Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Kinagawian sa Pag-aaral
Nasiyahan ako sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na artikulo tungkol sa mga kinagawian sa pag-aaral. (Enero 8, 1985 sa Tagalog) Pinag-isipan ko ang tungkol sa aking mga kinagawian sa pag-aaral. Ako ay nasa ikawalong grado na sa taong ito at kinakailangan ko ang ekstrang payo na iyon. Ibinahagi ko ang artikulo sa iba pang mga bata sa paaralan, marahil ay magpapasigla rin ito sa kanila. Nakabubuting malaman na mayroon pang iba na tunay na nagmamalasakit sa amin.
J. B., Kansas
Marmots
Sa pagbabasa ng artikulong “The Marmot—Nature’s Whistle Blower” (Setyembre 8, 1984 sa ingles), ako’y nagkaroon ng impresyon na ang mga marmot ay hindi masusumpungan sa Hilagang Amerika, kundi ang mga woodchuck lamang. Yamang kagagaling lamang namin ng mister ko sa Rocky Mountains kung saan nakita namin ang mga marmot sa mabatong mga dalisdis, inaakala ko na nanaisin ninyong malaman na mayroon ding mga marmot sa Hilagang Amerika. Inaakala kong gusto ninyong malaman na kakaiba ito sa woodchuck.
S. S., Minnesota
Oo, ang mga marmot nga ay nakatira sa mga dalisdis ng gawing hilaga ng Rocky Mountains at sa iba pang kanluraning mga kabundukan. Sang-ayon sa “Encyclopedia Americana” (Edisyong 1977), ang Amerika ay may dalawang uri ng marmot, ang siffleur, or whistler, mga marmot na naninirahan sa tuktok ng hilagaang Rocky Mountains at ang karaniwang silanganing woodchuck. Ipinakita lamang ng aming artikulo ang ilang mga dako kung saan ang mga marmot ay masusumpungan.—ED.
Ang Iglesya Katolika at ang Digmaan
Nasumpungan kong lubhang di-kanais-nais ang artikulong “Ako’y Dating Ibong Mandirigma Ngunit Ngayo’y Isang Kalapati” (Disyembre 22, 1984 sa Tagalog). Nagtataka ako kung batid ni Mr. Hurst kung gaano nakasasakit ng damdamin ang kaniyang artikulo! Napansin ko ang mga salitang binigkas ng Romano Katolikong pari noong 1945 sa sumulat nito ay nasa mga panipi. Mga salita iyon ng isang pari, at inaakala ko na maraming tao na kabilang sa anumang relihiyon ay kadalasang may iba-ibang antas ng kung ano ang tinatanggap o hindi kung tungkol sa digmaan at kapayaan. Naniniwala ako na ang pangungusap na ito ay totoong masama sa pari at sa lahat ng tao na kabilang sa kaniyang pananampalataya. Kami, bilang mga Romano Katoliko, ay sinisikap naming ibigin at unawain ang lahat ng tao at iginagalang ang kanilang iba’t ibang pangmalas sa relihiyon. Ngunit dapat kong sabihin na hindi ko gusto ang tuwirang ‘pakikipaglaban’ sa aming pinakamamahal na pananampalataya.
E. H., Inglatera
Ang ulat ay tiyak na hindi isang pag-atake laban sa Iglesya Katolika. Isinaysay ni Mr. Hurst ang problema niya bilang isang taimtim na Romano Katoliko na pinag-iisipan ang pagbagsak ng mga bomba sa mga lunsod na Aleman na pangunahing pinaninirahan ng kaniyang kapuwa mga Romano Katoliko. Isinaysay niya nang wasto ang pag-uusap nila ng kaniyang Katolikong kapilyan. Hindi lamang pinapatay ng Katoliko ang kapuwa Katoliko at ng Protestante ang kapuwa Protestante nang angaw-angaw sa mga Digmaang Pandaigdig I at II, na may buong pagbasbas ng klerigo sa magkabilang panig, kundi sa ngayon sa maraming bahagi ng Sentral at Timog Amerika, ang mga paring Katoliko at mga membro ng simbahan ay nasusumpungang nakikipagbaka sa isa’t-isa sa maraming mga kilusan ng mga gerilya. Dapat na matapat na tanungin ng bawat taimtim na Katoliko ang kaniyang sarili kung ang mga pagkilos na ito ng mga nag-aangking Katoliko ay kasuwato ng mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Juan 3:35: “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”—ED.