Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pagsalakay ng Nazi-Fascista sa mga Saksi

Mga Pagsalakay ng Nazi-Fascista sa mga Saksi

Mga Pagsalakay ng Nazi-Fascista sa mga Saksi

100 TAON

ANG karahasan laban sa mga Saksi sa Estados Unidos sa katunayan ay bahagya lamang kung ihahambing sa kung ano, mga ilang taon lamang pagkalipas, ang nangyari sa Nazi Alemanya at sa Fascistang Espanya at Italya. Sinimulan ni Adolf Hitler ang kaniyang 12-taóng pagkadiktador sa Alemanya noong 1933. Hindi nagtagal, sinupil ang mga pangkat na ayaw pasakop sa Nazismo.

Noong Abril 1933 sinakop ng mga pulis na Nazi ang pagawaan ng Watch Tower Society sa Magdeburg sa layon na humanap ng katibayan na magsasangkot sa Samahan sa Komunismo. Ang pagsisikap na iyon ay nabigo. Gayunman nagbalik ang mga sundalong Nazi noong Hunyo, sinarhan ang pagawaan at itinaas ang banderang swastika sa gusali. Noong Hunyo 29 ang pagkilos na ito ay iniulat sa bansang Aleman sa pamamagitan ng radyo. Ang German Lutheran Church ay nakipagtulungan sa mga Nazi at nagalak sa pagbabawal laban sa Earnest Bible Students, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi sa Alemanya. a Ganito ang sabi ng Lutheranong ministro na si Otto: “Ang unang resulta ng pakikipagtulungang ito ay maiuulat na sa pagbabawal ngayon sa International Association of Earnest Bible Students at sa mga subdibisyon nito sa Saxony.” Nagsimula na ang pakikipagbaka laban sa mga Saksi ni Jehova!

Sa mga Kampong Piitan!

Nanghahawakan sa tuntunin ni Jesus ng pagiging hiwalay sa sanlibutan, ang mga Saksi ni Jehova sa Nazi Alemanya ay tumangging bumuto sa mga eleksiyon. Sila’y hiniya ng mga Nazi sa madla. Si Max Schubert mula sa Oschatz, Saxony, ay ipinarada sakay ng isang bagon na hinihila ng kabayo na may karatulang hawak-hawak ng mga sundalo, na nagsasabing, “Ako’y isang taong tampalasan at isang traidor sa Amang-Bayan, sapagka’t hindi ako bumuto.” Siya ay ipinarada sa mga lansangan sa mga paghiyaw ng madla ng, “Saan siya nararapat na mapunta?” Ang sagot ng mga mang-uumog? “Sa isang kampong piitan (concentration camp)!” Hindi nagtagal libu-libong mga Saksi ang ipinadala sa mga napakasamang kampo na iyon. Ano ba ang mga kalagayan doon?

Ipinakikita ng isang opisyal na publikasyon ng pamahalaang Britano ang mga kalagayan ng mga bagay sa Alemanya na noon pa mang 1933 “ang paghahagupit at pagpapahirap ay karaniwan na, at batid ng karamihan sa Alemanya na ang kilusang National Socialist [Nazi] ay nagsasagawa ng kakila-kilabot na paghihiganti doon sa mga may lakas ang loob na sumasalansang dito.” Isang dating bilanggo, na nagdusa sa piitang kampo ng Buchenwald, ay nagsabi: “Ang mga oras ng pagtrabaho sa bawa’t araw ay labing-anim, pati na ang Linggo. Sa mga araw na ito ay ipinagbabawal ang uminom, kahit na napakainit ng panahon. . . . Ang trabaho, mangyari pa, ay binubuo ng pagtutulak ng pagkabibigat na mga bato, karaniwang hindi kaya kahit na ng isang normal at pinakaing-husto na tao.”

Nang panahong iyon, sang-ayon sa ulat ng Britano, may mga 8,000 lalaki sa kampo, pati na ang “1,500 na mga Judio at 800 Ernste Bibelforscher (International Bible Students). . . . Ang mga bilanggong Judio ay sumulat at tumanggap ng mga sulat makalawa sa isang buwan. Ang mga Bible Students ay hindi pinahintulutan ng anumang komunikasyon sa labas . . . Si Herr X ay nag-ukol ng pinakamataas na paggalang sa mga taong ito. Ang kanilang tibay-loob at relihiyosong pananampalataya ay kahanga-hanga, at kanilang ipinahayag na handa silang magdusa nang sukdulan. . . . Araw-araw ay may namamatay sa kampo.”

Ipinaliwanag ng isa pang dating-bilanggo sa Buchenwald ang pagtanggap sa mga bilanggo sa “bagong Lunsod ng Dalamhati.” Sila ay binati sa labas ng kampo ng superintendente Rodl ng mga pananalitang: “Ang ilan sa inyo ay nanggaling na sa bilangguan. Ang naranasan ninyo roon ay bale wala sa kung ano ang mararanasan ninyo rito. Kayo’y papasok sa isang piitang kampo, at iya’y nangangahulugang kayo’y papasok sa impierno. . . . Mayroon kaming dalawang uri lamang ng parusa sa kampong ito, ang hagupit at ang parusang kamatayan.”

Ang mga piitang kampo ay umani ng saganang ani ng milyun-milyong mga buhay, mga biktima ng isang pilipit na pulitikal na pilosopya. Ang mga taong ito ay totoong hinamak, inalisan ng kanilang dangal at saka nilipol. Maguguniguni kaya ang personal na matinding paghihirap at pagdurusa ng bawa’t isa sa milyun-milyong biktimang iyon?

“Ang Grupong Ito ay Malilipol!”

Ang ilan ay hindi lamang mga biktima kundi mga martir din naman, sapagka’t maaari sana silang makalaya. Iyan ang kaso, ayon sa isang report, ng 10,000 mga Saksi, mga lalaki at mga babae, na mga biktima ng sadismo at kalupitan na inorganisa ni Hitler at ng kaniyang mga tauhang S.S. Ang mga Saksing iyon ay binigyan ng pagkakataon na lumagda sa isang papel na itinatakwil ang kanilang relihiyon at sa gayo’y malaya na. Iilan lamang ang lumagda.​—Tingnan ang The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity, ni Dr. Christine E. King.

Sa 10,000, halos 2,500 ang hindi kailanman nakalaya, sang-ayon sa nabanggit na report​—sila’y namatay sa Dachau, Belsen, Buchenwald, Sachsenhausen, Ravensbrück, Auschwitz, Mauthausen at iba pang mga kampo​—tapat sa kanilang Diyos, si Jehova, at sa kanilang halimbawa, si Kristo. Bukod doon sa mga pinatay sa pamamagitan ng gas, ang marami ay namatay dahil sa mga pagpalo, gutom at medikal na pag-eeksperimento. Ang iba pa, pati na ang mga babae, ay pinatay sa pamamagitan ng pagbitay, pagpugot ng ulo at pagbaril. Bakit? Sapagka’t ayaw nilang labagin ang kanilang Kristiyanong neutralidad sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga hukbong sandatahan ni Hitler o sa pamamagitan ng paglalagak ng kanilang kaligtasan kay Hitler. Nanatili silang hiwalay sa sanlibutan at naging tapat hanggang sa wakas.​—Mateo 24:13.

Noong 1934 ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya at sa iba pang mga bansa ay nagpadala ng mga telegrama kay Hitler na nagpoprotesta sa kaniyang malupit na pagtrato sa mga Saksi. Iniulat ng isang nakasaksi na nang mabalitaan ito ni Hitler siya ay “napalukso sa galit at nagsisisigaw: ‘Ang grupong ito ay malilipol sa Alemanya!’ ” Ngayon, pagkalipas ng 50 mga taon, nalipol ba ang “grupong” iyon?

Sa kabaligtaran, sila ay higit na malakas kaysa kailanman. Subali’t si Hitler at ang kaniyang Nazismo ay wala na mga 39 na taon na. Sa kabaligtaran, mayroon ngayong mahigit na 107,000 aktibong mga Saksi sa Federal Republic of Germany, pati na ang libu-libo pa sa ilalim ng pagbabawal sa German Democratic Republic. Ang “grupo” ay hindi nalipol. Ito ay dumami! Sila ay lalong malakas kaysa kailanman!

Sinikap na Pahintuin ng Fascismo ang mga Saksi

Tandaan ang sinabi ni Jesus: “Sapagka’t kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, . . . dahil dito’y napopoot sa inyo ang sanlibutan.” Kapit ito sa mga Saksi ni Jehova hindi lamang sa Nazi Alemanya kundi sa buong daigdig​—sapagka’t sila’y naninindigan sa mga simulain at halimbawa ni Kristo.

Bago ang Digmaang Pandaigdig II sila man ay ipinagbawal sa Italya. Nang ang Iglesia Katolika ay pumirma ng isang kasunduan sa pamahalaang Fascista ni Mussolini noong 1929, sinimulan nito ang isang yugto ng relihiyosong pagsupil na sumugpo sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Watch Tower Society sa Brooklyn sa mga Saksi sa Italya. Isang grupo ng 25 tapat na mga Saksing Italyano ang nahatulang mabilanggo mula 2 hanggang 11 taon. Ang iba ay hindi nakompleto ang kanilang mga hatol. Bakit hindi? Sapagka’t bumagsak muna ang fascismo at napalaya ang mga Saksi. b

Pagkatapos ng digmaan, noong 1946, may 120 mga Saksi sa Italya, na nakikisama sa 35 maliliit na kongregasyon. Ano ang kalagayan ngayon? Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ang ikalawang pinakamalaking relihiyon sa Italya, na may mahigit na 115,000 aktibong mga Kristiyano na nakikisama sa mga 1,600 mga kongregasyon​—oo, lalong malakas kaysa kailanman!

Gayundin ang masasabi tungkol sa maraming bansa. Halimbawa, noong 1959 ang Ministring Panloob sa Espanya ay nagbigay ng sumusunod na mga tagubilin sa General Director of Security tungkol sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova: “Dahil dito, at sa layunin na ihinto ang higit pang pag-unlad ng kasamaang nabanggit, ang Inyong Kamahalan ay dapat magpadala ng isang sirkular [sa lahat ng Punong-tanggapan ng Pulisya] . . . kung saan inyong uutusan, hindi lamang ang basta pagbabantay sa mga gawaing ito, kundi ang pagpapatibay ng mga paraan na magbunga ng pagkalipol sa kanila.”​—Amin ang italiko.

Isang pinanumbalik na daluyong ng pag-uusig ang kumalat sa Espanya at nagpatuloy hangga noong 1970. Daan-daang mga Saksi ang pinagmulta o ibinilanggo dahilan lamang sa pag-aaral ng Bibliya, pangangaral sa iba o sa pananatiling neutral sa pulitikal na mga isyu. Nalipol ba ang mga Saksi at ang kanilang gawain? Sa kabaligtaran​—noong 1970 sila ay atubiling binigyan ng legal na pagkilala. Samantalang noong 1959 ay mayroon lamang 1,400 na mga Saksi, noong 1970 mayroong 11,000! Ngayon, pagkaraan lamang ng 14 na taon, mayroon nang mahigit na 56,000 mga Saksi na organisado sa mahigit 840 mga kongregasyon! Ang Watch Tower Bible and Tract Society ay may magandang sangay malapit sa Madrid kung saan ang mga magasing Watchtower at Awake! ay inililimbag para sa Iberian Peninsula. Kaya nalipol ba ng mga pagsalakay ng Nazi-Fascista hanggang noong Digmaang Pandaigdig II ang mga Saksi ni Jehova? Hindi, sila’y lalong malakas kaysa kailanman!

[Mga talababa]

a Para sa buong ulat ng mga kalupitan ng Nazi, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, mga pahina 110-212.

b Para sa buong istorya ng pagkaligtas ng mga Saksi sa Fascistang Italya, tingnan ang 1982 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, mga pahina 134-79.

[Larawan sa pahina 15]

Maraming mga Saksi ang namatay sa napakasamang mga piitang kampo