Isang Pagmamasid sa Bagong Konstitusyon ng Canada
Isang Pagmamasid sa Bagong Konstitusyon ng Canada
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Canada
“TUNAY na Canadiano sa wakas,” sabi ng tagapagsalita. Masayang naghiyawan ang isang pulutong ng 30,000 mga tao bilang pagtugon. Ang tagapagsalita? Si Reyna Elizabeth II ng Inglatera. Ang pulutong? Yaong mga nagkatipon sa Ottawa, kabisera ng Canada, noong Abril 17, 1982, upang pakinggan ang proklamasyon ng “Constitution Act, 1982.” Oo, ang Canada sa wakas ay nagkaroon ng kaniyang sariling konstitusyon!
Nguni’t hindi ba’t ang Canada ay naging isang bansa sa mahigit nang isang dantaon? Bakit ngayon lamang naproklama ang isang konstitusyon? Mahusay na mga katanungan. Upang maunawaan ang bagay na ito kakailanganin nating sulyapan ang kasaysayan ng Canada at makita kung paano, sa loob ng ilang panahon, ang Canada ay naging (sa diwa) isang bansa na walang kaniyang sariling konstitusyon.
Bakit Kinakailangan ang Isang Konstitusyon?
Ang Canada ay natatag bilang isang bansa noong 1867 nang ang ilang mga kolonyang Britano sa hilaga ng Estados Unidos ng Amerika ay nagtatag ng isang pederasyon at hiniling ang Parlamento ng Gran Britanya na gawing legal ang bansa. Ginawa ito ng Batas ng BNA (British North America). Yamang isa itong batas ng Parlamentong Britano, ang Mababa at Mataas na mga Kapulungan (Houses of Commons and Lords) ay kinakailangang lapitan para sa anumang kinakailangang mga susog o amendment sa hinaharap.
Bagaman ang mga susog ay karaniwang pinagtitibay nang walang pagtutol, gayunman ang bagay na ang dokumento ng pagtatatag ay isang batas ng bansang “banyaga,” na nang maglaon, ay “hindi gaanong mabuti,” sang-ayon sa ibang mga taga-Canada. Inaakala nila na ang Batas BNA ay dapat iuwi sa Canada at doon dapat gawin ang mga pagsusog. May iba pang mga dahilan sa pagnanais na doon ito gawin sa Canada.
Ang naging Konstitusyon ng Canada ay ang pinagsama-samang libu-libong mga batas at mga kombensiyon na ginawa sa loob ng maraming mga taon, karagdagan pa sa maraming mga batas na minana mula sa Magna Carta ng 1215 C.E., ang unang batas ng batas Ingles at isang pagpipigil sa autoridad ng pagkasoberano. Ang mga tagapagtatag ng Estados Unidos ay humango rin mula sa Magna Carta nang ibinabalangkas ang kanilang konstitusyon upang maglakip sa pangunahing mga karapatan sa pagsasanggalang sa lahat ng mamamayan. Kaya, ang mga hukuman ay nakapagdidisisyon sa mga kaso salig sa malawak na mga simulain ng kanilang Bill of Rights. Ang Canada ay wala ng gayong malinaw na mga garantiya.
Ang Canadian Bill of Rights
Gayunman, ang pagnanais ng mga taga-Canada para sa gayong dokumento ay pinatotohanan noong 1949 nang ipalaganap ng mga Saksi ni Jehova ang isang petisyon na nananawagan para sa Canadian
Bill of Rights. Mahigit na 625,000 mga pangalan ang iniharap sa Parlamento ng taóng iyon niyaong mga nakadarama ng banta sa mga kalayaan ng lahat ng mga taga-Canada sa mga pang-aabuso na nakikita nilang ginagawa sa mga Saksi ni Jehova sa Lalawigan ng Quebec. Naniniwala sila na ang lunas ay masusumpungan sa konstitusyunal na garantiya ng pangunahing mga karapatan para sa lahat.Noong Agosto 10, 1960, ang Canadian Bill of Rights ay isinabatas. Hindi ito nagtataglay ng lakas na inaasahan ng maraming taga-Canada. (Tingnan ang Awake!, Pebrero 8, 1961.) Pagkatapos inilarawan ni Propesor Bora Laskin (nang dakong huli’y naging Punong Hukom ng Korte Suprema ng Canada) ang Panukalang-Batas o Bill bilang “isang kabiguan sa paglapit nito, lubhang natatakdaan sa pagkakapit nito at walang bisa ang nilalaman nito.” Kaya, hindi lamang masusugan noon ng mga taga-Canada ang kanilang Konstitusyon kundi labis rin nilang ikinabahala ang hinggil sa pagpapanatili ng kanilang mga kalayaang sibil.
Hindi ibig sabihin nito na wala silang mga kalayaan. Sa katunayan, sa nilakad ng mga panahon ang Korte Suprema ay nagpasiya na pabor sa kalayaan sa relihiyon, sa pagtitipon, sa pagsasalita at sa paglilimbag, mga kaso na karaniwang nagsasangkot sa mga kalayaan ng mga Saksi ni Jehova, bagaman apektado ang lahat ng mga mamamayan. Halimbawa, sa isang palatandaang disisyon ng Saumur v. Quebec, isa sa mga kaso ng mga Saksi ni Jehova, si G. Justice Rand ay nagsabi: “Ang kalayaan sa pagsasalita, relihiyon at ang hindi pagkanalalabag ng tao, ay orihinal na mga kalayaan na noon pa man ay kinakailangang mga katangian at paraan ng pagpapahayag-ng-sarili ng mga tao at ng pangunahing mga kalagayan ng kanilang pamumuhay sa pamayanan sa loob ng isang legal na kaayusan.”
Upang matiyak na walang batas na maisasabatas na sumasalungat sa gayong mga karapatan, inaakalang kinakailangang “maipasok at mapanatili” ito sa Konstitusyon. Gaya ng pagkakasabi ng dating Punong Ministro Pierre Trudeau: “Bilang isang probisyon ng konstitusyon hindi ito magiging isang ordinaryong batas kundi . . . isang tuntunin sa paggawa ng mga batas. Sa pamamagitan ng paggarantiya sa ilang mga karapatan na malaya mula sa panghihimasok, tatakdaan nito ang kapangyarihan ng mga pamahalaan at papawalang-halaga nito ang ordinaryong kilos o aksiyon ng gobyerno—kahit na ang mga batas na isinabatas—na lumalabag sa mga karapatang iyon.”
Kung Ano ang Nilalaman ng Batas ng Konstitusyon
Ano ang nilalaman ng Batas ng Konstitusyon? Ang unang 34 na mga bahagi ay pinamagatang: “Canadian Charter of Rights and Freedoms,” sinasaklaw ang pangunahing mga kalayaan na gaya ng “(a) kalayaan sa budhi at relihiyon; (b) kalayaan sa pag-iisip, paniniwala, palagay at pagpapahayag, pati na ang kalayaan sa paglilimbag at iba pang media ng komunikasyon; (c) Kalayaan sa mapayapang pagtitipon; at (d) kalayaan sa pakikisama.” Ang natitirang bahagi ay may kaugnayan sa mga batas ng mga katutubong tao, ang pagtitimbang ng mga pagkakaibang pangrehiyon at mga pagsususog sa konstitusyon.
Nakabahala sa ilan ang salungat na mga sugnay na nagtatakda ng mga kalayaan sa ilang mga limitasyon o na nagpapahintulot sa mga lalawigan na magkaroon ng mga batas na libre o di-saklaw mula sa pagsunod sa Charter. Ang American Bill of Rights ay wala ng gayong mga limitasyon. Panahon lamang ang makapagsasabi ng epekto ng mga sugnay na ito sa pangunahing mga karapatan at mga kalayaan.
Malaking Epekto
Sa dalawang taon na sumunod sa proklamasyon ng Constitution Act, 1982, nagkaroon ng malaking epekto. Mahigit na isang libong mga disisyon may kaugnayan sa Charter ang nagawa sa nakabababang mga hukuman. Karamihan sa mga kasong ito ay tungkol sa mga teknikalidad ng kriminal na batas at ilang mga bagay hinggil sa pamamaraan. Dahilan sa kinakailangang panahon upang ang mga apela ay umabot sa matataas na hukuman, isang kaso pa lamang ang nakakarating sa Korte Suprema, at iyon ay hindi nagsasangkot ng mahalagang isyu.
Ang mga taga-Canada ay dapat papurihan sa kanilang pagnanais na itatag ang kanilang lipunan sa mga simulain ng katarungan “na kumikilala sa kahigitan ng Diyos.” Inaasahang susundin nila sa espiritu o diwa ang mga probisyon o paglalaan ng kanilang Konstitusyon. Gaya ng sinabi sa amin sa isang panayam ng isang abugado at eksperto sa mga kalayaang sibil: “Walang batas ang higit na malakas kaysa sa paraan ng pagpapatupad nito, at ang mga paraan ng pagpapatupad nito ang siya lamang ipahihintulot ng mga tao.” Kaya, ang mga taga-Canada ay dapat na maging alisto na ikapit ang Charter of Rights sa bagong Konstitusyon ng Canada.
[Blurb sa pahina 27]
“Walang batas ang higit na malakas kaysa sa paraan ng pagpapatupad nito, at ang mga paraan ng pagpapatupad nito ang siya lamang ipahihintulot ng mga tao.”