Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pamahalaang Pandaigdig—Ano ang mga Hadlang?

Pamahalaang Pandaigdig—Ano ang mga Hadlang?

Pamahalaang Pandaigdig​—Ano ang mga Hadlang?

SAGANA ang kasaysayan sa maraming kuru-kuro tungkol sa kung ano ang mabuting pamahalaan, mula pa sa Li (ang lipunan) ni Confucio hanggang sa mga kuru-kurong binuo sa Dumbarton Oaks Conference sa Washington, D.C., na bumuo sa United Nations. Kanino kayang mga kuru-kuro tungkol sa pamahalaan ang gagana para sa buong daigdig?

Mayroong mahigit na 150 bansa sa daigdig, at may kani-kaniyang uri ng pamahalaan. Marami rito ang nakapanig sa isa sa dalawang superpowers na nagpapaligsahan para makasakop sa daigdig. Marami nang tao ang nawalan ng tiwala sa dalawang iyan. Walang sinuman sa kanila ang nakalutas sa mga malulubhang problema ng daigdig. Bagkus, naging lalong mapanganib at kakilakilabot ang daigdig. Ito’y lalong nakababalisa dahilan sa pagsulong ng teknolohiya sa space-age.

Isang Lipunan na ang mga Tao’y Umaasa sa Isa’t-isa

Ganito ang natutuhan natin tungkol sa ating planetang Lupa: Ang buhay dito ay konektado sa isa’t-isa, buhat sa kaliit-liitang isang-selulang nilikha hanggang sa pinakamasalimuot; halos lahat ay may kaugnayan sa bawa’t isa. Sang-ayon kay Alexander Pope, tanyag na makatang Ingles sa kaniyang An Essay on Man (1733-34), ang ugnayang ito ay “malawak na kadena ng Buhay! na pinasimulan ng Diyos.”

Totoo rin iyan tungkol sa mga bansa, sila’y umaasa sa isa’t-isa. Walang bansa, kahit na isang isla, na makapagsasarili sa ngayon. Halimbawa, ang isang bansa na nangangailangan ng petroleo ay umaasa sa abilidad ng ibang bansa na mabibilhan niya ng petroleo. At ang pagkakaroon o di-pagkakaroon ng isang bansa ng petroleo ang dahilan kung bakit ang maraming industriya​—sa cosmetics, plastics, mga gamot​—ay kumukuha o nagbabawas ng mga manggagawa.

Paghambingin ang mga bansa ng hilagang hemispero at ng sa timugang hemispero. Nasa hilaga ang isang kaapat ng populasyon ng daigdig nguni’t pag-aari nito ang siyam na sampung bahagi ng mga industriya at ang kita’y apat na kalimang bahagi nito. Gayunman, magkaugnay ang kabuhayan ng dalawang hemispero. Halimbawa, sa isang bansa, sa Estados Unidos, isang trabaho sa 20 ang konektado sa pagtutustos ng mga kalakal sa mga bansa sa timugang hemispero. Ang hilaga naman ay umaasa sa timog ng mga materyales na hilaw na ginagamit sa mga computer, radio, telebisyon at gamit ng militar. Nguni’t ang pagkain, tubig, pabahay, hanapbuhay, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon at kalinisan ay mas sagana sa hilaga kaysa karamihan ng bansa sa timog.

Upang gumana ang isang pamahalaang pandaigdig, kailangang intindido nito na ang karalitaan, kawalang-hanapbuhay, polusyon at ang pagpapaligsahan sa mga armas nuclear ay gaya ng mga ugnay-ugnay na piraso sa isang jigsaw puzzle. Ito’y hindi malulutas nang bukud-bukod. Kailangan ang sama-samang paglutas. Sabi ng historyador na si William McNeill: “Kung kailan at kung makakalipat pa buhat sa isang sistema ng mga estado tungo sa isang imperyo sa mundo ang pinakagrabeng suliranin na nakaharap sa sangkatauhan.”

Karamihan ng bansa ay kumikilos na parang pinamamahalaan ng kani-kanilang pinuno, at hindi nakadarama ng bahagi nila sa pangglobong pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan. Si Willy Brandt, dating chancellor ng Federal Republic of Germany, ay nagsabi kamakailan sa World Press Review: “Sa ating modernong daigdig, ang lansakang gutom, pagdadahop sa kabuhayan, pagkapariwara ng kapaligiran, mabuway na pamahalaan, at terorismo, ay hindi natitipon sa loob ng mga hangganan ng isang bansa.” Oo, ang mga problema ng isang bansa ay may epekto sa kapanatagan ng buong daigdig.

Kung Ano ang Kailangan

Upang gumana ang isang pamahalaang pandaigdig, kailangang mapakilos nito ang likas na kayamanan pati mga tao ng daigdig upang matugunan ang pangangailangan ng pinakamararalita sa daigdig. Sa maraming bansa, ang unang-unang pinagkakaabalahan ng isang tao ay paghanap ng pagkain, tubig at tahanan para sa araw lamang na iyon. Kung kapos ka sa mga pangangailangan sa buhay, ang katawan at isip ay apektado at nawawalan ka ng respeto.

Kung gumagana ang isang pamahalaang pandaigdig, napaliliit nito ang aguwat sa pamumuhay ng mga bansang mayayaman at mahihirap. “May sapat na kayamanan para sa bawa’t isa,” ang sabi ng kilalang editor na Pranses, si André Fontaine, “kung gagamitin lamang natin para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.” Isang patak man ng kayamanan ng mayayamang bansa ay hindi tumulo sa mahihirap. Lalong nagdalita ang mga maralita. Pansinin sa tsart sa ibaba kung ilan sa mga tao ng daigdig ang kapos sa mga pangangailangan sa buhay.

Upang gumana ang isang pamahalaang pandaigdig, hindi dapat na tulungan nito ang mga tao sa isang panig ng daigdig at pagkaitan naman ng tulong yaong mga nasa ibang panig. Kanino nga tayo babaling para sa isang pamahalaang pandaigdig na magsisilbi sa kapakinabangan ng lahat ng tao? Sa mga tao?

[Chart sa pahina 6]

Mga Taong Kulang ng mga Pangangailangan sa Buhay

​—Kapos sa pagkain 510 milyon

​—Maygulang na Di-makabasa 800 milyon

​—Mga Batang Hindi Nag-aaral 250 milyon

​—Hindi Napangangalagaan ang Kalusugan 1,500 milyon

​—Wala Pang 60 Taon ang Haba ng Buhay 1,700 milyon

​—Kapos ng Tahanan 1,030 milyon

​—Wala Pang $90 (U.S.) ang Kita Taun-taon 1,300 milyon

Pinagkunan: Annals of American Academy of Political and Social Sciences