Sobra Ba ang Panonood Ko ng TV?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Sobra Ba ang Panonood Ko ng TV?
“Akala ko’y mamamatay na ako noon!” ang bulalas ng isang kabataan. Ano kaya ang sinasabi niyang pinagtiisan niya nang malaki? Isang linggo na walang telebisyon.
PARA sa maraming kabataan, baka sila’y totoong sugapa na sa panonood ng TV. Sugapa? Baka nga. Sa kaniyang aklat na The Plug-In Drug, ganito ang sabi ni Marie Winn: “Ang isang sugapa ay hindi lamang naghahanap na siya’y makaranas ng kalugud-lugod na karanasan . . . Kailangan niya na paulit-ulitin iyon.”
Sabi pa ni Marie Winn: “Ang malubhang pagkasugapa ay naiiba sa basta paghahangad lamang ng kaaliwan sapagka’t ang binanggit na una ay nakapipinsala. Ang isang sugapa sa heroin, halimbawa, ay sira na ang buhay: ang kaniyang patuloy na pangangailangan ng parami nang paraming heroin ay humahadlang sa kaniya sa pagtatrabaho, sa pagkakaroon ng mabuting relasyon sa kapuwa, sa pag-unlad niya sa makataong mga paraan. Gayundin na ang buhay ng isang alkoholiko ay sira na at di na makatao dahilan sa pagkaalipin niya sa alak.”
Subali’t komusta naman ang isang “sugapa sa TV”? Maaari ba ring ‘masira ang buhay’ niya? Bago sagutin iyan, pag-usapan natin ang tanong . . .
‘Isa ba Akong Sugapa sa TV?’
Gunitain ang unang palatandaang iyan ng pagkasugapa: Ang pangangailangan na tamasahin ang isang bagay na paulit-ulit. Gumugol ka ng mga ilang minuto at kuwentahin mo sa papel kung mga ilang oras sa isang linggo ang ginagasta mo sa panonood ng TV. O subukin mong ilista ang dami ng mga oras na ginugugol mo sa harap ng TV sa loob ng isang linggo. Pagdating na pagdating mo ba sa bahay ay bukás na agad ang TV? Kailan mo isinasara? Ilang panoorin ang “huwag-na-hindi” mo pinapanood sa linggu-linggo? Baka mabigla ka pagka nalaman mo ang resulta.
Ipinakikita ng mga surbey na sa edad na 18 anyos ang karaniwang kabataang Amerikano ay nakagugol na ng mga 15,000 oras sa panonood ng TV! Iyan ay nangangahulugan na ang mga kabataang nasa edad ng pag-aaral ay gumugugol ng mahigit na tatlong oras sa panonood ng TV araw-araw. Ang ganiyang pagkasugapa ay marahil nagsisimulang maaga sa buhay, sapagka’t ang mga batang wala pa sa edad ng pag-aaral ay kadalasan gumugugol ng mahigit na apat na oras ng panonood ng TV sa isang araw!
Subali’t kailan nakakasumpong ng panahon ang kabataan para sa ganitong paggasta ng panahon sa TV? Ganito ang sabi ng manunulat na si Vance Packard: “Karamihan ng mga bata sa Amerika, kasali na yaong mga hindi pa nag-aaral, ay nagsisipanood ng TV kung mga pinakapiling oras na alas-otso hanggang alas-nuebe kung gabi, na siyang dahilan marahil na ganiyang oras ang pinipili ng
mga istasyon para magpalabas ng mga panooring pambata. . . . Humigit-kumulang isang milyong bata ang nanonood ng telebisyon sa pagitan ng hatinggabi at ala-una N.U. na ang lubhang karamihan ng mga adulto sa E.U. ay malaon nang nangatutulog.”Maraming kabataan ang kung gayon aamin na sila’y “TV junkies.” Subali’t komusta naman ang ‘kasiraan’ na tiyakang dala ng gayong pagkasugapa? Narito ang ilan lamang sa mga suliranin na maaaring idulot ng sobrang panonood ng TV:
● MABABABANG MARKA: Nag-ulat ang National Institute of Mental Health (U.S.) na lumilitaw na may koneksiyon ang mababang IQs, imahinasyon at pagkamapanlikha, at ang sobrang panonood ng TV. Sabi pa ng report: “Halos lahat ng pananaliksik ay nakatuklas na ang mas may-edad na mga bata na lampas sa apat na grado at sobra ang panonood ng telebisyon ay mas mabababa ang marka sa klase, lalo na sa pagbabasa.” Baka may maraming mga dahilan ito.
Isang kabataan na nagngangalang Richard ang may sabi: “Sa palagay ko’y mas higit na pinsala kaysa kabutihan ang nagawa sa akin ng telebisyon sapagka’t imbis na ang panahon ay gamitin ko sa pag-aaral, ginugugol ko iyon sa panonood ng TV.” Subali’t, ang iba ay may palagay na ang telebisyon mismo ang humahadlang sa pagkatuto. Ganito ang sabi ni Paul Copperman sa The Literacy Hoax: “Ang epekto ng telebisyon sa mga bata ay ang lumikha ng guniguni na ang pagkatuto’y dapat na maging madali, di-pinaghihirapan, at isang libangan.” Kaya ang sugapa sa TV ay nahihirapan sa pag-aaral.
● KAHINAAN SA PAGBABASA: Kailan ka ba huling kumuha ng isang aklat at binasa mo iyon buhat sa umpisa hanggang katapusan? Isang kinatawan para sa West German Association of Book Dealers ang may ganitong hinanakit: “Tayo’y naging isang bansa ng mga taong nagsisiuwi sa tahanan pagkatapos ng trabaho at nakakatulog sa harap ng telebisyon. Pakaunti nang pakaunti ang ating pagbabasa.” Bakit? “Mas madali ang manood ka ng telebisyon at matuto nang di-pinaghihirapan kaysa magbasa pa, at diyan namimihasa ang mga mag-aaral.” Isang report buhat sa Australia ang nakababahala
rin. “Para sa bawa’t oras na ginugol sa pagbabasa,” ang sabi ng isang manunulat, “ang karaniwang batang Australiano ay gugugol ng pitong oras sa panonood ng telebisyon.”‘Nguni’t kasingdami rin kaya ang matutuhan mo buhat sa panonood ng TV?’ ang marahil itatanong mo. Walang alinlangan tungkol diyan, mahirap na talunin ang TV sa bilis nito na magdala ng impormasyon sa harap ng inyong mga mata at magpasok nito sa inyong tainga. Gayunman, wala kayong kahirap-hirap kung nanonood ng TV. Subali’t, sa pagbabasa ay kailangan na pagtrabahuhin ang isip kasabay ng paggamit ng inyong mata at isip upang ang nasusulat na mga simbolo ay maiuwi ninyo sa mga salita at ang mga salita sa mga kaisipan. Ang pagbabasa samakatuwid ay pagbabanat ng isip, samantalang ang labis na panonood ng TV ay pagpapapurol ng isip.
Para sa mga kabataang Kristiyano ang hindi pagbabasa ay magdudulot ng lalong malaking kapinsalaan. Iniuutos ng Bibliya na sila’y magbasa ng Salita ng Diyos ‘na binubulay-bulay ito araw at gabi.’ (Josue 1:8) Anuman na humahadlang dito ay isang panganib sa kanilang kaugnayan sa Diyos!
● NAKABABAWAS SA BUHAY PAMPAMILYA: Sumulat ang isang babaing Kristiyano: “Dahilan sa labis na panonood ko ng TV . . . lungkot-na-lungkot ako at pakiramdam ko ba’y nag-iisa ako. Para bang ang [aking] pamilya ay pawang mga ibang tao sa akin.” Ikaw man ba ay walang gaanong ginugugol na panahon sa iyong pamilya dahilan sa TV?
● KATAMARAN: Inaakala ng iba na dahilan sa ang panonood ng TV ay hindi pinaghihirapan “baka umakay ito sa [isang kabataan] na umasang ang [kaniyang] mga pangangailangan ay matutustusan nang hindi pinagpapaguran at magkaroon siya ng kaisipan na hindi kailangang paghirapan ang buhay.”
Tiyak iyan, ang sobrang TV ay ‘sisira ng buhay mo.’ Subali’t tulad ng karamihan ng pagkasugapa, malimit na ayaw aminin ng mga tao na sila’y may problema. Narito ang karanasan ng isang binata na nagngangalang Wyant na inaamin ang ganito . . .
‘Ako’y Naging Isang TV Addict’
Gumising!: Ilang taon ka nang maging sugapa ka sa TV?
Wyant: Mga sampung taon ang edad ko.
Pagdating na pagdating ko sa
bahay galing sa paaralan
ay magbubukas na ako ng TV.
Una muna kong papanoorin ay
yaong cartoons at kiddie, na
mga palabas para sa mga bata.
Pagkatapos ay mga balita ang
susunod dito, na hindi ko
gaanong gusto, kaya pupunta
ako sa kusina at maghahanap
ng makakain. Pagkatapos,
babalik ako sa TV at manonood
hanggang sa ibig ko nang makatulog
Gumising!: Wala bang mga trabahong
nakatoka sa iyo sa tahanan?
Wyant: Hindi istrikto ang mga magulang
ko. Kapuwa sila nagtatrabaho,
at pagdating ni Inay sa bahay
ay pagud-na-pagod siya para
gumawa pa ng anupaman. Ang
pagluluto ay ipinauubaya niya
sa aking mga kapatid na babae.
At si Itay naman ay mga alas
nuebe na o alas diyes ng gabi
kung umuwi.
Gumising!: Pero kailan ka may panahon
para sa iyong mga kaibigan?
Wyant: Ang TV ang kaibigan ko.
Gumising!: Di kung gayon ay hindi ka nagkaroon ng panahon para sa laro o sports?
Wyant: [nagtatawa] Wala akong hilig sa
laro. Dahil sa panay ang panood
ko ng TV, hindi ako
nakapagpasulong ng abilidad
diyan. Isa akong teribleng
manlalaro ng basketbol. At sa
gym class ako lagi na ang
huling napipili. Sana nga’y
napasulong ko ang aking
abilidad sa paglalaro kahit
kaunti—hindi upang
ipagmalaki, kundi kahit na
lamang upang makapag-enjoy
ako.
Gumising!: Komusta naman ang iyong
mga marka?
Wyant: Nakalusot din ako sa grammar
school. Hanggang hatinggabi na
ginagawa ko ang aking
homework sa ultimo ora.
Pero mas mahirap sa haiskul
dahil sa masasamang
kinaugalian ko sa pag-aaral.
Gumising!: Naapektuhan ka ba ng sobrang
panonood na iyan ng TV?
Wyant: Opo. Kung minsan pagka ako’y
nasa gitna ng maraming tao,
basta nakapanood ako sa kanila
—na para bang nanonood ako
ng TV—imbis na makisali sa
pag-uusap. Ibig ko sanang
magkaroon ako ng lalong
mahusay na kaugnayan sa mga
tao.
Gumising!: Bueno, mahusay naman ang
ipinakita mo sa ating pag-uusap
na ito. Marahil ay madadaig mo
ang ugali mong pagkasugapa.
Kung paano ginawa ito ni Wyant at ng mga iba pa, iyan ang magiging paksa ng isang artikulo sa hinaharap. Samantala, matamang pag-isipan mo kung gaanong TV ang iyong pinapanood. Ang panonood ng TV, kung ilalagay sa katamtaman, ay may kaniyang dako. Subali’t ang isang ibig mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay nakakaalam sa panganib ng sobrang panonood nito. Kaya kung tungkol sa TV, tularan ang saloobin ni apostol Pablo na ang sabi: “Hindi ko papayagan ang anuman na gawin akong alipin niyaon.” (Amin ang italiko.)—1 Corinto 6:12, Today’s English Version.
[Mga larawan sa pahina 14]
Ang alkoholiko ay hindi makapagpigil sa kaniyang pag-inom, gaya rin ng iba na hindi makapagpigil sa sobrang panonood nila ng TV