Pamahalaang Pandaigdig—Paano Ito Matutupad
Pamahalaang Pandaigdig—Paano Ito Matutupad
SAPOL noong 1945 tatlong malalaking organisasyong pandaigdig ang itinayo upang mag-ingat ng kapayapaan ng daigdig: ang UN (United Nations) noong 1945, NATO (North Atlantic Treaty Organization) noong 1949 at ang Warsaw Pact (Warsaw Treaty Organization) noong 1955. Walang isa man dito ang nakasulong nang malaki tungo sa pangglobong kapayapaan. Sapol noong 1945 ay mahigit na 100 giyera ang nagaganap, kasali na ang 40 malalaking digmaan, na doo’y mahigit na 30 milyong katao ang nasawi, at nasa bingit tayo ngayon ng isang digmaang nuclear.
Bagaman taimtim ang hangarin ng mga sumusuporta nito, walang lakas ang UN. Sa dalawa pang organisasyon ay walang makikita kundi mga pagtatalu-talo ng mga miyembrong bansa. Samantalang ang mga bansa ng NATO at ng Warsaw Pact ay may mga nuclear missiles na nakaamba sa isa’t-isa, at ipinapanalangin ng kani-kanilang mamamayan na huwag sanang matuloy ang aktuwal na digmaan, sa UN ay patuloy ang mga pagtatalo sa kung sino ang dapat na sisihin sa arms race. Kung ang mga organisasyong ito ang inaasahan ninyong magdadala ng pagkakaisa at kapayapaan sa lupa, kayo’y nagkakamali. Lahat na ito ay may malaking pagkukulang, na ang iba’y mas madaling makita kaysa iba.
Nguni’t ipaghalimbawa natin na mayroong isang tagapamahala na makatuwiran at mahabagin, na nakakaunawa sa prinsipyo ng pagkakaugnay-ugnay ng buhay at may kapangyarihan na pagkaisa-isahin ang daigdig sa kapayapaan. Hindi kaya siya magtagumpay ng pagtatayo ng isang pamahalaang pandaigdig? Sigurado iyan! Nguni’t saan natin matatagpuan ang ganiyang tagapamahala?
Ang Dumarating na Pamahalaang Pandaigdig
Ang Maylikha ng langit at ng lupa, si Jehovang Diyos, ang nakakaalam ng pagkakaugnay-ugnay ng lahat ng bagay, may buhay at wala. Dahilan sa kaniyang kalooban “umiral at nangalikha ang mga ito.” (Apocalipsis 4:11) Siya’y nananaig sa nasyonalismo; “nasa langit ang kaniyang trono.”—Awit 11:4.
At, ipinahayag ng Diyos na Jehova na nababahala siya tungkol sa pamahalaang pandaigdig at pinili niya ang isang subók at sakdal na tagapangasiwa bilang Hari. Ito’y totoong mataas kaysa tao, nguni’t may kaugnayan sa lahat ng tao—ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Hebreo 5:7-10) Baka matawa ang iba pagka sinabing si Kristo ay isang tunay na Hari. Bakit?
Marami ang gumuguniguni na si Jesus ay isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang pasabsaban o isang tila si kaawa-awa na nakapako sa krus. Sa ganiyang kalagayan ay isa siyang walang magagawa. Nguni’t totoo nga kayang ganiyan siya?
Hindi! Si Jesu-Kristo ay isang buháy na buháy ngayong Prinsipe, sapagka’t Anak ng Makapangyarihan-sa-lahat na Hari, si Jehovang Diyos. Binigyan siya ni Jehova ng kaharian at ng kapamahalaan. Inihula ng Bibliya: “Ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Ang hulang ito ay natupad nang, pagkamatay niya sa tulos sa Calvario, si Jesus ay binuhay-muli sa langit. At sa langit ay iniluklok siya bilang Hari ng Diyos.—Gawa 2:22-36; Apocalipsis 19:16; 20:6.
Ngayon si Jesus ay hindi na isang sanggol o biktima ng kaapihan. Siya ang nagpupunong Hari ng Diyos! Ngayon ay may kulang-kulang na tatlong milyong katao na, sa buong lupa, ang napasasakop sa kaniyang paghahari, patotoo na ito’y gumagana na. Pagkalapit-lapit nang gamitin ng Diyos si Kristo upang pairalin ang kapayapaan sa buong lupa at pagkaisahin ang sangkatauhan sa ilalim ng kaniyang matuwid na paghahari.—Isaias 11:1-9.
Ang Gagawin ng Isang Pamahalaan para sa Lupa
Magtatagumpay ang pamahalaang pandaigdig ng Diyos sa ilalim ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Mararanasan ng tao ang isang pagbabago na salig sa tunay na pagmamalasakit sa isa’t-isa.
‘Talaga kayang makapagbabago ang mga tao?’ ang tanong ng iba. Oo, kung may lakas na sapat makapagpakilos sa kanila.
Isip-isipin lamang ang isang daigdig na kung saan ang teknolohiya ay gagamitin sa ikasusulong ng sangkatauhan sa mabuting paraan sapagka’t tunay na nagmamalasakit ang isa’t-isa sa kaniyang kapuwa at sa iba pang nilikha!
Mawawala na roon ang pangamba sa digmaan. Lahat ng likas na kayamanan ng lupa ay sa kapayapaan lamang gagamitin.
‘Tama na!’ baka sabihin ng iba. ‘Isa lamang iyan na walang kawawaang haka-haka.’ Sa mga may ganiyang pagtutol, ang tanong namin: Gumana na ba ang pamamahala ng tao? May masasabi ka bang mahuhusay na dahilan para makapaniwala
na balang araw ay gagana iyan? Kung hindi, bakit di mo masinsinang suriin ang Bibliya upang alamin kung ano ang gagawin para sa lupa ng kaisa-isang pamahalaan ng Diyos at kung gagana nga ito?Narito ang iba pang pagbabago na pangyayarihin ng Diyos sa lupa.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Pagkain para sa Lahat:
“Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
May Bahay at Trabaho para sa Lahat:
“Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . . at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.”—Isaias 65:21, 22.
Kalusugan para sa Lahat:
“At walang mamamayan doon na magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24.
Wala Nang mga Armas sa Digmaan:
“Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kaduluduluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:9.
Kapayapaan sa Buong Lupa:
“Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.”—Awit 72:7.
[Kahon sa pahina 10]
Baka sabihin ng iba na simpleng kasagutan ito sa pagkabibigat na mga problema—isang guniguning pangarap. Ang tanong namin: Sa totoo lamang, sa palagay kaya ninyo’y malulutas ng tao ang mga problemang ito? O ang Maylikha ang tanging makalulutas nito? Sana’y suriin ninyo ang Bibliya para mapag-alaman ang napatunayan na ng kulang-kulang na tatlong milyong katao—na gumagana ang pamahalaan ng Diyos!