Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang mga Saksi ni Jehova at ang mga Piitang Kampo
● Ang aklat na Crystal Night, na isinulat ni Rita Thalmann at Emmanuel Feinermann, ay naglalaan ng mga dokumento o patotoo ng kasaysayan sa mga piitang kampo ni Hitler. Samantalang ang aklat ay pangunahing naglalahad ng pag-uusig sa mga Judio, nagbibigay rin ito ng ilang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa mga kampo. Sabi nito:
“Hiwalay sa iba pang mga kuwartel o barrack ay ang pantanging nabubukod na mga kuwartel para sa disiplinaryong pakikitungo. Ang karamihan nito ay okupado ng mga Saksi ni Jehova, na may kulay kayumangging [sa katunayan, kulay lila] tatsulok na tanda sa kanilang mga kasuotan at tumangging sumaludo kay Hitler o maglingkod sa militar. Kadalasan ang kanilang pagtangging talikdan ang kanilang pasipistang relihiyosong mga paniniwala ay nagbunga ng kamatayan.
“Marahil ay isang pagpapakalabis ang isinulat ng mga mananalaysay ng Third Reich sa lawak ng ‘paglaban’ ng mga Iglesiang Aleman sa pamumuno ng National Socialist, nguni’t iilan ang bumanggit hinggil sa pagkamartir ng 5,911 mga Saksi ni Jehova na dinakip ng mga Nazi. Mahigit na dalawang libo ang namatay sa mga piitang kampo.”
Pagkatapos ilarawan ang buhay sa kampo sa Buchenwald kung saan 2,250 mga Judio ay mga bilanggo, binabanggit ng aklat na may “300-400 mga Saksi ni Jehova” doon “na totoong matulungin sa mga Judio at ibinahagi pa nga nila ang kanilang mga rasyon na tinapay sa mga ito.”
Pinapupurihan ng Papa ang mga Sundalo
● “Sinabi ng Papa John Paul II kanina na ang pagsusundalo ay kasuwato ng Kristiyanismo, sinasabihan ang mga sundalo mula sa 24 na mga bansa na maaari nilang ituring ang kanilang mga sarili na mga ministro ng katiwasayan at ng kalayaan,” ulat ng Auckland Star ng New Zealand. Patuloy niyang pinapurihan ang mga sundalo sa pagsasabi: “Ang moralidad ng inyong propesyon, mahal kong mga sundalo, ay nauugnay sa huwarang ito ng paglilingkod para sa kapayapaan sa pambansang mga komunidad at higit pa riyan sa internasyonal na diwa.”
Nababahagi ang “United” Church
● “Ang United Church ay lubhang nababahagi hinggil sa ordinasyon ng mga homoseksuwal,” sabi ng paulong-balita sa The Toronto Star. Lubhang nababahagi ang mga opinyon tungkol sa suliraning ito sapagka’t “ipinalalagay ng ilan na ang homoseksuwalidad ay isang kasalanan at tinatanong ang pinakamalaking denominasyong Protestante sa Canada kung nanghahawakan pa rin ito sa moral na mga pamantayan.” Ang Pangkalahatang Konsilyo ay magpapasiya kung baga tatanggapin o tatanggihan ang isang dating “ulat na naghihinuhang ang homoseksuwalidad, sa ganang kaniya, ay hindi isang hadlang sa ordinasyon.”
Si Lee Langner, direktor ng koro sa Emmanuel United Church ng Ottawa, ay nagsasabi na sa pag-oordina sa mga ministrong homoseksuwal ang simbahan ay lumihis sa mga Kasulatan, at siya ay nagpasiyang umalis. Kinuha din ng iba ang “dramatikong hakbang” na ito, nguni’t iniulat na isa sa sampu na sumusulat sa simbahan ay nagbabantang umalis kung pagtitibayin sa miting ng Pangkalahatang Konsilyo ang pag-oordina sa mga homoseksuwal bilang mga ministro.
Presyo ng Kasintahang Babae
● Isang batas ng pamahalaan ng Lalawigang Temotu sa Solomon Islands ay nagsasabi na “$600 ang pinakamataas na presyo na maaaring singilin para sa mga kasintahang babae.” Bakit isinagawa ang ganitong aksiyon? Sapagka’t ang kalapit na Papua New Guinea “ay nagtaas ng presyo ng asawang babae sa $3,000.” Sinasabi ng batas na ang sinumang nagbabayad ng higit sa $600 para sa isang kasintahang
babae ay parurusahan ng tatlong buwan na pagkabilanggo at $90 na multa.Seksuwal na Gawain at Hepatitis
● Sinabi ni Dr. James Maynard, mula sa Centers for Disease Control sa Atlanta, Georgia, na ang bilang ng mga taong itinala bilang mga tagapagdala ng hepatitis-B ay dumarami sa bilis na 2,000 sa bawa’t taon sa Canada at 20,000 sa Estados Unidos. Tinataya na sa buong daigdig ang halos 200 milyong mga tao ay tagapagdala nito. Ang talamak na hepatitis ang sanhi ng 80 porsiyento ng mga kaso ng kanser sa atay sa daigdig sang-ayon kay Dr. Maynard, na nagsasabi pang: “Pangalawa lamang ito sa paninigarilyo bilang isang pangunahin at kilalang sanhi ng kanser.”
Sinasabi ni Dr. Maynard na ang hepatitis na ito ay karaniwang naikakalat sa pamamagitan ng seksuwal na mga kaugnayan o pagtatalik, taglay ang dumaraming panganib sa tuwirang pakikipag-ugnayan sa maraming kapareha sa sekso o mga kabit. Sinasabi rin niya na taun-taon ang indibiduwal na homoseksuwal ay 25 porsiyentong nanganganib na mahawa nito. Ipinakikita ng mga pag-aaral, sa gulang na 40, 85 porsiyento ng mga homoseksuwal ay nahawaan na nito.
Lumalaganap na mga Disyerto ng Daigdig
● “Anim na milyong mga ektarya [15,000,000 a.] ng lupa ang nagiging disyerto taun-taon at 21 milyong mga ektarya pa [52,000,000 a.] ang nagiging hindi mabungang lupa,” sang-ayon sa isang ulat sa The Gazette ng Montreal, Canada. Sa kabila ng pangkapaligirang programa ng Nagkakaisang mga Bansa na nilayon upang sugpuin ang kanilang paglaganap, ang mga disyerto ng daigdig ay nagbabantang sakmalin ang pagkalalaking bagong mga lupain. Pangunahin na ang mga dako ng Sahara, ang Gitnang Silangan, Timog-silangang Asia, Latin Amerika at Australia, at ang lumalaganap na mga disyerto ay nakakaapekto sa halos 850 milyon katao. Ang suliranin, sabi ng ulat, ay “nakasalalay sa maling-gamit at labis na paggamit ng lupain, at sa labis na pagpapastol, pagkalbo sa mga kagubatan, labis na pagbubungkal sa lupa at hindi mabuting patubig.”
Mga Trangkilayser na Valium
● “Tinatayang pitong milyong mga tao [sa Britaniya] ang umiinom ng Valium at ng iba pang tinatawag na ‘mahinang’ mga trangkilayser sa bawa’t taon, ulat ng Daily Mail ng London. Ang trangkilayser na gamot na Valium ay ginawa noong 1959, at sinasabing bilang isang tagapagpakalma ng kalamnan ito ay “sampung ulit na mas mabisa kaysa Librium.” Sinasabing naaalis nito ang mga kaigtingan ng emosyonal na pagkabalisa habang pinapangyari nito ang isang tao na magpatuloy sa isang normal na buhay.
Gayunman, ang ulat ay nagsasabi pa: “Malayo sa pagpapabuti sa mga kalupitan ng ika-20 siglong buhay, sinasabing, ang mga trangkilayser ay maaaring makapagpasugapa sa mga tao—lalo na ang mga babae.” Tinataya ng Wolfson Unit of Clinical Pharmacology na halos sangkapat ng mga pasyenteng umiinom ng benzodiazepines sa loob ng apat na buwan ay naging depende sa mga ito. Ang mga epekto na itinala ay: di-pagkatulog, pagkabalisa, panlulumo, mga pagsumpong ng nerbiyos, pagsusuka, nanlalabong paningin at kirot sa kalamnan.
Suliranin sa Chopstick
● Maraming mga kabataang Hapones ang lumalaki na walang kaalaman tungkol sa wastong gamit ng mga chopstick o hashi. Gaya ng iniulat sa The New York Times, ipinakita ng isang ulat ng Ministri ng Edukasyon na 48.4 porsiyento lamang ng mga mag-aaral sa mababang paaralan na sinurbey ang nagsabi na marunong silang gumamit nang wasto ng mga chopstick. Nababahala tungkol sa kalagayan, ang Kagawaran ng Pulisya sa Tokyo ay nagbibigay sa mga bagong kaanib nito ng maikling kurso sa etiketa at paggamit ng mga chopstick. At, sa kabayaran na halos $80 (U.S.), ang isa ay maaaring makakuha ng tatlong-buwang kurso ng instruksiyon sa paggamit ng hashi. Ang mga “trainer chopstick”—may mga siluan upang ipakita sa mga bata kung saan nila ilalagay ang kanilang mga daliri—ay ginawa at mabenta. Isang propesor sa kolehiyo na pinag-aralan ang bagay na ito ay tinataya na mahigit sa sangkatlo ng mga Hapones na 30 taong gulang o mas bata pa ang hindi sanay pagdating sa paggamit ng mga chopstick.
Nagbabagong Tsina
● “Nagtataglay ng mga bisa na palabas ng bansa at ng kayamanan na totoong malaki upang hanggahan ng mga hangganan ng bansa, 50 mga jetsetter (sosyal na mayayaman) mula sa kabukiran ng lalawigan ng Hebei ay magtutungo sa Tokyo sakay ng eroplano sa susunod na linggo, ang kauna-unahang mga taga-bukid ng Bagong Tsina na magbabakasyon sa ibang bansa sa kanilang sariling gastos,” ulat ng Globe and Mail ng Toronto. Ang halaga
ng paglalakbay ay $3,530 (Canadiano), halos “20 ulit ng katamtamang taunang kita” sa Tsina. Papaano nila nakaya ito? Ang ulat ay nagsasabi na ang ilang mambubukid, “na pinalaya mula sa kolektibong pagsasaka ng mga binutil sa Pamahalaan ng Deng Xiaoping, ay umasenso sa karagdagang mga hanapbuhay—pagmamanukan, pag-aayos ng mga traktora, paglalala ng basket.”Hindi Pinansing mga Takas o Refugee
● “Ang mga opisyal ng mga takas o refugee,” ulat ng The New York Times, “ay nabagabag ng sinasabi nilang lumalaganap na ugali ng dumaraang mga barko na ayaw tulungan ang mga Vietnamese na tumatakas sa kanilang bansa sakay ng mga bangka.” Kamakailan, hindi kukulangin sa 40 nagdaraang mga barko, ang iba ay kasinlapit ng mga 10 yarda (9 m), ang malinaw na hindi pinansin ang mga pagsusumamo ng isang bangka na punung-puno ng mga takas na Vietnamese na nagsisikap na makatawid sa South China Sea. Bunga nito, 68 sa 84 na mga takas o refugee sa bangka ay namatay dahil sa gutom, uhaw o sakit. Sinasabi ng mga opisyal ng mga refugee na ang mga kapitan ng mga nagdaraang barko ay ayaw mag-aksaya ng panahon sa paghahatid sa mga refugee sa pinakamalapit na lugar na mapagdadalhan sa kanila. Ang panahon ng pagdadala sa kanila ay kadalasang kumukuha ng apat o limang araw.
Mga Amerikanong Mahilig Pumirma ng Tseke
● Ang mga Amerikano ay pumirma ng mahigit 40 bilyong mga tseke noong nakaraang taon. Iyan ay mahigit na 100 milyon tseke sa isang araw sa katamtaman, sang-ayon sa bilang ng industriya ng pagbabangko. Iniulat na 130 milyong mga Amerikano ang may mga checking account. Ano ang kabuuang halaga ng 40 bilyong tseke na pinirmahan noong nakaraang taon? Mahigit na isang trilyong dolyar.