Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

‘Sangkot sa mga Labanan’

● Ang United Nations International Conference on Population ay nagtipon sa Mexico City noong Agosto sa isang pagsisikap na alamin ang mga paraan kung paano susugpuin ang labis na pagdami ng populasyon. Nguni’t pagkatapos ng siyam-na-araw na komperensiya, sabi ng The New York Times, ipinahayag ng maraming delegado na labis-labis na panahon at pansin ang ibinigay sa mga “bagay na wala namang kaugnayan sa pagpaplano ng hinaharap na pagdami ng populasyon ng daigdig.” Ang isa sa pinakamainit na pinagtalunang isyu ay ang rekomendasyon na ipagbawal ang pagtatayo ng mga paninirahan sa okupadong mga teritoryo, ipinalalagay na tumutukoy sa mga paninirahan ng Israel sa West Bank. Ang isa pang proposal ay himukin na wakasan ang paligsahan sa armas at ituon ang mga kayamanang ginagamit dito sa ikauunlad ng lipunan at ng kabuhayan. Sang-ayon sa report, ang miting “ay nagbangon ng bagong pagkabahala sa kawalang kakayahan ng mga pandaigdig na forum, kahit na yaong may kaugnayan sa mga paksang neutral sa pulitika, na huwag masangkot sa lubhang maigting na internasyonal na mga labanan.”

Suliranin sa mga Takas

● Mayroong tinatayang tatlo hanggang apat na milyong mga takas o refugee sa Aprika. “Nguni’t ang kakayahan ng Aprika na tulungan [ang mga ito] ay lubhang nabagbag ng likas at gawang-tao na mga malaking sakuna at ng pangglobong krisis sa kabuhayan,” sabi ng The Times ng London. “Sa nakalipas na dalawang taon walang anumang mahalagang pangyayari na magpapangyari ng isang bagong pagdagsa ng pulitikal na mga takas,” sabi ng ulat. “Gayunman, ang mga kampo [ng mga takas] ay nananatili, kung minsan sa pinakamahirap na mga bansa.” Halimbawa, tinatayang 700,000 mga takas ang naninirahan sa mga kampo sa sinalanta-ng-kahirapan na Somalia, na marahil ay gayon din karami ang nakatira sa labas. Subali’t binabanggit ng The Times ang apurahang pangangailangan ng tulong para sa mga takas, idinagdag pa nito na “mayroon ding di-kinakailangang pagdiriin sa emergency aid sa kapinsalaan ng mahabang panahong pagpaplano para sa kaunlaran” ng mas mabuting mga kalagayan sa Aprika.

Pandarayuhan ng Taga-Indonesia

● Kung matutugunan ng gobyerno ng Indonesia ang ambisyosong sampung-taong tunguhin nito sa 1989, 7.5 milyong mga tao ang nailipat na mula sa pinakamataong isla ng bansa tungo sa di-gaanong mataong mga pulo. Sinasabi ng mga opisyal na ang programa ay tutulong sa Indonesia na magsaka ng pagkain at magpaunlad ng bagong mga rehiyon. Upang itaguyod ang programa, ang pamahalaan ng Indonesia ay nangangako sa mandarayuhang mga pamilya ng mga rasyon ng pagkain sa unang taon o dalawang taon, isang bahay at 2.5 hanggang 4 na ektarya (6 hanggang 10 acre) ng lupa. Sa kasamaang palad, maraming mga nandayuhan, lalo na yaong galing sa malalaking lunsod, ay nahihirapang makibagay sa kanilang bagong kapaligiran. “Sa wakas ang nagpapatakbo sa pandarayuhan,” sabi ng New Scientist, “ay na maraming taga-Indonesia ang lubhang nagnanais na magkaroon ng lupa anupa’t handa silang magtiis ng mga kahirapan upang makuha ito.”

Mga Orasan sa Pananalangin

● Si Dr. Ahmed Bahat, isang elektrikal na inhenyero mula sa Ehipto, ay nakagawa ng isang computerized na “orasan sa pananalangin” para sa mga Moslem. Sang-ayon sa New Scientist, masasabi ng mga orasan kung kailan at kung saang direksiyon dapat manalangin ang mga Moslem, saanman sila naroroon. Pagkatapos ipasok ng may-ari ang kaniyang latitude at longitude​—o ang wastong kodigo para sa alinman sa 200 piniling mga lunsod​—at ang lokal na oras at petsa sa computer ng orasan, ang orasan ay tutunog sa itinakdang mga oras ng panalangin. Ang orasan ay may kompas din na maaaring i-set upang tumuro sa Mecca. Isang kompaniya sa Estados Unidos ang gumawa ng mga plano na ibenta ang mga 100,000 orasan na ito sa Saudi Arabia sa taong ito.

Mga Pinsala sa Palakasan

● “Batid natin na ang football ay isang pangunahing problema [sa mga nangyayaring pinsala], nguni’t kung pag-uusapan ang iba pang mga laro sa palakasan, talagang hindi natin alam kung ano ang nangyayari.” Gayon ang sabi ni Frederick O. Mueller ng University of North Carolina sa isang panayam sa 1984 Olympic Scientific Congress sa Eugene, Oregon. Upang alamin, siya at ang iba pang kasamahan niya ay nagtipon ng mga impormasyon tungkol sa katumbasan ng mga pinsala na nagdulot ng permanenteng disabilidad o pinsala o kamatayan sa gitna ng mga estudyante sa kolehiyo at high school sa Estados Unidos. Sa gitna ng mga estudyante sa kolehiyo ang katumbasan sa bawa’t 100,000 ay 12.73 sa ice hockey, 14.27 sa gymnastics at 20.25 sa lacrosse. Ito’y nakakahambing ng 6.63 sa basketball at 9.33 sa football. Sa mga estudyante naman sa high school ang pinakamataas na katumbasan ay 1.96 sa wrestling, 2.25 sa football at 4.16 sa lacrosse.

Masamang Gamot

● “Ang pagmamalabis sa gamot sa ating bansa ay totoong palasak,” ang sabi ni Hershel Jick ng Boston University. Humigit-kumulang 75 milyong adultong mga pasyente sa labas ang umiinom ng isa o higit pang gamot minsan isang linggo, ang pag-uulat ng Science News, at “ang karaniwang pasyente sa ospital ay nakakainom ng 9 o 10 gamot sa panahon ng kaniyang pagpapaospital.” Ang resulta? Isa sa bawa’t 30 pasyenteng tinatanggap sa ospital ay dahil sa masamang reaksiyon sa gamot, at humigit-kumulang 30 porsiyento ng lahat ng pasyente sa ospital ang dumaranas ng sa pinakamababa’y isa ng gayong mga reaksiyon sa panahon ng kanilang pagpapaospital, ang sabi ng report.