Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Suliranin sa Pagkatuto
Ang inyong artikulong “Ang Inyo bang Anak ay May mga Suliranin sa Pagkatuto?” (Setyembre 8, 1983 sa Tagalog) ay nakatulong sa akin nang malaki bilang isang lalaking guro na makilala ang mga problema na nakakaapekto sa ilan sa aking mga estudyante. Ang “child psychology” na nabasa ko sa kolehiyo ay hindi nakabigay sa akin ng gayong malayo-nararating na impormasyon na gaya ng nilalaman ng inyong magasin. Mapakikitunguhan ko ngayon nang mas mabuti ang gayong mga bata na may pagkaunawa at maglaan ng mahalagang payo sa mga magulang.
C. B. D., Nigeria
Sa Pagbabadyet
Nagpapasalamat ako sa napapanahong artikulong “Gumagasta Ka ba Nang Higit sa Iyong Kinikita?” (Oktubre 8, 1984 sa Tagalog) at sa praktikal na mga mungkahi na nilalaman nito. Sa nakalipas na 24 na mga taon kaming mag-asawa ay gumagamit ng isang badyet ng pamilya na gaya ng isa na inilalarawan ng artikulo. Ginagamit namin ang “cash envelope method.” Ang aming mga kaibigan ay nagtatawa sa amin sa paggawa namin nito, nguni’t ito’y nakabubuti! Kahit na sa pagbabakasyon ay ginagamit namin ang envelope plan at karaniwan nang umuuwi kami na may kaunti pang perang natitira.
H. B., Federal Republic of Germany
Mga Suliranin sa Paaralan
Nais ko kayong pasalamatan lalo na sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Ayaw Akong Tigilan ng mga Bata?” (Hulyo 8, 1984 sa Tagalog) Isa akong ina ng walong-taóng-gulang na batang babae at ginamit ko ang artikulong ito sa personal na pag-aaral sa kaniya. Sinabi niya sa akin ang mga bagay tungkol sa kaniyang mga damdamin na hindi ko sinasapantaha. Kinilala niya ang kaniyang sarili sa lahat halos ng mga karanasan na binabanggit sa artikulo. Nakatulong ito sa kaniya na gumawa ng ilang mga pagbabago na sinusunod ang payong ibinigay sa artikulo. Nakatulong din ito sa akin sapagka’t lalo kong naunawaan ang aking anak na babae at damayan siya sa kaniyang mga suliranin.
B. D., Italya
Kanilang Nilabanan ang mga Manggagahasa
Salamat sa inyong artikulong “Kanilang Nilabanan ang mga Manggagahasa” (Hulyo 22, 1984 sa Tagalog.) Noong nakaraang linggo ay sinalakay ako ng isang sandatahang lalaki sa aking apartment. Ang unang pumasok sa aking isipan ay ang nabanggit na artikulo at ang mga karanasan sa gayong mga kalagayan. Kaagad kong tinanong ang lalaki “Nakikilala mo ba ang Diyos na Jehova? Nakikita niya ang nais mong gawin.” Sinabihan niya akong tumahimik. Tinulak niya ako patungo sa aking silid. Malakas ang tinig na sinabi ko sa kaniyang lumayas siya sa aking apartment. Sinabihan niya akong tumahimik at lalo pa akong pinagtulakan. Nagsisigaw ako at itinulak ko siya. Tinitigan niya ako at saka luminga-linga sa paligid ng mga ilang segundo at saka tumakas. Salamat sa nagliligtas-buhay na artikulong ito.
M. M., Maryland, U.S.A.