Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
“Hyperactive” na mga Anak
Salamat sa pagsulat ninyo ng artikulo tungkol sa “hyperactive” na mga anak. (Hunyo 8, 1984, edisyong Ingles) Mayroon akong 15-taong-gulang na anak na lalaki na hyperactive. Nagpapasalamat ako at tinalakay ang paksang ito sapagka’t hindi lubusang nauunawaan ng mga taong hindi nakakaranas nito ang batang hyperactive, at inaakala nila na ang bata ay laki sa layaw at dapat na disiplinahin nang husto. Sa aking kalagayan, isa akong nagsosolong magulang at ito pa ang nagpapahirap sa problema. Napagtagumpayan na ng anak ko ang ilan sa mga sintomas ng hyperactivity subali’t pinagsisikapan pa rin niyang pagtagumpayan ang iba pa, bagaman hindi na kasintindi noong mga nakalipas na taon.
A. H., New York
Mga Anak ng mga Diborsiyadong Magulang
Ang pangalan ko po’y Claudia (13-14 taong-gulang), at nabasa ko po sa Awake! (edisyong Italyano) na ang mga batang ang mga magulang ay diborsiyado ay mga miserable! (‘We Loved You Even Before You Were Born,’ Hulyo 8, 1984, edisyong Ingles) Ang aking mga magulang ay diborsiyado, gayunma’y hindi ako nakadarama na ako’y parang “balutan.” Sila kapuwa ay may kani-kanilang pamilya, at ako’y nakatira sa aking ina, nguni’t ako’y dumuroon sa aking itay tuwing Sabado’t Linggo. Una sa lahat, tinatanggap ko ang kanilang pasiya sa diborsiyo; ikalawa, kahit na kung minsan ay kailangan kong gumawa ng mga sakripisyo, ginagawa ko ang mga ito sapagka’t mahal ko ang aking mga magulang. Marahil may mga batang mas masahol ang kalagayan kaysa sa akin, nguni’t inaakala ba ninyong sila’y mas mabuti kaysa roon sa ang mga magulang ay lagi na lamang nag-aaway?
C., Italy
Pinapupurihan ka namin sa iyong pakikitungo sa iyong kalagayan. Gayunman, gaya ng iyong ipinalalagay, maraming mga anak ng diborsiyadong mga magulang ang hindi kasimbuti mo. Sa katunayan, ipinakikita ng katibayan na ang mga anak ng diborsiyadong mga magulang ay dumaranas ng higit na mga kahirapan kaysa roon sa ang mga magulang ay magkasama. Ang aming paninindigan sa diborsiyo ay salig sa mga salita ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.” (Mateo 19:3-9) Hindi kami naniniwala na ang tanging paraan o karapatan sa pagpili para sa isang pamilya ay na ang magulang ay alin sa magdiborsiyo o mamuhay na magkasama at laging mag-away. Mayroon pang ikatlong mapagpipilian—yaong mga magulang na nagkakapit ng mga simulain ng Salita ng Diyos sa kanilang pag-aasawa, walang pag-iimbot na gumagawa ng mga pagbabago at nagsasama, nagpapatawaran sa isa’t-isa sa pag-ibig at sa gayo’y nagtatayo ng isang maligaya at nagkakaisang sambahayan.—ED.