Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtatangi—Problema ng Lahat

Pagtatangi—Problema ng Lahat

Pagtatangi​—Problema ng Lahat

“BAKIT hindi ka magpunta rito bukas?” tanong ng malamang na maging amo niya. “Natitiyak kong mayroon kaming trabaho para sa iyo.” Ibinaba ni Yvonne ang telepono, nagtitiwalang kaniya na ang trabaho. Ang trabaho sa opisina ay magiging isang malaking pagbabago mula sa dati niyang pinapasukang mga trabaho sa bahay mula nang huminto siya sa kolehiyo.

Pagdating niya sa kaniyang papasukang trabaho kinabukasan, nasumpungan ni Yvonne ang babaing kausap niya sa telepono at siya ay nagpakilala. Nguni’t nang marinig muli ng babae ang “kakaibang” apelyido ni Yvonne, ngayo’y iniuugnay ito sa kaniyang Oryental na mga katangian, napangangà na lamang ang babae. “Panay ang ehem at aw niya,” nagugunita ni Yvonne, “sa wakas ay sinabi niya sa akin na wala nang makukuhang trabaho.” Nguni’t batid ni Yvonne kung bakit balik na naman siya sa pagsuyod ng mga anunsyong “help wanted”: pagtatangi ng lahi.

Problema Nino?

Mauunawaan nga kung bakit ang karamihan sa atin ay asiwa kapag ang pinag-uusapan ay tungkol sa pagtatangi. Ang ilang mga paksa ay napakakontrobersiyal​—o emosyonal. Gayumpaman, hindi ito maaaring ipagwalang-bahala o isaisang-tabi na lamang na para bang ito’y problema ng iba. Ang pagkiling o pagtatangi ay nakakaapekto sa lahat halos na pitak ng mga kaugnayan ng tao. Ang malaon nang pinaniniwalaang mga alamat hinggil sa kahigitan ng mga lalaki ay nagpangyari na ang mga babae ay tumanggap ng mababang sahod at kaunting mga pagkakataon sa trabaho. Ginatungan ng relihiyosong mga pagkakaiba ang karahasan sa Ireland. Ang mga taga-Canada na nagsasalita ng Pranses ay nakipaglaban sa kanilang mga kababayan na nagsasalita ng Ingles. Sa India, bagaman ang caste system ay labag sa batas, ang mga caste Hindu ay tumatangging lumakad sa kalye na kasama ng mga “Untouchable.” Yaong mga nasa mataas na lipunan sa Europa batay sa kayamanan at tradisyonal na prestiyo ay nakikipaglaban sa mga karaniwang mamamayan. Kahit na sa mga bansang gaya ng Brazil, kung saan malayang nagsasama-sama ang mga itim at puti, iniuulat ng ibang mga reporter ang isang pailalim o natatagong pagkapoot dahil sa lahi.

Ang labis-labis na pagmamataas dahil sa kultura ay nagtatayo ng mga hadlang kahit na sa gitna ng mga membro ng iisang lahi, gaya ng inilalarawan ng karanasan ni Kalu at ni Dupe. Bagaman kapuwa sila mga katutubong taga-Nigeria, ipinagbawal ng nanay ni Dupe (na mula sa tribo ng Yoruba) na mag-asawa siya sa kaninumang lalaki mula sa tribo ng Igbo. Tinanggihan din ng ama ni Kalu si Dupe, na ang sabi: “Kung mag-aasawa ka ng isang babaing Yoruba, huwag mo nang ituring ang iyong sarili na anak ko.”

Ang pagtatangi samakatuwid ay higit pa sa isang isyu ng lahi o labanan sa pagitan ng mga itim at puti. Waring ito ay isang pansansinukob na reaksiyon sa iba’t ibang mga wika, kultura at mga antas sa buhay. At ito man ay sumasabog tungo sa karahasan o hindi man ito tumitindi, ang pagtatangi ay maaaring magkaroon ng masakit na mga kahihinatnan: kahirapan, panliligalig, kawalan ng dangal ng tao para sa mga biktima nito, at mga tindi ng kirot ng pagkakasala at isang bagabag na konsiyensiya sa karamihan ng nagsasagawa nito. Kung saan umiiral ang pagtatangi, naroon din ang kapaligiran ng takot, kawalan-katiyakan at pagkabalisa. Ang buong mga lugar ay idinideklarang bawal pasukin dahilan sa kaigtingan ng lahi. Ang potensiyal na mga pagkakaibigan ay nalalason ng hindi kailangang kawalan-tiwala at di-pagkakaunawaan.

Kaya, ang pagtatangi nga ay “problema ng lahat.” Nguni’t saan ba nanggaling ang pagtatangi? Bakit nabigo ang pinakamabuting mga pagsisikap ng tao na alisin ito? Upang magkaroon ng unawa hinggil sa mga katanungang ito, ituon natin ang ating pansin sa malaganap na anyo ng pagtatangi: ang pagtatangi ng lahi.