Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Problema sa “Paraiso”

Mga Problema sa “Paraiso”

Mga Problema sa “Paraiso”

KUNG sawa ka na sa paraan ng pamumuhay na laging nagmamadali, naiisip mo bang magtungo sa isang isla sa Pasipiko upang matakasan ang lahat ng ito? Maguguniguni mo ba ang iyong sarili na nasisiyahan sa mabuhanging mga dalampasigan, sa asul na asul na mga lawa, sa tropikal na mga karagatan? Kung gayon, ang lugar na nasa iyong isipan ay malamang na gaya ng Belau.

Ang Belau (dating Palau), isang grupo ng mahigit na 200 tropikal na mga isla na ang karamihan ay hindi tinitirhan ay waring maraming katangian ng Paraiso: isang temperatura na bihirang lumayo sa 80 digri Fahrenheit (27° C.), matabang lupa, saganang mga karagatan, masisipag, palakaibigang mga mamamayan​—malayo sa mga sentro ng internasyonal na igtingan, ng Washington at Moscow.

Gayunman, nakalulungkot sabihin, ang Belau ay nabahiran na ng ika-20 siglo. Hali-haliling pinamahalaan ng Alemanya, Japan at ng Estados Unidos, naging sentro ito ng walang awang pagpatay at pagpuksa noong nakaraang digmaang pandaigdig. Kahit na ngayon, nadarama ng wala pang 15,000 mga tao sa maliit na bansang pulo na ito ang tindi ng mga problema na nakakaharap ng malalaki at malalayong mga bansa, at hindi nila ito naibigan.

Ang polusyon ay isang modernong problema na maaaring magtulak sa iyo na tumakas tungo sa isang isla sa Pasipiko, subali’t pinagbabantaan din ng problemang ito ang Belau. Noong 1975 isa sa pinakakilalang industriyal na kapangyarihan ng daigdig, ang Japan, ay nag-alok na magtayo ng isang daungan ng mga barkong nagdadala ng langis at isang pagkalaki-laking industriyal na compleks doon mismo sa Belau. Ito ang magiging pinakamalaking superport sa daigdig, na may mga dalisayan ng langis, petrokemikal na mga pasilidad at mga smelters. Ang isla ng Kayangel, marahil ang pinakamaganda sa lahat ng Micronesia, ang siyang magiging lugar ng isang nuclear power station. Ang pagtatayo ng gayong pagkalalaking mga pasilidad ay mangangailangan ng pagdagsa ng mga dayuhang manggagawa at mga pamilya na halos ay kasindami ng populasyon ng mga katutubo.

Mauunawaan kung gayon, ang karamihan ng mga tao ay galit na tumutol sa proyekto, ikinatatakot ang pinsalang maaaring gawin nito sa hangin, sa magandang mga dalampasigan at sa sagana, sarisaring buhay sa dagat. Batid nila na ang kanilang malinis na mga batuhan at mga lawa ay sumustini sa kanila mula’t-sapol. Ayaw nilang sirain ito ng polusyon na kapalit ng materyal na mga luho sa buhay. Isa sa kanilang mga lider ay nagsabi: “Iniaalok kami ng mga dayuhan ng mga bagay na wala kami sapagka’t hindi namin kailangan ang mga ito. Nagmamasid sila sa Belau at ipinagkakamali ang simple naming pamumuhay sa karalitaan.” Dahilan sa malakas na oposisyon, ang bantang ito ay nasawata.

Ang Isyu ng mga Sandatang Nuklear

Nguni’t marahil ay nanaisin mong manirahan sa isang tropikal na pulo upang makatakas sa banta ng digmaan at sa pagpapaligsahan ng mga sandatang nuklear. Kung gayon, ang Belau ay maaari ring maging isang kabiguan. Noong 1983, ang problemang iyan mismo ang paksa ng mainit na pagtatalo sa maliit na bansa.

Noong 1947, pagkatapos ng pagkatalo ng Japan, ang dating namumuno sa Belau, ang bansa ay naging isang trust territory sa ilalim ng Estados Unidos. Nitong nakaraang mga taon iminungkahi ng Estados Unidos na wakasan na ang papel nito bilang administrador. Sa isang dokumento na tinawag na Compact of Free Association, ang autonomiya o pagsasarili ay inalok sa maliit na bansa, subali’t pananatilihin ng superpower ang lahat ng mga karapatang militar. Bibigyan nito ang mga taga-Palau ng maraming materyal na mga pakinabang, subali’t ang Estados Unidos ang magkakaroon ng mga pasilidad ng militar sa mga pulo. At ipinahihiwatig sa kasunduan ang karapatan ng Estados Unidos na maglipat ng mga sandatang nuklear sa bansa.

Totoo, ang pananalita ng kasunduan ay nagsasabi: “Ipahihintulot ng pamahalaan ng Estados Unidos ang pagkanaroroon ng mga sandatang nuklear sa Belau tanging kaugnay lamang sa pagdadala (transit) at overflight lamang, sa panahon ng isang pambansang emergency na idineklara ng Presidente ng Estados Unidos, o sa isang digmaan na idineklara ng kongreso upang magtanggol laban sa aktuwal o dumarating na pagsalakay sa Estados Unidos o sa Belau.” Ang mga taga-Palau ay nininerbiyos sa kung baga ano ang kahulugan ng “transit” at “overflight.”

Maaaring ang Belau lamang ang bansa sa daigdig na may konstitusyon na nagbabawal sa pagkakaroon ng nuklear (gayundin ng kemikal at biyolohikal) na mga sandata sa mga teritoryo nito at sa mga nasasakupan nitong karagatan. Kaya, ang mga naninirahan sa pulo ay maingat sa isang kasunduan na magpapahintulot ng malalaking militar na mga instalasyon at mga pasilidad, marahil ay kasama na ang mga sandatang nuklear. Sabi ng isang babaing tagaroon: “Ang Belau ay hindi dapat masangkot sa anumang gawaing militar na maaaring mag-anyaya ng pagsalakay laban sa kaniya.” Isang maybahay ay nagkomento: “Natatakot ako sa isang aksidenteng nuklear o sa isang pagsabog.” Ikinatatakot ng marami ang masamang sosyal na epekto ng pagkanaroroon ng militar ng Estados Unidos. Ikinababahala naman ng iba na ang kasunduan ay gagawa sa bansa na lubhang dumipende sa ekonomikal na paraan sa Estados Unidos.

Gayunman, sa pagtatalong ito wari bang ang mga tao sa Belau ay hindi nagkakaisa. Nais ng isang 58-taong-gulang na ina ang Compact upang ang kaniyang mga anak ay ‘makapunta sa Estados Unidos upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.’ Isang dating hepe ng pulis ang nagkomento: “Madalas pag-usapan ng mga tao ang kagandahan ng mga pulo. Nguni’t kung ihaharap mo sa karamihan sa kanila ang salapi at kagandahan, pipiliin nila ang salapi, sapagka’t isa itong pangangailangan. Nais kong makitang umunlad ang mga taga-Palau.”

Noong Pebrero 10, 1983, binoto ng karamihan na tanggapin ang 50-taóng kasunduan sa Estados Unidos. Gayunman, sa isang hiwalay na balota, 52 porsiyento lamang ang bumoto na sumasang-ayon sa pagkakaroon ng mga sandatang nuklear sa kanilang republika​—malayung-malayo sa kinakailangang 75 porsiyento para sa isang pagsusog sa saligang-batas. Kaya, ang Compact ay hindi pinagtibay nang panahong iyon. Ang di-pagkakasundo ay nalutas lamang nang ang mga nakipag-areglo ay pumirma ng isang kasunduan na nagpapahintulot sa Estados Unidos na paraanin lamang ang nuklear na mga materyales, subali’t hindi iimbak o susubukin ang mga ito roon, sa bansang pulo.

Ang Isyu ng Kaharian

Kaya, nakalulungkot, kahit na tumakas ka tungo sa isang tropikal na pulo, hindi rin iyan garantiya na maliligtasan mo ang mga suliranin at mga panggigipit ng ika-20 siglo. Gayumpaman, anumang kinabukasan ang nakalaan para sa Belau, ang mga Saksi ni Jehova ay abalang-abala sa mga pulo, sinasabi sa mga tao ang iba pang isyu ng ika-20 siglong ito na magdadala sa kanila ng dakilang mga pagpapala.

Noong 1967 dumating doon ang unang mag-asawang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Wala silang kaalaman tungkol sa lokal na wika, at nasumpungan nila na kakaunti lamang mga tao ang nakakaunawa ng Ingles. Gayumpaman, hindi nagtagal at natuto sila ng sapat na mga salita upang sabihin sa kanilang mga bagong kapitbahay sa paputul-putol na salitang Palau na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na, at na ang Kahariang ito ang siyang lulutas sa wakas sa suliranin ng pagpapaligsahan sa mga sandatang nuklear, sa suliranin ng polusyon, at sa lahat ng iba pang tila hindi malutas na mga problema ng ika-20 siglo na gumugulo ng kanilang katahimikan.​—Apocalipsis 11:18.

Mayroon na ngayong isang kongregasyon ng 30 mga Saksi ni Jehova sa Belau, na sinasabi sa kanilang mga kapuwa ang ganito: “Si Jehova mismo ay naging Hari! Hayaang magalak ang lupa. Hayaang matuwa ang karamihan ng mga pulo.”​—Awit 97:1.