Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Guguling Militar

Isang trilyong dolyar! Iyan, sabi ng U.S. Arms Control and Disarmament Agency, ang gugugulin sa buong daigdig para sa mga layuning militar sa susunod na taon. Sang-ayon sa ahensiya, ang guguling militar ay patuloy na tumaas mula sa $290.9 bilyon noong 1972 hanggang sa $889.6 bilyon noong 1983 at aabot ng mga $970 bilyon sa taóng ito. Ang halaga ng gastusin ay sumulong nang makalawang ulit sa maunlad na mga bansa na gaya ng sa industrialisadong mga bansa, nangunguna rito ang Gitnang Silangan at Aprika. Ang aktuwal na guguling militar ay maaaring mas mataas pa kaysa iniulat, sabi ng isang opisyal ng ahensiya, yamang ang ilang mga bansa ay waring mababa ang iniuulat na ginagasta nila para sa mga layuning militar. Ang mga bansa sa Gitnang Silangan ang nangunguna sa iba pa sa pag-aangkat ng mga sandata mula pa noong 1977.

Saan ba nanggagaling ang mga sandata? Sang-ayon sa report, na sumasaklaw sa yugto na mula noong 1972 hanggang 1982, ang Unyong Sobyet ang nangungunang suplayer mula noong 1978, na may 30.1 porsiyento ng kalakalang armas noong 1982. Sumunod ang Estados Unidos na may 26.2 porsiyento. Ang iba pang nangungunang mga nagluluwas ng armas ay ang Pransiya, ang United Kingdom, Federal Republic of Germany, Italya, Czechoslovakia, Poland, Romania at Tsina. Nasumpungan din ng ahensiya na ang iba pang mga bansa​—ang Brazil, Israel, Hilaga at Timog Korea, at Turkey​—ay naging kilalang tagapagluwas ng mga armas o sandata nitong mga nakalipas na taon.

Mga Pondo ng Simbahang Italyano

● Ang Iglesia Katolika Romana sa Italya ay hindi isasali sa salaping-laan ng estado sa 1990, sang-ayon sa isang panukala na inilabas ng isang pinagsamang komisyon ng gobyerno at simbahan. Ang komisyon ay itinatag pagkaraang maabot ang isang kasunduan sa pagitan ng Vaticano at ng Italya noong Pebrero. Sa ilalim ng kaayusan, ang mga kabayaran ng estado ay unti-unting babawasan hanggang sa ang simbahan na ang aakò ng ganap na pananagutan sa pagtutustos dito sa 1990. Ang mga pagbabawas sa income-tax ay ipahihintulot sa mga membro na gumagawa ng mga kontribusyon sa simbahan. Sa taóng ito, ulat ng pahayagang Corriere della Sera ng Milan, ang pamahalaan ay naglaan ng 291 bilyong lire (mga $175 milyong, U.S.) upang bayaran ang mga suweldo ng mga 30,000 pari, at 20 bilyong lire pa para sa pagtatayo ng bagong simbahan.

Ang Pinakamabuti

● “Ang mga taong nagsasabi na hindi nila kayang ibigay ang pinakamabuti sa kanilang mga anak ay nagtataglay na nito,” sabi ng U.S. Surgeon General, si Dr. C. Everett Koop. At hindi lang iyan, sabi niya, ito’y libre pa. Tinutukoy ni Koop ang gatas ng ina, na itinuturing niyang “walang kahalili.” Hinimok ng surgeon general ang mga may patrabaho at ang mga ospital na gumawa pa ng higit upang itaguyod ang pagpapasuso ng ina sa mga sanggol upang matugunan ang tunguhin ng pamahalaan na 75 porsiyento ng lahat ng bagong silang ay pasusuhin ng kanilang mga ina sa 1990. Ang gatas ng ina ay naglalaan ng pinakakompletong pagkaing maibibigay sa mga sanggol, gayundin ng ekstrang proteksiyon laban sa mga karamdaman, dahilan sa mga antibodies na taglay nito. At ang pagpapasuso ay nagpapatibay sa emosyonal na buklod sa pagitan ng ina at ng sanggol.

Karagdagan pa, natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik na ang mga ina ng mga sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan ay gumagawa ng isang pantanging gatas na mahalaga sa paglaki at pag-unlad ng utak at ng sistema nerbiyosa ng sanggol na kulang sa buwan at na ang gayong gatas ay mas madaling tunawin kaysa sa gatas na mula sa mga ina na nagsilang nang husto sa buwan. Kaya mahalaga na ang mga sanggol na kulang sa buwan ay tumanggap ng gatas ng kanilang sariling ina, at hindi yaong kinulekta mula sa ibang nagpapasusong mga ina.

Sobyet na Kaigtingang Matrimonyal

● Ang hirap ng pamimili at pagpila para sa pangunahing mga pangangailangan ay isang pangunahing sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa, sabi ng pahayagan ng Partido Komunista, ang Pravda. Ang isang mambabasa ay sinipi na nagsasabing maaaring iwasan ang maraming kaguluhan sa pamilya “kung posible lamang sana na bilhin ang lahat ng pangunahing mga pangangailangan sa kanto o kaya’y lumabas at bumili ng makakain sa isang restauran.” Isang taunang kabuuan na 37 bilyong mga oras ang ngayo’y ginugugol sa pagpila lamang, sabi ng pahayagang​—mga 30 bilyon noong mga kalagitnaang 1970’s. Sa katamtaman, ang isang may sapat na gulang na Sobyet ay gumugugol ng 190 mga oras sa isang taon sa pagpila. Ang iba pang mga dahilan sa kaigtingang pangmag-asawa ay ang saloobin ng mga lalaki, na karaniwan nang tumatangging makibahagi sa kanilang nagtatrabahong mga asawa sa pangangalaga sa mga bata at sa mga gawain sa bahay, at ang kakulangan ng makabagong mga gamit sa bahay upang pagaangin ang pagluluto at paglilinis.

Curfew sa Pagmamaneho ng mga Tin-edyer

● Isang curfew sa pagmamaneho ng mga tin-edyer pagkagat ng dilim ay makababawas ng halos kalahati ng mga kamatayan ng mga tin-edyer dahil sa trapiko, sabi ng isang mananaliksik sa University of Calgary. Ipinakita ng kaniyang pag-aaral sa 527 mga kamatayan sa trapiko ng mga tin-edyer na ang karamihan ng mga kamatayan ay nangyayari kung Biyernes at Sabado ng gabi, o umaga ng Linggo. Iniuulat ang tungkol sa kaniyang mga natuklasan, ganito pa ang sabi ng Globe and Mail: “Mga batas sa curfew sa 12 mga estado sa Estados Unidos ay umakay sa isang lubhang pagbaba ng mga kamatayan at mga pinsala ng mga tin-edyer, mula sa 25 hanggang 69 porsiyento sa ilang mga lugar, sabi ng isang report sa taóng ito ng isang non-profit Insurance Institute for Highway Safety.” Gayundin, iniuulat ng Traffic Injury Research Foundation ng Canada na samantalang ang mga tin-edyer na 15 hanggang 19 taóng gulang ay bumubuo lamang ng 10 porsiyento ng populasyon noong 1981, sila ay nasangkot sa halos 17 porsiyento ng lahat ng mga namatay na mga nagmamaneho at halos 25 porsiyento ng mga namatay na pasahero.

Tulong para sa “Diaper-Rash”

● Maraming ina ang nagkakaproblema tungkol sa “diaper-rash” o singaw sa balat ng kanilang sanggol. Isang dermatologist (espesyalista sa balat) sa University of Pennsylvania sa Philadelphia ay nagsasabi na ang pinakamabuting paraan upang bawasan ang pag-iinit na sanhi ng singaw at butlig-butlig sa balat ay gamitin ang cornstarch (gawgaw) sa apektadong lugar. Sang-ayon sa The Medical Post ng Canada, dati-rati’y hindi ito inirerekomenda ng mga pediatrician sapagka’t inaakala nilang ito’y pinagmumulan ng Candida albicans at ng iba pang mga organismo ng yeast.” Gayunman, pinaniniwalaan na sa ngayon na ang cornstarch ay mas mabuti pa nga kaysa sa pulbos para mabawasan ang pag-iinit.

Likas na Panala sa Polusyon

● Ang water hyacinth, (water lily), ”itinuturing na pinakamasama pa kaysa sa isang salot sa maraming dako ng daigdig,” ay natuklasan na nagtataglay ng ilang “mabubuting katangian,” sabi ng The Toronto Star. Ang lumulutang na muradong bulaklak sa tubig ay napakabilis dumami. “Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang 10 water lily ay maaaring dumami hanggang sa 600,000 at maaaring saklawin nito ang isang acre ng tubig sa loob lamang ng mga walong buwan,” sabi ng pahayagan. “Habang lumalaki ang mga ito, ang mga ito ay nagsasama-sama tungo sa isang makapal na latag na maaaring gumawa sa isang daanan ng tubig na hindi madaanan.” Nguni’t ang mga ugat nito na nakalawit sa tubig at sinisipsip na tuwiran ang mga nutriyente mula rito, ang mga pananim na ito ay gumagawang mahusay bilang isang panala ng polusyon. Ang karaniwang mga tagapagdumi sa tubig​—ang nitrates, phosphates, potassium​—ay kailangan ng halamang ito upang mabuhay, at sinisipsip din nila ang nakalalasong mga dumi, mabigat na mga metal at mga pamatay-peste. Kaya ang ilang mga lunsod ay nagtatanim na ngayon ng mga halamang ito para gamitin sa paglilinis ng mga maruming tubig​—sa paanuman ay wala pang kalahati ng halaga ng kinaugaliang mga pamamaraan.

Laganap na mga Antigong Bagay

● “Pagkaraan ng dalawang taóng negosasyon,” ulat ng International Herald Tribune, “ang British Museum ay sumang-ayon na isauli ang isang 23-pulgada (59-centimetro) na bahagi ng baba ng Sphinx na ipinuslit ng isang marinong Britano mula sa Cairo mga 166 taon na ang nakalipas.” Ang bahaging ito ay isasauli bilang isang permanenteng pautang upang maiwasan ang paglabag sa isang batas Ingles na nagbabawal ng pagluluwas ng mga nilalaman ng museo. Sinasabing pinagbabantaang hindi papasukin ng Ehipto ang mga arkeologong Britano kung hindi ito isasauli ng museo. Ang iba pang mga bansa sa Third World ay iniuulat na matamang nagbabantay sa mga negosasyong ito, sa pag-asang makuha rin nilang muli ang ilan sa kanilang pambansang mga yaman na nasa mga museo. Maraming antigong mga bagay ang inalis sa Ehipto noong yugto ng panahon mula 1517 hanggang 1936, nang ang bansa ay nasa ilalim ng Turko, Pranses at Britanong pamamahala. Ang Roma ay may 13 Egyptian obelisks, samantalang 4 lamang ang natitira sa Ehipto. Iba pang mahahalagang bagay ang masusumpungan sa Paris, Berlin, sa Unyong Sobyet at sa Estados Unidos.

Panganib sa Nauusong Sapatos

● Ang pagsunod sa mga kausuhan sa sapatos ay maaaring maging mapanganib sa inyong kalusugan, sabi ng Italyanong medikal na babasahing Biotestinform. “Siyamnapung mga babae sa isang daan ang nagsusuot ng mga sapatos na isang size na mas maliit sa kanilang laki ng paa,” sabi ng report. “Sa maraming kaso ang mga sapatos na suot ng mga babae ay tatlong size na mas maliit.” Isinisisi ng artikulo sa mga babae na nag-aakalang dapat silang magsuot ng mas masikip na sapatos kaysa kinakailangan upang makisabay sa pinakahuling kausuhan na isang maliit o slim na paa at ang mga manggagawa naman ng sapatos na gumagawa ng mga sapatos na napakakipot o matulis sa gawing daliri ng mga paa. ‘Ang matutulis na sapatos ay nagpapangyari sa malaking daliri ng paa na mapasa-ilalim ng ikalawang daliri ng paa,’ paliwanag ng report. “Sa katagalan ang malaking daliri sa paa ay nasisira ang korte (balgus big toe) at nagkakaroon ng mga problema sa arthritis.”