa hilaga, ang mga pagyanig nang Huwebes ng umagang iyon ay bahagya lamang. Subali’t hindi nagtagal at ang nakagigitlang balita ay ipinahayag na ang malaking bahagi ng Popayán ay nawasak. Agad naming naalaala ang kongregasyon ng mga isang daang Saksi ni Jehova sa lunsod na iyon. Bagaman ang Pan-American Highway ay sarado sa lahat maliban sa mga opisyal ng trapiko, dalawang kotse ng mga grupo ng mga Saksi na may sakay na dalawang medikal na doktor at isang civil engineer—na may mga suplay ng pangunang
lunas at mga galon ng tubig—ay nakaraan sa mga daang may harang at sa mga checkpoint at nakarating sa Popayán.Ang kagibaan ay katulad ng isang lunsod na nilinis ng sunud-sunod na mga pagbomba noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ang mga gusali ay nakahilig, na para bang inaalalayan ng isang di nakikitang kamay. Ang ilang mga bahay ay nagmukhang mga malalaking bahay ng manika. Ang kanilang mga dingding sa harapan ay bumagsak sa lupa, inilalantad ang kanilang mga muebles na panloob sa paningin ng madla. Ang mga taong-bayan ay naghuhukay sa mga kagibaan at sa mga lansangan na puno ng mga sumabog na labi para sa posibleng mga nakaligtas o mga pag-aari ng pamilya. Natitigilan dahil sa pagkasindak, daan-daang mga tao ang naupo sa gitna ng mga kagamitan sa bahay na kanilang nailigtas.
Nakakabagbag-damdamin ang mga tanawin sa libingan. Isang munting batang lalaki na walong-taóng-gulang sa paanuman ay dinala ang mga kabaong na kinalalagyan ng kaniyang ina, ama at dalawang kapatid na lalaki upang ilibing. Puspusang inilibing na muli ng daan-daang mga tao ang mga patay na humagis dahil sa lindol at tinulungan yaong mga nakaligtas na nagdadala ng mga kamamatay lamang—ang ilan pa nga ay nasa mga bag na plastik—sa paglilibing. Ang alingasaw ng kamatayan ay kay hirap batahin!
Ligtas ang mga Saksi
Isang maliit na grupo ng mga Saksi ang nagtipon sa Kingdom Hall. Wala pang dalawang oras pagkatapos ng lindol, pinuntahan nila ang lahat ng membro ng kongregasyon at ang mga taong interesado. Ang lahat ay ligtas, at ang karamihan ay hindi nasaktan. Isang batang babae ay nakaupo sa harap ng mesa nang lumindol. Napasubsob siya sa ilalim ng mesa, na para bang may nagtulak sa kaniya, nang siya namang pagbagsak ng dingding na bato na nasa likuran niya sa ibabaw ng mesa at sa sahig sa paligid niya. Ang dingding na bato ng kalapit na bahay ay bumagsak sa bubungan ng Kingdom Hall, tuluy-tuloy na bumagsak sa sahig sa loob. Lubhang nasira ang ilan sa mga bahay ng mga Saksi at ang ilan ay nawasak.
Mga donasyon upang tulungan ang kanilang kapuwa mga Saksi ay dumating mula sa buong lupain at gayundin mula sa labas ng Colombia. Mga pagkain at mga materyales sa pagtatayo ng gusali ay binili at ipinadala sa pamamagitan ng mga trak patungo sa Popayán. Linggu-linggo sa loob ng mahigit na dalawang buwan, pangkat-pangkat ng mga Saksi mula sa Cali ay nagtutungo sa Popayan upang magtrabaho ng mahabang oras sa gawaing paggigiba at muling pagtatayo alang-alang sa kanilang mga kapatid na nangangailangan.
Pagkaraan ng isang linggo mula ng lumindol, ang mga Saksi ni Jehova na dumadalo sa makalawa sa isang taon na pansirkitong asamblea sa Cali ay masigabong nagpalakpakan sa patalastas na ang buong kongregasyon ng mahigit na isang daang mga kapatid nilang Kristiyano mula sa Popayán ay dumating upang makisama sa asamblea. Buong kagalakan, yaong mga nagsidalo ay nagtulung-tulong upang kumontrata ng mga bus na maghahatid pauwi sa mga membro ng kongregayson sa kanilang tahanan sa Linggo ng gabi pagkatapos ng huling sesyon.
Isang Kakaibang Kuwento na Sasabihin
Samantalang ang mga pahayagan ay laging itinatampok ang kadakilaan at kabanalan ng taunang mga pagdiriwang ng “Semana Santa” ng Popayán, ang mga taong-bayan ngayon ay may kakaibang kuwentong sasabihin. Nang kapanayamin ng isang reporter ang 30 mga tao pagkatapos ng lindol, tahasang binanggit ng 25
na ang malaking kasakunaan ay isang parusa mula sa Diyos. Sa 20 matatandang tao, 19 ang tumugon nang walang atubili na ang pagkawasak ng lunsod ay parusa ng Diyos dahilan sa mga kalabisan na ginagawa kung “Semana Santa.” “Nararapat lamang ito,” sabi nila. “Isa lamang itong malaking karnabal, na may mga prusisyon bilang pangunahing tanawin. At pagkataos ang marami sa mga carguero (tagabuhat) ay naglalasing.”Gaya ng binanggit sa El Tiempo, isang pahayagan sa Bogota, maraming kalabisan ang naganap. Mahigit sa isang daang mga patutot ang naglakbay patungo sa Popayán para sa pardiriwang, naakit ng pagdagsa ng 10,000 mga turista na karaniwang nagtutungo roon upang makita ang bantog na mga prusisyon. Ang mga night club at bar ay bukas sa buong magdamag sa panahon ng pardiriwang ng “Semana Santa.”
Ang mga lindol ay inihulang mangyayari sa panahong ito sa kasaysayan ng tao nguni’t hindi bilang isang parusa mula sa Diyos. Bagkus, isa ito sa mga katibayan na narating na natin ang wakas ng kasalukuyang pandaigdig na sistema ng mga bagay na malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan at kahirapan at dadalhin o papangyarihin ang isang bagong sistema ng mga bagay sa buong lupa. Hanggang sa taong ito ng 1985, ang mga Saksi ni Jehova sa Popayán ay aktibong tumutulong sa kanilang mga kapuwa upang makamit din ang pag-asang iyon.—Mateo 24:3, 7, 14; Apocalipsis 21:1-5.
[Larawan sa pahina 20]
Ang matataas na nakaarkong mga simboryo ng katedral ay bumagsak sa lupa, iniiwan lamang ang isang hungkag na simbahan