Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagagawa ng Pagtatangi

Ang Nagagawa ng Pagtatangi

Ang Nagagawa ng Pagtatangi

Tinanong ng isang mananaliksik ang isang lalaki sa kaniyang opinyon hinggil sa isang etnikong grupo. “Sila’y sumpungin at magagalitin,” tugon niya. “Nasa dugo nila ito.”

“Mayroon ka bang nakikilala sa kanila . . . nang personal?” ang tanong sa lalaki.

‘Oo isa. Siya ang presidente ng klase namin sa high school.’

‘Gayon nga ba itong “presidente ng klase” ayon sa paglalarawan mo sa kanila?’

“Hindi,” sabi niya, “siya ay kampante at mahusay o kawili-wiling kasama.”

‘Kung gayon ang “pagkasumpungin at pagkamagagalitin” ay malamang na wala “sa kaniyang dugo,” gayon ba?’

Pagkaraang mag-isip ang lalaki ay sumagot: “Siya lamang ang naiiba.”

ANG magtangi (“patiunang paghatol”) ay ang paghatol sa iba nang hindi man lamang sila binibigyan ng isang makatarungang paglilitis. Ang isang ganap na estranghero sa gayon ay sinasabing “tamad,” mapanlinlang” o “mapanganib” nang walang anumang katibayan, kundi isa lamang akala. Ito’y dahilan sa nakikita ng taong nagtatangi, hindi ang mga indibiduwal, kundi ang mga grupo. Sa kaniya, ang mga membro ng isang etnikong grupo ay “magkakatulad,” mga kauri, na walang indibiduwalidad. Gaya ng halimbawang nabanggit, karaniwang ipagtatanggol ng taong nagtatangi ang kaniyang pagkiling hanggang sa wakas, kahit na ang mga katotohanan ay nagpapatunay sa kaniya na mali. Gaya ng binanggit ng magasing Psychology Today, ang mga taong nagtatangi ay “waring napapansin at natatandaan ang mga paraan kung saan ang [isang] tao ay parang tumutugon sa stereotype o istandard na paglalarawan, samantalang tinatanggihan ang katibayan na sumasalungat sa stereotype.”

Ang pagtatangi ay lumalalá sa kaniyang sarili. Ang mga taong hinuhubog dito ay karaniwang nawawalan ng paggalang sa sarili anupa’t sila’y aktuwal na namumuhay ayon sa mababang inaasahan sa kanila. O kaya ang nagiging bunga ay gaya niyaong binabanggit sa Eclesiastes 7:7: “Sapagka’t ang pang-aapi ay nagpapamangmang sa pantas.” Ang mga biktima ng pang-aapi ay maaaring mapunô ng paghihinanakit. Maaari silang maging labis-labis na sensitibo sa pagtatangi na kung minsan labis ang kanilang reaksiyon at nakikita nila ang pagtatangi kahit na hindi naman umiiral ang pagtatangi. Ang sinumang tao ng ibang lahi ay pinaghihinalaan o kaya’y minamalas na isang potensiyal na kaaway. Ang pagtatangi sa gayon ay hindi lamang totoo sa isang lahi o nasyonalidad.

Minsang maghari ang pagtatangi sa isipan ng isang tao, masusumpungan niya ang kaniyang sarili na napopoot sa halos lahat ng etnikong grupo. Minsan ay hiniling ang ilang mga estudyante sa kolehiyo na ipahayag ang kanilang damdamin sa 32 tunay na mga bansa at lahi at sa 3 katha-katha lamang na mga grupo (“Daniereans,” “Pireneans” at “Wallonians”). Kataka-taka, ang mga estudyanteng nagtatangi ng tunay na mga etnikong grupo ay hindi rin naibigan ang “Daniereans,” “Pireneans” at “Wallonians”

Pagtatangi​—Papaano Ipinakikita?

Ang isang taong nagtatangi ay hindi kinakailangang galit o napopoot. Ni siya man ay kinakailangang maging gaya ng taong mapagkunwaring nagsasabing ang ‘ilan sa kaniyang matalik na mga kaibigan’ ay kabilang sa ganoo’t-ganitong grupo nguni’t nauudlot kahit na isipin man lamang ang pagkakaroon ng gayong mga kapitbahay​—o mga biyenan o manugang. May mga antas ng pagkiling o pagtatangi. Ang isang nagtatanging indibiduwal ay maaaring may mga kaibigan mula sa ibang lahi nguni’t may katusuhang ipinahihiwatig ang di makatkat na mga damdamin ng kahigitan. Maaaring subukin niya ang kanilang pagtitiis sa paggawa ng walang kuwenta, may patungkol sa lahi na mga komento. O sa halip na tratuhin sila na mga katulad o kapantay niya, maaaring magmayabang siya, kumikilos na para bang ang pakikipagkaibigan niya sa kanila ay sa kapakinabangan pa nga nila.

Isa pang paraan na ipinakikita ng isang tao ang pagtatangi ay sa paghiling ng mas mataas na pamantayan ng paggawa mula sa ilan, bagaman hindi niya gaanong kinikilala ang mga ito. At kung mabigo sila, malamang na isisi niya ang kabiguan dahilan sa lahi. O maaari niyang hatulan ang paggawi ng isang lahi na ipinahihintulot niya sa kaniyang sariling lahi. Gayumpaman, matinding ikagagalit ng gayong tao ang anumang pagpapahiwatig na siya ay nagtatangi, gayon na lamang kalubusan ang pagdaraya-sa-sarili. Katulad ng minsa’y sinabi ng salmista: “Siya’y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata na ang kaniyang kasamaan ay hindi masumpungan upang kapootan ito.”​—Awit 36:2.

“Kapag Sila’y Apat na Taóng Gulang Na”

Kung gayon, bakit nga natatangi ang mga tao? Papaano na sa kabataan pa lamang ay nagkakaroon na ng pagtatangi? Sa kaniyang klasikong sulat na pinamagatang The Nature of Prejudice, binanggit ng social psychologist na si Gordon W. Allport ang hilig ng isipan ng tao na “mag-isip sa tulong ng mga kategoriya.” Totoo ito kahit sa mga munting bata. Hindi nagtatagal at nakikilala nila ang kaibahan ng mga lalaki sa babae, mga aso sa mga pusa, mga punungkahoy sa mga bulaklak​—pati na ang “itim” sa “puti.” Kabaligtaran ng akala na ang mumunting mga bata ay “color blind” o hindi nakakakilala ng kulay, ang mga mananaliksik ay sumasang-ayon na ang mga batang nalantad sa iba’t ibang lahi, sa malao’t-madali ay makakapansin sa “mga pagkakaiba ng pisikal na mga katangian na gaya ng kulay ng balat, pagmumukha, mga puti ng buhok, at iba pa. Ang mga bata . . . ay karaniwang nang nagkakaroon ng ganap na kabatiran sa mga grupo ng lahi pagka sila ay apat na taong gulang na.”​—Parents magazine, Hulyo 1981.

Subali’t ang basta ba pagpansin sa mga pagkakaibang ito ay nagpapangyari sa mga bata na magtangi? Hindi naman. Gayunman, sinasabi ng isang pag-aaral kamakailan na iniulat sa Child Development, na ang “mga 5-taóng-gulang na pumapasok sa kindergarten ay may malinaw na pagtatangi na nakikihalubilo lamang sa kanilang mga kaedad na kakulay nila.” Lalo pang nakababalisa ang obserbasyon na “ang hilig ng mga bata na pumili ng mga kapareha sa laro mula sa kakulay nila ay sumusulong sa panahon ng kindergarten.” (Amin ang mga italiko.) Ang iba pang mga mananaliksik ay naghinuha rin na ang mga mumunting bata ay karaniwang may kabatiran hindi lamang sa lahi kundi gayundin sa mga implikasyon ng lahi. Minsan ay ganito ang sabi ng isang apat-na-taóng-gulang na si Joan: “Ang mga taong maputi, maaari silang umakyat. Ang mga taong kayumanggi, dapat silang bumaba.”

Kung papaano nagkakaroon ng gayong pagtatangi ang mga bata ay isang palaisipan sa mga mananaliksik. Gayunman, malaki ang hinala nila sa impluwensiya ng mga magulang sa bata. Totoo, iilang magulang ang maaaring tuwirang nag-uutos sa kanilang mga anak na huwag makipaglaro sa mga bata na iba ang lahi. Gayumpaman, kung naoobserbahan ng bata na ang kaniyang mga magulang ay nagtatangi o hindi mapalagay kapag kasama ng isa na iba ang lahi, malamang na magkaroon din siya ng negatibong mga saloobin. Ang kultural na mga pagkakaiba, impluwensiya ng mga kaedad at media, at iba pang mga salik ay maaaring magsama-sama upang pag-ibayuhin ang pagtatanging ito.

Masamang mga Karanasan

Gayunman, para sa iba ang pagtatangi ay waring isang labis na reaksiyon sa isang masamang karanasan. Sinamahan ng isang may kabataang babaing Aleman ang kaniyang asawa sa isang proyekto ng trabaho sa Aprika. Doon siya nagkaproblema. Inaakala niya na ang ibang mga tao ay nagtatangi sa kaniya dahilan sa siya ay babae at isang Europeo. Ang mga saloobin ng ilan ay nakagitla rin sa kaniyang mga damdamin na kinalakhan sa Europa. Ang laging pag-iisip sa mga problema na dala lamang na ilan ay nagpangyari sa kaniya na napoot sa lahat ng taong maitim!

Gayundin naman kung tungkol sa isang West Indian na estudyante na naninirahan sa Estados Unidos ng mga 20 taon na. Bagaman nadaramtang maayos at magalang, ayaw siyang silbihan sa isang restauran, na sinabihan: “Hindi kami nagsisilbi sa mga taong gaya mo rito.” Hindi pa nakakaranas ng pagtatangi dahil sa lahi at walang kamalayan tungkol sa mga igtingan dahil sa lahi nang panahong iyon, nagpumilit siyang siya’y pagsilbihan​—na nagbunga ng agad na pag-aresto sa kaniya! Bagaman ipinag-utos ng alkalde ng lunsod ang pagpapalaya sa kaniya at mahigpit na pinagsabihan ang pulisya, ang pangyayaring ito ang nagpasama ng kaniyang loob. Pagkalipas ng maraming taon ay nagkikimkim pa rin siya ng galit laban sa mga puti.

Sa iba namang mga kaso, gaya ng binabanggit sa The Nature of Prejudice, ang pagmamaliit sa iba ay tila man din nagbibigay-lugod sa walang kasiyahang paghahangad ng tao para sa katayuan o status. Ito’y ang ‘pag-iisip nang higit kaysa kinakailangan.’ (Roma 12:3) Maaari ring pagyamanin ang mga alamat hinggil sa kahigitan ng lahi upang “bigyan-matuwid” ang pang-aapi sa ilang grupo. Halimbawa, noong mga taon ng pangangalakal ng alipin sa Estados Unidos, popular na sabihing ang mga itim o negro ay mahina ang isip, o hindi tao. Napakapangkaraniwan ng mga paniniwalang ito anupa’t kahit na ang Amerikanong Pangulong Thomas Jefferson, isang prangkang kritiko a ng pang-aalipin, ay minsang nagpahayag ng “hinala” na “ang mga itim . . . ay mas mababa sa mga puti kapuwa sa isipan at sa katawan.” Bagaman napatunayan ng siyensiya na ang gayong mga akala ay hindi mapaninindigan, nagpapatuloy pa rin ang pagtatangi ng lahi.

Bakit? Ang pinakapangunahing dahilan ay maliwanag na ipinakikita sa Bibliya, bagaman kinakaligtaan ng mga mananaliksik: “Kaya, kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Pinilipit ng minanang kasalanan ang pag-iisip at mga pangmalas ng tao. Sa halip na ipagtaka o ikatuwa ang mga pagkakaiba, ang reaksiyon ng tao ay takot at kawalan ng katiyakan. At kahit na mula sa di-sakdal na puso ng munting bata ay maaaring magmula ang katakut-takot na “masamang mga pangangatuwiran” na maaaring lumaki tungo sa mapangwasak na pagtatangi. (Mateo 15:19) Kung gayon, posible kaya na madaig ang pagtatangi?

[Talababa]

a Si Jefferson ang may-akda ng American Declaration of Independence na nagpapahayag na “ang lahat ng tao ay nilalang na pantay-pantay.” Minsan ay tinawag niya ang pang-aalipin na “isang kalipunan ng mga kakilabutan” nguni’t siya mismo ay isang nagmamay-ari ng mga alipin.

[Blurb sa pahina 6]

Ang laging pag-iisip sa mga problema na dala lamang ng ilan ay nagpangyari sa kaniya na mapoot sa lahat ng tao na iba ang kulay!

[Larawan sa pahina 5]

Ang pagtatangi ay maaaring magpangyari sa mga tao na maging mapaghinala sa isa’t-isa