Paano Ko Maipauunawa sa Aking mga Magulang na Bigyan Ako ng Higit na Kalayaan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maipauunawa sa Aking mga Magulang na Bigyan Ako ng Higit na Kalayaan?
SI Jim ay nangingiti kapag ikinukuwento niya ang tungkol sa kaniyang nakababatang kapatid na si Ron. “Mga 11 buwan lamang ang pagitan namin,” sabi niya, “ngunit magkaiba ang pakikitungo sa amin ng aming mga magulang. Binigyan nila ako ng higit na kalayaan. Kahit nang ako’y maliit pa hinahayaan nila akong isama ko ang aking mga kapatid na lalaki sa sine. Nang ako’y magkaedad na, nagagamit ko ang kotse ng pamilya. Noong isang taon pinahintulutan pa nga nila ako na isama ko ang aking nakababatang kapatid na lalaki sa isang paglalakbay sa Lunsod ng New York upang dumalo sa isang relihiyosong kombensiyon.
“Gayunman, kaiba naman kay Ron,” patuloy ni Jim. “Hindi siya gaanong binibigyan ng kalayaan. Hindi man lamang siya tinuruan ni Itay na magmaneho nang siya’y dumating sa sapat na gulang. At nang inaakala niyang siya’y nasa hustong gulang na upang makipag-date, ayaw siyang payagan ng aking mga magulang.”
Natural lamang na habang nagkakaedad ka ay nagnanais ka ng higit na kalayaan, higit na mga pribilehiyo na nauukol sa mga may sapat na gulang. Gayunman, kadalasang nasusumpungan ng mga kabataan ang kanilang mga sarili na napapaharap sa mga pagtutol mula sa kanilang mga magulang. Ang gayon bang mga magulang ay labis na nangangalaga o marahil nagpapakita ng paboritismo? Hindi naman. Paliwanag ni Jim: “Si Ron ay para bang iresponsable. Kulang siya ng pagkukusa. Madalas na hindi niya ginagawa ang nakaatas sa kaniya. At bagaman hindi ko sinasagot ang aking mga magulang, ipinaaalam ni Ron sa kanila na siya ay hindi sang-ayon. Ito mangyari pa ay nakakaapekto sa kaniya.” Bakit, kung gayon, si Jim ay pinagkalooban ng higit na kalayaan?
“Higit pa ang Ibibigay”
Minsan si Jesus ay nagsaysay tungkol sa isang mayaman na tao na pinagkatiwalaan ang bawat isa sa kaniyang mga alipin ng ilang pera. Dalawa sa kanila ang kaagad na ipinuhunan ang salapi at gumawa ng tubo. Ngunit ang isang alipin ay basta “yumaon, at humukay sa lupa at doon itinago ang salaping pilak ng kaniyang panginoon.” Nang magbalik ang panginoon mula sa isang paglalakbay, ginantimpalaan niya ang masisipag na mga alipin ng higit na mga pribilehiyo. Ang tamad na alipin? Ipinag-utos ng panginoon na ang salapi ay bawiin sa kaniya, na sinasabi, “Sapagkat sa kaninuman na mayroon, ay higit pa ang ibibigay at siya’y magkakaroon nang sagana; subalit sa kaniya na wala, maging yaon mang nasa kaniya ay babawiin sa kaniya.”—Mateo 25:14-29.
Ang talinghaga ni Jesus ay naglalaman ng isang praktikal na aral: Nais mo ba ng higit na kalayaan at pananagutan? Kung gayon patunayan mo ang iyong sarili na responsable. ‘Ngunit paano ko magagawa iyon kung ayaw akong payagan ng aking mga magulang na gawin ang anumang bagay,’ maaaring panangis ng isang kabataan.
Waring isa itong tunay na problema. Noong una, ang mga pamilya ay naninirahan sa mga bukirin, maraming pagkakataon ang mga kabataan upang patunayan ang kanilang halaga sa pamamagitan ng pagtatrabahong masikap at pagtulong sa kapakanan ng pamilya. Gayunman, sa maraming mga bansa ang karamihan ng mga lalaki ngayon ay nagtatrabaho sa mga opisina at mga pagawaan sa halip na sa mga bukid. At ang mga kabataan ay basta kaunti lamang ang ginagawa. Gayumpaman, naririyan pa rin ang mga pagkakataon para patunayan ang inyong pagkamaygulang!
Una sa lahat, anumang atas ang ibinibigay sa iyo ng iyong mga magulang, dapat na seryoso mong tanggapin. Huwag tularan ang kabataan sa isa sa mga talinghaga ni Jesus na sinabihan ng kaniyang ama, “Anak, pumaroon at gumawa ka Mateo 21:28, 29) Kumbinsihin mo ang iyong mga magulang na kung may ipinagagawa sila sa iyo, gaano man ito kaliit, ito ay para nang nagawa.
ngayon sa ubasan,” at sumagot, “Ginoo, ako’y paroroon,’ at hindi naparoon.” (Ang paggawa ng ganito ang siyang dahilan kung bakit tinatamasa ni Jim ang kalayaan bilang isang kabataan. “Ipinakita ko sa aking mga magulang na kaya kong humawak ng mga pananagutan” sabi niya. “Kahit na nang ako’y bata pa, inuutusan nila ako sa bangko, at pinababayaran sa akin ang aming mga pagkakautang, nagtutungo ako sa palengke at namimili. At nang si Inay ay kailangang lumabas at humanap ng trabaho, ako pa nga ang nagluto ng pagkain ng pamilya.” Ngunit ang pagnanasa lamang ba para sa kalayaan ang tanging dahilan kung bakit ganito kasipag si Jim? Sabi niya: “Ang aking gantimpala ay ang palugdan ang aking mga magulang. Kung mababawasan ko ang ilan sa kanilang mga pasanin sa pamamagitan, halimbawa, ng pagluluto ng pagkain, talagang nakapagpapaligaya ito sa akin.”
Pagkukusa
Subalit, kumusta naman kung hindi ka binibigyan ng iyong mga magulang ng gayong atas? Magpakita ka ng iba’t ibang pagkukusa. Sa talinghaga ni Jesus, hindi binigyan ng panginoon ang kaniyang mga alipin ng espisipikong instruksiyon sa kung ano ang gagawin sa salapi. Ginamit nila ang kanilang mga kakayahan at mga abilidad. Maaari mo ring gawin ang gayon.
Halimbawa, ganito ang mungkahi ng magasing Seventeen: “Mag-alok na ipagluto ang iyong pamilya ng isang pagkain, at sabihin sa iyong mga magulang na nais mong gawin ang lahat: iplano ang pagkain, ilista ang mga bibilhin, badyet, pamimili, pagluluto, at paglilinis.” At kung hindi mo linya ang pagluluto, magmasid ka sa paligid at tingnan mo kung ano pa ang maaaring gawin. Hindi mo kinakailangan ang isang espisipikong utos mula sa iyong mga magulang upang kumilos ka kung may mga pinggan na dapat hugasan, sahig na dapat walisan, o mga silid na dapat ayusin.
Ganito pa ang sabi ng aklat na Adolescence: “Inaasahan ng matatalinong mga magulang . . . ang kanilang mga anak na kabataan . . . na magkamit ng akademiko, bokasyonál, at sosyal na mga kakayahan na gagawa sa kanila na higit na indipendiyente sa kanilang mga pamilya.”
Ang mga marka ay isang sukat ng iyong ‘akademikong mga kakayahan.’ Talaga bang ipinababanaag ng mga ito ang iyong mga kakayahan? Kung ikaw ay hindi mahusay sa klase, huwag kang magtaka kung bawasan ng iyong mga magulang ang iyong kalayaan.At kumusta naman ang tungkol sa ‘bokasyonál na mga kakayahan?’ Maraming mga kabataan ang sabik na patunayan ang kanilang kakayahan na gumawa sa pamamagitan ng pagkuha ng part-time na mga trabaho kung tag-init o kung mga dulo ng sanlinggo. Gayunman, ang pagkita ng pera ay bahagi lamang ng larawan. Napatunayan mo ba na kaya mong mag-impok at pamahalaan ang gayong pera? Halimbawa, mayroon ka bang itinatabing pera sa bangko? At ngayon na mayroon ka nang sarili mong pera, nagboluntaryo ka bang magbigay ng kontribusyon para sa iyong silid at pagkain? (Maaaring makatulong sa iyo na suriin ang kasalukuyang halaga ng pag-upa sa isang silid sa inyong pamayanan.) Ang paggawa ng gayon ay maaaring mangahulugan ng mas kaunting naiipong pera, ngunit habang naoobserbahan ng iyong mga magulang ang iyong maygulang na paraan ng paghawak ng pera, walang alinlangan na bibigyan ka nila ng higit na kalayaan.
Pagbibigay ng Higit na Kalayaan
Gayunman, ang ibang mga kabataan ay nagsasabi na ginagawa nila ang gayong mga bagay at gayunman ay nasusumpungan pa rin nila ang kanilang mga sarili na natatakdaan ng mga pagbabawal. Kung sa bagay, sinipi ng magasing Seventeen si Dr. Michael Solomon na nagsasabi: “Ang ilang mga tin-edyer ay nagtataka kung bakit ang kanilang mga magulang ay napakahigpit. Ngunit ang mga tin-edyer ding ito ay patuloy na magtatanong sa kanilang mga magulang ng lahat ng bagay . . . pati na kung paano magdadamit.”
Mangyari pa, hindi mo dapat itakwil ang iyong mga magulang o tanggihan ang kanilang payo. Pinalalakas-loob tayo ng Bibliya na makinig sa ating mga magulang kahit na tayo ay mga maygulang na. (Kawikaan 23:22) Ang ating mga magulang ang dapat na maging ‘kompidensyal na mga kaibigan’ natin, saganang pinagmumulan ng pangaral at payo. (Ihambing ang Jeremias 3:4.) Gaya ng sabi ng isang may-asawang lalaki: “Ang mga magulang ng aking asawa ay nabubuhay pa, at bagaman kami ay magsisingkuwenta anyos na, mayroon pa rin silang payo para sa amin sa pana-panahon. Tinatanggap namin ang kanilang mga payo at kung minsan (hindi lagi) sinusunod namin ito.”
Kaya kung minsan angkop na “ibigay mo ang iyong puso” sa iyong mga magulang at magtapat sa kanila. (Kawikaan 23:26) Totoo ito lalo na kung umiiral ang isang malubhang problema. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na kailangan mong umasa sa kanila sa paggawa ng bawat maliliit na disisyon. Ang manunulat na si Shirley Gould ay minsang nagbabala sa mga magulang: “Kung lagi ninyong pinadidepende sa inyo ang isang kabataan . . . nilulumpo ninyo ang isang bata na para ninyong binalian ng dalawang paa at kamay.” Sa halip na maging emosyonal na lumpo, nais mong gumawa ng tinatawag ng isang manunulat na iyong “sariling panloob na mga reserba ng pagpapahalaga at pagtitiwala-sa-sarili.” Tanging sa pamamagitan lamang ng paggamit sa tinatawag ng Bibliya na iyong “mga kapangyarihang umunawa” na matatamo mo ang pagtitiwalang ito.—Hebreo 5:14.
Kaya sa halip na tumakbo sa iyong mga magulang sa unang tanda pa lamang ng maliit na suliranin, sikapin mo munang lutasin ang problema sa iyong sariling isipan. Sa halip na maging “padalus-dalos”, o mapusok, tungkol sa mga bagay-bagay, sundin ang payo ng Bibliya na “isaalang-alang [muna] ang kaalaman.” (Isaias 32:4) Gumawa ng ilang pagsasaliksik, lalo na kung nasasangkot ang mga simulain ng Bibliya. Pagkatapos na mahinahong timbang-timbangin ang mga bagay, ngayon lumapit sa iyong mga magulang. Sa halip na laging sabihin, ‘Itay, ano ang dapat kong gawin?’ o, ‘Inay, ano ang gagawin mo?’ ipaliwanag ang kalagayan. Hayaan mong marinig nila kung paano mo makatuwirang lulutasin ito. Pagkatapos magawa iyon, hilingin mo ang kanilang mga obserbasyon.
Makikita ngayon ng iyong mga magulang na nagsasalita ka hindi parang isang bata kundi gaya ng isang may sapat na gulang. Tiyak na bibigyan ka ng iyong mga magulang ng higit na kalayaan. Tunay, hindi mo nanaisin na lubusang putulin ang mga ugnayang iyon, sapagkat lagi mong pahahalagahan ang iyong mga magulang bilang pinagmumulan ng payo. Ngunit malaki na nagawa mo upang patunayan na ikaw ay may sapat na gulang na. Taglay ang anong resulta? Pakikitunguhan ka ng iyong mga magulang bilang isang may sapat na gulang.
[Mga larawan sa pahina 15]
Naisaalang-alang mo na ba kung paano mo pamamahalaan ang iyong pera?