Ang Bingit-Kamatayang Karanasan—Patotoo ng Pagkawalang-Kamatayan?
Ang Bingit-Kamatayang Karanasan—Patotoo ng Pagkawalang-Kamatayan?
“Ang kaluluwa ng tao ay walang-kamatayan at walang hanggan.”—Plato, pilosopong Griego, c. 428-348 B.C.E.
“Ang gayong pagkakaisa ay nasa walang-kamatayang mga kaluluwa.”—William Shakespeare, mandudulang Ingles, 1564-1616.
“Ang kaluluwa ay walang pagkasira . . . ang gawain nito ay magpapatuloy hanggan sa walang hanggan.”—Johann Wolfgang von Goethe, makata at dramatistang Aleman, 1749-1832.
“Ang ating pagkatao . . . ay nananatili sa kabilang buhay.”—Thomas Edison, Amerikanong imbentor, 1847-1931.
NANIWALA ang tao sa loob ng libu-libong taon na mayroon siyang likas na pagkawalang-kamatayan. Pinunô ng sinaunang mga pinunong Ehipsyo ang kanilang mga libingan ng mga kaginhawaan at mga luho sa buhay upang ang katawan ay mapaglingkuran nang husto sa pakikipag-isa nito sa ka, o kaluluwa.
Sa gayon sinikap ng tao na kumbinsihin ang kaniyang sarili na ang katiyakan ng kamatayan ay pinawawalang-bisa ng kaligtasan ng isang walang-kamatayang kaluluwa o espiritu. Ang iba, gaya ng makatang Ingles na si Keats, ay nais maniwala subali’t nag-aalinlangan. Gaya ng sulat ni Keats: “Nais kong maniwala sa pagkawalang-kamatayan . . . Sana’y maniwala ako sa pagkawalang-kamatayan.” Ano ang paniwala mo tungkol sa sinasabing pagkawalang-kamatayan ng tao?
Marahil ay may payak na himaton sa mga salita ni Keats hinggil sa mga konklusyon na ginawa ng mga ilang doktor at mga saykayatris, gayundin ng mga taong nakaranas ng NDE (bingit-kamatayang karanasan). Halimbawa, sa mga pagsubok na isinagawa ng manggagamot at propesor ng medisina na si Dr. Michael Sabom doon sa mga nakaranas ng NDE, “isang tiyak na pagbaba sa takot sa kamatayan at isang tiyak na pagdami sa paniniwala sa kabilang buhay ang iniulat ng karamihan ng mga taong nakaranas ng NDE.”—Amin ang italiko.
Ano ang naging konklusyon ng saykayatris na si Dr. Elisabeth Kübler-Ross pagkatapos suriin ang mahigit na isang libong mga kaso ng NDE? Sa kaniyang aklat na On Children and Death ay sinabi niya: “At gayundin sa kamatayan . . . ang wakas bago ang isa pang pasimula. Ang kamatayan ay malaking pagbabago ng kalagayan.” Susog pa niya: “Taglay ang higit pang pananaliksik at higit pang mga publikasyon, malalaman ng higit at higit pang mga tao sa halip na maniwala na ang ating pisikal na katawan ay talagang isang pinaka-bahay lamang, ang panlabas na balat ng tao mismo. Ang ating panloob, tunay na sarili, ang pinaka-‘paruparo,’ ay walang-kamatayan at walang hanggan at napapalaya sa sandali ng tinatawag nating kamatayan.”
Ganito naman ang konklusyon ni Dr. Kenneth Ring, propesor ng sikolohiya at awtor ng Life at Death: “Naniniwala ako . . . na tayo’y patuloy na umiiral pagkaraan ng ating pisikal na kamatayan.” Saka niya idinagdag: “Ang pagkaunawa ko sa bingit-kamatayang mga karanasan na ito ay umakay sa akin na ituring ang mga ito na ‘mga turo.’ Ang mga ito, pakiwari ko, sa kanilang katangian mismo, ay nagsisiwalat na mga karanasan. . . . Sa puntong ito, ang [bingit-kamatayang] mga karanasan ay nahahawig sa mistiko o relihiyosong mga karanasan [Amin ang italiko.]. . . . Mula sa punto de vistang ito, ang mga tinig na narinig natin sa aklat na ito [Life at Death] ay yaong sa mga propeta na nangangaral ng isang relihiyon ng pansansinukob na kapatiran.”
Isang Naiibang Pangmalas
Nguni’t ano naman ang sinasabi ng ibang mga tagasiyasat? Papaano nila ipinaliliwanag ang bingit-kamatayan at labas-ng-katawan na mga karanasang ito? Iba naman ang paliwanag dito ng sikologong si Ronald Siegel. “Ang mga karanasang ito ay karaniwan sa napakaraming gumaganyak sa utak ng tao, kasama na ang LSD, kawalan ng pandamdam o malay at labis-labis na kaigtingan. Ang kaigtingan ay lumilikha ng mga larawan sa utak. Magkakatulad ito sa karamihan ng tao sapagka’t ang ating mga utak ay magkakatulad ang pagkakayari upang mag-imbak ng impormasyon, at ang mga karanasang ito ay karaniwan nang elektrikal na mga read-outs nito.”
Si Dr. Richard Blacher ng Tufts University School of Medicine, Boston, ay sumulat: “Inaakala ko na ang mga taong dumaranas ng ‘kamatayang mga karanasan’ ay dumaraan sa hypoxic [kakulangan ng oksiheno] na kalagayan, kung saan saykolohikal na pinakikitunguhan nila ang mga pagkabalisa na dala ng medikal na mga pamamaraan at mga pahayag. . . . Pinakikitunguhan natin dito ang pantasiya o guniguni ng kamatayan, hindi ang kamatayan mismo. Ang guniguning ito [na nasa isipan ng pasyente] ay lubhang kalugud-lugod, yamang nilulutas nito ang mga pagkabalisa ng tao kung minsan. . . . Ang mga manggagamot ay kailangang maging totoong maingat sa pagtanggap ng relihiyosong mga paniwala bilang siyentipikong data.”
Ipinakikita ni Siegel ang isa pang kawili-wiling punto tungkol sa “mga pangitain” ng halos patay: “Gaya ng sa mga guniguni, ang mga pangitain ng kabilang buhay ay kahina-hinalang katulad ng daigdig na ito, sang-ayon sa mga ulat na sinabi ng mamamatay na mga pasyente mismo.” Halimbawa, isang 63-anyos na lalaki na ginugol ang malaking bahagi ng kaniyang buhay sa Texas ay nagsaysay ng kaniyang “pangitain” nang ganito: “Ako ay nakabitin sa isang bakod. . . . Sa isang panig ng bakod ay napakasukal at di-maayos na teritoryo at punô ng mga palumpong ng mesquite . . . Sa kabilang panig ng bakod naman ang pinakamagandang pastulang tanawin na sa palagay ko’y aking nakita kailanman . . . [Ito’y] isang tatlo o apat na hiblang barbed-wire na bakod.” Talaga kayang nakita ng pasyenteng ito ang barbed wire sa “langit” o sa isang daigdig pagkaraan ng kamatayan? Maliwanag na ang mga larawang ito ay batay sa kaniyang buhay sa Texas at naibalik sa kaniyang alaala mula sa kaniya mismong isip—maliban na lamang kung tayo’y naniniwalang mayroon ngang barbed wire “sa kabilang panig”!
Sa katunayan, napakaraming mga NDE ang nauugnay sa mga karanasan at pinagmulan sa buhay ng mga pasyente anupa’t hindi makatuwirang maniwala na nagkakaroon sila ng pagsulyap sa isang daigdig sa kabila pa ng kamatayan. Halimbawa,
nakikita ba ng mga pasyenteng NDE na sinasabing nakakakita ng isang “kinapal ng liwanag” ang iisang persona maging sila man ay Kristiyano, Judio, Hindu o Moslem? Sa kaniyang aklat na Life After Life, si Dr. Raymond Moody ay nagpapaliwanag: “Ang pagkakakilanlan ng kinapal ay nag-iiba-iba sa bawa’t indibiduwal at malamang na dahilan din sa relihiyosong pinagmulan, pagsasanay, o mga paniniwala ng taong nasasangkot. Kaya, kinikilala ng karamihan doon sa mga Kristiyano . . . ang liwanag bilang si Kristo . . . Kinilala naman ng lalaki at babaing Judio ang liwanag bilang isang ‘anghel.’ ”Sa siyentipikong antas naman, inaamin ni Dr. Ring: “Ipinaaalala ko sa aking mga tagapakinig na ang mga napag-aralan ko ay mga bingit-kamatayan na mga karanasan, hindi pagkaraan-kamatayang mga karanasan. . . . Maliwanag na walang garantiya na ang mga karanasang ito ay magpapatuloy na gaya noong kanilang mga simula o ito man ay magpapatuloy pa. Iyan, sa paniwala ko, ang wastong siyentipikong katayuan hinggil sa kahulugan ng mga karanasang ito.”
Sentido Komun at ang Bibliya
Kung tungkol sa kamatayan, ganito naman ang opinyon ng sikologong si Siegel: “Ang kamatayan, sa katuturan ng pisikal na mga karugtong nito, ay walang hiwaga. Pagkamatay ang katawan ay nabubulok at nagtutungo sa walang buhay na mga sangkap ng kapaligiran. Nawawala ng patay na tao ang kaniyang buhay at ang kaniyang pag-iisip. . . . Ang pinakamakatuwirang hula ay na ang pag-iisip o kamalayan ay nagiging gaya ng bangkay. Kataka-taka, ang likas na pag-iisip o sentido komun na palagay na ito ay hindi laganap, at ang karamihan ng mga tao . . . ay patuloy na hinihikayat ang kanilang pangunahing pangganyak na manatiling buháy at gumawa ng napakaraming paniniwala tungkol sa kabilang buhay ng tao.”
Mga 3,000 taon na ang nakalipas ang “sentido komun na palagay” na iyon ay sinabi ng isang hari na sumulat: “Sapagka’t nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; nguni’t hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan. At, ang kanilang pag-ibig at kanilang poot at kanilang paninibugho ay wala na, at wala na silang bahagi magpakailanman sa anuman na kailangang gawin sa ilalim ng araw. Anumang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan, sapagka’t walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng tao], na iyong paroroonan.”—Eclesiastes 9:5, 6, 10.
Tiyak na ang Bibliya ay walang sinasabi tungkol sa bingit-kamatayang mga karanasan bilang pambungad sa kabilang buhay. Ang paglalarawan ni Haring Solomon sa kamatayan at sa mga epekto nito ay walang mga pahiwatig ng isang walang kamatayang kaluluwa na nabubuhay o nakakaligtas tungo sa ibang anyo ng may
malay na pag-iral. Ang mga patay ‘ay walang nalalaman na anuman.’Mangyari pa, tuwang-tuwa yaong mga nagsasagawa ng espiritismo at nakikipagtalastasan sa mga “patay” na magkaroon ng tila man din ay suporta ng daan-daang bingit-kamatayang mga karanasan. Sinisipi ng sikologong si Siegel ang isang lektyurer hinggil sa paranormal, o sobre-natural, na nagsasabing “kung susuriin natin ang katibayan ng kabilang buhay nang buong katapatan at nang buong hinahon dapat nating palayain ang ating mga sarili mula sa paniniil ng sentido komun.” (Psychology Today, Enero 1981) Kapuna-puna, ang lektyurer ding ito “ay nagpapatunay na ang mga multo at mga aparisyon ay mga guniguni nga, nguni’t ang mga ito ay naihahatid sa pamamagitan ng telepati mula sa isipan ng mga patay na tao tungo doon sa mga nabubuhay!” Tiyak na iyan ay hindi kasuwato ng konklusyon ni Solomon na ang mga patay ay patay at walang nalalamang anuman.
Bingit-Kamatayang mga Karanasan—Papaano Ipinaliliwanag?
Papaano, kung gayon, maipaliliwanag ang lahat ng bingit-kamatayan at labas-katawan na mga karanasan? Una, mayroong dalawang posibilidad—ang isa ay yaong inihaharap ng ilang mga sikologo hinggil sa bagay na ang aktibo pa ring utak ng malapit nang mamatay na tao ay naaalaala at bumubuo ng mga larawan dahil sa kaigtingan ng bingit-kamatayang mga karanasan. Ang mga ito kung gayon ay binibigyan-kahulugan ng ilang mga pasyente at mga imbestigador na mga pagsulyap sa kabilang buhay. Sa katunayan, gaya ng nakita o naunawaan natin sa Bibliya, hindi maaaring mangyari ang gayon, sapagka’t ang tao ay hindi nagtataglay ng isang kaluluwang walang kamatayan, at na walang kabilang buhay na gaya ng ipinakikita ng mga kasong ito.
Nguni’t mayroon ding ikalawang posibilidad na isasaalang-alang na maaaring magpaliwanag sa ilang mga karanasang ito. Isa itong salik na hindi tatanggapin ng karamihan sa mga imbestigador. Halimbawa, ipinaliwanag ni Dr. Moody sa kaniyang aklat na Life After Life na “bibihira, . . . may nagmungkahi ng demonikong mga paliwanag sa bingit-kamatayang mga karanasan, ipinahihiwatig na ang mga karanasan ay tiyak na inuugitan ng masamang mga puwersa.” Gayunman, tinatanggihan niya ang ideya yamang inaakala niya na sa halip na ang mga pasyente ay maging higit na maka-Diyos pagkatapos ng karanasan, “malamang na sasabihan ni Satanas ang kaniyang mga lingkod na sundin ang landasin ng pagkapoot at pagkalipol.’ Sabi pa niya, “Tiyak na nabigo siya—ang masasabi ko—upang gumawa ng mapanghikayat na mga sugo para sa kaniyang programa!”
Sa puntong ito si Dr. Moody ay lubhang nagkakamali sa dalawang paraan. Una, hindi kailangang ipalaganap ni Satanas ang poot at pagkapuksa o pagkalipol sa pamamagitan ng mga karanasang ito. Bakit hindi? Sapagka’t sinasabi ng Bibliya: “Si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari rin na mga ministro ng katuwiran.” (2 Corinto 11:14, 15) Kung mapalalaganap niya ang unang kasinungalingan na lagi niyang pinapanatili—“Tiyak na hindi kayo mamamatay”—magagawa niya ito sa pamamagitan ng wari’y walang muwang at nagbibigay-liwanag na pamamaraan.—Genesis 3:4, 5.
Ikalawa, hindi siya nabigo sa paggawa ng mapanghikayat na mga sugo para sa kaniyang programa ng mga kasinungalingan tungkol sa walang kamatayang kaluluwa! Sa kabaligtaran, mayroon pa siya ngayong mga doktor, mga sikologo at siyentipiko na lubusang nagtataguyod sa kasinungalingan na pinalaganap niya sa pamamagitan ng mga pari at mga pilosopo sa nilakad-lakad ng mga panahon! Angkop nga ang pagsuma ni Pablo sa kalagayan nang isulat niya: “Kung, ngayon, ang mabuting balitang aming inihahayag ay natatalukbungan pa, ito’y may talukbong sa mga napapahamak, na binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos”!—2 Corinto 4:3, 4.
Gayumpaman, gaya ng nakita natin, naniniwala ang ibang sikologo na ang tao ay mayroong may-malay na pag-iral pagkaraan ng kamatayan. Ang personal na interpretasyong ito ng kahulugan ng bingit-kamatayang mga karanasan ay umuubliga sa atin na ibangon ang ilang nauukol na mga katanungan alang-alang doon sa mga naniniwala sa Bibliya: Mayroon bang saligan sa Bibliya sa pagsasabing ang tao ay may kaluluwang walang kamatayan na umaalis sa katawan na gaya ng isang paruparo na lumalabas sa kaniyang pinakabahay? Kumusta naman ang mga teksto sa Bibliya na gumagamit ng mga salitang “kaluluwa” at “pagkawalang-kamatayan”?
[Blurb sa pahina 5]
Dr. Kübler-Ross: “Ang ating pisikal na katawan ay talagang isang pinaka-bahay lamang . . . Ang ating panloob, tunay na sarili . . . ay walang-kamatayan”
[Blurb sa pahina 5]
Dr. Blacher: “Pinakikitunguhan natin dito ang guniguni ng kamatayan, hindi ang kamatayan mismo”
[Larawan sa pahina 6]
Nahawaan ng pilosopiya ni Plato ang mga turo ng maraming relihiyon
[Larawan sa pahina 7]
‘Nais maniwala sa pagkawalang-kamatayan’ ang makatang Ingles na si Keats