Ang Aking Gitara, ang Aking Musika at ang Aking Diyos
Ang Aking Gitara, ang Aking Musika at ang Aking Diyos
ANG Oktubre 30, 1963, ay napakahalagang araw para sa akin. Sa ganap na 7:30 n.g. ako ay magiging soloista sa gitara sa isang dalawang-oras na programa ng klasikal na musika, na gaganapin sa pangunahing teatro o dulaan sa Montevideo. Malaking publisidad ang ibinigay sa programang ito, na ibobrodkast din sa buong Uruguay.
Nang umagang iyon ay nagising ako taglay ang matinding nerbiyos dahil sa makakaharap kong malaki at mahusay na mga tagapakinig. Habang mabagal na lumilipas ang mga oras, lalo namang tumitindi ang nerbiyos na ito. Nguni’t minsang nasa harap na ng mga tagapakinig kailangang ganap na makontrol ko ang aking nerbiyos upang mabuhos ko ang aking pansin sa masalimuot na mga pagkalabit ng daliri sa gitara. Maraming prospektibong mga musikero sa konsiyerto ang nabigo, mga biktima ng kanila mismong nerbiyos. Sa ibang mga kaso ay nagkaroon ng pagdidilim ng isip o bahagyang mga kaso pa nga ng amnesya. Bukod pa riyan, ang gitarang pangkonsiyerto ay totoong nakayayamot na instrumento. Mahahalata kaagad kung ikaw ay nininerbiyos. Ang pinakamaliit na pagkakamali sa pagkalabit ng delikadong mga tono ay agad na nahahalata kahit na ng walang karanasang tainga sa musika.
Ang Mahirap na Karanasan sa Konsiyerto
Ang mga tagapakinig ay nagdaratingan na bandang mga 6:30 n.g. Kabilang dito
ang propesyonal na mga musikero, mga mahilig sa gitara, mga propesor at guro ng musika, mga estudyante at mga tagahanga sa musika, gayundin ang pangkalahatang publiko. Ang lahat ay naroroon sa iisang bagay—masiyahan sa isang kaaya-ayang konsiyerto sa musika. Inaasahan din nila ang isang mataas na uri ng pagkamusiko. Nakabubuting makita na marami pa ring tao ang nagpapahalaga sa malambing na mga musika kung ihahambing sa maingay na musikang rock.Ngayon ay 7:20 na n.g. Walang anu-ano’y may kumakatok sa pinto ng silid-bihisan at ipinaaalala sa akin na lalabas na ako sa entablado mga limang minuto na lamang. Ito ang una sa tatlong mga paalaala. Ang susunod ay pagka tatlong minuto na lamang, ang pangatlo ay pagka isang minuto na lamang bago magbukas ang telón. Bakit ang nakakanerbiyos na pagbilang na ito? Bueno, yamang ito’y ihahatid ng mga istasyon ng radyo sa buong bansa, makatuwirang ang hudyat na “On the Air” ay dapat na kasabay niyaong aktuwal na pagsisimula.
Isang minuto na lamang! Sa panahong ito ay napakatindi ng aking nerbiyos. Ang mga ilaw sa pangunahing bahagi ng auditoryum ay pinatay. Ngayon ang entablado lamang ang naiilawan. Narinig ko ang isang tinig na tinatawag ang aking pangalan at ang sabi: “Maaari ka nang magtungo sa entablado.”
Ito na ang pinakamahalagang sandali. Ang lakas ng tibok ng aking puso na para bang lulundag sa aking dibdib. Mabilis akong nagtungo sa gitna ng entablado sa likuran ng nakasarang telón. Bumukas ang telón, umabante ako, at gaya ng kaugalian, masigabong palakpak ang isinalubong sa akin ng mga tagapakinig. Nagpangyari ito sa akin na magrelaks at mabawasan ang aking nerbiyos. Naging mas madali ang pakikipagtalastasan sa mga tagapakinig.
Ang Sandali ng Katotohanan
Bago magsimula pinasadahan ko muna ang mga kuwerdas upang tiyakin ang mahusay na tunog ng instrumento. Saka ko sinimulang tugtugin ang unang bahagi. Sa unang mga bahagi ay nanginginig pa ang aking mga kamay. Unti-unting ito ay pumirmi at dahan-dahang napaayos. Ang mga musikal na tono ay nagiging mas matalas, mas maliwanag, mas malinis at mas eksakto. Nang tugtugin ko ang ikalawang piyesa lubusang naglaho ang aking kaba at panginginig.
Nadarama ko na ang paghahati ng maiikling mga pasada, ang maraming iba’t ibang delikadong mga tono, ang lakas, at gayundin ang kabuuan o ang kalipunan ng tunog ay sumulong na lubha. Ang atentibong pulutong ay para bang napupuwersa sa ganap na katahimikan upang makuha ang bawa’t nota. Ang kanilang masigabong palakpak ay tumiyak sa akin na ako’y nakapasa sa pagsubok.
Ang mga papuri at mga palakpak ay maaaring magtinging korona sa aking mga pagsisikap. Nguni’t ano ang nag-udyok sa akin na patuloy na humarap sa publiko? Ito ba’y ang palakpak, papuri at mga nagpapapirma ng autograp na nagtulak sa akin na ulitin ang paraang ito nang paulit-ulit? Ito kaya’y ang pagkamakasarili o banidad?
Kung Papaano Ako Naging Isang Concert Guitarist
Nang ako’y bata pa isang di nakikitang puwersa ang waring sumusunggab sa akin. Ito ang aking pagnanais na maging isang musikero. Ako ay nakakitaan ng hilig sa musika sa maagang gulang na lima. Gustung-gusto kong tumugtog ng gitara. Hindi ito masyadong pinansin ng aking mga magulang. Akala nila ito ay lilipas din. Limang taon pa ang lumipas bago nila ako binigyan ng higit na pansin. Kaya’t nagsimula ako ng pormal na pag-aaral sa gitara sa gulang na sampu.
Nang ako’y 15 taóng gulang ay sinimulan kong lumabas sa mga tanghalan. At noong 1959 nanalo ako sa aking unang pakikipaglaban, nagwagi ako ng unang gantimpala sa taunang palabas na itinaguyod ng isang internasyonal na organisasyon na taga-Belgium. Noong taóng 1961 nakuha ko muli ang unang gantimpala sa isang paligsahan na palabas na inorganisa ng tatlong pangunahing musikal na mga institusyon sa Uruguay. Naging madalas ang aking pagtatanghal.
Noong 1964 ako ay naglakbay sa Estados Unidos kasama ng isang piyanista. Nagtanghal kami ng isang serye ng mga konsiyerto sa Washington, D.C. Pag-uwi namin noong 1965 ay ipinagpatuloy ko ang pagpapasulong sa aking musikal na karera. Madalas akong tumutugtog sa mga istasyon ng radyo at telebisyon. Naging popular ako at kilala sa lahat halos ng dako na puntahan ko sa Uruguay.
Hindi Nakasiya ang Espiritismo
Bago ang panahong ito ako ay nagsasagawa ng isang espiritistikong relihiyon. Naglingkod pa nga akong isang medium at nagpapagaling. Gayunman, ang aking pinakamalaking interes at taimtim na hangarin at lalo ko pang makilala ang Diyos. Nguni’t nang tumanggap ako ng magkakasalungat na “mga komunikasyon” mula sa daigdig ng okultismo, nagbangon ito ng mga pag-aalinlangan at pinahina nito ang aking pananampalataya sa espiritismo. Ang kaguluhan na naghari sa mga pulong ng mga espiritista ay nagpaliwanag sa akin na hindi maaaring sang-ayunan ng Diyos ang gayong mga gawain. Kaya iniwan ko ang espiritismo nang hindi naman tinatalikuran ang aking paghanap sa katotohanan.
Noong 1965 may alok sa akin na maglakbay sa buong Europa para sa personal na mga pagtatanghal sa maraming pangunahing mga lunsod, isang bagay na nais kong gawin. Gayunman, nang panahong ito nagkaroon ako ng matalik na pakikipagkaibigan sa aking guro sa gitara. Ang pakikipagkaibigang ito ay umakay sa malaking mga pagbabago sa aking
karera at sa aking kaugnayan sa ating Maylikha.Pagkakasuwato sa Bibliya?
Ang aking mga ideya tungkol sa Diyos at sa Bibliya ay malabo at nakalilito. Nguni’t nang dalawin ako ng aking kaibigang guro sa gitara ang mga bagay-bagay ay nagbago. Naging ugali na namin ang regular na magtagpo upang tumugtog ng musika at mag-usap tungkol sa kasalukuyang mga pangyayari. Kabilang sa mga paksang pinag-usapan ang relihiyon at pulitika. Bagaman siya ay naging isang ateista, ipinasiya niyang mag-aral ng Kasulatan. Sa kadahilanang iyan ay tinanggap niya ang isang lingguhang pantahanang pag-aaral sa Bibliya na kasama ng dalawang kabataang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Nalalaman ang aking interes na matuto tungkol sa Diyos, inanyayahan niya akong dumalo. Malugod ko namang tinanggap.
Pinag-aralan namin ang polyetong “This Good News of the Kingdom.” Subali’t dahil sa napakarami kong tanong kaunting pagsulong lamang ang nagawa sa pag-aaral sa polyeto mismo. Gayumpaman, agad kong nakilala na ito na nga ang katotohanan na hinahanap-hanap ko. Ang magkakasalungat, nakalilitong mga turo ng huwad na relihiyon ay nahalinhan ng makatuwirang nagkakasuwatong mga katotohanan. Para itong musika sa aking mga tainga. Gayon na lamang ang aking kagalakan na matutuhan ang tungkol kay Jehova, ang malaman kung ano ang sanhi ng kabalakyutan at na ang tanging lunas sa mga suliranin ng tao ay ang Kaharian ng Diyos! Kinikilabutan ako nang matanto ko kung gaano kapanganib ang tuwirang gumawa na kasama ng mga demonyo bilang kanilang medium noon.—Deuteronomio 18:9-13; Isaias 8:19.
Nang magsimula akong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, ang aking katipan, si Myriam, ay nakipag-aral naman sa mga Adventista. Kapag nagdadalawan kami sa isa’t-isa ay lagi kaming nagpapalitan ng mga ideya tungkol sa aming natututuhan. Nagulat siya sa dami ng aking natututuhan tungkol sa mga paksa na gaya ng Trinidad, impierno, pagkabuhay-muli, ang Kaharian at iba pa. Ang natutuhan lamang niya sa buong panahon iyon ay “ipangilin ang Sabbath.” Natutuhan ko na ang batas sa Sabbath ay ibinigay tangi sa mga Israelita at hindi kaninuman. (Awit 147:19, 20) Ito ay natupad at nagwakas sa kamatayan ni Jesus. (Efeso 2:14-16; Colosas 2:16, 17) Tinulungan ko si Myriam na maunawaan ang puntong ito at nagpasiya siyang umalis sa mga Adventista at nagsimulang makipag-aral sa mga Saksi.
Nagpakasal kami noong 1967 at kapuwa namin sinagisagan ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng
bautismo sa tubig noong 1970. Nakalulungkot sabihin, ang aking kaibigang guro na siya mismong nag-akay sa akin sa katotohanan ay hindi nagpatuloy.Mga Bagong Pagpapahalaga
Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, natuto ako ng bagong mga pagpapahalaga. Sa aking di-sakdal na mga limitasyon nakita ko ang mga bagay-bagay ayon sa pagkakita rito ni Jehova. Ito ang nagpangyari sa akin na muling isaalang-alang ang aking mga tunguhin sa buhay at gumawa ng mahalagang mga pagbabago. Sinuri ko ang musikal na karera ng aking buhay sa liwanag ng aking bagong katatatag na kaugnayan kay Jehova. Pinag-isipan kong mabuti ang maraming panahon na ginugugol sa paghahanda ng mga konsiyerto, paglalakbay at sa aking maraming mga pagtatanghal sa publiko. Papaano ito makatutulong sa akin na matupad ko ang aking pag-aalay sa aking Maylikha?
Ang aking kinabukasan bilang isang concert guitarist ay maganda. Nguni’t may nangyari upang baguhin ang lahat na ito. Lahat ng malaking mga pangarap na iyon ay nawalan ng saysay at halaga, nang isaalang-alang ko ang mga salita ni Jesus, “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad ng mga tao sa lahat ng mga bansa.” Tinimbang ko ang mga bagay na magiging mas mahalaga sa aking mga tagapakinig—ang makinig sa isang konsiyerto sa gitara o mapakinggan ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos? Ang paggawa ng musika na pumupuri kay Jehova at nagbibigay buhay sa mga nakakarinig nito ay higit na kapaki-pakinabang sa lahat. Ang aking gitara ay lumilikha ng panandaliang saya at kagalakan, nguni’t ang sinasabi at itinuturo ko ngayon mula sa Salita ng Diyos ay maaaring magdala ng walang hanggang pakinabang.—Mateo 28:19, 20.
Ang aking budhing sinanay-Bibliya ay nagpangyari sa akin na gumawa ng isang mahalagang pasiya. Ipinasiya ko na mas makabubuti sa akin na talikdan ang aking karera bilang isang concert guitarist. Hindi ko pinagsisisihan ang pagkansela ko ng aking mga kontrata, pati na ang aking panteatrong paglalakbay sa Europa. Inaakala kong hindi tama na sabihing: “Paglilingkuran kita Jehova, nguni’t hayaan mo munang tapusin o gawin ko ang iba pang mga bagay na interesado akong gawin, at kapag tapos na ako roon ay saka na ako babalik at saka na ako magiging tapat sa iyo.”—Lucas 9:57-62.
Gaya ng inaasahan, ang pasiyang ito ay nagdala ng matinding kritisismo. Karamihan sa aking mga kamag-anak, mga kaibigan at gayundin ang kilalang mga tao sa daigdig ng musika ay nag-akala na ako ay nalilito. Wala silang kamalay-malay na ang aking isipan ay nagsisimula pa lamang na maituwid mula sa dati nitong litong kalagayan. May kamaliang naghinuha sila na ang aking bagong relihiyon ay nagbawal sa akin na ipagpatuloy ko ang aking mga konsiyerto. Mahirap ipaunawa sa kanila na ang aking pasiya ay isang personal na pagpapasiya. Inudyukan ako ng aking budhi na kunin ang higit na apurahang gawain ng pangangaral at iba pang mga gawaing Kristiyano. Ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at ang pagsasagawa ng gawaing pangangaral ay magiging imposible samantalang nasa isang pangkonsiyertong paglalakbay.
Ang Aking Musika at ang Aking Pagsamba
Ang aking kagalakan at kasiyahan bilang isang Kristiyano simula nang ialay ko ang aking buhay kay Jehova ay nahigitan ang lahat ng naranasan ko sa panahon na ang mga konsiyerto ay napakahalaga sa akin. Isang tunay na kagalakan at pribilehiyo na makatulong sa marami pang iba na maalaman ang magandang ‘tunog ng katotohanan,’ higit na nagtatagal Mateo 6:33.
kaysa ‘tunog ng musika.’ Bukod pa sa regular na pangangaral sa mga tahanan ng interesadong mga tao at sa plataporma, ang aking maraming gawain bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano ay nagpanatili sa akin na abala at pinuno ang aking buhay ng kapaki-pakinabang na gawain. Sa katunayan, ang bokasyon ko sa buhay ay nagkaroon ng malaking pagbabago. Ang aking musikal na gawain ay nailagay sa wastong dako sa aking buhay, yamang akin ngayong ‘hinahanap muna ang Kaharian.’—Papaano kami nakaraos sa buhay nang wala ang aking karera sa konsiyerto? Sa loob ng mga ilang taon ako ay naglingkod bilang isang propesor sa Faculty in the Arts Institute. Noong 1977 ako ay napiling maupo sa lupon ng limang mga hukom sa isang internasyonal na paligsahan sa gitara sa Pôrto Alegre, Brazil. Kasabay nito nagdaraos ako ng mga klase sa International Seminary of Music doon.
Noong 1980 kami ay lumipat sa Espanya kung saan ako ngayon ay pribadong nagtuturo ng mga leksiyon sa gitara. Sa ganitong paraan ang aking gitara ay tumutulong upang matustusan ko ang aking asawa at ang aking sarili sa aming paglilingkod kay Jehova. Sa pana-panahon ako ay gumawa ng mga awit ng papuri kay Jehova sa pagiging bahagi ng orkestra sa mga asambleang Kristiyano. Hindi na kailangan pang sabihin, sa sosyal na mga pagtitipong Kristiyano maaari kong paglaruin ang aking mga daliri sa aking sampung kuwerdas na gitara, at waring nasisiyahan dito ang aking mga kaibigan.
Sa bagong sistema ng mga bagay, na malapit nang pasapitin ng Diyos, magkakaroon ng higit na panahon sa pagpapaunlad ng likas na mga kakayahan at talino sa malaking kasiyahan at kaluguran ng Diyos at ng tao. Ang pisikal at mental na kasakdalan pati na ang buhay na walang hanggan ay magpapangyari sa atin na maabot ang mga tunguhin at mga tagumpay na imposibleng maunawaan o mapagwari sa ngayon. Ang musika sa Bagong Kaayusan ay magsisilbi sa ikapupuri ng Maylikha, hindi upang luwalhatiin ang musikero o ang kompositor.
Nakikiisa ako sa damdamin ng salmista at musikero-kompositor na si David, na ang sabi: “Magalak kayo kay Jehova, Oh kayong mga matuwid. Pagpuri ay nararapat sa ganang matuwid. Kayo’y magpasalamat kay Jehova na may alpa; magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may instrumento na sampung kuwerdas. Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit; magsitugtog kayong mabuti na may malaking ingay.” (Awit 33:1-3) Sinisikap kong gawin ang aking pinakamabuti sa pagpuri kay Jehova kapuwa sa pangangaral at sa pagtugtog ng aking sampung kuwerdas na gitara.—Gaya ng isinaysay ni Herman Pizzanelli.
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Dati akong nagtatanghal sa TV . . .
. . . Ngayon ako ay tumutugtog para sa aking mga kaibigan