Mga Kakapusan sa Pagkain—Isang Katibayan ng Ano?
Mga Kakapusan sa Pagkain—Isang Katibayan ng Ano?
INILALAKIP ito bilang bahagi ng “tanda” ng tinatawag ng Bibliya na katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesus na ang “mga kakapusan sa pagkain” ay mangyayari sa “iba’t ibang dako.” Gayunman, binibigyan tayo ng dahilan ukol sa pag-asa, kaniyang ipinaliwanag na ang mga kakapusang ito sa pagkain ay magiging isang katibayan na ang “kaligtasan” ay “nalalapit na.”—Tingnan ang Lucas 21:7, 11, 28.
Ipinakikita ba ng mga kakapusan sa pagkain na talagang nalalapit na nga ang kaligtasan sa ngayon? Gayon ang palagay ng maraming tao. Ikaw rin ba?
Isaalang-alang ang mga Katotohanan
Ang digmaan ay isang pangunahing sanhi ng mga kakapusan sa pagkain, kaya maaasahan lamang na ang unang pangglobong alitan, ang Digmaang Pandaigdig I, ay susundan ng malubhang mga kakapusan sa pagkain. At nagkagayon nga. Mas malaking kapahamakan ang idinulot ng Digmaang Pandaigdig II at gayundin ang kakapusan sa pagkain na naganap pagkatapos nito.
Sa katunayan, napakalubha ng problema sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, anupa’t noong 1945 itinatag ng United Nations ang una nitong permanenteng natatanging ahensiya, ang FAO (Food and Agriculture Organization). Dinisenyo upang bawasan ang mga suliranin sa pandaigdig na gutom, malaki ang nagawa nito sa unang 20 taon ng gawain nito. Gayunman, gaya ng isinisiwalat ng Britannica Book of the Year 1966, ang pangunahing kalagayan ay hindi pa rin nagbago. Ating mababasa:
“Ang pagtatasa ng Food and Agriculture Organization noong 1965 sa nangyayaring di-pagkakatimbang sa pagitan ng populasyon ng daigdig at ng kakayahan nitong pakanin ang sarili ay nagsisiwalat ng isang kalagayan na itinuturing ng marami na napakalubha kung hindi man, sa katunayan, nakatatakot. . . . Tinukoy ni Sen. George McGovern ng South Dakota ang agwat na ito sa pagkain na ‘ang numero unong problema ng huling ikatlong bahagi ng ika-20 siglo.’ ”
Noong 1978, pagkalipas ng mahigit sampung taon, patuloy pa rin ang problema. Sa katunayan, ito ay lumulubha (tingnan ang tsart), na umakay sa noo’y presidente ng U.S. si Mr. Carter upang magtatag ng isang 20-membrong Komisyon Tungkol sa Pandaigdig na Gutom. Ang layunin nito: upang alamin kung paano maaalis ang problema ng pandaigdig na gutom sa pagtatapos ng dantaon. Isang kahanga-hangang tunguhin, ngunit maaabot kaya ito?
Ano ang Lumikha ng Problema?
Magiging mali na basta ibagsak ang lahat ng sisi sa labis na populasyon. Ito ay totoong masalimuot. Ang siyentipikong babasahin na Bild der Wissenschaft ay nagkokomento: “Ang mapagkikilanlang salik ay waring hindi ang bilis ng paglago ng populasyon sa ganang sarili kundi ang kabiguan ng mga pamahalaan na itaguyod ang sapat na programa sa pagsasaka.”
Dapat ding bigyang pansin ang tinatawag na likas na mga sanhi, gaya ng tagtuyot at pagbaha, na siyang dahilan kung bakit noong 1981 tinatayang 14 na milyong mga Intsik ang kinakailangang rasyunan ng mga pagkain. Ang pulitikal na kaguluhan at kaligaligan ng mga manggagawa ay maaari ring maging dahilan ng mga pagpila sa pagkain, gaya ng ginawa sa ilang mga bansa sa silangang Europa ng taon ding iyon.
Ang isa pang sanhi ay ipinakikita sa Aprika. Tungkol sa pinakagutom na kontinente na daigdig, kung saan naroroon ang 23 sa 29 na mga bansang kasalukuya’y itinuturing ng FAO na nagkakaroon ng “di-normal na mga kakapusan sa pagkain,” ang magasing New African ay sumulat:
“Bago ang epekto ng kolonyalismo, ang Aprika ay may sapat na panustos sa pagkain. Mayroon pang mga sobra na ikinakalakal sa loob mismo ng kontinente. At nang pinaghati-hati ng mga kapangyarihang Europeano ang Aprika, iginiit din nila ang pagtatanim ng mabiling pananim sa mga lipunang Aprikano.
“Ang pagbabagong ito ay bumilis pa mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II.
Ang Aprika ay ‘ginawang’ isang prodyuser ng mabilíng pananim para sa Kanluraning daigdig. . . . Ang mga pananim na de luho na gaya ng mga bulaklak, tsa, kape at cocoa, at industriyal na mga pananim na gaya ng goma, bulak at sisal.”Ang mga ito at marami pang ibang mga salik ang nagpangyari sa kakapusan sa pagkain na maging isang pangglobong suliranin. Ilan pang angaw-angaw ang tiyak na mamamatay bago ito malulutas?
Ang mga Palagay sa 1980’s
Ang komperensiya ng World Food Council na ginanap sa Arusha, Tanzania, noong 1980, ay naglabas ng isang report na nagsasabing ang hinaharap para sa umuunlad na mga bansa ay hindi kailanman naging napakadilim. Inihula nito na ang 1980’s ay maaaring maging “ang dekada ng mga kakapusan sa pagkain.” Ang Executive Director Maurice Williams ng Konsilyo ay napakilos na magsabi: “Sana’y masabi ko na umaasa ako sa hinaharap, ngunit natatakot ako na tayo ay patungo sa isang yugto ng permanenteng krisis sa pagkain sa Aprika.”
Ang tagumpay ng tao sa paghadlang sa mga sanhi ng kakapusan sa pagkain—tagtuyot, mga digmaan, pulitikal na kaguluhan, sakit o peste, natural na mga kalamidad—ay natatakdaan. Ang pulitikal na kapakinabangan, hindi mahusay na pamamahala, mabagal na transportasyon, burukratikong gusot, kawalan ng pag-iintindi sa hinaharap, at kasakiman ay nagpapalubha pa sa mga problema. Si Gordon Taylor, autor ng The Doomsday Book, ay nagsasabi na hindi na nga malutas, “ang krisis . . . ay lalo pang mapapalapit habang papalapit tayo sa wakas ng dantaon.”
Gayunding mga konklusyon ang narating ng Komisyon Tungkol sa Pandaigdig na Gutom ng Presidente. Nag-uulat tungkol sa kanilang mga natuklasan, ganito ang sabi ng magasing Time: “Ang suliranin ngayon sa gutom ay lubhang kakaiba kaysa roon sa nakalipas, kung kailan ang paulit-ulit na mga taggutom ay pumatay ng angaw-angaw. Ngayon mayroon lamang kakaunting pagkain sa napakaraming bahagi ng daigdig, taun-taon, anupa’t ang buong 25% ng populasyon ng daigdig ay nagugutom o hindi wastong napakakain, at isa sa walo katao ang dumaranas ng nakapanghihinang malnutrisyon. . . . Inihuhula ng report na isang malaking kakapusan sa pagkain ang maaaring maganap sa susunod na 20 taon—na may kapaha-pahamak na mga epekto.”—Amin ang italiko.
Sa maikli, ano ang ipinakikita ng mga bagay na ito? Na apektado ng kasalukuyang mga kakapusan sa pagkain ang higit na tao ngayon kaysa anumang panahon sa kasaysayan, anupa’t sa halip na pansamantala lamang gaya ng nakalipas, ang mga ito’y nagiging permanenteng bahagi ng daigdig ngayon, at na sa kabila ng siyentipikong pagsulong wala pa ring nakikitang lunas ang tao. Ang mga bagay na ito ay gumagawa sa pambihirang pangyayaring ito ng kakapusan sa pagkain na isang bagong bagay, gaya ng inaasahan nating makikita bilang katuparan ng “tanda” ni Jesus.
Ngunit huwag kalimutan na sinabi ni Jesus na ang “mga kakapusan sa pagkain” na nangyayari sa “iba’t ibang dako” ay magiging malinaw na katibayan na ang “kaligtasan” ay “nalalapit na.” Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tumulong sa inyo na matuto nang higit tungkol sa kapana-panabik na pag-asang ito.
[Graph/Larawan sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PANDAIGDIG NA GUTOM
SA ANGAW-ANGAW NA WALANG SAPAT NA PAGKAIN
0 100 200 300 400 500 600 700 800 900 1000
1970 360 1977 420 1981 800
(SANG-AYON SA BILANG NG FAO)