Mga Tradisyon sa Panununog?
Mga Tradisyon sa Panununog?
“ALALAHANIN, alalahanin, ang asingko ng Nobyembre!” Ano ang dahilan ng popular na pananawagan ng ganiyan taun-taon sa Inglatera?
Lahat ng iyan ay nagsimula noong 1605 nang ang mga magkakasabuwat na Romano Katoliko ay nagpakana na pasabugin ang haring Protestante, si James I ng Inglatera—na nagpasalin sa Bibliya—pati lahat ng kaniyang mga ministro ng estado. Ang pulbura ay natuklasan sa ilalim ng mga gusali ng Parliamento at karamihan ng mga kasabuwat doon ay pinatay, kasali na si Guy Fawkes, ang una na dinakip. Mula na noon, ang anibersaryo ng Gunpowder Plot kung Nobyembre 5, at tinatawag na Guy Fawkes’ Night, ay ginugunita sa pamamagitan ng pagsisiga at pagpapaputok ng kuwitis sa lahat ng dako ng bansa.
Tuwang-tuwa rito ang mga bata! Gayundin naman ang mga magulang na gumugugol ng mga £20 milyon taun-taon sa 100 milyong kuwitis, upang maipagpatuloy lamang ang pambansang kaugaliang ito.
Ang karaniwang makikita roon ay ang pagsunog sa larawan ni Guy Fawkes, na naroon sa ibabaw ng bunton na susunugin. Datapuwa’t, sa Lewes, isang maliit na pamilihang bayan sa timog Inglatera, mga larawan ng prominenteng mga politiko at lokal na mga pinuno ang sinisigan din, kasama ng mga larawan ng popular na mga bituin at iba pang kilalang mga tao. Bawa’t isa sa limang mga pangunahing Bonfire Societies ay nakikipagpaligsahan sa isa’t-isa sa paggawa ng pinakapambihirang siga. Nguni’t ang mabagsik na Protestant Cliffe Bonfire Society ang naiiba sa lahat. Dala-dala nito ang kaniyang bandilang “No Popery” at saka susunugin ang isang larawan ni Papa Paulo V, na kasabay na nabuhay noon ni Guy Fawkes, na ayon sa paniwala ng marami ay kasangkot sa Gunpowder Plot.
Bagaman pinakiusapan ng kapulungang-bayan, disidido ang mga organisador na ipagpatuloy ang kaugaliang ito. Ang ikinakatuwiran nila ay yaong pag-iilaw sa Martyrs’ Monument na nasa karatig na burol. Ito’y alaala sa 17 Protestante ng Lewes na dahilan sa kanilang pananampalataya ay sinunog sa labas ng dating Star Inn noong panahon ng reynang Romano Katoliko na si Mary Tudor.
Ayon sa tagapangulo ng Lewes at District Council of Churches, isang klerigo ng Church of England, ang tradisyong ito ay “lipás na, at kinamumuhian ng nabubuhay na mga Kristiyano.” Sa paglakad ng mga taon ang lokal na mga paring Katoliko ay nagsisikap na mapahinto na ang “nakalalasong mga damdaming ito na anti-Katoliko” sapagka’t “isang pangmadlang insulto sa relihiyong Katoliko,” nguni’t nabigo.
“Sunugin siya! Sunugin siya!” Ang pagsisigawan ng nagdudumugang karamihan ay palakas nang palakas samantalang inihahanda nang sunugin ang larawan ng papa. Tinatarakan iyon ng sangkaterbang kuwitis at saka sisindihan hanggan sa makapanood ka ng isang tunay na palabas.
At pagka malapit nang humatinggabi ay sunóg na ang lahat ng larawan, pati 6,000 mga sulo, at pagka ubos na ang mga kuwitis, tapos na rin ang kasayahang iyon. Ang 12 banda ng karnabal na maaga pa’y nagpapasayo sa makikitid na kalye ng bayang iyon ay naghihiwa-hiwalay na, pati yaong 50,000 mga nagsayá. Ang libu-libong kasuotan na ginamit sa okasyong iyon ay inililigpit na at nag-uuwian na ang mga organisador, upang lihim na magplano ng isang lalong pambihirang selebrasyon sa susunod na taon.
Para sa bisita na noon lamang nakasaksi niyaon ay nalilito siya. Na makikitaan ng gayong relihiyosong sigasig ang tahimik na mga Ingles ay hindi mo aakalain. Subali’t ang panatismo ng Roma, noong nakalipas na mga siglo, ay itinuturing ng maraming masisikap na tagapagtaguyod ng ecumenismo ngayon na kakitiran ng isip, at walang dako sa ika-20 siglong ito. Mga panatiko sa tradisyon—lalo na sa Inglatera!—Pahatid ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Islas Britanikas.