Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Masalimuot na Problema
● “Isa sa mga araw na ito,” ang sabi ng isang artikulo sa lathalaing The Wall Street Journal, “isang sanggol ang ipapanganak na may limang magulang: ang babaing pinanggalingan ng itlog, ang lalaking pinanggalingan ng sperm (binhi), ang babaing nagdala sa kaniyang sinapupunan ng embryo pagkatapos na pag-isahin iyon sa isang sisidlan sa laboratoryo at naroon ito sa sinapupunan niya hanggang sa maisilang, at ang baog na mag-asawa na nagpanukala ng sistemang iyon at siyang magpapalaki sa sanggol.” Bagaman baka naman hindi ganito mangyari iyon, sa kasalukuyan ay posible ito ayon sa punto-de-vista ng medisina. Mayroon nang dalawang sanggol na isinilang nang buháy sa ganitong paraan, na dito ang binhi ay ipinaglihi ng babaing pinasukan niyaon galing sa isang lalaki, pagkatapos ay inilipat iyon sa bahaybata hanggang sa ito’y lumaki at isilang ng babaing baog. Bagaman kinikilalang isang pagpapala para sa baog na mga mag-asawa na ibig magkaanak, may bumabangong mga sosyal, moral at legal na mga isyu—kasali na ang tanong na kung sino ang legal na mga magulang ng bata na ipinaglihi sa ganitong paraan. May bumabangon ding ibang malulubhang problema, at siyang maaasahan, sapagka’t ang sistemang iyan ay labag sa kautusan ng Diyos sa Bibliya.
Mga Babaing Paring Hindu
● Labag sa dati nang kaugaliang Hindu, isang grupo ng 22 babae ang inurganisa at sinanay upang mag-orasyon at gumanap ng mga rituwal sa paglilinis. Ang iba sa mga rishikas, o mga paring babaing ito, ay hindi man lamang mga Brahmas—ang pinakamataas na caste na itinakda ng tradisyon na gumanap ng mga gawain ng mga pari. Ang grupong ito na tinuruan ni Shankar Hari Thatte, isang 76-anyos na Brahman at ito raw lamang ang ganitong uring grupo sa India. Bakit ito itinatag, sa kabila ng maraming pananalansang dito sa simula pa lamang? “Ang mga lalaking pari ay nandaraya sa mga tao, ang kanilang pamumuhay ay patuloy na nalaos, at hindi na nila iginagalang ang mga banal na aklat,” ang sabi ni Mr. Thatte, na ang sabi pa’y wala raw sinasabi ang mga teksto ng banal na aklat na bawal ang gayong gawain sa mga babae. “Natuklasan namin na ang mga lalaking pari ay walang kayang gumawa ng mahuhusay na gawaing relihiyoso at kanilang ginagawa iyon dahil lamang sa upa,” ang sabi ng isang paring babae.
Mga Numero Uno ang mga Soviet
● Ang mga Soviet, na unang-unang nakaligid sa landas ng mundo noong 1957, ang unang-una rin na nakapagpalakad sa kalawakan sa unang babaing astronaut. Sa panahon ng kaniyang 3-oras-at-35-minutong ekskursyon sa espasyo, ang 36-anyos na si Svetlana Savitskaya ay gumawa ng mga gawaing paghihinang. Siya rin ang kauna-unahang babae na gumawa ng dalawang pagbibiyahe sa espasyo. Bagaman humanga siya sa natanaw niyang hitsura ng lupa buhat sa kalawakan, ang pinakamatinding impresyon ay yaong tungkol sa kaniyang pagbabalik sa lupa—nang ang sasakyang pangkalawakan ay sumadsad sa isang inararong bukid. “Nang buksan ang daanan at ang amoy ay pumasok,” ang sabi ni Miss Savitskaya. “Talagang maganda ang sandaling iyon.”
Ang mga Soviet ay nangunguna rin sa kasalungat na direksiyon—doon sa ibaba patungo sa sentro ng mundo. Pagkatapos ng 14 na taong pagsisikap, sila’y nakabutas ng mahigit na 12 kilometro (7.5 mi) paibaba buhat sa ibabaw ng Kola Peninsula. Gaya ng iniulat sa Science magasin, ang butas ay mahigit nang dalawang kilometro (1.2 mi) ang lalim kaysa ano mang butas na hinukay para kuhanan ng gas o langis. Ang tunguhin ay makarating hanggang 15 kilometro (9 mi) sa ibaba. “Ang pagbibiyahe patungo sa ilalim ay punung-puno ng mga sorpresa,” ang sabi ng Science.
Dumarami ang Panghaharang
● “Ang panghaharang ng mga behikulong may kargadang mabibigat na kalakal ay dumarami sa bilis na nakasisindak,” ang pag-uulat ng The German Tribune. “Halos ano mang kargada ay may panganib na harangin: mga bibliya at hiniebra, mga inidoro sa kasilyas at TV sets, keso at mga computer. Ang organisadong mga panghaharang sa highway ay mabilis na lumalago at nagiging lalong marahas, at ang mga nagbibiyahe ng mga kalakal na ito ay nababalisa.” Ang mga manghaharang ay nagkukunwaring mga pulis at mga imbistigador ng rentas internas, sila’y nagtatayo ng palsipikadong mga bagay sa daan upang makaengganyo, at nagkunwari pa silang nasiraan ng sasakyan upang manakawan ang dalawang sakay ng trak na huminto upang tumulong. Sa Italya lamang noong nakaraang taon, ang pagnanakawan ng mga trak at paghaharangan ay doble ang isinulong kung ihahambing noong nauna ritong taon, at mahigit na 4,800 mga kargada ng trak ang pumanaw na lamang at sukat nang walang ano mang bakas. “Isang kinatawan ng pangunahing kompanya ng seguro sa Italya ang umamin na ang kaniyang kompanya ay mas madali pa raw tatanggap ng seguro ng isang tangkero sa Persian Gulf kaysa ng sa isang trak na may mga kalakal na ihahatid sa Naples,” ang sabi ng Tribune.
Umuurong na Simbolo
● Ang Empire State Building, malaon nang isang simbolo ng New York, ay umurong na. Pagka natapos na ang pagkumpuning ginawa sa mast nito, ang gusali ay magiging 18 talampakan (5 m) ang kaiklian sa 1,472 talampakan (449 m) na dating taglay nito sapol noong 1951 nang ang 222-talampakan (68-m) na mast ay idagdag. Gayunman, ito’y kilala pa rin bilang siyang ikaapat na pinakamatangkad na gusali sa daigdig. Ang 1,454-talampakan (443-m) na Sears Tower sa Chicago ang pinakamatangkad na gusali sa daigdig, at pagkatapos ay ang dalawang 1,350-talampakan (411-m) na World Trade Center na mga gusali sa Manhattan, New York.
Pinakamaliligayang mga Tao
● Sino ba ang pinakamaliligayang mga tao sa daigdig, ayon sa mga pamantayan ng daigdig na ito? Ang mga Australyano, ang sabi ng sosyologong Olandes na si Ruut Veenhoven, pagkatapos na magsaliksik siya nang may pitong taon sa paksang kaligayahan. Pinag-aralan niya ang 245 papeles na isinulat sa 32 bansa noong nakalipas na 60 taon, at ang sabi niya’y mas maliligaya raw ang mga taong may asawa kaysa mga taong walang asawa, ang mga babae ay kasingliligaya rin ng mga lalaki, at ang mga naninirahan sa mga bansang industriyalisado ay mas maliligaya kaysa mga taong nangasa bansang umuunlad o mga maralita.
Inumin, Pero Huwag Lalanguyan
● Ang tubig na itinuturing ligtas na inumin ay baka hindi ligtas na languyan. Humigit-kumulang ganiyan ang sabi ng mga toxicologists sa Massachusetts Department of Environmental Quality Engineering pagkatapos na pag-aralan nila ang pagsipsip ng katawan ng organikong mga solbente na ginagamit sa mga tahanan at mga pabrika at malimit na matatagpuan sa pampublikong mga panustos na tubig. “Sinasabi ng mga toxicologo na para sa isang adulto na napapabilad sa araw-araw—umiinom ng mga kalahating galon ng tubig at dumaraan sa 15-minutos na paliligo—humigit-kumulang dalawang-katlo ng mga kemikal na sinisipsip ng katawan ay dumaraan sa balat,” ayon sa pag-uulat ng Science magasin. Samakatuwid ang paliligo, pagsu-shower, o paglangoy sa maruming tubig ay baka mas mapanganib kaysa paglunok ng tubig na iyon. Sang-ayon sa mga toxicologo ang pagsipsip ng katawan ng organikong mga solbente, na lalong madaling lumusot sa balat kung may bahagyang konsentrasyon lamang, ang dapat isaisip kung inaalam kung ligtas bagang inumin ang tubig.
Ang Alak at ang Pagmamaneho
● Ang auto ang pumapatay sa mas maraming tao sa Estados Unidos kaysa ano mang ibang produktong ipinagbibili, ang sabi ng Consumer Federation of America. Ang pinapatay nito ay halos 140 katao sa araw-araw, at ang alak kalimitan na ang isang sanhi. Gayunman, ang pagsukat ng percentahe ng alak sa sirkulasyon ng dugo ay hindi isang wastong pruweba kung baga nagpapahina ito o hindi ng abilidad ng isa na magmaneho, sang-ayon sa mga imbistigador sa University of Colorado. Ito’y dahilan sa ang pagtugon ng mga indibiduwal ay nagkakaiba-iba ayon sa kanilang hinetikong mga pagkakaiba-iba at sa kanilang abilidad na tumungga ng alak. Ang dating pamamaraan, na ang isang drayber ay pinalalakad sa isang tuwid na linea, ay isang lalong mapanghahawakang tanda, ang sabi ng mga imbistigador.
Ang paniwala na ang lasing na drayber ay lalong relaks at samakatuwid malamang na makaiiwas sa malulubhang kapinsalaan sa isang aksidente ay sinasabi rin na hindi totoo. “Higit at higit na
nauunawaan na ang alak ay hindi lamang nagpapalubha ng peligro ng aksidente kundi rin naman pinaliliit nito ang abilidad ng tao na madaig ang epekto ng gayong kapinsalaan,” ang sabi ni Dr. David Viano, assistant director ng Biomedical Science Department ng General Motors Corp. At isang pag-aaral din sa Sweden ang nagpapakita na kinabukasan pagkalipas ng pagkalasing ay apektado rin ang abilidad ng isang tao na magmaneho. Ang mga boluntaryo ay uminom hanggang sa punto na sila’y lasing na ayon sa turing ng batas, pagkatapos ay natulog sila nang magdamag at kinabukasan ay sinukat pagkaalmusal nila, at napatunayan na umurong nang 20 porciento ang kanilang abilidad na magmaneho—bagaman marami ang nagsabi na mabuti raw naman ang kanilang pakiramdam. Ang gayong kahinaan ay tumagal nang tatlong oras pagkatapos na ang dami ng alkohol na nakahalo sa kanilang dugo ay mahulog hanggang sa maging zero.Mga Pamantayan ng Sekso sa Britanya
● “Isang surbey ng mga teenager na nagsisimba ang nagsiwalat na 28 porciento lamang buhat sa Church of England ang kumikilala na ang seksuwal na pagtatalik ng mga di mag-asawa ay mali,” ang pag-uulat ng Liverpool Daily Post. “Ang mga kabataang Romano Katoliko ay halos ganoon ding kaliberal, sapagka’t 32 porciento sa kanila ang hindi sang-ayon sa pagtatalik ng mga hindi mag-asawa.” Gumawa ng isa pang surbey sa 6,000 mga dalagita sa Britanya na edad 15 pataas, at ipinakita ng surbey na 20 porciento ang wala pang 16 anyos nang sila’y masipingan na. Halos lahat sa kanila ay naniniwala na wala namang masama kung sipingan ka ng nobyo mong lalaki bago kayo pakasal, at 60 porciento ang nakikipagtalik mga dalawang beses isang linggo. Ang ikatlong surbey, sa mga babae na mahigit na 18 anyos, ay nagsiwalat na 28 porciento lamang ang naniniwala na dapat mga donselya ang mga babaing ikakasal at ang karamihan ay may paniwala na pinakamagaling na magkaroon ka ng karanasan sa seksuwal na pagtatalik.