Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paubos Na Ba ang Panahon Para sa Daigdig na Ito?

Paubos Na Ba ang Panahon Para sa Daigdig na Ito?

Paubos Na Ba ang Panahon Para sa Daigdig na Ito?

ANG prominenteng mga tao sa lahat ng panig ng daigdig ay nanghihinuha nga na paubos na ang panahon. Ang mga puwersang patuloy na nagtutulak sa mga bansa sa bingit ng digmaang nuclear ay parang umaangal na mga alarmang sirena na nag-iiwan ng kalagim-lagim na guniguni. Isa pang nakaliligalig ang nagbabantang pagbagsak ng kabuhayan ng daigdig at ang laganap na iba’t-ibang uri ng polusyon na nagpapahamak sa buong paligid. Kanilang nakikini-kinita na malapit na ang wakas hindi lamang ng mga ilang bansa kundi pati ng buong sanlibutan. Bakit? Sapagka’t wala sa kanila na makapagmungkahi ng ano mang lunas na talagang gagana.

Ang totoong nakababahala sa kanila ay ang banta ng digmaang nuclear. Maaga noong nakalipas na taon, batay sa payo ng 47 siyentipiko, kasali na ang 18 nanalo ng gantimpalang Nobel, ang buwanang Bulletin of the Atomic Scientists ay nag-abante nang isang minuto sa kaniyang “doomsday clock”​—kaya’t ang oras ay tatlong minuto bago maghatinggabi. Ipinakikita ng orasang iyan ang ayon sa kanilang paniwala’y pagkabingit ng daigdig sa isang digmaang nuclear. “Ito’y nagbibigay ng hudyat,” ang sabi nila. Sa 30 taóng lumipas, ngayon pinakamalapit sa hatinggabi ang oras sa “doomsday clock”!

May mga panganib pang napapadagdag kaya lalong tumitindi ang hudyat na babala:

● Ang “nuclear club,” na dati’y anim na bansa lamang ang inaakalang kasapi, ay baka naragdagan pa at naging siyam ang mga bansang kaanib. Sang-ayon kay Propesor Daniel Yergin ng Harvard University pagsapit ng 1985 ay 40 bansa na ang kabilang sa mga gumagawa ng bombang nuclear.

● Tunay na ngayon ang dati’y posibilidad lamang na maging larangang-digmaan sa hinaharap ang kalawakan sa itaas, na gagalawan ng umiimbulog na mga armas na magbubuga ng kapahamakan sa ibabaw ng lupa.

● Ang mga pinunong militar ay may kakilakilabot na patakarang sila ang maunang tumira, upang sila diumano ang manalo sa isang digmaang nuclear.

Ang mga bagay na ito ay naghahasik ng pagkabalisa sa mga tao dahil sa lumulubhang banta ng digmaang nuclear na maaaring magsiklab nang di-inaasahan at biglang-bigla.

Ang digmaang nuclear ba ay maaari na lamang biglang sumiklab? Si Harold Freeman, propesor sa Massachusetts Institute of Technology, ay sumulat ng isang aklat na pinamagatang This Is the Way the World Will End​—This Is the Way You Will End Unless. Dito’y sinasabi niya na may 151 patotoo ng biglaang pag-atake na napaulat sa loob ng 18 buwan bago sumapit ang Oktubre 1980. “Kaya ang resulta ng apat nito ay na mga bombarderong B-52 at mga intercontinental ballistic missiles ang inihanda para sa biglaang pagganti,” aniya. “Lahat ng

pagkakamali ay naituwid nang nasa panahon nguni’t ang iba ay nasa bingit na bingit na ng kapahamakan.” Gaanong kabingit? Noong Nobyembre 9, 1979, sinabi pa niya, “hindi lumampas ang anim na minuto at ang mga bombardero ay lumilipad na sa itaas, handang gumamit ng mga bombang nuclear sa pagganting-salakay.”

Saan tayo maaaring magkubli? Mayroon kayang dako ng kaligtasan? Wala! Kahit na kung ang digmaang nuclear ay doon lamang sa hilagang hemispero maganap, ang lason na ikakalat niyaon ay lalaganap hanggang sa timugang hemispero o dili kaya’y magiging sanhi ng isang pambuong mundong “nuclear winter.” Kaya naman ito ang nag-udyok sa lider ng anim na bansa​—India, Mexico, Tanzania, Sweden, Gresya at Argentina​—na maglabas ng isang deklarasyon na kilala sa tawag na Four Continent Peace Initiative (Pagsisikap sa Kapayapaan ng Apat na Kontinente). Ang sabi nito: “Sa ngayon, nanganganib ang buhay ng sangkatauhan.”

Subali’t hindi iilan na mga tao ang nagwawalang-bahala. Ang katuwiran nila ay na wala raw gaano o tuluyang wala nang magagawa tungkol sa bagay na iyan, kaya’t sila’y kumikilos na para bagang walang mangyayari. Gayunman, ang ganiyang pagkilos ay nagwawalang-bahala sa isang mahalagang katotohanan. Ano ba iyon?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 4]

Mga Kabataan​—Ano ang Kinabukasan Ninyo?

May mga kabataan na naniniwalang may kinabukasan ang sangkatauhan. Marami pa ang naniniwala na huli na ang maiwasan pa ang kapahamakan ng daigdig. “Sang-ayon na ngayon ako na posibleng ‘matapos ang panahon,’ ” sabi ng isang teenager.

Dahilan sa di-paniniwala at kalituhan ng isip, iyan ang humila sa iba upang magpatiwakal. Isang sinaunang pantas ang sumulat: “Kung walang pangitain ay kaguluhan ang naghahari sa bayan.” (Kawikaan 29:18, The Bible in Living English) Kung walang “pangitain” na magbibigay ng pag-asa para sa hinaharap, maraming kabataan ang sumusunod sa pilosopyang “kumain tayo ay uminom, sapagka’t bukas ay mamamatay na tayo.” (1 Corinto 15:32) Ang iba’y nagpapasasa sa droga, sa sekso, sa kalayawan, sa daigdig ng guniguni, na itinotodo ngayon ang “lahat” dahil sa wala nang “bukas.” “Parang wala nang kabuluhan ang magplano pa,” anila, “at ang karaniwang pamantayan at mga mithiin ay isang kamusmusan,” ang sabi nina Drs. Beardslee at Mack, dalawang kilalang sikayatrista. a

Ang kawalang pag-asa ay nagbunga ng Bagong Usong kabataan. Sila’y may kakatuwang damit, buhok na sarisaring kulay na kakatuwa ang gupit, mga perdible sa balat nila, at ang mga lalaki’y nakahikaw. Sila’y nagbubukod ng kanilang sarili at lumalayo sa lipunan. “Ang ginagawa namin ay baka tinging kakatuwa,” sabi ng isa sa gayong kabataan, “nguni’t ito lamang ang paraan upang masabi namin na hindi kami bahagi ng inyong baliw na daigdig.”

Ang mga ibang kabataan na nakakarinig ng babala tungkol sa digmaang nuclear ay nababalisa. Di-gaya ng ibang maygulang na mga tao na naaaring magwalang-bahala sa nakapangingilabot na mga balita, ang kabataan, sa taglay nilang malawak na guniguni, ay hindi makapaparis sa kanila. Narito ang sabi nila:

● “Ayaw kong masawi ako sa apoy.”​—Vanessa, 11.

● Pagka pinag-isipan mo, talagang matatakot ka. Ang buhay mo’y nakakabit sa isang pulang buton na pagka idiniin ay sasabog ka.”​—Dexter, 13.

● “Naguguniguni ko hindi ang isang digmaang nuclear, kundi na pagkatapos ay wala nang matitira pa rito.”​—Stacey, 14.

May mga kabataan naman na hindi nababalisa, bagaman pinag-iisipan din nila ito. Sila’y may pag-asa sa hinaharap.

● “Opo, may kinabukasan ako.”​—Pam, 17.

● “Imposible na malipol ang lahat sa digmaang nuclear.”​—Oliver, 17.

● “Wala ako ng ganiyang pagkatakot.”​—Dashunta, 18.

● “May pag-asa ako na mabuhay; ako’y nagagalak sa ganiyang pagkaalam.”​—Elizabeth, 15.

Bakit nga buo ang tiwala ng mga kabataang ito? Ano ang alam nila? Alam nila ang Bibliya pati mga hula na narito, kaya’t batid nila kung bakit paubos na ang panahon para sa daigdig na ito.

[Talababa]

a “The Impact on Children and Adolescents of Nuclear Developments,” kinuha sa publikasyong Psychosocial Aspects of Nuclear Developments ng American Psychiatric Association.