Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tiyak na Mamamatay Ako!”

“Tiyak na Mamamatay Ako!”

“Tiyak na Mamamatay Ako!”

Isang Nakaligtas sa Barilan sa Embahada ng Iran ang Nagsasaysay ng Kaniyang Kuwento

“LUMABAS KAYO! LUMABAS KAYO!” Ang apurahang utos ng mga lalaking SAS a na nakatalukbong ng itim ay nangingibabaw sa kabila ng pagkakaingay sa naglalagablab na gusali. “Labas! Labas!” ang patuloy nilang sigaw habang kami’y pasuray-suray sa alikabok at usok ng madilim na silid na siya naming naging bilangguan at nagkakandarapa sa hagdan ng mga durog na bato at mga labí ng gusali upang iligtas ang aming mga buhay. Nasasamid sa matapang na amoy ng mga granada at mga munisyong pinaputok at nagluluhang mga mata, kami ay itinulak sa likurang pintuan ng embahada at inihagis sa hardin.

Tandang-tanda ko pa ang sandali ng istirya. Pagulung-gulong sa damuhan, ang aking katuwaan ay may halong mga hikbi ng kagalakan. “Ang langit! Ang langit! Nakikita ko ang langit! Salamat sa Diyos!” Paulit-ulit kong sigaw. Lahat kami ay ginawang bihag sa loob ng anim na araw. Tapos na ang masamang panaginip, subali’t ang naranasan naming tensiyon at kagipitan ay naroon pa rin.

Oo, nagpasalamat ako sa Diyos na buhay pa rin ako, nguni’t ngayon, pagkaraan ng mahigit na apat na taon, mayroon akong higit na dahilan upang pasalamatan siya. Hayaan mong ipaliwanag ko sa iyo kung bakit.

Ginawang Bihag!

Ang pangalan ko’y Ali Asghar Tabatabai. Ang pangalan kong Tabatabai ay nagpapatotoo sa bagay na ako’y itinuturing na isang tuwirang inapo ni propeta Muhammad, sa aking kalagayan ay sa pamamagitan ng linya ng aking ama at ina.

Nagtungo ako sa London, Inglatera noong 1980 sa isang iskolarsip na kurso sa pagbabangko. Noong umaga ng Miyerkules, Abril 30, habang hinahabol ko ang tren na sasakyan ko, batid ko na mayroon akong isang magawaing araw sa unahan ko. Kung hindi sana ako nagmamadali at sa halip ay naghintay ng mga ilang minuto para sa susunod na tren, hindi ko sana naranasan ang sumunod na malungkot na karanasan. Subali’t wala tayong kamalay-malay sa kung ano ang maaaring mangyari!

Una, nagtungo ako sa embahada ng Iran upang kunin ang ilang mga mapa para sa isang lektyur na ibibigay ko sa bangko. Hindi pa ako natatagalan sa pag-upo upang hintayin ang mga ito nang makarinig ako ng pagkakagulo sa pasukan ng embahada. Saka biglang sumugod ang anim na sandatahang lalaki na nakamaskara at inutusan kaming lahat na umakyat sa itaas. Sa loob lamang ng mga ilang minuto, ang 26 katao, pati na ang pulis na siyang guwardiya noon, ay ginawang bihag. Napakabilis ng mga pangyayari anupa’t hindi ito kapani-paniwala.

Kailanman ay hindi ako nagkaroon ng aktibong interes sa pulitika, at ang aking relihiyosong paniniwala, bagaman taimtim, ay hindi masidhi. Ang aking tunay na interes ay ang aking pamilya at ang aking trabaho. Ang pagbabangko sa London ay kasiya-siya, at wari bang ang buhay ay umuunlad para sa akin habang ipinagpapatuloy ko ang aking mga pag-aaral. Wala akong kamalay-malay na sa hindi matatagalan ang lahat ng bagay na pinaninindigan ko ay malalagay sa pagsubok.

Habang pinaligiran at sinarhan ng mga pulis ang gusali, may nalaman kami tungkol sa mga lalaking bumihag sa amin. Sinabihan nila kami na kanilang sinakop ang embahada upang itampok ang mga problema sa kanilang tinubuang-bayan at na papatayin nila kaming lahat sa susunod na Miyerkules kung ang kanilang mga kahilingan ay hindi matutugunan.

Sa Bingit ng Kamatayan​—Nguni’t Bakit?

Pagkalipas ng unang araw, maliwanag na ang mga autoridad ng pulisya ay nakikipagsugal sa panahon at na hindi sila kusang sasang-ayon sa mga kahilingan ng mga sandatahang lalaki. Lubhang umigting ang kalagayan. Sa panahong ito, sinikap naming lahat na maging masigla. Binansagan akong “Ali the Bank” at ginawa ko ang lahat ng magagawa ko upang aliwin ang aking mga kapuwa bihag. Kung minsan ay gumagawa ako ng kunwari’y mga tseke o mga palaisipan o puzzle para sagutin ng mga bihag. Tumutulong ito upang huwag kaming mainip, nguni’t ang panahon ay para bang napakabagal at wala kaming magawa sa bagay na iyan.

Samantalang sumisidhi ang kabiguan ng mga sandatahang lalaki, nagiging maliwanag din na ang buhay naming lahat ay totoong nanganganib. Lagi nila kaming tinatakot na papatayin kaming lahat, at lubhang nasasandatahan sila anupa’t maliwanag na ito’y hindi walang saysay na banta. Lalong sumidhi ang kaigtingan. Sa bawa’t oras ang isa sa mga bihag ay hahagulgol​—talagang nakakapangilabot sa takot. Yamang ako’y nakapagsasalitang mabuti sa Ingles, madalas akong mamagitan, at tumulong iyan upang huwag kong maisip ang mga bagay-bagay. Nguni’t isang araw ay binuksan ko ang aking pasaporte at nakita ko sa loob nito ang mga larawan ng aking mahal na asawa at mga anak. Napahagulgol din ako ng iyak. Makikita ko pa kaya silang muli? Makakaya kaya ng asawa ko ang mamuhay sa isang banyagang lupain? Maulila kaya sa ama ang aking munting anak na lalaki na gaya ko na naulila nang maaga? Ayaw kong mamatay​—napakaraming bagay o dahilan upang mabuhay!

Samantalang sinisimulan kong isulat ang aking huling habilin, sinikap kong mangatuwiran sa lider ng mga sandatahang lalaki. “Ano ang mangyayari kung papatayin mo kami?” tanong ko. “Gaganti at papatayin ng aming mga anak ang inyong mga anak sapagka’t pinatay ninyo kami, at kami’y walang sala!” “Batas ito ng kagubatan,” ang kaniyang maikling tugon. “Isa lamang akong manggagawa sa bangko,” sabi ko sa kaniya. “Wala akong kinalaman sa pulitika at ayaw kong mamatay sa pulitikal na mga kadahilanan.” “Itigil mo na ang pagmamakaawa mo sa iyong buhay!” sigaw ng isa sa mga bihag na diplomatiko. “Hindi ako nagmamakaawa,” sagot ko. “Kayo’y mga diplomatiko. Malaking salapi ang ibinabayad sa inyo upang magtrabaho sa bansang ito at makipagsapalaran. Ako’y hindi, at ayaw kong mamatay sa isang bagay na hindi ko pinaniniwalaan.” Nasabi ko ang aking punto.

Kapag nasa malubhang panganib o problema, ang mga tao kung minsan ay nagiging maalab at taimtim sa pananalangin. Marami sa aking kapuwa mga bihag ang regular at malakas na nananalangin, at Allah ang paulit-ulit na maririnig araw at gabi. Marahil ay kailangan kong ipaliwanag na Allah ang Arabeng salita para sa “Diyos.” Sa Persiano, ang aking wika, ginagamit namin ang katumbas na salitang “Khuddah” para sa “Diyos,” ang Maylikha. Maraming beses akong nanalangin kay Khuddah, nguni’t pakiwari ko’y hindi tatanggapin ang aking mga panalangin yamang hindi ako makapaghugas o makapaligo na gaya ng turo sa akin na dapat kong gawin bago manalangin.

Ang aking mga kaisipan ay hiwa-hiwalay. Hindi ko maunawaan kung bakit ipinahintulot ni Khuddah na mangyari ang kakila-kilabot na mga pangyayaring ito. Sa buong buhay ko ay ginawa ko ang pinakamabuti. Anong uri ng Diyos siya upang ipahintulot na ako’y mamatay, gaya ng inaakala kong tiyak na mangyayari sa akin? Gayunman, inaamin ko na namuhay ako ng isang kasiya-siyang buhay, na pinaluluguran lamang ang aking sarili. Ano ba ang nagawa ko para kay Khuddah? Tunay, ano ba ang nalalaman ko tungkol sa kaniya? Tinanong ko ang aking sarili.

Sa mga sandaling ito ay nangako ako kay Khuddah na kung may anumang paraan na ang buhay ko ay mailigtas, alang-alang sa aking pamilya, talagang hahanapin ko siya at paglilingkuran ko siya sa nalalabi kong buhay. Talagang totoo ang sinabi ko.

“Tiyak na Mamamatay Ako!”

Lumipas ang mga araw. Sa wakas, sa kanilang kabiguan ay walang-awang pinatay ng mga sandatahang lalaki ang unang bihag at binalot ang kaniyang bangkay sa labas ng harap na pintuan ng embahada. Balintuna, ito ang diplomatiko na nagsabi sa akin na ihinto ko na ang pagmamakaawa sa aking buhay. Sinabi ng mga terorista na kung wawalaing-bahala ang kanilang mga kahilingan, papatayin nila ang natitira pa sa amin sa pagitan na 45-minuto! Nang maihayag ito, sumalakay ang SAS​—pagkatapos lamang ng ikapito ng gabi nang ikaanim na araw. Ang kanilang mabilis na pagkilos ay napanood sa telebisyon sa buong daigdig.

Sa loob ng embahada, nagkaroon ng malaking kaguluhan. Pumailanglang ang pagbasag ng mga bintana, ang pagsabog ng mga granada at ang mabilis na pagsabog ng mga machine gun. Walang anu-ano’y tatlo sa mga terorista ang biglang pumasok sa aming bilangguang silid at pinaulanan kami ng bala habang nakayukyok kami sa sahig. Ang nasa isip ko agad ay, ‘Tiyak na mamamatay ako!’

Nakita kong bumaling sa akin ang taong may baril. Itinaas niya ang kaniyang baril at pinaputok. Narinig ko subali’t wala akong naramdaman, subali’t sa loob lamang ng mga ilang saglit ang aking kasuotan ay punô ng dugo. Binalabal ko nang husto ang aking amerikana sa pagsisikap na ipagsanggalang ang aking sarili. Tinutukan niya ako nang tuwiran ng ikalawa at ikatlong pagbaril​—at sa aking pagtataka ay hindi ako namatay. Papaano nangyari iyon?

Gaya ng naikuwento ko na, kami’y nailigtas pagkatapos ng isang maikli subali’t matinding labanan at isinugod sa ospital. Nakikita ang aking kalagayan, inaakala ng lahat na mga doktor na ako’y malubhang nasugatan. Nguni’t ipinakikita ng isang masusing pagsusuri na wala namang anumang nangyari​—maliban sa isang bala (malamang na ang ikalawang pagbaril) na hindi maipaliwanag na bumalot sa aking kamisidentro, na sinunog lamang ang aking likod. Kung gayon bakit ang lahat ng dugo na iyon? Nang dakong huli ay natuklasan ko na ang unang baril ay tumama sa isang bihag na nakahiga sa tabi ko. Kumusta naman ang ikatlong pagbaril? Nang magbalik ang mga pulis sa embahada, nasumpungan nila ang mga labi ng aking amerikana at sa isa sa mga bulsa ay isang lubhang nayuping 50-sentimos na barya. Nailigtas nito ang aking buhay. Hindi katakataka na ako’y tinawag na misteryosong tao sa mga salansan ng pulisya. Papaano nga maliligtasan ng sinuman ang tatlong malapitang mga pagbaril na gaya ng naligtasan ko! Sa isip ko, “Salamat nga kay Khuddah!”

Pagtupad sa Aking Panata

Naibalik ako sa aking maibiging pamilya, at ipinasiya naming manatili sa Inglatera. Nguni’t madalas kong magunita ang kakila-kilabot na karanasang iyon. Ang pagpapanibagong-buhay o rehabilitasyon ay totoong napakahirap, gayunman ako’y lubusang nagpapasalamat na ako’y buhay! Kumusta, kung gayon, ang tungkol sa aking panata o pangako kay Khuddah? Kailangang kumilos ako​—nguni’t ano ang gagawin ko? Wala akong maisip.

Wala akong kaalam-alam, mga ilang buwan na palang ang aking asawa, si Shirin, ay regular na tumatanggap ng mga kopya ng The Watchtower at Awake! yamang nasusumpungan niya ang mga ito ay isang mabuting tulong sa kaniya sa pag-aaral ng Ingles. Hindi nagtagal, nang dalawin ako ng isang membro ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ako’y magalang na nakinig. Nasumpungan kong kawili-wili ang mga reperensiya sa Bibliya at sinuri ko ito sa Persianong kopya. Nguni’t nang sabihin sa akin na ang Diyos, ang Khuddah, ay may pangalan, iyon ay kakaibang bagay! Oo, may pangalan ako at pinagmamapuri ko ang aking pangalan, at ngayon maliwanag na ipinakita sa akin ng Bibliya na ang Khuddah ay may personal na pangalan​—Jehova! Masigasig na pinag-aralan ko ang lahat tungkol sa kaniya mula sa aking mga pag-aaral sa Bibliya.

Ngayo’y nauunawaan ko na! Ang Khuddah ay hindi lamang isang Diyos na dapat yukuran at sambahin sa itinakdang mga panahon sa isang araw, kundi siya ay isang indibiduwal, isang personal na Diyos, na may maibiging layunin sa sangkatauhan. Hindi basta isang Diyos na humihiling ng pagsamba, kundi isa na nagmamalasakit sa bawa’t isa sa atin​—sa akin at sa aking pamilya, nang personal! Ang aking pagkaunawa ay ganap. Buong kagalakang paglilingkuran ko si Jehova!

Mula sa puntong ito patuloy, mabilis na sumulong ang mga bagay-bagay, at ngayon kaming mag-asawa ay kapuwa bautismadong mga saksi ni Jehova. Habang kami ay tinatanggap sa pambuong-daigdig na samahan ng bayan ni Jehova, ang kabaitan at pagkabukas-palad na ipinakita sa aking pamilya ay higit pa sa anumang maaaring asahan. Hindi lamang ibinigay sa amin ng aming bagong espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae ang kanilang panahon sa pagtuturo sa amin ng katotohanan ng Salita ng Diyos kundi binigyan din nila kami ng saganang mga pangangailangang materyal habang kami ay disididong itayong-muli ang aming mga buhay.

Sa paglipas ng mga araw, totoong naglalaho rin ang mga alaala. Subali’t ang kakilabutan ng anim-na-araw na pagkubkob ay maliwanag na nananatili pa rin sa aking isipan. Gayunman, sa ngayon ay natatalos ko na ang gayong malungkot na pangyayari ay malapit nang maging mga bagay na nakalipas magpakailanman. Isa pa, sa Bagong Kaayusan ng katuwiran ni Jehova na napakalapit na, ang gayong malungkot na mga alaala ay hindi na “maaalaala, o mapapasa-puso man.” (Isaias 65:17) Sa gayong dakilang mga pangako ako at ang aking pamilya ay taos-pusong nagpapasalamat at pumupuri kay Jehova.

[Talababa]

a Special Air Service na rehimyento ng Britanong hukbo.

[Blurb sa pahina 22]

Ang kabaitan at pagkabukas-palad na ipinakita sa aking pamilya ay higit pa sa anumang maaaring asahan

[Larawan sa pahina 19]

Humagulgol ako ng iyak nang makita ko ang mga larawan ng aking asawa at mga anak

[Larawan sa pahina 20]

Sa kawalang pag-asa walang-awang pinatay ng nasasandatahang lalaki ang unang bihag

[Larawan sa pahina 21]

Isang 50-sentimos na baryang gaya nito ang nagligtas ng aking buhay