Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagkakaproblema Ka Ba sa Iyong Makina?

Nagkakaproblema Ka Ba sa Iyong Makina?

Nagkakaproblema Ka Ba sa Iyong Makina?

Nag-iisip ka bang bumili ng iyong unang makina? Kung gayon, makakainteres sa iyo ang sumusunod na payo.

“OH, BAKIT ba ayaw umandar ang makinang ito ngayon?” Mangilid-ngilid ang luha sa mga mata ni Elsa sa kawalan ng pag-asa habang malungkot na sinusuri niya ang isa pang kunót na tahi. “Ano kaya ang nagawa kong mali?” Ang pananahi sa makina ay bago sa kaniya at siya ay nagkakaproblema na gaya ng mga baguhan sa pananahi.

Nangyari na rin ba iyon sa iyo? Kung mayroon kang sariling makina sa pananahi, malamang na ang iyong sariling karanasan ay nagturo sa iyo na makiramay sa suliranin ni Elsa. Gayunman, nakasisiphayo na gaya ng ibang mga problema, maaaring hindi na kailanganin pang bumili ng isang bagong makina o kaya’y gumawa ng isang malaking pagkumpuni. Malulutas mo ang maraming problema​—kahit na yaong mga malulubhang problema​—doon mismo sa bahay, at makapagtitipid ka pa ng panahon at salapi.

Interesante ba iyan sa iyo? Kung gayon, maaaring mapalakas-loob ka nito na malaman na kadalasan ay kailangan lamang ng kaunting mekanikal na kakayahan upang pangalagaan at ayusin ang iyong makina, at na ang karamihan ng mga problema ay karaniwang mapagtatagumpayan sa paggawa ng ilang maliliit na mga pagbabago. Kaya kung mayroon kang makina sa tabi mo, baka gusto mong suriin ito habang patuloy na binabasa ang artikulong ito upang makita kung gaano kadali nga na panatilihin itong nasa mabuting kalagayan.

PAGLALAGAY NG SINULID SA IYONG MAKINA

Una, lalo na kung matagal mo nang hindi nagamit ang iyong makina, suriin ang pinaglalagyan ng sinulid at ang karayom. Paano ba dapat ilagay ang iyong karayom? Kung ang needle plate ay nasa gawing kaliwa ng iyong makina, ang plat na panig ng iyong karayom ay papasók, o sa iyong kanan, at isusulot mo ang sinulid mula sa kaliwa pakanan. Kung ang needle plate ay nasa harapan, kung gayon ang plat na panig ng karayom ay palikod, at isusulot mo ang sinulid mula sa harap palikod. Iilan lamang makina ang hindi sakop ng tuntuning ito.

Ang paglalagay ng sinulid sa makina ay maaaring magtinging mahirap, nguni’t ito nga ay simple lamang. Simulan sa pamamagitan ng pagtataas sa presser foot (ang presser foot lever ay nasa gawing kaliwa ng iyong makina). Ngayon mula sa kareta ng sinulid, hanapin ang isa o dalawang thread guide sa kaliwa ng takip sa itaas. Saka ibaba ang sinulid, sa palibot ng tension o tension dial, tiyakin na nakuha nito ang spring doon; pagkatapos, pataas sa thread take-up lever, ipasok sa butas nito, pababa sa isa o dalawang thread guide at sa wakas ay sa butas ng karayom. Kung mali ang pagkakalagay ng sinulid sa makina, o kung ang karayom ay baligtad, mapuputol ang sinulid o hindi ito makatatahi.

Ang tahi ba ng iyong makina ay lumulukso? Kung gayon, subukin mo ang isang bagong karayom, yamang ang isang baluktot na karayom ay laging lulukso. May bahagi rin dito ang uri ng tela na tinatahi. Sa karamihan ng bagong mga polyester at maninipis na tela maaari mong subukin ang isang pantanging ball-point na karayom yamang ito ay nakakatulong, sa ibang mga kaso, upang mawala ang paglukso. Ang isa pang mahusay na paraan ay tahiin ang tela na may manipis na papel sa ilalim upang ito ay kumapal, at pagkatapos, mangyari pa, ay punitin ang papel.

Sa kaso ni Elsa, ang pagkunot na nabanggit sa pasimula ay maaaring dahilan sa di-wastong pihit o adjustment ng tension. Ang higit na karaniwang pagkakamali ay na yaong isa sa mga sinulid ay nananatiling diretso sa itaas o sa ilalim ng tela. Ang lunas? Karaniwan nang isang payak na pihit lamang sa tension regulator (dial). Una, baguhin ang tension sa susunod na numero sa dial. Kung hindi pa rin umubra, subukin mo naman ang numero sa kabilang direksiyon. Kung patuloy pa rin ang problema, baka kailangang ayusin ang higpit ng bobina.

Ang isang pagsubok sa pag-aayos na ito ay: Kapag ang kaha ng bobina na naglalaman ng bobina ay nakabitin mula sa sinulid, ang bigat nito ay magpapangyari sa bobina na makalas kung ang tension ay napakaluwag. Sa kasong ito ang lunas ay higpitan ang turnilyo ng tension na sangkawalo ng isang ikot pakanan hanggang sa ang bigat nito ay pahintuin ang pag-igkas. Saka higpitang muli ang turnilyo ng tension ng sangkawalo ng isang ikot. Ginagawa nito ang kabuuang pihit na sangkapat ng isang ikot at dapat na malutas ang problema.

PAGLILINIS SA IYONG MAKINA

Ilang mga bagay ang kakailanganin mo sa paglilinis at pagkukumpuni. Ang mga ito ay: (1) Isang maliit na matigas na sipilyo. Ang sipilyo sa ngipin ay uubra at ekselente sa paglilinis sa maliliit na kulong na dako. (2) Isang maliit na screwdriver. (Tandaan, pinakamabuting laging gumamit ng isang screwdriver na kasinlaki ng ulo ng turnilyo.) (3) Ilang pamahid na bulak. (4) Isang maliit at walang himulmol na basahan. (5) Isang maliit na pilas ng pinong emery cloth (makukuha ito sa alinmang tindahan ng hardwer). (6) Langis ng makina. (7) Kaunting kerosin o gaas o kaya’y panlinis ng karburador ng kotse. (8) Tiyani (upang bunutin ang mga sinulid o himulmol mula sa makina).

Ang naipong himulmol at dumi ang malamang na pinakapangkaraniwang sanhi ng problema sa makinang pantahanan. Ang mga himulmol ay nagtitipon sa shuttle mechanism at sa feed dog habang ang maliliit na hibla ng sinulid at tela at nahuhulog doon. Kadalasang ito ang nagiging sanhi ng pagkunot at paglukso. Upang linisin, alisin ang karayom at ang presser foot. Alisin ang turnilyo ng needle plate at saka alisin ang needle plate. Sa pamamagitan ng iyong sipilyo, linisin ang dumi at mga himulmol na nakabara sa pagitan ng ngipin ng feed dog. Patakan ng langis kung saan makita mo ang mga butas para sa langis.

Isunod ang paglilinis ng shuttle assembly. Una, alisin ang kaha o kahon ng bobina at ang bobina. Susunod, alisin ang shuttle-race ring​—karaniwan nang may dalawang pang-ipit​—at ang shuttle hook sa likuran nito. Gamitin ang sipilyo at tiyani upang alisin ang anumang nakikitang himulmol. Habang nasa labas pa ang magkakahiwalay na shuttle assembly, maingat na suriin ang shuttle para sa mga pingas o mga gasgas. Mahalaga ito sapagka’t ang mga hindi makinis na ibabaw ng shuttle ay maaaring masabitan ng sinulid at putulin ito. Papaano naggayon ito? Kadalasang ito’y dahilan sa mas mabilis na paghila sa tela kaysa isinusubo ng makina. Ang karagdagang diin sa karayom ay nagpapangyari ritong bumaluktot at tamaan ang shuttle.

Upang suriin, salatin mo ng iyong kuko sa daliri ang lugar kung saan naroroon ang shuttle at sa harap mismo ng duruan at sa butas. Maaaring mapakinis ang anumang kagaspangan na masusumpungan sa pagkukuskos sa shuttle ng pinong emery cloth. Ang isa pang mapagpipilian ay bumili ng isang bagong shuttle, hindi gaanong magastos ang pagsubok sa mas murang lunas na ito. Ngayon ikabit na muli ang shuttle assembly at patakan ng langis ang lugar ng shuttle-race.

PAGLALANGIS SA IYONG MAKINA

Karaniwan nang hindi mahirap ang paglalangis. Maraming pabrikante ang gumagawa ng langis para sa makina at isang giya sa paglalangis na kasama ng makina pagbili mo. Iminumungkahi ng mga pabrikante na langisan mo ang iyong makina ayon sa gamit dito: araw-araw kung ito ay ginagamit ng mga ilang oras sa bawa’t araw; lingguhan kung ito ay ginagamit lamang ng isang oras o wala pa sa bawa’t araw. HUWAG LALANGISAN NANG LABIS. Karaniwan nang isa o dalawang patak lamang ang kinakailangan. Gamitin lamang ang langis para sa makina. Ang langis na all-purpose, pambahay o vegetable oil ay hindi dapat gamitin.

Sa ibang mga makina ay may mga butas sa kaha sa itaas kung saan maaaring lagyan ng langis. Sa iba naman, ang pang-ibabaw na takip ng makina ay kailangang alisin sa paglalangis. Karaniwang dalawang turnilyo ang naghahawak sa takip, bagaman ang ibang makina ay mayroon lamang isang turnilyo. Alisin ang turnilyo at ang takip. Makikita mo ngayon ang ilang butas para sa langis. Patakan ng mga ilang patak ng langis ang bawa’t butas at ibalik na muli ang takip.

Kung ang iyong makina ay luma at may naipong langis (na naninilaw, matigas at animo’y barnis), maaalis mo ito sa pamamagitan ng kerosin o panlinis ng karburador ng kotse, na ginagamit ang isang basahan o bulak. Yamang ang panlinis na likido ay madaling sumingaw, tiyaking gawin ito sa isang lugar na malayang nakakapasok-labas ang hangin. Kung ang iyong makina ay may mga piyesa na yari sa nylon o plastik, mag-ingat na huwag gamitin ang solusyong ito sa mga ito sapagka’t ito’y mapipinsala.

Yamang ang artikulong ito ay hindi maghahanda sa iyo upang maging isang teknisyan ng makina, maaari itong maging isang mahalagang reperensiya sa hinaharap kapag may bumangong mga problema, gayundin gaya ng ipinahihiwatig kung kailan kailangang tumawag ng isang propesyonal upang gawin ang ilang pagkukumpuni. At, habang ikaw ay nagiging higit na nababahala sa pangangalaga sa iyong makina sa isang regular na paraan, makatitiyak ka ng mas mahusay na takbo ng makina at magtatagal ang serbisyo nito. Higit sa lahat, ang makinang umaandar nang maayos ay hindi magdudulot sa iyo ng mga kabiguan o pagkasiphayo na dinaranas ng marami. Tiyak na ito’y makadaragdag sa iyong kagalakan sa paggawa ng mabuti para sa kasiyahan at ginhawa mo at ng iba.​—Isinulat.

[Dayagram/Larawan sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Thread guides

Thread take-up lever

Tension dial

Presser-foot lever

Presser foot

Feed dog

Bobbin case

Needle plate

Needle

Spool