Matinding Pagsalansang sa Hilagang Amerika
Matinding Pagsalansang sa Hilagang Amerika
100 TAON
“KUNG ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” “Huhulihin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo . . . Kayo’y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan . . . , at ipapapatay nila ang iba sa inyo; at kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.”—Juan 15:20; Lucas 21:12-17.
Maliwanag na ipinakikita ng mga salita ni Jesus, na sinipi sa itaas, na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay pag-uusigin. Nguni’t bakit? Siya ay sumasagot: “Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagka’t kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:19.
Totoo ba ito sa kaso niyaong mga ministro na kumakatawan sa Watch Tower Bible and Tract Society, ang mga Saksi ni Jehova? Kung gayon, ano ang mga dahilan kung bakit sila ay pinag-uusig? Ito ba’y dahil sa kanilang pakikialam sa pulitika o pagpanig sa relihiyosong mga digmaan at mga rebolusyon? Ano ang ipinakikita ng rekord sa nakalipas na 100 taon?
Maagang Pagsalansang sa Estados Unidos
Sa loob ng 32 mga taon (1884-1916) ang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society ay si Charles Taze Russell. Siya ay walang-takot na mangangaral at isang manunulat na mapanlikha. Buong tapang niyang tinuligsa at pinabulaanan ang mga turo na doktrina ng Trinidad, ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at ang walang hanggang apoy ng impierno. Noon ang mga sermon ni Russell ay itinampok linggu-linggo sa mga 3,000 pahayagan sa Estados Unidos, Canada at Europa. Dahil dito siya ay laging sinasalakay, lalo na ng mga klero. Pinababa pa nga ng karamihan sa kaniyang mga kaaway ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang personal na mga pag-atake sa pagtatangkang siraan siya. Papaano niya minalas ang mga paninirang-puri na ito? Minsan ay sinabi niya: “Kung hihinto ka at sisipain mo ang bawa’t asong tumatahol sa iyo, hindi ka makakalayo.”
Ipinasiya niyang huwag mag-aksaya ng maraming panahon at salapi sa mga korte, na magbibigay lamang ng higit na publisidad sa mga klerong sumasalansang sa kaniya. Naniniwala siya sa tuntunin na binanggit ni Jesus: “Sapagka’t walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin namang masamang punungkahoy na nagbubunga ng mabuti. Sapagka’t ang bawa’t punungkahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. . . . Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting kayamanan ng kaniyang puso.” Pinili ni Russell na ipagbangong-puri Lucas 6:43-45.
siya ng mabuting bunga ng kaniyang ministeryo.—“Ang Iba ay Magagalit”
Gayunman ang pinakamatinding pagsalansang ay bumangon pagkamatay ni Russell. Inilathala niya sa buong buhay niya ang isang serye ng mga tomo sa pag-aaral ng Bibliya na tinawag na Studies in the Scriptures. Naging intensiyon na niya na isulat ang ikapito at pangwakas na tomo, o, gaya ng sabi niya, “Kung ibibigay ng Panginoon ang susi sa kaninuman, maisusulat niya ito.” Si Russell ay namatay noong 1916, at ang ikapitong tomo, na tinawag na The Finished Mystery, ay saka nakompleto ng patnugutan sa punung-tanggapan sa Brooklyn at inilabas noong 1917. Pagkaraan lamang ng mga ilang buwan ang sirkulasyon nito ay umabot ng 850,000 mga kopya.
Ang aklat na ito ay isang matinding pagbubunyag sa uring klero ng Sangkakristiyanuhan at ang pulitikal na manipulasyon ng pagkamakabayan upang bigyang-matuwid ang lansakang pagpatay ng magkabilang panig sa digmaang pandaigdig. Ang paunang salita ng aklat ay nagsasabi: “Ang ilan ay magbubulung-bulungan at maghahanap ng kamalian sa aklat na ito; ang iba ay magagalit, at ang ilan ay sasama sa mga mang-uusig.” Matindi ang dagok na tumama sa Watch Tower Bible and Tract Society. Papaano ito nangyari?
Noong Abril 1917 ang Estados Unidos ay nakipagdigma laban sa Alemanya at sa gayo’y naging isang aktibong kalahok sa Digmaang Pandaigdig I. Ang Imperyong Britano, pati na ang Canada, ay napasangkot na sa digmaang iyon. Ang kombinasyon ng mga pangyayaring ito kasama na ang ilang mga parapo sa The Finished Mystery ay nagbigay sa mga klero ng pagkakataon na wasakin ang Samahang ito ng Bibliya.
Noong Pebrero 12, 1918, ipinagbawal ng pamahalaan ng Canada ang Watch Tower Society! Ano ang maaaring naging dahilan? Ganito ang paliwanag ng isang pahatid balita: “Ang Kalihim ng Estado, sa ilalim ng mga regulasyon sa pagsensora sa mga balita, ay naglabas ng mandamyento o utos na nagbabawal sa pagtataglay ng ilang mga publikasyon sa Canada, kabilang sa mga aklat na ito ang inilathala ng International Bible Students Association [ang pansangay na pangalan ng Watch Tower Society sa Canada], na pinamagatang ‘STUDIES IN THE SCRIPTURES—The Finished Mystery.’ . . . Ang pagtataglay ng anumang ipinagbabawal na mga aklat ay magpapataw sa isa na nagtataglay nito ng multang hindi hihigit sa $5,000 at limang taon na pagkabilanggo.”—Amin ang italiko.
Sino ang Nasa Likuran ng Pagsalakay?
Nang malaunan ganito ang sabi ng Tribune ng Winnipeg, Canada: “Ang mga halaw mula sa isa sa bagong labas ng ‘The Bible Students Monthly’ ay tinuligsa mula sa pulpito mga ilang linggo na ang nakalipas ni Rev. Charles G. Paterson, Pastor ng St. Stephen’s Church. Pagkatapos si Attorney General Johnson ay nagpapunta ng tauhan kay Rev. Paterson para sa isang kopya ng publikasyon. Ang utos ng sensura ang pinaniniwalaang tuwirang resulta.” (Amin ang italiko.) Maliwanag na itinaguyod ng ilang makabayang klerigo ang pagsalakay na ito.
Sa Estados Unidos, isang korte distrito sa New York ay naglabas ng isang mandamyento de aresto para sa bagong presidente ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford, at sa pito sa kaniyang mga kasamahan. Sila ay pinaratangan ng “pagkakasalang labag sa batas, mabigat na pagkakasala at kusang pagiging sanhi ng pagsuway, di-katapatan at pagtangging manungkulan sa mga hukbong militar at pandagat ng Estados Unidos ng
Amerika . . . [sa pamamagitan] ng pamamahagi at hayagang pagpapalaganap sa buong Estados Unidos ng Amerika ng isang aklat na tinatawag na ‘Volume VII. Bible Studies. The Finished Mystery.’ ”Sa kainitan ng digmaan na pinag-alab ng pagkamakabayan, ang walong akusado ay ipinasa-ilalim sa isang pagyurak sa katarungan na paglilitis na nagwakas sa pito sa kanila, kasama na ang abugadong si Rutherford, ang bawa’t isa’y hinatulan ng apat na magkakatugmang 20 taong pagkabilanggo. Ang walong indibiduwal na pinaratangan ay nahatulan ng 10 taon. Yamang nagharap ng mga apelasyon, humiling ng piyansa. Tinanggihan ng Katolikong Hukom Manton ang kanilang kahilingan.
Pagkaraan ng siyam na buwan sa bilangguan ng Atlanta, ang mga opisyales ng Watch Tower Society ay pinalaya sa wakas sa piyansa samantalang hindi pa napagpapasiyahan ang kanilang apelasyon. Ipinakita nang malaunan na ang orihinal na paglilitis ay naglalaman ng hindi kukulanging 125 na mga kamalian, na ilan lamang ang kinakailangan upang baligtarin ang maling paghatol. Kaya si J. F. Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay pinawalang-sala. Sa katunayan, nagamit niya ang kaniyang pagiging mambabatas sa Korte Suprema ng Estados Unidos na imposible sana kung siya ay nahatulan ng anumang krimen.
Ang Karahasan ng Klero at ng Mang-uumog
Gayunman, ang mga pangyayaring ito ay nagpasimula sa isang daluyong ng mga pag-uusig na masikap na ginatungan ng mga klerigo. Ito na ang kanilang pagkakataon, sa ngalan ng pagkamakabayan, upang wasakin ang Watch Tower Bible and Tract Society minsan at magpakailanman, sa akala nila.
Ganito ang ipinaaalam sa atin ng isang report: “Sa isang bayan sa Estado ng Oregon ang Alkalde at ang dalawang klerigo ay nag-organisa ng mga mang-uumog, tinugis ang isa sa mga lektyurer ng [International Bible Students] Association sa labas ng lunsod at sinundan ito sa kalapit na bayan. Ang lektyurer ay nakaligtas, subali’t nahuli ng mga mang-uumog ang kaibigan na sumama sa kaniya at pinintahan ang katawan nito ng grasa at alkitran. . . .
“Sa Los Angeles ipinagmamayabang ng mga klerigo na ang mga Bible Students ay dadakpin at hindi maaaring piyansahan. Pinuntahan pa ng ilang mga klerigong ito ang mga may-ari ng mga apartment at hinikayat ang mga may-ari na paalisin ang mga maninirahan na mga membro ng International Bible Students Association. . . .
“Noong Abril 22, 1918, sa Wynnewood, Oklahoma, si Claud Watson ay unang ibinilanggo at saka kusang inilabas sa mga mang-uumog na binubuo ng mga mangangaral, mga negosyante at ng ilan pa na sumuntok sa kaniya, pinahagupit siya sa isang negro at, nang siya’y bahagyang matauhan, ay ipinahagupit siyang muli. Pagkatapos ay binuhusan nila siya ng alkitran at mga balahibo.”
Gayunman, nalipol ba ng pinagsamang pagsalansang ng relihiyoso at pulitikal na 2 Corinto 4:4.
mga elemento ang Watch Tower Bible and Tract Society? Sa kabaligtaran. Noong Setyembre 1919, anim na buwan pagkatapos na si J. F. Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay mapalaya mula sa bilangguan, isang panlahatang kombensiyon ang ginanap sa Cedar Point, Ohio. Doon ay ipinahayag ni J. F. Rutherford ang paglalathala ng isang bagong magasin na tatawaging The Golden Age. Sa paglipas ng mga taon, walang-takot na ibinunyag ng publikasyong iyon “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas, at ang kaniyang tatlong instrumento sa pag-aalipin sa sangkatauhan—huwad na relihiyon, makahayop na pulitika at malalaking negosyo. Itinuro ng The Golden Age (nang malaunan ay pinanganlang Consolation) ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo bilang ang tanging lehitimong pamahalaan para sa buong sangkatauhan.—Ngayon ang magasing iyon ay tinatawag na Awake! (Gumising!) ang mismong publikasyon na binabasa mo. Ito ngayon ay lumalaganap sa 54 na mga wika sa halos 9 na milyong mga kopya sa bawa’t labas. Ang kasama nito, ang The Watchtower (Ang Bantayan), na ipinagbawal sa maraming mga bansa noong mahirap na mga taon ng Digmaang Pandaigdig II, ngayon ay may katamtamang pag-iimprenta ng 10,200,000 kopya sa kabuuang 102 mga wika! Iyan ang pinakamalaganap na wika na distribusyon ng anumang magasin sa daigdig. Ang mga bagay na ito ay patotoo na pagkalipas ng 100 taon ng paglalathala at pag-uusig, ang Watch Tower Bible and Tract Society ay lalong malakas kaysa kailanman!
[Larawan sa pahina 12]
Ginamit ng klerigo ang aklat na “The Finished Mystery” upang sulsulan ang pag-uusig