Buhay at Kapayapaan—Sa Pamamagitan ng Ano?
Buhay at Kapayapaan—Sa Pamamagitan ng Ano?
“BUHAY AT KAPAYAPAAN.” Iyan ang tema ng isang pambihirang pandaigdig na komperensiya na ginanap sa Uppsala University, Sweden, Abril 20-24, 1983. Ano ang gumawa ritong pambihira? Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, ang mga lider ng relihiyon sa pinakamataas na internasyonal na antas ay nagtipon sa isang pagsisikap na abutin ang pagkakaisa sa kung paano dapat malasin ng kani-kanilang mga relihiyon ang digmaan, karahasan at sandatang nuklear, gayundin ang pagtaguyod sa buhay at kapayapaan sa daigdig.
Halos 160 mga lider na kumakatawan sa Orthodox Catholic Church, ang Iglesya Katolika Romana, Lutheran state churches at malayang mga iglesya ng 60 mga nasyonalidad ang nakibahagi. Mga 200 peryodista mula sa buong daigdig ay naroroon din.
Kapayapaan sa Pamamagitan ng Armadong Paglaban?
Isa sa pangunahing mga tanong ay may kinalaman sa kung paano dapat malasin ng mga relihiyon ang pagkasangkot sa armadong paglaban. Ipinahayag ni Arsobispo Olof Sundby, ang lider ng Swedish State Church at isang membro ng Host Committee ng komperensiya, na angkop para sa mga Kristiyano na makibahagi sa armadong paglaban kung ang layunin ay upang huwag magtagumpay ang karahasan. At hayagang inamin sa isang panayam ni Vitalij Borovoj, Orthodoxong kinatawan at isang propesor ng teolohiya: “Ang Russian Orthodox Church ay walang pasipistang kasaysayan. Maraming pari ang nakipagbaka laban sa rebolusyon, at ipinalagay ng mga rebolusyonaryo ang mga pari na mga kinatawan ng pamumuno ng czar.” Sabi pa niya: “Natural, bilang isang Kristiyano laban ako sa lahat ng digmaan. Gayunman, matuwid na makipaglaban gaya ng ginawa natin noong ikalawang digmaang pandaigdig.”
Ipinahihiwatig na ang kanilang mga iglesya ay walang mabuting reputasyon o pangalan bilang mga tagapagtaguyod ng buhay at kapayapaan sa daigdig ang siyang pangwakas na resolusyon, na tinawag na Ang Mensahe. Pinagtibay ng mga delegado sa komperensiya, ito’y kababasahan sa bahagi: “Mapakumbaba naming tinatanggap na bilang mga Kristiyano kami ay hindi naging tapat sa Panginoon. Ang aming mga pagkakabahagi mismo bilang mga Kristiyano ay nagpapahina sa aming patotoo sa kapayapaan. Bilang mga mamamayan ng nuklear na mga estado ang ilan sa amin ay nagdadala ng mas matinding kahihiyan. Sama-sama, kami’y nagsisisi.” Ipinagpapalagay ang kapatawaran ng Panginoon, ito ay nagpapatuloy: “Nguni’t ngayon ay dapat nating tanggapin ang pagpapatawad ng Panginoon.”
Hindi Magkasundo
Ang pangwakas na resolusyon ng komperensiya ay kinailangang baguhin at muling isulat ng mga ilang ulit bago ito mapagtibay. Hindi ito nagpapakita ng pagkakaisa o pagkakasundo sa bahagi ng lahat ng mga delegado.
Halimbawa, sa isang paunang bersiyon, ang isang pangungusap ay kababasahan: “Subali’t mula sa Kristiyanong pangmalas ang pagtitiwala sa banta at posibleng paggamit ng mga sandatang nuklear ay hindi kasiya-siyang paraan ng pag-iwas sa digmaan.” Nguni’t, ito ay kinailangang baguhin sa: “Karamihan sa amin ay naniniwala na mula sa Kristiyanong pangmalas ang pagtitiwala sa banta at posibleng paggamit ng mga sandatang nuklear ay hindi kasiya-siyang paraan ng pag-iwas sa digmaan. Ang ilan ay handang ipahintulot ang pagpapanatili ng mga sandatang nuklear (nuclear deterrence) bilang pansamantalang hakbang lamang sa kawalan ng mga mapagpipilian.” Maliwanag, ang ibang mga lider ng iglesya ay hindi laban sa pagpapanatili ng mga sandatang nuklear bilang isang paraan upang maiwasan ang digmaan!
Ang saloobing ito tungkol sa mga sandatang nuklear ay makikita rin sa susunod na pangungusap ng resolusyon. Sa mas naunang bersiyon ito ay kababasahan: “Kahit na ang pagtataglay nila nito ay hindi kasuwato ng ating pananampalataya sa Diyos.” Ito ay kailangang baguhin, gaya ng sumusunod: “Ang ilan ay handang ipahintulot ang pagpapanatili ng mga sandatang nuklear bilang isang pansamantalang hakbang lamang sa kawalan
ng mga mapagpipilian. Para sa karamihan sa amin, gayunman, ang pagtataglay ng mga sandatang nuklear ay hindi kasuwato ng aming pananampalataya sa Diyos.” Binago rin ang deklarasyon: “Kaya, kami ay sumasang-ayon na ang pag-iral ng mga sandatang ito ay sumasalungat sa kalooban ng Diyos. Ito ay nauwi sa kababasahang: “Kaya ang karamihan sa amin ay naniniwala . . . ”Ang Kaharian ng Diyos o ang UN?
Kapansin-pansin, ang resolusyong ito ng pandaigdig na komperensiya ng mga iglesiya ay hindi nagpahayag ng pagkilala sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging paraan o lunas na magdadala ng walang hanggang buhay at kapayapaan. Sa katunayan, hindi man lamang nito binanggit ang Kaharian ng Diyos. Sa halip, sinunod ng resolusyon ang tradisyonal na katayuan na kinuha ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa pagtaguyod sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa o United Nations at ng iba pang mga pagsisikap ng tao. Sabi nito: “Bilang higit pang mga hakbang aming hinihimok: 1. Ang pagtataguyod at pagpapalawak ng autoridad ng United Nations, ng internasyonal na batas at tangkiliking lubos ang implementasyon ng kasunduan sa Helsinki.” At, nagbibigay “ng mga tuntunin ng pagkilos para sa mga simbahan,” nagsumamo ito sa kanila na “tangkilikin ang mga pulitiko at ang mga plano ng pamahalaan upang gumawa ng mga estratehiya para sa kapayapaan at mga sistema ng panlahat na seguridad.”
Kaibang-kaiba ang katayuang kinuha ni Jesu-Kristo, na nagturo ng ganap na neutralidad sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutan at tinuruan ang kaniyang mga alagad na umasa sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging paraan sa pagtatayo ng walang hanggang kapayapaan sa daigdig! (Juan 17:14, 16; 18:36; Mateo 6:10; Apocalipsis 21:3, 4) Nakikilala ng tunay na mga Kristiyano ang pangangailangan para doon sa “magnais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw” na “hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon.” (1 Pedro 3:10, 11) Sa paggawa nito, sinusunod nila ang utos ng Bibliya: “Ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Ang “Buhay at Kapayapaan” na resolusyon ay nanawagan sa mga bansa na makipagpayapaan sa pamamagitan ng pagdadala ng kanilang “mga negosasyon sa positibong mga konklusyon” at sa pamamagitan “ng ganap na pag-aalis ng lahat ng mga sandatang nuklear sa loob ng limang taon.” Mahigit nang isa at kalahating taon mula noong komperensiya ng “Buhay at Kapayapaan.” Matamo kaya ang tunguhing ito ng kapayapaan sa natitirang kulang-kulang na tatlo at kalahating mga taon? Ang kanila kayang mga pagsisikap ay tunay na magbunga ng pagdadala ng kapayapaan at katiwasayan sa daigdig? O kailangan kayang makialam o mamagitan ang Kaharian ng Diyos upang alisin ang lahat ng umiiral na mga pamahalaan pati na ang kanilang mga banta sa buhay at kapayapaan at isauli ng lupang ito sa mapayapang malaparaisong mga kalagayan? Ang mga dumarating na taon ay walang alinlangan na maglalaan ng kasagutan.—1 Tesalonica 5:3; Daniel 2:44; Isaias 9:7.