Ang Pagwawagi Ba ang Pinakamahalaga?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ang Pagwawagi Ba ang Pinakamahalaga?
“KAPAG ako’y nagwawagi ito ay rutina na. Kapag ako’y natatalo, ang buhay ay nagwawakas.” Ang buhay ay hindi madalas magwakas kay Martina Navratilova, kasalukuyang kampeon ng tenis sa mga babae. Bihira siyang matalo. Gayunman ay inamin niya, ang pagkatalo ay isang nakapanlulumong karanasan.
“Nilampaso kami, ang sama ng pakiramdam ko. Pagkatapos ng laro ay naupo ako sa locker room at umiyak, para akong isang higanteng sanggol na nakaupo roon at nag-iiiyak. Ayaw na ayaw kong matalo, at talagang kinamumuhian kong matalo.” Totoo, kahit na noong kaniyang mga kaarawan sa high school, hindi matanggap ng sobrang-taas na Amerikanong manlalaro ng basketball na si Kareem Abdul-Jabbar ang pagkatalo. Ganiyan din ba ang nadarama mo kapag ikaw ay natatalo?
Bakit Masakit ang Pagkatalo?
Bakit ang pagkatalo ay nakasisindak sa marami sa atin? Kabilang sa iba pang mga bagay, tayo ay pinapaniwala na ang pagwawagi ang pinakamahalaga. Ang maging pangalawa o pangatlo o ang basta paglahok ay nangangahulugan na ikaw ay natalo! Gaya ng sinabi ng isang dating amatyur na manlalaro ng soccer mula sa Alemanya: “Ang isang pagkatalo ay kadalasang isang espirituwal na ‘punebre o panambitan,’ na nagbubunga ng walang-awang kritisismo.”
Ganito ang sabi ng beteranong peryodista hinggil sa palakasan na si Leonard Koppett sa kaniyang aklat na Sports Illusion,
Sports Reality: “Ang sikolohiyang manalo-lamang ay nagiging malaganap. . . . Isa itong nakapipinsalang impluwensiya sa ating kultura sapagka’t ito ay hindi makatotohanan (iisa lamang ang maaaring maging numero uno) at pinahihina tayo nito sa pamamagitan ng pagpapababa sa iba pa nating mga katangian: kakayahan, tibay-loob, pagkatalaga, katalinuhan, kasiya-siyang pagsisikap, pagsulong, marangal na paggawa.” Oo, ang iba pang mahuhusay na mga katangian ay maaaring ipakita nang hindi na kinakailangan pang maging panalo ang isa. Kaya ang pagkatalo ba ay dapat na maging nakapanlulumo? “Ang baguhin ang lahat ng mga pagpapahalaga sa kung baga ikaw ay magwagi o hindi ay nagtatakda-sa-sarili at kamangmangan,” sabi ni Koppett.Ang panggigipit na magwagi, at masiyahan lamang sa palakasan kung ikaw ay nagwawagi, ay kadalasang nagsisimula sa tahanan—sa mga magulang. Kadalasa’y hinahangad nila ang katuparan sa mga nagawa ng kanilang mga anak. Walang kamalay-malay, ang ibang mga magulang ay nagbibigay ng impresyon na ang kanilang reputasyon ay nakataya kung hindi manalo ang kanilang mga anak. Nariyan din ang panggigipit sa paaralan. Tinutukoy ang kaniyang tagasanay sa paaralan, ganito ang sabi ni Abdul-Jabbar: “Nariyan ang kaniyang masakit na pagpintas kapag ang sinuman ay halos talunin kami. Ang pagkatalo ay naging di maisip, at ang basketball ay hindi na nakakatuwa. . . . Sinanay [niya] kami sa pamamagitan ng paghamak sa amin. Hinahamon niya ang iyong pagpapahalaga sa sarili o dangal, nalalaman na ang pinakamasamang bagay na maaaring mangyari sa isang nagbibinata o nagdadalaga ay ang magmukhang tanga sa harap ng iba.”—Amin ang italiko.
Nariyan ang himaton sa sakit na magwagi-sa-anumang-halaga—KAPALALUAN o PRIDE. Walang sinuman ang may nais na maliitin sa harap ng iba sapagka’t sila’y natalo. Ang totoo niyan ay na kung ikaw ay nagmamayabang tungkol sa pagwawagi o nawawalan ng pag-asa dahil sa pagkatalo, ikaw AY nakabababang tao. Bakit gayon? Sapagka’t bilang nagwagi ay nakaligtaan mong igalang ang dignidad at pagpapahalaga-sa-sarili ng talunan. Santiago 4:16; Eclesiastes 4:4.
Itinatampok ng Bibliya ang panganib na ito sa pagsasabi: “Datapuwa’t ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo. Ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama.” Bilang isang nanlulumong talunan, labis mong pinahahalagahan ang isang ilusyon—ang ilusyon o guniguni na ang palakasan ay tunay na buhay samantalang, sa katunayan, ang mga ito ay panandalian at “walang-kabuluhan.” Ang matalinong Haring Solomon ay sumulat: “Nakita ko ang lahat ng pagpapagal at kahusayan sa paggawa, na ito’y pagpapaligsahan ng isa’t-isa; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.” Tandaan, ang tunay mong halaga bilang isang tao ay hindi nakasalalay sa ilang sandali o minuto ng gawain sa palakasan!—Ano ang Kinakailangan Upang Maging Isang Panalo?
“Kapag ang palakasan ay naging isang nakababagot na gawain . . . may mali rito,” sabi ng manunulat na si James Michener. Ang kasabihang iyan ay umaakay sa atin sa isa pang salik sa magwagi-sa-lahat-ng-halaga na pilosopya. Ano ito? Ganap na pagkatalaga o dedikasyon.
Upang ilarawan: Si Arthur Ashe, dating kampeon sa tenis, ay sumulat: “Posibleng kumuha ng isang atletikong pito- o walong-taong-gulang na batang babae at, sa pamamagitan ng dalubhasang pagtuturo at mga 5,000 oras ng pagsasanay at kompetisyon, ay malamang na makagawa ng isang manlalaro ng tenis na nasa unang 50 pagkalipas ng pito o walong mga taon. Mangangailangan ng mga 8,000 oras para sa isang lalaki na may katulad na kakayahan.” Pansinin na kahit na pagkaraan ng 5,000 o 8,000 oras ng pagsasanay at kompetisyon, walang garantiya sa paggawa ng Numero 1 manlalaro. Ang manlalaro ay “malamang” na makarating lamang sa unang 50.
Ano ang panganib ng ganitong uri ng pagtatalaga o dedikasyon sa isang Kristiyano? Ang bilang na binanggit ni Ashe ay kumakatawan sa tatlong mga oras sa bawa’t araw, limang oras sa bawa’t linggo, na paglalaro ng tenis. Anong ibang mahahalagang kapakanan ang kailangang pabayaan upang matamo ang antas na ito ng dedikasyon sa tenis? Gaano kalaking panahon ang natitira para sa normal na pangkalahatang edukasyon? Gaano karaming panahon para sa mas mahalagang espirituwal na pagsulong? Gaano karaming nakapagpapatibay na pakikisama sa pamilya ang nawala? Ang mga ito ay mahalagang mga katanungan para sa mga kabataan. Ang kabataan ang panahon kapag ang mahalagang katangian, personalidad at espirituwal na mga pundasyon ay inilalatag—o kinaliligtaan.
Inilarawan ng isang artikulo kamakailan
sa magasing ’Teen ang mga pagsasakripisyo na kailangang gawin ng nakatalagang mga gymnast. Tungkol ito sa tatlong mga tin-edyer, mga aspirante sa Olympic na sina Mary Lou, Dianne at Julianne. Papaano nila natamo ang kanilang tagumpay? “Inilarawan ito ni Mary Lou bilang ang pagiging ‘nakatalaga sa lahat ng paraan.’ ” Kailangan nilang magsanay ng anim na oras isang araw gayundin ay makialinsabay sa gawain sa paaralan at paglalakbay sa mga kompetisyon o paligsahan.Subali’t may halagang pagbabayaran. “Sapagka’t sa kanilang tatlo, ang pinakamahirap na kabayaran ay ang pag-alis sa kanilang mga tahanan bago pa man sila maging 15 anyos, upang magtrabaho na kasama ng isang tagapagsanay na ang kakayahan sa pagsasanay ay napakahusay anupa’t sila ay sinasagad sa kanilang kakayahan.” Si Julianne ay umalis ng bahay sa gulang na 13 anyos upang maghanda para sa 1980 Olympics. Lahat ng ito ay nauwi sa wala—binoykuteo ng Estados Unidos ang Palaro sa Moscow.
Marahil ang mas timbang na pangmalas ay yaong sa nobelistang si James Michener: “Ang palakasan o sports ay dapat na maging katuwaan sa kalahok. Dapat itong maglaan ng paglalabasan ng kaigtingan, isang masayang paglilibang habang nagpapatuloy ang laro . . . Kapag ang palakasan ay nagiging isang nakababagot na gawain, o isang nakasasamang pagpapaligsahan, o isa lamang komersiyal na gawain, may mali rito. . . . Kung ang laro ay hindi nakatutuwa, naiwala nito ang di kukulanging kalahati ng pagkamakatuwiran nito.”
“Ito ay Laro, Panatilihin Itong Isang Laro”
Ang payak na payong iyan ay binigkas ni Jack Nicklaus pagkaraang matapos na pangalawa sa isang kampeonato ng golf kamakailan. Ang palakasan ay dapat na nakatutuwa at nakapagpapahingalay—isang libangan, “isang laro.” Ang palakasan ay hindi siyang buhay at ang buhay ay hindi palakasan. Ang bagay na iyan kung minsa’y kinikilala maging ng pinakamagaling na mga propesyonal. Si Jerry Kramer, dating manlalaro ng football ng E.U., ay sumulat: “Malimit akong magtanong kung saan ba patungo ang aking buhay, at kung ano ang layunin ko rito sa lupa bukod sa paglalaro ng walang saysay na mga laro [football] na ginagawa ko tuwing Linggo. Inaakala ko na mayroon pang higit sa buhay kaysa riyan.”
Naniniwala ka ba na may higit pa sa buhay kaysa paglalaro? Tiyak na naniniwala rito si Kristo at ang mga apostol. Iyan ang dahilan kung bakit si apostol Pablo, na may kabatiran tungkol sa mga paligsahang atletiko sa sinaunang Gresya, ay makasusulat: “Sapagka’t ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; nguni’t ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagka’t may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
Makatuwirang magsikap, sa makatuwirang mga hangganan, na manatiling malakas ang katawan. Nguni’t sa kaluwatan ang maka-Diyos na debosyon ay mas mahalaga kaysa sa pagsasanay ng katawan. Ang pagwawagi sa takbuhing Kristiyano ay higit na mahalaga kaysa paghahangad na magwagi sa anumang uri ng paligsahan sa palakasan. Ang tagumpay sa palakasan ay panandalian lamang—kaluwalhatian ngayon, estadistika bukas. Nguni’t tandaan, ang tagumpay sa maka-Diyos na debosyon ay “may pangako ng buhay ngayon at sa darating”—buhay na walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—1 Timoteo 6:19.
[Larawan sa pahina 14]
Naiinis ka bang matalo? Bakit?
[Larawan sa pahina 15]
Ang palakasan ay maaaring maging isang nakagiginhawang libangan kapag walang masidhing kompetisyon