Mayroon Pa Bang Anuman na Mapapanood Ako sa TV?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mayroon Pa Bang Anuman na Mapapanood Ako sa TV?
Mahal na Samahang Watchtower:
Mayroon po akong katanungan. Mayroon po bang anuman sa telebisyon na mapapanood ako at gayunman ay hindi maapektuhan nito sa masamang paraan?—Monica
HINDI lamang si Monica ang nagtatanong nito. Itinatanong din ito ng maraming mga siyentipiko, edukador at mga magulang. Sa kasamaang palad, ang pagkakaroon ng kasagutan ay hindi gayon kadali.
Sa isang bagay, hindi laging nagkakasundo kahit na ang tinatawag na mga dalubhasa kung baga ang TV ay kapaki-pakinabang o nakapipinsala. Sabi ng iba na hinahadlangan nito ang pagbabasa. Sabi naman ng iba na pinasisigla nito ang interes sa pagbabasa. Itinataguyod ng iba ang pagkontrol sa pagprograma ng TV. Sabi ng iba na nakasasama raw ang anuman na panoorin mo. Patuloy pa rin ang pagtatalo. Gayunman, yaong nagsasabi na ang TV ay nakapipinsala ay waring mas nakalalamang sa kaso. Tingnan nga natin ang ilan lamang sa posibleng mga panganib ng TV.
Ang Marahas na Pang-akit ng TV
Sa loob lamang ng mga ilang taon, ang TV ay naging napakapopular. Sa katunayan, “mas maraming Amerikano ang may telebisyon kaysa mga refrigerator o loob-bahay na mga instalasyon ng tubo.” Nauuso rin ito kahit na sa mas mahirap na mga bansa. Ang Ethiopia, halimbawa, ay nag-ulat na mayroon lamang 27,000 mga set ng TV sa populasyon nitong 35 milyon. Gayunman hindi nito napahinto ang Ethiopia sa pag-aanunsyo ng pagsisimula ng paglilingkod ng TV na de kolor! Ano, kung gayon, ang halos pansansinukob na pang-akit ng TV?
Tinawag ng isang report ng Surgeon General’s Scientific Advisory Committee ang TV na isang “tunog-at-liwanag na palabas na nakakaakit sa [dominanteng] mga pandamdam ng paningin at pandinig.” Bunga nito, “ito’y nakakaakit na parang batubalani. Tinititigan ito ng mga sanggol na mga 6 na buwan pa lamang; nauupo sa harap nito ang mga bata ng mga ilang oras sa isang panahon.” Aba, sa isang surbey ng mga tin-edyer, inamin ng 53 porsiyento ang nanonood ng mga palabas na hindi nila naiibigan! Sa ilang kadahilanan, para bang ang TV ay may hipnotikong epekto sa ilan.
Gayumpaman, natural lamang na nais ng mga TV network na panoorin mo ang kanilang mga programa. At nakita nila na may isang tiyak na paraan upang panatilihing nakapako sa kanilang mga set ang isang manonood: Itampok ang karahasan—at marami nito. Wari bang ang mga tao ay hindi nakakakita ng sapat na mga bungguan ng kotse, mga pagsabog, mga pananaksak, mga barilan at mga sipa ng karate. Sang-ayon sa isang tantiya, ang isang kabataan sa Estados Unidos ay makakasaksi ng 18,000 taong pinapatay sa TV pagtungtong niya ng 14 anyos, huwag
nang banggitin pa ang mga suntukan at mga gawain ng bandalismo. Nguni’t ang isa ba ay maaaring patuloy na manood nito at hindi mapinsala?“Labis-labis” na Katibayan
Mga ilang taon lamang ang nakalipas, sinuri ng Britanong mananaliksik na si William Belson at ng kaniyang mga koponan ang 1,565 mga Britanong tin-edyer na lalaki. Hindi kataka-taka na masumpungan na ang mga batang lalaki na mahilig sa mga marahas na palabas sa TV ay mas malamang na “gumawa ng karahasan.” Naghinuha rin sila na ang karahasan sa TV ay maaaring mag-udyok ng “panunumpa at pagmumura, pagkaagresibo sa palakasan o sa laro, pagbabanta na gamitin ang karahasan sa ibang bata, pagsulat ng mga pamansag sa mga dingding o pader, [at] pagbasag ng mga bintana.” Ang National Institute of Mental Health (U.S.) ay naghinuha rin na may “labis-labis” na katibayan na ang karahasan na ipinalalabas sa telebisyon ay nagbubunga ng karahasan. a
‘Nguni’t nakapanood na rin ako ng ilang mga palabas na iyon na may barilan at mga habulan ng kotse,’ maaaring sabihin mo. ‘Hindi ibig sabihin niyan na inaakala kong tama na manakit ng iba.’ Subali’t isa sa nakagagambalang tuklas ng pag-aaral ni Belson ay na ang pagkahantad sa karahasan sa TV ay hindi “nagpabago sa mga may malay (conscious) na saloobin ng mga bata tungkol” sa karahasan. Maliwanag na ang patuloy na panonood ng karahasan ay nag-alis ng kanilang subconcious na mga pagpipigil laban sa karahasan.
Ang Bibliya ay nagsasabi sa Awit 11:5: “Sinisiyasat ni Jehova mismo ang matuwid gayundin ang balakyot, at sinumang umiibig ng karahasan ay kinapootan ng Kaniyang kaluluwa.” Ipinakikita ba ng iyong hilig sa mga programa ng TV na ikaw ay maibigin sa kapayapaan o sa karahasan?? b—Mateo 5:9.
“Hindi Makatotohanan, Kaakit-akit at Maganda”
‘Tiyak na wala namang masama sa panonood ng mga palabas na walang karahasan,’ maipalalagay mo. Marahil wala nga. Gayunman ganito ang sabi ni Dr. George Gerbner: “Maraming bagay (sa telebisyon) ang uliranin. Ang mga ito ay inilalahad sa isang hindi makatotohanan, kaakit-akit at magandang paraan.” Pansinin ang epekto ng lahat ng ito sa isang kabataan: “Hindi ko gaano pinag-isipan kung paano ako naaapektuhan ng telebisyon, hanggang sa magkaproblema ako sa bahay. . . . Napagtanto ko na ang dahilan kung bakit totoong hindi ako maligaya sa aking mga kaugnayan sa aking pamilya ay na, sa likuran ng aking isipan, hindi sila nakatutugon sa sakdal buhay pampamilya na napanood ko sa telebisyon.”—Magasing Teen.
Ang buhay ay hindi sakdal. Hindi gaya ng ubod-talinong mga magulang sa TV na waring hindi nag-aalala tungkol sa mga upa at mga bayad sa doktor, ang iyong mga magulang ay maaaring may mabigat na pinansyal at emosyonal na mga pasanin na dapat paglabanan. Bakit, kung gayon, di-makatuwirang ihahambing sila sa mga tauhan na wala kundi produkto lamang ng guniguni ng manunulat? Ang payo ng Bibliya ay: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Magagawa mo ito nang pinakamabuti sa pakikipag-usap sa kanila at pagkilala sa kanila, sa halip na mabuhos ang isip sa mga buhay ng gawa-gawa lamang na mga tauhan.
Maudyukan Ka Kaya ng TV na Uminom?
Napapansin mo ba kung gaano kadalas uminom ng inuming de alkohol ang iyong paboritong artistang lalaki o babae sa TV? Gayunman sa lahat ng mga pag-inom na ito, ilan lamang ang inilalarawan na nahihilo, nagkakaroon ng mga guniguni at nawawalan ng dangal na sinasabi ng Bibliya na kaugnay ng labis na pag-inom.—Kawikaan 23:29-35.
Si Dr. Thomas Radecki, isang saykayatris na siyang nangungulo sa National Coalition on Television Violence, ay nagsasabi: “Ang pag-aanunsyo sa TV at paggamit ng alkohol sa programa ay gumaganap ng malaking bahagi sa sumusulong na pag-abuso sa alkohol. Ang karaniwang bata ay makakakita ng pag-inom ng alak sa telebisyon na 75,000 ulit bago siya dumating sa legal na edad ng pag-inom.” Makakaapekto ba sa iyo ang basta panonood ng pagmamalabis na ito sa alkohol? Ipinagugunita sa atin ni Dr. Radecki na ang “pag-abuso sa alkohol, at ang karahasan ang dalawang pinakapangunahing sanhi ng kamatayan sa E.U.”
At kumusta naman yaong magandang, isang-minutong mga komersiyal o patalastas? Ganito ang sabi ng manunulat na si Vance Packard: “Sa panahon na ang isang karaniwang kabataan sa E.U. ay makapagtapos ng high school naging target na siya ng mahigit na labinlimang daang oras ng mga TV komersiyal.” Ang mapaniwalaing publiko ay napapaniwala na kung ang isa ay may sakit o kirot, dapat siyang kumuha ng ganito’t-ganoong lunas. Kung ang isa ay hindi kaakit-akit, ang lunas ay ang tamang pangmumog, toothpaste o deodorante sa kilikili. Aba pati nga ang pagkakaroon ng isang trabaho ay maaaring depende sa paggamit ng tamang siyampo! ‘Hindi ako apektado ng alinman sa mga ito,’ sabi mo. Totoo kaya? Ilan sa gayong mga produkto, gayunman, ang nabili mo o natukso kang bilhin?
Ano ang Maaari Kong Panoorin?
Gayunman, ang posibilidad na itatapon
o ipamimigay ng mga tao ang kanilang mga set ng TV ay mahirap mangyari. Isa pa, gaya ng sinasabi ng manunulat na si Vance Packard, “ang mga magulang na inilalagay ang kanilang mga set ng TV sa atik ay malamang na labis ang reaksiyon.” Bakit? Ganito ang sabi ni Packard: “Ang marami na nasa telebisyon sa E.U. ay maaaring kapaki-pakinabang . . . Kadalasang may maagang mga programa sa gabi na hinggil sa kamangha-manghang mga gawa sa potograpiya na ipinakikita ang kalikasan—mula sa gawain ng mga paniki, mga beaver, bison hanggang doon sa mga blowfish. Nariyan din ang kaakit-akit na ballet, opera, at chamber music sa telebisyong pampubliko. Ang TV ay napakahusay sa pagsasaysay ng mahahalagang mga pangyayari . . . Kung minsan ang TV ay nagpapalabas ng nagpapaliwanag na dramatikong mga produksiyon.” Mayroon bang gayong mga programa sa iyong lugar? Kaya ang susi sa ligtas na panonood ng TV ay ang iyong pagiging mapamili. Ang kaaya-ayang mga programa sa TV ay maaaring maging nakapagpaparelaks at nakagiginhawa sa maraming tao.Walang alinlangan na ang iyong mga magulang ay nababahala tungkol sa kung ano ang iyong pinanonood at kung gaano karaming panahon ang ginugugol mo sa paggawa ng gayon. Bakit hindi imungkahi ang isang pag-uusap ng pamilya tungkol sa TV at kung paano ito masusupil na mas mabuti? Ginagawang patakaran ng ibang pamilya ang pagbubukas lamang ng TV kapag may kapaki-pakinabang na mapapanood. Isa pa, inirerekomenda ng ibang mga dalubhasa na ang mga magulang ay manood na kasama ng kanilang mga anak. Sa ganitong paraan matutulungan ka nila na makita ang anumang mali o hindi makatotohanang mga palagay na itinuturo. Sa gayon ang panonood ng TV ay maaaring maging isang karanasang pampamilya.
Tandaan: Ang TV ay isang kahali-halinang instrumento, nguni’t ang mga programa nito ay maaaring maging mapanganib. Matutong supilin ito. Kung hindi, ito ang susupil sa iyo.
[Talababa]
a Tingnan ang “Ang Pinagmumulan ng Karahasan—Nasa Telebisyon Ba?” sa Disyembre 22, 1982 na labas ng Gumising! para sa higit pang impormasyon.
b Kawili-wili, sinasabi ni Belson na kabilang sa mga palabas na lubhang nakapipinsala ay: realistikong karahasan, karahasan sa ganang sarili at karahasan na ginawa ng tinatawag na mabubuting tao. Inilalarawan ba nito ang alinman sa paborito mong programa?
[Mga larawan sa pahina 14]
Naniniwala ang ibang mga dalubhasa na ang panonood ng karahasan sa TV ay maaaring gumawa sa iyo na marahas