Ang Papuri kay Jehova ay Narinig sa Kapuluan
Ang Papuri kay Jehova ay Narinig sa Kapuluan
NOONG 1969 nakilala ng isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova si Obasan, isang may-edad nang maybahay na isang diyakonesa sa Seventh-Day Adventist Church sa Belau, isang magandang grupo ng tropikal na mga pulo sa kanlurang Pasipiko. Isang lingguhang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan, bagaman ang misyonero ay hindi pa bihasa sa wikang Palau.
Isang teksto sa Bibliya na natanim sa isip ni Obasan ay ang Awit 37:10, 11, kung saan nabasa niya na layunin ni Jehova na manahin ng mga maaamo ang lupa at mamuhay sa kasaganaan ng kapayapaan. Hindi nagtagal at nasumpungan niya na bubuhaying-muli ni Jehova kahit ang mga di-matuwid at bibigyan sila ng pagkakataon na magkamit ng buhay na walang hanggan sa Isang Libong Taong Paghahari ni Kristo.—Gawa 24:15.
Labis siyang humanga sa natutuhan niyang pag-ibig, katarungan at pagkawalang kinikilingan ng Diyos. Dinalaw siya ng mga lider ng simbahan sa kaniyang tahanan araw at gabi, kinukumbinse siya na itigil ang kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tinanong niya sila ng mga katanungan hinggil sa mga paksa sa Bibliya nguni’t hindi siya tumanggap ng kasiya-siyang mga kasagutan. Isang araw siya ay tinawag sa simbahan upang pangunahan ang kongregasyon sa panalangin. Alam niya na kung mananalangin siya kay Jehova, magdadala ito ng matinding pagpuna o kritisismo sa kaniyang mga kamembro. Nguni’t kung hindi naman siya mananalangin kay Jehova, ang kaniyang panalangin ay magiging salungat sa kung ano ang pinaniniwalaan niya sa kaniyang puso. Kaya’t siya’y tumayo at nanalangin kay Jehova, at ito ang umakay sa pag-alis niya sa simbahan. Agad siyang sumama sa mga misyonero sa pagbahay-bahay.
Ang kaniyang asawang lalaki ay tutol sa kaniyang “bagong” relihiyon. Maglalasing siya at nagbabantang magtutungo sa tahanan ng misyonero at sisibatin ang mga ito. Nagugunita pa ni Obasan: “Nahihiya ang aking mga kamag-anak na makita akong nangangaral sa bahay-bahay. Iniwan ako ng karamihan sa aking mga kaibigan, at, kung aalalahanin ko ngayon, alam kong hindi ako maaaring nakapagpatuloy kung hindi sa tulong ni Jehova.” Tinulungan siya ng mga misyonero na maunawaan ang simulaing Kristiyano ng pagpapasakop ng asawang babae, at siya’y nag-uulat na matapos isagawa ito at ang pag-iwas niya sa mahabang mga pagtatalo sa kaniyang asawa, “siya ay huminto ng pagsalansang sa akin at nagsimulang mag-aral.”—Efeso 5:22.
Si Obasan ay nabautismuhan noong 1971 at siya’y nasa buong-panahong gawaing pangangaral mula noong 1975. Apat katao na kaniyang pinagdarausan ng pag-aaral ang sumulong sa punto na inialay nila ang kanilang buhay sa Diyos at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nakatulong din siya sa gawaing pagsasalin ng magasing The Watchtower at ng iba pang mga publikasyon mula sa Ingles tungo sa kaniyang katutubong wikang Palau. Sa pamamagitan ng mga taong gaya ni Obasan, ang kasulatan ay natutupad: “Magbigay luwalhati sila kay Jehova, at magpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.”—Isaias 42:12.