Isang Malaong Hinihintay na Pagkikita-kita ng Pamilya
Isang Malaong Hinihintay na Pagkikita-kita ng Pamilya
—Ibinida ni In-Bok Kim sa Korea
‘ITO’Y parang pagtanggap sa isang taong nagbabalik galing sa mga patay!’ Ganiyan ang nasa isip ko nang yakapin ko ang aking bunsong kapatid na babae, si In-Soon, na may mahigit na 30 taon nang inaakala kong patay na. Sa bugso ng aming damdamin, kami’y nag-iyakan na tulad ng mumunting mga bata, na siyang kalagayan namin noon nang huling magkita kami.
Ang muling pagkikita namin ang resulta ng isang palatuntunan na taguyod ng Korean Broadcasting System at siyang tumulong sa mahigit na 11,000 mga miyembro ng pamilya na matagal nang nagkahiwa-hiwalay. Nguni’t bago ko ibida sa inyo kung paano kami nagkitang muli ng aking kapatid, sariwain muna natin ang malungkot na mga pangyayaring sanhi ng pagkakahiwalay namin pati ng angaw-angaw na mga iba pang Koreano.
Ang Nakaraang Kasaysayan
Ako’y isinilang sa lunsod ng Inch’on, Korea, noong 1936. Ako ang ikalawa sa tatlong mga anak ng isang pamilya, kaya maligaya ang mga araw ng aking kabataan. At, biglang-bigla, isang kasawian ang dumating. Ako noon ay siyam na taóng gulang, nang mamatay ang aming ina. Nang sumunod na taon ay namatay naman ang aming ama. Kaya biglang-bigla rin kaming naulila. Ang aming ate ay may asawa na nang panahong ito. Kaya’t ipinasiya na si In-Soon at ako ay makikipisan sa aming ate at sa kaniyang asawa. Kami’y lumipat sa kanila at pinagsikapan naming makibagay sa aming bagong pamumuhay sa abot ng aming kaya.
Isang araw, nang umuwi ako galing sa paaralan, sinabihan ako na si In-Soon ay pinayaon upang makitira sa mga kamag-anak ng aking bayaw sa isang bayan sa sentral Korea. Para sa akin, isang batang 13 anyos, isang mapait na dagok ito. Wala na ang aking mga magulang, at ngayon ay wala na rin si In-Soon. Inaliw ako ng aking ate at pinangakuan na pagka bumuti-buti na ang lakad ng mga bagay-bagay kaming dalawa’y makapagdadalawan na. Mula na noon, inasam-asam ko na ang sandali na makakapiling kong muli ang aking bunsong kapatid. Nguni’t ang gayong sandali ay matatagalan pa pala bago dumating—33 taon, na eksakto. Ito’y sapagka’t mga ilan buwan pa lamang ang
nakalipas, noong Hunyo 1950, sumiklab na ang Digmaan sa Korea.Mga Pinsalang Dulot ng Digmaan
Kakilakilabot ang nasalanta ng digmaan. Nasalanta ang buong bansa ng gayong sagupaan ng norte at sur na nagkakahali-halili ng pananalo at pagkatalo. Humigit-kumulang isang milyong sibilyan ang namatay sa South Korea, na totoong malaki na para sa isang bansa na may mga 20 milyong katao noong panahong iyon. Nasira ang mga lunsod at mga bayan-bayan. Nabuwag ang mga pami-pamilya. Nagkahiwa-hiwalay ang mga mag-asawa, mga magulang at mga anak, mga magkakapatid. Ang aming buong lipunan ay nagkawatak-watak.
Hindi kami napapuwera sa mga napinsala ng digmaan. Nabalitaan namin buhat sa mga kamag-anak na si In-Soon at ang buong pamilya na umampon sa kaniya ay nangamatay. Napag-alaman ko nang malaunan, pagkatapos na isa sa aming kapitbahay na tumakas ay magbalita kay In-Soon, na ako rin pala’y ibinalitang namatay na nang pasabugin ang barko na sinasakyan naming mga takas. Kaya’t may 33 taon din na kapuwa kami may paniwala na patay na ang isa’t-isa sa amin.
Mga Pagbabago Pagkatapos ng Digmaan
Noong Hulyo 1953 ay natapos ang digmaan. Sinikap ng bansa na makabangon buhat sa mga abo ng digmaan. Isang taon at kalahati na ako’y nasa isang ampunan para sa mga ulila, at sa wakas ay inampon ako ng isang mayamang negosyante. Ang hangad niya’y palakihin ako at sanayin na magpalakad ng kaniyang negosyo. Mahusay ang aking pag-aaral, at may magandang pangako ang aking kinabukasan. Gayunman, ang kaisipan ko’y laging naliligalig. “Bakit kaya totoong maraming kahirapan sa mundo?” ang kadalasa’y itinatanong ko sa sarili. “Kung talagang mayroong Diyos, bakit niya pinapayagang mangyari ang mga digmaan at ang ganiyang mga bagay? Ano ba ang kahulugan ng lahat na ito?”
Hindi nagtagal, samantalang nag-aaral pa ako, may nakilala akong mga Saksi ni Jehova at nagsimula ako ng pakikipag-aral ng Bibliya. Para bang nagliwanag ang aking isip at puso. Ngayon, sa wakas, natagpuan ko na ang mga kasagutan sa aking mga katanungan. Napag-alaman ko buhat sa Bibliya ang sanhi ng mga digmaan at paghihirap, at pati na rin ang lunas, na kaylapit-lapit na pala. Kaya ito ang tumapos sa aking mga plano na magtayo ng negosyo. Naging disidido akong maglingkod sa Diyos na ito ng kaaliwan, si Jehova. Sa lalong madaling panahon ay sumulong ako hanggang sa punto ng pag-aalay at pagpapabautismo. Nang sumapit ako sa edad na 20 anyos, ako’y inatasan ng Watch Tower Society bilang espesyal payunir, isang buong-panahong ministro.
Ang unang asainment ko ay doon sa lugar na kinatitirhan ng aking bunsong kapatid nang magsiklab ang digmaan. Pinagsikapan kong hanapin siya, nguni’t walang sinumang nakakakilala sa pamilya. Kaya’t lalo akong nakumbinse na siya’y patay na. Sa digmaang iyon ay marami ang nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay. Kaya para sa akin, dapat ko rin marahil tanggapin noon ang buong katotohanan.
Angaw-angaw na mga tao sa Korea ang dumanas ng katulad ng dinanas ko. Sa
loob ng maraming taon ay kanilang sinikap na hanapin ang nawawalang miyembro ng kanilang pamilya nguni’t hindi nagtatagumpay. Ang mga pag-aanunsiyo sa mga pahayagan o sa radio ay hindi nagdulot ng resulta. Ito’y dahilan sa sinirang lubusan ng digmaan ang sistema ng komunikasyon at transportasyon ng bansa. Gayundin, sa South Korea, na ngayo’y may populasyon na mahigit na 40 milyon, mayroon lamang 258 apelyido. Mahigit na kalahati ng mga tao ang may apelyido na isa sa limang pangunahing mga apelyido—Kim, Lee, Park, Choi at Chung—at marami sa kanila ang magkakapareho ng una, o bigay na pangalan.Isang Pambihirang Programa sa TV
Subali’t kamakailan, pinasimulan ang isang bagay na bago—isang programa na gumagamit ng teknolohiya sa telebisyon at computer. Ito’y taguyod ng Korean Broadcasting System, at nagsimula bilang isang documentario sa TV tungkol sa Digmaan sa Korea. May dalawang oras ang iniukol sa nagkawatak-watak na pamilya, na ang resulta’y dumagsa ang mga tanong buhat sa mga tagapanood kung kaya tumagal ang programa nang 20 oras noong unang araw na iyon. Pagkatapos ay nagpatuloy ito ng 14 na oras isang araw tuluy-tuloy hanggang sa sumunod na linggo at sa wakas ay pinalabas na linggu-linggo sa loob ng mga limang buwan.
Ang mga taong naghahanap ng kanilang nawalang mga kamag-anak ay nakikipag-alam sa istasyon ng TV. Pagkatapos ay binibigyan sila ng numero at ng petsang ipupunta nila roon upang sila’y mapanood sa TV. Samantala, ang kanilang mga pangalan at iba pang detalye ay ipinapasok sa isang computer upang alamin kung bumabagay sila sa impormasyon na ibinigay ng mga iba na naghahanap ng nawawalang kamag-anak. Kung sakaling hindi ito magtagumpay, sila’y binibigyan ng pagkakataon na mapanood sa TV. Bawa’t isa sa kanila’y mapapanood sa telebisyon na may hawak na malaking card na makikitaan ng itinakdang numero sa kaniya at ng kaniyang pangalan, ng pangalan o mga pangalan ng nawawalang tao o mga tao, ng kanilang bayan, ng mga pangalan ng kanilang mga magulang at ng iba pang mga detalye na natatandaan nila.
Abot sa buong bansa ang mga brodkast. Sinumang nanonood ng programa at nakakakilala sa taong hinahanap o sa mga kalagayang binanggit ay maaaring makipag-alam sa istasyon at maaaring magkita-kita sila doon mismo sa studio, samantalang
nakapanoód ang buong bansa—may mga iyakan, panangisan, yakapan at lahat-lahat na. Ang mga taong namumuhay sa iba’t-ibang panig ng bansa ay nagkikita-kita sa pamamagitan ng dalawang-paraang TV monitors. Alinsunod sa Koreanong pahayagang Choong Ang Ilbo, sa pamamagitan ng programang ito ay nagkita-kita ang 11,089 katao sa 53,535 katao na humingi ng tulong.Nag-ulat ang The Korea Times ng Agosto 16, 1983: “Kailanma’y ngayon lamang nakaranas ang mga Koreano na malaglagan ng napakaraming luha ng kagalakan, kusa at sabay-sabay. Kailanma’y ngayon lamang sa 5,000 taon ng kasaysayan ng Korea nakaranas ang buong populasyon ng pagkakaisa ng damdamin samantalang nasasaksihan nila ang kanilang mga kababayan na lumuluhang nagkikita-kita ng kanilang napahiwalay na mga kamag-anak.”
Isang Di-kapani-paniwalang Pagkakita
Sa pagkapanood ko sa TV ng masayang pagkikita-kita ng magkakamag-anak, kasali na yaong matagal nang inaakalang patay na, nagbalik sa akin ang mga dating alaala. Posible kaya na buháy pa si In-Soon? Kailangang minsan pang hanapin ko siya. Nagpunta ako sa istasyon at ipinasok ko sa computer ang aming mga pangalan at iba pang mga detalye. At binigyan ako ng petsa na ipupunta ko uli roon, ito’y pagkalipas ng isang buwan. Kaya ako’y umuwi na—at naghintay.
Limang araw bago pa ako nakatakdang mapanood sa TV, tumanggap ako ng tawag sa telepono buhat sa istasyon. Sinabihan nila ako na nakita na ang aking kapatid kaya kailangang pumunta ako roon sa studio upang makipagkita sa kaniya. Bagaman parang di-kapani-paniwala, siya pala ay naparoon sa istasyon upang ang kaniyang pangalan ay maipasok sa computer nang mismong araw din na iyon na ako’y naroroon.
Nang papunta na ako sa istasyon, matatandang alaala ang bumalik sa aking kaisipan. Para akong nalilito. Wala akong naaalaala kundi isang batang babaing edad 11 anyos. Makilala ko pa kaya siya ngayon? Papaano ko matitiyak na siya nga ang aking kapatid? Sakaling hindi siya, lalo lamang magdurugo ang aking kalooban sa pagkaalaala ng malungkot na nakalipas.
Nang kami’y magkaharap na, agad nakilala ako ni In-Soon. Nguni’t ako’y alumpihit at nenenerbiyos. Ang pagkikita ninyo ng isang minamahal na may 33 taon na natitiyak ninyong patay na ay hindi isang madaling bagay. Talaga kayang siya si In-Soon? Papaano ko matitiyak? Pagkatapos na mag-usap kami sandali, minabuti namin na dalawin ang aming sariling bayan ng Inch’on, mga 25 milya (40 km) ang layo, na kung saan nakatira ang aking ate.
Samantalang papunta kami roon, ginunita namin ang mga araw ng aming kabataan. Pinag-usapan namin ang tungkol sa aming bahay sa Hwapyung Dong, isang panig ng Inch’on. Natatandaan namin na ang bubong niyaon ay galbanisadong yerong itim. Pagka umuulan kung gabi ay takot na takot kami dahilan sa ingay ng ulan at ng tubig na bumabagsak sa bubong kung kaya’t kaming dalawa’y nagtatago sa ilalim ng higaan. Naalaala namin kung paanong ang aming kapitbahay, na galbanisadong yero rin ang bubong ng bahay, nguni’t pula ang pinta, ay nakalbo dahilan sa pagkakasakit niya ng tipus, at hindi nagtagal si inay naman ang nagkasakit din ng tipus at namatay.
Ang ganiyang mga alaala ang lubusang nakakumbinse sa akin na ito nga ang aking bunsong kapatid na matagal ko nang hinahanap. Kami’y nagkaiyakan dahilan sa kagalakan. Hindi na kami makapigil na pareho. Kami’y nag-iyakan sa ganoong masayang pagkikita namin.
Lalong Malaking Kagalakan ang Naghihintay
Nag-ibayo ang aking kagalakan sapol nang magkita kami nang araw na iyon. Ngayon si In-Soon ay nag-umpisang mag-aral ng Bibliya. Siya man ay makakaalam din ng dahilan ng lahat ng paghihirap sa daigdig at ng dapat niyang gawin upang makasali sa dakilang layunin ng Diyos na Jehova para sa lahat ng umiibig at sumusunod sa kaniya.
Samantalang libu-libo ang nakaranas ng di-matingkalang kagalakan ng pagkikita ng malaon-nang-nawawalang mga miyembro ng pamilya, angaw-angaw pa rin ang hindi pa nagkikita-kita. May mga nagsasabi na mga sampung milyong katao ang kahiwalay ng kani-kanilang pamilya dahilan sa hangganan na humahati sa North at South Korea. Sapagka’t ibinabawal na magkaroon ng komunikasyon ang dalawang panig na ito, marami ang hindi man lamang nakakaalam kung ang kanilang mga kamag-anak sa kabilang panig ay patay na o buháy pa.
Gayunman, para sa mga ito at sa mga iba pa na katulad nila, mayroong pag-asa. Ibinabalita sa atin ng Bibliya na hindi na magtatagal at ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo ang aalis sa lahat ng makapolitika at iba pang mga balakid na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa sangkatauhan. (Daniel 2:44) At kung magkagayon ay matutupad na rin ang ipinangako ni Jesus sa Juan 5:28, 29: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t ang oras ay dumarating na ang lahat ng mga nasa libingang alaala ay makakarinig ng kaniyang tinig at magsisilabas.” Anong pagkaliga-ligayang panahon iyan! Sapagka’t kung magkagayon, sa wakas, ang malaon-nang-hinihintay na pagkikita-kita ng buong sangkatauhan ay matutupad na.
[Blurb sa pahina 24]
May 33 taon na kapuwa kami naniniwala na patay na ang isa’t-isa sa amin
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga taong naghahanap ng nawawalang mga kamag-anak ay ganito ang ayos sa TV