Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panahon Na Para sa Isang “Bagong Lupa”

Panahon Na Para sa Isang “Bagong Lupa”

Panahon Na Para sa Isang “Bagong Lupa”

PAGKA naubos na ang panahon para sa daigdig na ito, ubos na rin kaya ang panahon para sa lahat ng tao? Hindi! Mayroong mga makaliligtas. Subali’t ang mamanahin kaya nilang lupa ay yaong isa na hindi na pakikinabangan dahilan sa ito’y radioaktibo o kaya’y palanas na yelo? Hindi. Isang dako iyon na magiging sagana ang pananim, hayop at mga tao! Kakatuwa bang pakinggan? Kung gayon, malasin mo uli ang inihula ni Jesus.

Suriin ang kabanata ring iyon ng Bibliya na doo’y binanggit ni Jesus ang maraming-bahaging tanda na nagpapatunay sa pagkamalapit na ng wakas ng sanlibutang ito. Dito’y inihambing niya ang panahon natin sa isa pa. Sinabi niya: “Kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao. . . . Hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:37-39) Noong kaarawan ni Noe, naubos ang panahon. Para kanino o sa ano? Para lamang sa mga balakyot.

Si Noe at ang kaniyang sambahayan ay hindi naubusan ng panahon. Sila’y nakaligtas upang mabuhay sa lupa na nilinis buhat sa lahat ng kabalakyutan at makita ang isang maningning na bagong lupa. Bakit? Sapagka’t sila’y may pag-ibig sa katuwiran at tumalima sa Diyos.​—Genesis 6:5-9, 22; 2 Pedro 2:5.

“Pagkatapos na bigyan ng kinasihang babala” na may napipintong isang bahang pambuong lupa, pinatunayan ni Noe na siya’y may praktikal na karunungan. Di-gaya ng iba sa sangkatauhan, siya’y sumampalataya at kumilos upang makaligtas ang kaniyang sambahayan. (Hebreo 11:7) Kaniyang pinatunayan na siya’y isang taong maka-Diyos. Ikaw ba ay ganiyan din? Kung gayon, magkakaroon ka ng kaaliwan sa bagay na “si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may kabanalan, nguni’t ang mga taong masasama ay inilalaan sa araw ng paghuhukom upang lipulin.”​—2 Pedro 2:9.

Anong mga Kalagayan ang Iiral?

Kalooban ng Diyos na ang planetang ito ay maging isang sakdal na paraiso ng kapayapaan para sa “mga taong may kabanalan,” at hindi isang sinunog na lupang walang tumatahang ano mang may buhay. Ang lupa ang walang hanggang tahanan ng tao. Yamang ang Maylikha ang may lubos na kapangyarihan dito, magagarantiyahan niya na ang kasawian ng ganap na pagkawasak ay hindi sasapit sa lupang ito. Ang kaniyang kinasihang Salita, sa Isaias 45:18, ang nagbibigay-katiyakan na ‘hindi niya papayagang ito’y mapariwara kundi ang layunin niya ay maging tirahan ito.’​—Today’s English Version.

Nguni’t ang planeta ay hindi lamang magiging isang magandang paraiso; ang mga pagsasamahan ng tao ay magiging kasingganda rin. Pinapangyayari ng Diyos na ang panahon ay maubos na para sa masamang sistemang ito upang ang tapat-pusong mga tao ay lubusang maligayahan sa buhay sa isang matuwid na sistema. Isa pang dahilan iyan kung bakit lumilikha siya ng isang “bagong lupa”​—isang bagong lipunan ng tao​—na “tatahanan ng katuwiran.”​—2 Pedro 3:13.

Paano magkakaroon ng “bagong lupa”? Una, sa pamamagitan ng gagawin ng “mga bagong langit”​—isang bagong makalangit na pamahalaan na si Kristo ang Hari na inilagay roon ni Jehova, at magpupuno sa katuwiran pagka pinagharian na niya ang lupa. Ikalawa, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga mangingibig sa katuwiran na sila’y lumakad sa matuwid na mga daan ng Diyos. Samakatuwid, ang makakaligtas tungo sa “bagong lupa” ay sila lamang na sa kanilang pamumuhay ay nagpapatunay na talagang mayroon silang matalik na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang naghaharing Anak. Pinatutunayan mo bang ganiyan ka?​—Isaias 9:7; Juan 17:3; 2 Pedro 3:13.

“Bagong Lupa”​—Para Kanino?

‘Pero hindi ba naman gusto ng lahat na mabuhay sa isang matuwid na lupa?’ itatanong mo marahil. Hindi, hindi lahat ng tao ay may ibig na mabuhay sa isang kapaligiran na matuwid ang mga kalagayan. Kung sila’y mga lalaking nagnanasa ng asawa ng kanilang kapuwa, o ibig nila ng kalayaan na mahiwalayan ang sariling asawa nila kailanma’t ibig nilang palitan, o hindi mag-aatubiling magnakaw sa kanilang kapuwa, sila’y hindi maliligayahan sa “bagong lupa.” Kung isang libangan sa kanila ang sumagap ng usok tungo sa kanilang baga, suminghot ng singaw ng bawal na gamot o lumaklak ng alak hanggang sa sila’y lasing na lasing na, ang “bagong lupa” ay hindi nila magugustuhan. Doo’y wala nitong mga pag-aabusong ito.

Nguni’t, sa kabilang dako, kung ibig mong makabahagi sa pagsupil sa lupa, upang ito’y maging mga bukid na pinag-aanihan ng pagkain at mga parke na kinasasalaminan ng kagandahan, o kung mahilig kang mangalaga sa mga hayop, ang “bagong lupa” ay para sa iyo. Kung nasasabik ka sa panahon na lahat ng mag-asawa ay magiging tapat sa kani-kanilang asawa, pagka ang mga anak ay mapalalaki na wala kang pangambang sila’y mapapariwara, o kung lahat ay susunod na sa wagas na pamantayan ng asal, ikaw ay maliligayahan sa “bagong lupa.” Kung nasasabik ka sa panahon na hindi na pagluluray-lurayin ng mga bomba ang mga babae’t mga bata, na wala na ang mapaniil na pamamahala ng mga politiko pati ang masasakim na komersiyante, o pagka ang mga tao’y tumahan na sa kapayapaan sa ilalim ng kanilang punong ubas at punong igos, pananabikan mo ang hinihintay-hintay na “bagong lupa.”

Isa pa, ang pagpapaulan ni Jehova ng saganang mga pagpapala ay magdudulot ng buhay na walang kabiguan, kayamutan, pagkasiphayo at pagkabalisa na dinaranas ng angaw-angaw ngayon. At kasali na sa mga pagpapalang ito ang kalusugan para sa lahat. Ang pagtatamasa nito ay hindi pansamantala. Hindi ito puputulin ng kamatayan pagtapos ng buhay na 70 o 80 taon. Sapagka’t isang katiyakang ibinibigay ng Salita ng Diyos ang pagkawala ng kamatayan: “Aktuwal na lululunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” Maging ang mga patay man na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli at bibigyan ng pagkakataon na patunayan ang kanilang pag-ibig sa katuwiran.​—Isaias 25:8; Juan 5:28, 29.

Kung kaakit-akit sa iyo ang ganiyang matuwid na “bagong lupa,” magsimula ka na ngayong mamuhay para diyan.

Kumilos Nang May Katalinuhan

Pagka naubos na ang panahon para sa balakyot na sanlibutang ito, hindi naman kailangang maging ganoon para sa iyo. Tutularan mo ba si Noe at ikaw ay iibig din sa katuwiran? Kung gayon, kumilos ka na ngayon pa! Bakit? Sa isang nagbabantang panganib, ano ang nagliligtas-buhay? Ang basta mapakinggan ba lamang ang babala, o ang kasunod na pagkilos na nagliligtas-buhay? Hindi baga ang pagkilos na kasunod ng babala?

Kaylapit-lapit na ang panahon ngayon ng pagdating ng “bagong lupa” ni Jehova. Tumutunog na ang nagbababalang alarma tungkol sa mabilis-na-dumarating na pagkapuksa ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay buhat sa kamay ng Diyos. Ang pagkakataon para sa pagkuha ng nagbibigay-buhay na kaalaman buhat sa Salita ng Diyos ay bukás pa para sa iyo, tulad ng bukás na pinto ng daong na ginawa ni Noe bago dumating ang Baha. Subali’t di na magtatagal at sasarhan na. Kung gayon, ngayon na ang panahon upang ipakita na talagang ibig mo ng buhay. (Zefanias 2:2, 3) Gamitin nang may katalinuhan ang natitirang panahon upang pagka naubos na ang panahon para sa sistemang ito ikaw ay makakabilang sa maligayang mga makaliligtas.

[Mga larawan sa pahina 11]

Yaon lamang mga taong umiibig sa katuwiran ang makaliligtas tungo sa “bagong lupa” ng Diyos