Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Sulyap sa Langit?

Isang Sulyap sa Langit?

Isang Sulyap sa Langit?

“IYON ang pinakamagandang sandali sa buong daigdig nang ako’y lumabas sa katawang iyon! . . . Ang lahat ng nakita ko ay totoong kaaya-aya! Wala akong maisip na anumang bagay sa daigdig o sa labas ng daigdig na makakatulad nito. Kahit na ang pinakamagandang mga sandali sa buhay ay hindi maihahambing sa nararanasan ko.”​—Isang 54-anyos na pasyenteng inoperahan sa puso.

“Ang nagugunita ko nang ako’y nasa operating room ay na para ba akong lumulutang na malapit sa kisame. . . . Para bang nakakatawa sapagka’t ako’y naroroon sa itaas at ang katawan kong ito ay nasa ibaba. . . . Nakikita ko sila na nag-oopera sa aking likod. . . . Saka natatandaan ko ang sabi ni Dr. D, ‘Hayun ang disk. Hayun.’ Sa puntong iyon, lumapit ako upang makita kung ano ang mangyayari.”​—Isang 42-anyos na babae mula sa Missouri na inilalarawan ang kaniya mismong operasyon sa “pagkakita” niya rito.

“Sa pangitaing ito na naranasan ko, hindi ko makita ang aking sarili kundi ako ay nakatayo sa isang bagay na mataas sapagka’t sa ibaba ay naroon ang pinakamaganda at pinakaluntiang damuhan. . . . Katulad ito ng isang napakaliwanag na araw. . . . Para itong napakagandang pinaglalaruan ng golf.”​—“Nakita” ng isang 55-anyos na manggagawa sa pabrika ng tela sa panahon ng cardiac arrest.

Ano ang karaniwan sa tatlong karanasang ito? Ang mga ito ang tinatawag ngayon na near-death experiences (NDE) o bingit-kamatayang mga karanasan ng mga taong nasa bingit ng kamatayan. Daan-daang mga kasong ganito ang dokumentado ng mga doktor at mga siyentipiko. Marami sa mga pasyente na nasa bingit-kamatayan ang nagkaroon ng tinatawag na labas-ng-katawan na mga karanasan. Binabanggit nila ang pagkakita ng isang matinding liwanag o ang pagiging nasa isang dako na napakaganda ng tanawin, at sa ibang mga kaso ay ang pagkakita kay Jesus o sa Diyos.

Sa kaniyang aklat na Recollections of Death, ganito ang sabi ni Dr. Michael Sabom: “Nagugunita ng marami sa mga taong ito, mga biktima ng cardiac arrest at iba pang nanganganib-buhay na mga krisis, ang isang serye ng pambihirang mga pangyayari na ‘naganap’ samantalang sila ay walang malay at nasa bingit ng kamatayan. Ipinalalagay ng iba ang karanasang ito na isang pinagpalang pagsulyap sa ibang daigdig ng pag-iral.”

Marahil ay nagtataka kayo kung ang mga karanasang ito ay patotoo ng kabilang buhay, gaya ng ipinalalagay ng ilan sa mga pasyenteng ito. Tiyak na ang bingit-kamatayang mga karanasang ito ay nagbabangon ng mga tanong na nangangailangan ng kasagutan. Halimbawa, Totoo kayang ang mga taong ito ay nagkaroon ng “pagsulyap sa ibang daigdig ng pag-iral” na kasunod ng kamatayan? Nailarawan kaya nila ang mga eksena sa kanilang operasyon sapagka’t sila ay umiiral bilang isang di nakikitang kaluluwa o espiritu? Mayroon ka bang di namamatay na kaluluwa na nakaliligtas sa iyong kamatayan? Mayroon bang iba pang may malay na pag-iral pagkaraan ng kamatayan? Susuriin ng sumusunod na serye ng mga artikulo ang katibayan na nauugnay sa mga katanungang ito.