Ang Kaluluwa—Ikaw Ba? O Ito ba’y Nasa Loob Mo?
Ang Kaluluwa—Ikaw Ba? O Ito ba’y Nasa Loob Mo?
INAAKALA mo bang ikaw ay may kaluluwang hindi namamatay na nakakaligtas kapag ikaw ay namatay? Karamihan ng mga tao na may anumang relihiyosong pinagmulan, maging Kristiyano, Muslim, Judio, Shinto, Buddhist o Hindu, ay naniniwala sa pangunahing ideyang ito. Nguni’t bakit nila pinaniniwalaan ito? Dahilan ba sa mayroon silang patotoo? O sapagka’t laging gayon ang pagkakaturo ng karamihang mga relihiyon at ng popular na sabi-sabi? Sa katunayan, papaano napasama sa turong “Kristiyano” ang walang-kamatayang kaluluwa?
Sa kaniyang aklat na Death Shall Have No Dominion, si Douglas T. Holden ay sumusulat: “Ang teolohiyang Kristiyano ay lubhang nahaluan ng pilosopyang Griego anupa’t napalaki nito ang indibiduwal na mga haluan na siyam na bahaging kaisipang Griego sa isang bahagi na kaisipang Kristiyano.” Maliwanag na makikita ito sa pangkalahatang pinaniniwalaang walang-kamatayang kaluluwa. Halimbawa, si Plato, isang pilosopong Griego noong ika-apat na siglo B.C.E., ay sumulat: “Ang kaluluwa ay walang-kamatayan at walang hanggan, at ang ating mga kaluluwa ay tunay na iiral sa iba pang daigdig!”
Sang-ayon kay Plato, saan nagtutungo ang mga kaluluwang ito pagkamatay ng katawan? “At yaong sa wari’y nabuhay alinma’y hindi mabuti o masama, ay nagtutungo sa ilog ng Acheron, . . . at doon sila tatahan at nililinis sa kanilang masamang mga gawa, at pagkatapos pagbayaran ang kanilang mga pagkakamali na nagawa nila sa iba, sila ay patatawarin.” Hindi ba’t ito ay nakakahawig ng turo ng Sangkakristiyanuhan na purgatoryo? At saan nagtutungo ang mga kaluluwa
ng balakyot? “Ang mga iyon ay inihahagis sa Tartarus [sa sinaunang mga Griego, isang bahagi ng Hades na nakalaan sa pagpaparusa sa pinakamakasalanan], na siya nilang karapat-dapat na destino, at hinding-hindi na sila muling lalabas.” Tiyak, ang sinaunang mga Griego ay malaon nang naniniwala sa walang hanggang pagpapahirap sa impiyerno bago pa ito kinuha ng mga teologo ng Sangkakristiyanuhan!Mayroon Bang Dahilan Upang Mag-alinlangan?
Kung ipinababanaag nga ng kaniyang mga sulat na Dialogue ang kaniyang sariling pag-iisip, kumbinsido si Plato na mayroon siyang isang kaluluwang walang-kamatayan. At hindi nagtagal ang kaniyang mga turo ay kumumbinse sa iba pa na pumipitagan sa kaniya bilang isang pilosopo. Bunga nito, ang Platonikong pilosopya ay tinanggap pa nga ng ikalawang-siglong mga manunulat na Kristiyano. Ganito ang binabanggit ng Encyclopædia Britannica tungkol dito: “Higit na pinahalagahan ng Kristiyanong mga Platonist ang pagsisiwalat at itinuring ang Platonikong pilosopya bilang ang pinakamagaling na instrumento sa pag-unawa at pagtatanggol sa mga turo ng Kasulatan at tradisyon ng simbahan. . . . Sa kalagitnaan ng ika-2 siglo AD, nadama ng mga Kristiyano na nagkaroon ng ilang pagsasanay sa pilosopyang Griego ang pangangailangan na ipahayag ang kanilang pananampalataya sa mga termino nito, kapuwa sa kanilang sariling intelektuwal na kasiyahan at upang makumberte ang edukadong mga pagano. Ang pilosopyang angkop na angkop sa kanila ay ang Platonismo.”
Gayunman, sa nilakad-lakad ng mga dantaon may mga kilalang tumutol o hindi sumang-ayon sa Griegong mga ideya ng isang kaluluwang walang-kamatayan. Ang tagapagsalin ng Bibliya na si William Tyndale (c. 1492-1536) ay sumulat sa pambungad ng kaniyang salin: “Sa paglalagay sa humiwalay na mga kaluluwa sa langit, impiyerno, o purgatoryo ay sinisira ninyo ang mga pangangatuwiran kung saan pinatunayan ni Kristo at ni Pablo ang pagkabuhay-muli . . . Kung ang kaluluwa ay nasa langit, sabihin ninyo sa akin ano’t kakailanganin pa ang pagkabuhay-muli?” Makatuwirang tanong iyan. Kung dinaig ang kamatayan sa pamamagitan ng isang ‘walang-kamatayan at walang hanggang’ kaluluwa, kung gayon anong silbi ng pagkabuhay-muli na itinuro ni Jesus at na pinaniwalaan ng sinaunang mga patriarkang Hebreo?—Hebreo 11:17-19, 35; Juan 5:28, 29.
Sa kaniyang aklat na The Agony of Christianity, ganito rin ang pangangatuwiran ng Kastilang manunulat na si Miguel de Unamuno. Isinulat niya tungkol kay Kristo: “Naniniwala siya . . . sa pagkabuhay-muli ng laman, ayon sa Judiong paraan ng pag-iisip, hindi sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ayon sa Platonikong paraan ng pag-iisip.” Sabi pa nga niya: “Ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa . . . ay isang paganong pilosopikong doktrina o aral. . . . Sapat na ang basahin mo ang Phaedo ni Plato upang makumbinse diyan.”
Ang “Kaluluwa” sa Bibliya
Ang makatang si Longfellow ay sumulat: “Ikaw ay alabok, at sa alabok ka babalik, ay hindi sinabi tungkol sa kaluluwa.” (Amin ang italiko.) Tama ba siya?
Nang sabihin ng Diyos, “Sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik,” kanino siya nakikipag-usap? Sa unang tao, si Adan. Ang parusang kamatayan na iyon ba ay kumakapit lamang sa katawan ni Adan? O kay Adan bilang isang humihingang kaluluwa?Ang Genesis 2:7 ay malinaw na nagsasabi: “At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang tekstong ito ay mahalaga sa pag-unawa sa salitang “kaluluwa” na ginagamit sa Bibliya. Maliwanag na binabanggit nito na “ang tao ay naging [hindi nagkaroon] isang kaluluwang buháy.” Sa gayon sinabihan ng Diyos ang kaluluwang buháy na iyon, o ang humihingang nilikha, si Adan, na kung siya ay magiging masuwayin, siya ay tiyak na mamamatay at magbabalik sa mga elemento ng lupa na mula roon siya ay inanyuan.—Genesis 2:17; 3:19.
Pakisuyong pansinin na walang binanggit na anumang mapagpipiliang destinasyon para sa ipinalalagay na kaluluwa ng tao. Bakit wala? Sapagka’t si Adan, taglay ang lahat niyang mga kakayahan, ay isang kaluluwa. Hindi siya nagtataglay ng isang kaluluwa. Kung umiiral ang gayong mga dako na gaya ng isang maapoy na impiyerno at purgatoryo, dito sana binanggit ito ng Bibliya. Gayunman hindi man lamang ito binabanggit. Bakit gayon? Sapagka’t ang payak na hatol sa pagsuway ay basta ang kabaligtaran ng buhay na tinatamasa ni Adan sa Paraiso—alalaong baga, ang kamatayan, hindi ang buhay sa ibang dako. Sa gayon binabanggit ni Pablo ang kaso nang may kapayakan sa Roma 6:23: “Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Ihambing ang Ezekiel 18:4, 20.) Walang binabanggit dito na anuman tungkol sa impiyernong apoy o purgatoryo, kundi kamatayan lamang. At hindi ba sapat na ang parusang iyon?
Ang isa pang salik na dapat tandaan ay na ang pangunahing diwa ng katarungan ay humihiling na dapat nalalaman ng tao ang tunay na saklaw ng kaniyang maaaring parusa bago siya sumuway. Gayunman walang anumang binabanggit hinggil sa walang-kamatayang kaluluwa, impiyernong apoy o purgatoryo sa ulat ng Genesis. Isa pa, kung ang tao ay nilikha nga na may isang kaluluwang walang-kamatayan, kung gayon ang buong kalipunan ng mga doktrina may kaugnayan sa walang-kamatayang kaluluwa at ang kapalaran nito ay naging bahagi sana ng Hebreo at Judiong turo mula sa pinakamaagang panahon. Nguni’t hindi gayon ang kalagayan.
Bumabangon din ang isa pang makatuwirang katanungan. Kung ang orihinal na layunin ng Diyos ay na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa ang sakdal at masunuring tao, anong silbi ng pagkakaloob sa tao ng isang hiwalay at walang-kamatayang kaluluwa? Hindi lamang Genesis 1:28.
ito magiging walang-kamatayan; ito’y magiging kalabisan!—Karagdagan pa, maliwanag na ipinakikita ng mga Kasulatang Hebreo na ang mga tapat na lalaki at babae noong una ay naghihintay ng isang pagkabuhay-muli, gaya ng komento ni Pablo sa Hebreo 11:35: “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli [sa ilang makahimalang mga kalagayan]; at ang iba’y labis na pinahirapan sapagka’t ayaw nilang tanggapin ang paglaya sa pamamagitan ng pagtubos, upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na muli [sa walang hanggang buhay].” Maliwanag na hindi sila nagtitiwala sa “paruparong” alamat ng pilosopya ng tao.
Subali’t marahil ay itinatanong mo, Kumusta naman ang mga salita ni Pablo kung saan binabanggit niya ang tungkol sa pagkawalang-kamatayan? Totoo, sabi niya: “Sapagka’t kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Nguni’t pagka itong may pagkasira ay nagbihis ng walang kamatayan, saka matutupad ang wikang nasusulat: ‘Ang kamatayan ay naparam na magpakailanman.’ ” (1 Corinto 15:53, 54) Nguni’t hindi natin mababasa ang anuman tungkol sa isang walang-kamatayang kaluluwa sa mga salitang iyon. Binabanggit ni Pablo ang tungkol sa ‘pagbibihis ng pagkawalang-kamatayan.’ Samakatuwid hindi ito likas sa tao, kundi, bagkus, isang bagong paglikha para doon sa mga maghaharing kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian.—2 Corinto 5:17; Roma 6:5-11; Apocalipsis 14:1, 3. a
Kahit na ang modernong mga teologo ay kumikilala sa puntong ito, pagkatapos ng mga dantaon ng walang-kamatayang kaluluwa na turo ng Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, ang teologong Katoliko na si Hans Küng ay sumulat: “Kapag binabanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkabuhay-muli, ang ibig niyang sabihin ay hindi ang Griegong ideya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa na kailangang palayain sa pagkakabilanggo sa mortal na katawan. . . . Kapag binabanggit ng Bagong Tipan ang tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ito tumutukoy sa natural na pagpapatuloy ng isang espiritu-kaluluwa na hiwalay sa mga gawain ng ating katawan.”
Ganito ang sabi ng German Lutheran Catechism for Grown-Ups (Evangelischer Erwachsenenkatechismus) hinggil sa paghihiwalay ng katawan-kaluluwa na itinuro ni Plato: “Ang mga teologo ng Ebanghelyo ng modernong panahon ay hinamon ang kombinasyong ito ng mga Griego at maka-Kasulatang mga ideya. . . . Tinatanggihan nila ang paghihiwalay ng tao tungo sa katawan at kaluluwa. Yamang ang tao sa kabuuan ay isang makasalanan,
samakatuwid sa kamatayan siya ay lubusang namamatay na kasama ng katawan at kaluluwa (ganap na kamatayan). . . . Mayroong puwang sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay-muli; sa pinakamabuti ipinagpapatuloy ng isa ang kaniyang pag-iral sa alaala ng Diyos.”Itinuturo na ito ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova sa mahigit nang isang daang mga taon! Kailanman ay hindi nila tinanggap ang paganong pilosopya ni Plato, sapagka’t alam na alam nila ang itinuro ni Jesus: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ang kataga mismong “alaalang libingan” ay nagpapahiwatig na ang mga patay na taong iyon ay iingatan sa “alaala” ng Diyos. Isasauli Niya sila sa buhay. Iyan ang tunay na pag-asa para sa mga patay na matutupad kapag ang lupang ito ay nasa ilalim ng ganap na pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:1-4.
[Talababa]
a Para sa higit pang detalyadong pag-aaral hinggil sa doktrinang kaluluwa, tingnan ang aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society.
[Blurb sa pahina 10]
Ang tagapagsalin ng Bibliya na si Tyndale ay sumulat: “Kung ang kaluluwa ay nasa langit, sabihin ninyo sa akin ano’t kakailanganin pa ang pagkabuhay-muli?”
[Larawan sa pahina 11]
Ang Kastilang iskolar na si Unamuno ay sumulat: “Ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa . . . ay isang paganong pilosopikong aral”
[Larawan sa pahina 12]
Teologong Katoliko na si Küng: “Kapag binabanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkabuhay-muli, ang ibig niyang sabihin ay hindi ang Griegong ideya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa”