Mga Hiwaga ng Utak na Lumilito sa Siyensiya
Mga Hiwaga ng Utak na Lumilito sa Siyensiya
“ISANG mapangahas na bagong uri ng supergaling na mga computer ay ginagawa na sa mga laboratoryo ng artipisyal na talino,” sabi ng High Technology. Ang mga ito ang ikalawang-salinlahing “ekspertong” mga sistema, na—gaya ng kanilang unang-salinlahing mga kauri—ay magkakaroon ng pantanging kaalaman ng mga ekspertong tao na ipapasok sa kanilang mga data bank. Gayunman, ang mas bagong mga sistema ay magkakaroon ng mga kakayahan sa paglutas ng problema na wala sa mas naunang mga bersiyon. Nguni’t makapag-iisip kaya ang mga ito?
Ang paglikha ng isang computer na nakapag-iisip ay naging pangaral na ng mga inhenyero sa computer mula pa noong kalagitnaang-1950’s, nang ang artipisyal na talino ay naging isang larangan ng siyensiya sa computer o computer science. Subali’t hanggang sa ngayon ang pangarap ay hindi pa rin nagkakatotoo. “Wala tayong mga programa na totoong mapanlikha, o nakapag-iimbento, o maaaring umunawa sa mga kasalimuotan ng pangangatuwiran ng isa,” inamin ni Roger C. Schank, patnugot ng Artificial Intelligence Project sa Yale. Sa katunayan, ganito
sinusuma ng Psychology Today ang mahigit na 25 taon ng pananaliksik: “Bawa’t sanggol na tao ay makagagawa ng tatlong bagay na hindi kayang gawin ng isang computer—kumilala ng mukha, umunawa ng isang likas na wika at lumakad.”Ang mga computer ay talagang walang-wala kung ihahambing sa mga kakayahan ng utak ng tao. Bakit? Sa isang bagay, ang pinakamodernong microcircuitry ng computer ay hindi pa ganap o panimula lamang kung ihahambing sa mga inter-koneksiyon ng tinatayang 100 bilyon (100,000,000,000) neuron—mga selula ng nerbiyos—na masusumpungan sa isang normal na utak ng tao. Sang-ayon sa isang teoriya, ang sistema ng utak na magpabalik ay salig sa isang network ng mga koneksiyon at “ang saganang network na ito ng mga koneksiyon sa memorya ng tao ay isa sa pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga tao at mga makina. Ang kakayahan ng utak na humanap ng impormasyon sa pamamagitan ng milyun-milyong mga neuron na sabay-sabay ay totoong katakataka at mahiwaga.” Higit pa riyan, ang Science, ay nagsasabi, “ang utak na gumagawa ng milyun-milyon o bilyun-bilyon na neuronal na mga kalkulasyon nang sabay-sabay; na luluma sa ating kasalukuyang isang-hakbang-sa-isang-panahon na mga computer.”
Totoo, ang ilang mga computer ay makagagawa ng mahihirap na mga kalkulasyon sa matematika sa maikling panahon lamang na dadaig sa pinakamagaling na mga matematiko. Maaari pa ngang talunin ng modernong mga computer ang karamihan ng tao sa laro ng chess. Subali’t ang mga makina ay may malubhang mga limitasyon. “Maaaring talunin ng isang inspiradong programa sa paglalaro ng chess ang isang mahusay na manlalaro,” sabi ng isang artikulo kamakailan sa The New York Times Magazine, “nguni’t baguhin mo nang kaunti ang mga tuntunin . . . at ang makina ay malilito ay mawawala, samantalang ang manlalarong tao ay makakayanan ito.”
Ano ang nagbibigay sa mga tao ng bentahang ito? Tayo ay nangangatuwiran at gumagawa ng mga pagtutulad. Tinitingnan natin ang isang problema mula maraming iba’t ibang anggulo, nakikilala ang mahalagang impormasyon sa walang kaugnayang impormasyon. Isa pa, hindi tayo nahihirapan sa pakikitungo sa mga konsepto ng wika o sa pagkatuto mula sa karanasan. Sa maikli, mayroon tayong “sentido komun.” Ang nakasisiphayong karanasan ng pagsisikap na tularan ang “sentido komun” na ito, sabi ng Science, ay nagbigay sa mga siyentipiko “ng ilang kababaan, ng pagpapahalaga sa kung papaano lubhang masalimuot ang pinakaordinaryong kilos ng tao—at kung gaano pa ang dapat na malaman ng isang computer (o ng isang tao) bago siya makagawa ng anumang bagay.”
Inaamin ng mga siyentipiko na hindi pa magkakaroon ng mahalagang mga pagsulong sa malapit na hinaharap sa paggawa ng artipisyal na talino, sa kabila ng sumulong na mga kakayahan ng dumarating na mga sistema sa computer. Bahagi ng problema ay na hindi nga natin lubusang maunawaan ang ating sariling pamamaraan ng pag-iisip upang lumikha ng isang modelo nito.
“Aha!” ang sabi natin kapag nakaisip tayo ng isang mabuting ideya. Nguni’t kung paano natin nakuha ang ideya ay nanatili pa ring isang hiwaga.