Buhay! Sa Tulong ng Isang “Kidney Machine”
Buhay! Sa Tulong ng Isang “Kidney Machine”
“MGA 10 hanggang 15 taon na lamang ang iyong ikabubuhay.” Iyan ang nakatatakot na taning na ibinigay sa akin ng aking mga doktor noong 1965. Ngunit hindi ito nakapagtataka. Halos sampung taon na rin akong pinahihirapan ng aking mga bato o kidney. Isa itong problema na unti-unting lumala hanggang sa wakas ay nanghina ang aking bato. Napabawa ng malalakas na dosis ng antibiotics ang karamdaman, gayunman ang mga doktor ay hindi gaanong optimistiko tungkol sa aking kinabukasan.
Sa kabila ng katakut-takot na mga prediksiyon, ipinasiya kong gamitin ang aking “huling” mga taon sa paglilingkod sa Diyos. Ang aking asawa, si Bill, ay isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova at nang panahong iyon ay nangangasiwa sa isang malaking lugar, o distrito. Sa kabila ng aking humihinang kalusugan, nais kong patuloy na sumama sa kaniya; at ginawa ko ito sa sumunod na sampung taon. Ngunit noong 1975 nagkaroon ako ng ganap na diperensiya sa bato. Nang panahong ito si Bill ay nangangasiwa sa mas maliit na grupo ng mga kongregasyon, isang sirkito, na nasa Sheffield—ang bantog na lunsod ng mga bakal. Sa kabutihang palad ang Sheffield ay kilala rin sa larangan ng pananaliksik tungkol sa bato (renal research). Kaya’t nang ako’y mahinang-mahina upang maglakbay ng 160 milya (260 km) patungo sa isang ospital sa London sakay ng ambulansiya, sumang-ayon ang renal consultant sa Sheffield na gamutin ako.
Pagdating ko sa ospital, ang mga dumi sa aking katawan ay dumami hanggang sa punto na ako ay sumusuka nang madalas. Upang guminhawa, pinaraan nila ang mga tubo sa butas ng aking ilong tungo sa aking sikmura at hinigop ang ilang mga lason palabas. Ang pamamaraang ito ay inulit tuwing kalahating oras o mahigit pa sa loob ng mga ilang araw. Sinundan ito ng peritoneal dialysis. Pagkatapos akong saksakan ng isang lokal na anestisya, ipinasok ng mga doktor ang isang makitid na tubong plastik sa aking puson. At sa pamamagitan ng isang Y piece, ang tubo ay ikinabit sa dalawang bag ng dialysate na nakabitin sa isang sabitan. Ang paggana nito ay simple. Pinatutulo ng gravity ang tubig sa aking puson. Nananatili ito roon ng mga 20 minuto na sinisipsip ang mga karumihan mula sa dugo. Saka ibababa ang dalawang mga bag sa sahig at ang tubig ay inaalis. Ang siklong ito ay inuulit sa loob ng 48 oras, at ang buong pamamaraan ay kinakailangang ulitin linggu-linggo. Ang tumatagas na tubig at ang basang-basang kama ay nakaragdag sa kahirapan ng miserableng pamamaraang ito. Subalit ang aking katawan ay nakibagay rito, at aaminin ko na malaki ang naitulong nito sa akin sa loob ng apat na buwan na itinagal ng paggamot.
Nakatali sa Isang Makina?
Bagaman malaki ang naitulong ng peritoneal dialysis, sa dakong huli kailangang ako’y maikabit sa isang “kidney machine.” Ito’y nangangahulugan ng pasasailalim sa dalawang minor operation na tinatawag na “fistula shunts”—isang pamamaraan kung saan ang isang ugat ay pinalalaki. Ginagawa nitong mas madali na isaksak ang mga karayom na ginagamit sa kidney machine treatment (haemodialysis). Ang unang fistula shunt ay hindi matagumpay. Namuo ang dugo. Kaya, sinubok nilang muli sa kanang kamay at gumana. Kaya pagkaraan ng apat na buwan sa ospital, ako’y inilipat sa isa pang ospital noong Hulyo ng 1975. Doon ko
nakita sa kauna-unahang pagkakataon ang isang kidney machine.Sa pakiwari ko ito ang isa sa pinakamahirap na yugto ng aking buhay. Tinitingnan ang makinang iyon, napagtanto ko sa kauna-unahang panahon kung gaano ako matatali sa hinaharap. Sa nalalabing bahagi ng aking buhay matatali ako sa isang makina tatlong araw sa isang linggo sa di-kukulanging anim na oras sa isang araw, at gugugol ako ng dalawang oras sa paghahanda at paglilinis. Karagdagan pa, hindi ko maaaring iwan ang makina sa loob ng mahabang panahon. Pagkatapos ng isang malayang buhay, na nakapaglilingkod sa Diyos na Jehova saanman ako kinakailangan, wari bang isa itong mabigat na pasanin.
“Kailangang Matutuhan Mo”
Ang haemodialysis ay isang kabigha-bighaning pamamaraan. Una ang dalawang mga karayom ay pinapasok sa mga ugat. Isang peristaltic pump ay naglalabas ng dugo sa isang karayom at mga ilang piye ng nag-uugnay na tubo sa artipisyal na bato. Ang batong ito ang siyang aktuwal na naglilinis sa dugo. Mula roon ang dugo ay nagdaraan sa mga tubong plastik tungo sa ikalawang karayom at mula roon pabalik sa katawan. Ang kidney machine mismo ang basta nagmo-monitor ng gawain.
Ang paggamit ng mga karayom ay isang bagay na napakahirap tiisin noon, maging sa ngayon. Ito ay napakasakit at kung minsan ay nangangailangan ng ilang mga pagsubok. Ito’y dahilan sa ang karayom ay kinakailangang pumasok sa kahabaan ng isang ugat, para bang nilulusot ito, at hindi tinatagos ito. Kapag nangyari ito, kumakalat ang dugo, pinupuno ang palibot na mga himaymay at nagiging dahilan ng masakit na pamamaga o bukol. Saka nariyan din ang problema ng mental at pisikal na pakikibagay sa rutina.
Ang makina ay para bang napakasalimuot anupa’t inaakala kong hinding-hindi ko ito matututuhan. Iyan at ang mga problema sa karayom ay nakabalisa sa akin sa punto na ako’y maiyak. Ngunit sabi ng nars, “Kailangang matutuhan mo ang paggamit nito, kung hindi ikaw ay mamamatay.”
“Bueno,” sabi ko, “may mga bagay na mas masahol pa kaysa pagkamatay. Hindi ako natatakot sa kamatayan.”
“Okay,” sagot naman niya. “Malasin natin ito
mula sa iba pang punto de vista. Sa inyong gawain malaki ang naitutulong ninyo sa mga tao. Bueno, kailangan ng mga tao ang tulong na iyan, kaya isipin ninyo sila at ang gawain na magagawa ninyo.” Pinag-isip ako niyan.Mayroon pang lubhang nakapagpapalakas-loob sa akin. Nang dumating ako sa ospital, sinabi ng dumadalaw na renal consultant sa nars: “Batid mo, sa palagay ko, na si Mrs. Bull ay isa sa mga Saksi ni Jehova? Bueno, tiyakin mo na hinding-hindi siya bibigyan ng dugo. Ayaw natin ang sinuman na mag-aanunsyo rito ng mga bote ng dugo. Tiyakin mo na nakasulat ito sa kaniyang mga nota.”
Paghahanda ng Isang Tahanan
Sapagkat ako’y malubhang-malubha, kailangang ako’y nakapirme sa isang dako. Ngunit pagkaraan ng mga ilang taon ng paglalakbay, wala kaming tahanan. Waring imposible ang pag-upa ng isang bahay, lalo na sa nilakad-lakad ng mga panahon ay hindi kami pumirme saanman nang mahigit sa mga ilang araw sa loob ng isang panahon. Isa pa, hindi namin kaya na maglagay ng mga muwebles sa isang bahay. Gayumpaman, samantalang nakaratay ako noon sa ospital, ang aking asawa, si Bill, ay yumaon at naghanap kung saan kami maaaring tumira. Naalaala namin ang pangako ni Jehova na hindi niya pababayaan ang kaniyang mga lingkod.—Awit 37:25, 26.
Gaya ng nangyari, dalawang buong-panahong mga ministro ay inanyayahang dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead (isang paaralan para sa mga misyonero). Kaya nang pagkakataong kinakailangan namin ang isang lugar para matirhan, sila naman ay umalis at ang bahay ay ipinaupa sa amin. Ngayon ang problema namin ay ang paglalagay rito ng mga muwebles.
Mula sa lahat ng dako ng bansa dumating ang pera at mga regalo. Halimbawa, nang kailangang-kailangan namin ang segunda manong muwebles na makukuha sa mababang halaga na £155 (noo’y $310, U.S.), binili namin ito. Kaya naubusan kami ng pera. Kinaumagahan isang sulat ang dumating mula sa isang Kristiyanong kapatid na babae na hindi namin nakikilala at wala namang kaalam-alam tungkol sa aming binili. Ang sulat ay naglalaman ng isang tseke na nagkakahalagang £150 (noo’y $300, U.S.)!
Nang maiayos na ang aming tahanan, lumabas ako sa ospital ngunit bumabalik ako linggu-linggo sa loob ng apat na buwan para sa peritoneal dialysis. Mahigit na 500 get-well cards at mga sulat ang dumating mula sa lahat ng panig ng bansa, nagsasaad ng mga panalangin para sa aking paggaling. Nakadarama ako na para bang ako’y wala nang pag-asa, ngunit ang kaalaman tungkol sa mga panalangin na ito ay nagbigay sa akin ng saganang kaaliwan. Sa lahat ng panahong ito, si Bill ay nagpatuloy na maglingkod sa mga kongregasyon sa kaniyang sirkito. Gayunman, sa dakong huli ay kailangan niyang magpasiya na magtrabaho upang mapagbayaran ang aming mga pagkakautang. Kaya siya ay naging isang tagalinis ng tsimenea.
Dialysis sa Bahay
Hindi nagtagal pagkatapos naming tumira sa aming bagong tahanan, tumanggap kami at nag-instala ng isang modernong teknolohikal na kababalaghan: ang home kidney machine. Ito ay 48 pulgada lamang (122 cm) ang taas at 27 pulgada (69 cm) kuwadrado. Ito ay nagmo-monitor na temperatura, daloy ng dugo, at ang paghahalo ng dialysate fluid sa tubig, ang pamamaraan kung saan ang mga karumihan ay sinisipsip mula sa dugo. Isang serye ng mga alarma na sumasakop dito at iba pang mga bahagi ang gumagawa rito na talagang isang ligtas na makina. Gayumpaman, ang pagpapaandar nito ay naglalagay ng ilang tunay na mga restriksiyon sa amin ni Bill. Nang panahong iyon, si Bill ay makapagtatrabaho lamang ng dalawa at kalahating
araw sa isang linggo yamang kailangang naroroon siya sa lahat ng panahon samantalang ako’y nakakabit sa makina. Nitong nakalipas na mga taon, gayunman, dalawang maibiging Kristiyanong kapatid na babae ang pumupunta sa magkaibang araw at nag-aalaga sa akin sa panahon ng dialysis. Kung ang aking presyon ng dugo ay lubhang bababa maaari akong manghina at mahimatay. Kaya samantalang ang makina ay isang pagpapala, ang pagpapaandar nito ay isang pagsubok ng pagtitiis para sa lahat ng nasasangkot. Tatlong beses sa isang linggo, kailangan kong pasailalim sa mahirap na anim na oras na pamamaraang ito.Pagkaraan ng labingwalong buwan ng paggamot unti-unti kong nabawi ang aking lakas at ang pagkakataon na makibahagi sa ilang gawaing Kristiyano. Pagkatapos noong Pebrero ng 1977 ang aking di-normal na lumaking kaliwang bato ay nagsimulang dumugo. Ang pagda-dialysis sa bahay ay naging imposible kaya’t ako’y nagbalik sa ospital. Gayunman, ako’y naging malubha at marami ang nawalang dugo. Dahilan sa nabigo ang lahat ng iba pang paggamot, isang pangwakas na pag-asa ang iniharap sa akin—pagsasalin ng dugo.
Pinigil ang Kamatayan
May sakit at mamamatay, tinanggihan ko ang mungkahing ito. Batid ko mula sa aking pag-aaral ng Bibliya na ito ay labag sa batas ng Diyos. (Tingnan ang Genesis 9:4; Gawa 15:29.) Ngunit ang aking blood count ay bumaba nang bumaba. Ako’y naging antukin. Huminto ang panlabas na pagdurugo, subalit, sa loob, ang mga pulang selula ng dugo ay namamatay pa rin. Pagkatapos ako ay nagkoma. Sa apat na araw at kalahati na itinagal nito, ang haemoglobin level ay bumaba sa di kapani-paniwalang 1.8 gramo. Bago pa ito umabot sa pinakamababang antas ay nawalan na nang lahat ng pag-asa. Ang aking pamilya at mga kaibigan ay sinabihan nang hindi na ako aabot pa ng umaga.
Gayunman, noong ikalimang araw ako’y nagising, nakita ko ang aking asawa at sabi ko, “Bill, maaari bang bigyan mo ako ng maiinom na tubig, pakisuyo?” Naupo ako at uminom habang sinusuklay ni Bill ang aking buhok. Ngunit muli akong nahiga at nakatulog. ‘Ito na ang wakas,’ naisip ni Bill. Ngunit ito talaga ang simula ng malaking pagbabago. Sa pagtataka ng mga tauhan sa ospital, ako ay bumuti. “Isang himala!” ang tawag nila rito. Minalas ko ito bilang isang pagbabangong-puri sa Salita at batas ni Jehova.
Saka nagsimula ang isang mahirap na yugto. Napakahina ko, hindi ako makalakad, at nagkaroon ako ng panlulumo. Gayunman sandali lamang at ako ay umuwi na ng bahay. Nakita ko ang aking sarili na isang permanenteng masasakting tao, kinakailangang buhatin saanman ako magtungo. Gayumpaman, ang aking haemoglobin count ay nagsimulang tumaas. At sa katapusan ng Setyembre, pinaalis ko ang may diperensiyang bato. Nang panahong ito ang aking haemoglobin ay tumaas sa 11.9 gramo, at kahit na pagkatapos ng operasyon ito ay nanatili sa di kapani-paniwalang 10.3! Sinabi ng seruhano na sa lahat ng nephrectomies (pag-aalis ng bato) na isinagawa niya, ngayon lamang siya nakapagtistis na kakaunting dugo ang nawala. Pagkaraan ng sampung araw nang alisin ang mga tahi ang aking haemoglobin ay 11.3—isang napakataas na bilang para sa isang pasyenteng may sakit sa bato, na ang marami sa mga ito ay tumanggap ng regular na pagsasalin ng dugo.
Pamumuhay na May Kidney Machine
Ang pagdepende sa isang kidney machine ay nangangahulugan ng pagkatutong mamuhay na may maraming mga restriksiyon. Gayumpaman, nakapagtatrabaho ako sa bahay at nakapagluluto. Regular din akong nakakabahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa bahay-bahay at nakakadalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon. Bagaman maaari lamang akong umalis ng bahay ng dalawa o tatlong araw sa isang panahon (kailangan kong magsagawa ng dialyse sa ikaapat na araw), nakadalo pa nga ako sa pansirkito at pambansang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
Kung tungkol sa aking pagkain, kailangang iwasan ko ang mga pagkaing sagana sa potassium at asin; hindi gaanong maraming prutas, walang tsokolate, mga mani o pinatuyong prutas. Puting tinapay lamang ang maaari kong kanin at dapat akong kumain ng mga cake kung ito ay gawa sa arina. Maaari lamang akong uminom ng kaunting kape o tsa kung ito’y hindi matapang. Bawal ang mga inuming may tsokolate, alak, at beer.
Sa kabila ng lahat ng ito, inaakala kong ako pa rin ang pinakamapalad sa lahat ng mga babae. Gayon na lamang maibiging pangangalaga at pag-intindi sa aking hinaharap ang ipinakita ni Jehova. Mayroon akong isang mapagmahal na asawa na patuloy na tumutulong sa akin sa lahat ng paraan. Malaki ang nagawa sa akin ng kamangha-manghang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae upang patibayin ako sa lahat ng mga panahong ito. Labis ko ring pinasasalamatan ang kabaitang tinanggap ko mula sa mga consultant na doktor, mga seruhano, at sa mga tauhan ng ospital. Hindi lamang minsan, ang bagong mga consultant at mga narses ay sinabihan kung paanong ako’y halos mamatay dahilan sa kawalan ng dugo, tinanggihan ang mga pagsasalin, at gayunman ngayon ay may normal na blood count.
Napag-alaman ko na bagaman ang kamatayan ay isang kaaway, hindi ito isang kaaway na dapat katakutan. Bagaman ako ay lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan. (Awit 23:4) Sa mabuhay man tayo o sa mamatay man tayo, tayo ay kay Jehova, sapagkat ang ating buhay ay nasa kaniyang mga kamay. (Roma 14:8) ‘Paano ko mababayaran si Jehova sa lahat niyang kabutihan sa akin?’ madalas kong pag-isipan. (Awit 116:12) Ang kaloob na buhay ay talagang mahalaga, isang kaloob na tinatamasa ko ngayon dahilan sa tulong ng Diyos, ng maibiging dedikasyon ng bihasang mga manggagamot—at ng kidney machine.—Gaya ng isinaysay ni Dorothy Bull.
[Blurb sa pahina 20]
Dahilan sa bigo ang lahat ng iba pang paggamot, isang pangwakas na pag-asa ang iniharap sa akin—pagsasalin ng dugo
[Blurb sa pahina 20]
Ang aking pamilya at mga kaibigan ay sinabihan nang hindi na ako aabot pa ng umaga
[Blurb sa pahina 21]
‘Ito na ang wakas,’ naisip ni Bill. Ngunit ito talaga ang simula ng isang malaking pagbabago
[Blurb sa pahina 22]
Napag-alaman ko na bagaman ang kamatayan ay isang kaaway, hindi ito isang kaaway na dapat katakutan
[Larawan sa pahina 19]
Kailangan kong nakakabit sa kidney machine tatlong araw sa isang linggo sa di-kukulanging anim na oras isang araw, subalit ako’y buháy