Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagbabalik ng Malaria

● Ang malaria ay itinuturing na numero unong kaaway ng kalusugan sa daigdig. Apektado nito ang 108 na mga bansa, pumapatay ng angaw-angaw na mga tao taun-taon, at marahil ay kumitil ng higit na mga buhay kaysa lahat ng mga digmaan sa kasaysayan. Minsang inakala na ito’y maaaring lipulin, ang malaria ay muling lumaganap sa buong daigdig​—365 milyong mga kaso sa nakaraang pagbilang. Sang-ayon sa WHO (World Health Organization), ang bilang ay apat na beses na tumaas sa loob lamang ng sampung mga taon. Bakit ang pagbabalik? Ang dumaming bilang ay isinisi sa mga lamok na nagdadala ng malaria na hindi tinatablan ng mga pamatay-peste at ang kasabay na pagkakaroon ng panlaban sa malaria parasite sa dating nagliligtas-buhay na mga gamot. Samantalang may internasyonal na siyentipikong gawain sa pagsasaliksik para sa bagong mabisang mga gamot, ang komersiyal na interes ay mahina, sang-ayon sa biyologo ng University of California na si Irwin Sherman. Sabi niya: “Ang halaga ng paggawa ay napakataas at ang pinansiyal na tubo naman ay napakababa. Ang pangunahing mga pinagbibilhan ay ang mahihirap na bansa, na hindi kayang magbayad nito.”

Panganib sa Paligsahan sa Armas

● Sa komperensiya ng International Press Institute sa Stockholm, Sweden, noong Hunyo 11, 1984, ang punong ministro ng Sweden, si Olof Palme, ay nagsabi: “Sinabi kamakailan ng International Institute of Strategic Studies na ang internasyonal na mga kaigtingan ay pinakamalubha ngayon sapol noong Cuban missile crisis noong 1962.” Napansin niya kung papaanong ang teknolohiya ng makabagong mga sandatang pandigma ay nagpalubha sa panganib ng mga paligsahan sa armas sa pamamagitan ng pagpapasok ng bagong time frame. “Ngayon,” patuloy pa ng punong ministro, “ang panahon sa pagitan ng isang pagsalakay at sa unang malubhang mga epekto ay binibilang sa minuto. Hindi ito gaanong nagbibigay ng panahon para sa pagmumuni-muni at pagsasaalang-alang ng disisyon.”

Ang Pagkabaog na Nauugnay sa STD

● Hinalinhan ng terminong STD (sexually transmitted disease) ang ekspresyong VD (venereal disease) sapagkat ito’y mas espisipiko sa mga termino ng paraan ng paglilipat (seksuwal na pagtatalik). Kabilang dito ang ilang mga impeksiyon na hindi kabilang sa ilalim ng tradisyunal na tinatawag na VD. Ang VD ay sumasaklaw ng limang impeksiyon, kabilang na ang gonorrhea at sipilis. Ang terminong STD ay sumasaklaw ng 35 higit pa.

Ang STD sa ngayon ang siyang sanhi ng mahigit sa 50 porsiyento ng mga problema sa pagkabaog sa mga babae sa maraming dako ng daigdig, sabi ni Propesor Richard Morisset, chairman ng International Conjoint STD Conference noong 1984, na ginanap sa ilalim ng pagtangkilik ng World Health Organization. “Kami’y nababahala na parami nang paraming mga babae sa ngayon na mas aktibo ang nahahawa ng mga sakit na gaya ng sipilis, gonorrhea at chlamydia, gayunman kalimitang ang mga sintomas ay hindi iniuulat,” sabi niya. “Bunga nito, ang isang suliranin sa pagkabaog na maaari sanang maiwasan sa pamamagitan ng maagang pagsusuri at wastong paggamot ay hindi na maaaring ituwid pa.” Tinataya niya na sa bawat anim na segundo isa ang nagkakaroon ng seksuwal na karamdaman​—at na ang bilang ay dumarami.

Babala sa mga Gumagamit ng Gamot para sa Arthritis

● Ang OMA (Ontario Medical Association) sa Canada ay naglabas ng isang babala tungkol sa malubha, di-kanais-nais na mga reaksiyon sa ilang mga gamot laban sa arthritis na ginagamit ngayon, lalo na sa mga matatanda. Ang Globe and Mail ng Toronto ay nag-uulat na sa unang tatlong buwan ng 1984, napansin ng OMA ang “walong kamatayan . . . sa gitna ng 53 malubhang mga reaksiyon (43 sa mga ito ang ipinalalagay na malubha) sa non-steroidal antiinflammatory na mga gamot.” Lumilitaw na ang mga biktima ay yaong mga umiinom ng mga kombinasyon ng mga gamot na ito. “Ang mga pasyenteng lalo nang nanganganib ay ang mga matatanda, mga taong may diperensiya sa atay o bato at yaong mga may namamagang mga bituka o may kasaysayan ng ulser sa sikmura,” sabi ng artikulo. Makabubuti sa mga may edad na na umiinom ng gayong mga gamot na kumunsulta sa kanilang mga doktor tungkol sa panganib na ito sa kalusugan.

Walang TV para sa mga Bata?

● Inaalisan ba ng telebisyon ang mga bata ng kanilang pagkabata? Oo, sagot ni Propesor Gerhard Priesemann, vice-chancellor ng Kiel University ng Alemanya. Inaakala niya na ang mga programa sa TV ay hindi gumagawa ng sapat na palugit para sa mga pagkakaiba sa edad sa pagitan ng mga bata at ng mga may sapat na gulang, at sa gayo’y pinapangyari nito na maniwala ang mga bata na ang daigdig nga ay gaya ng kung ano ito sa TV. Sabi niya na ang natural na mga hakbang na kinukuha ng mga bata mula sa pagkawalang-gulang tungo sa pagkamaygulang​—kadalasan nang nakakamit sa pamamagitan ng isang mahirap na pamamaraan sa pagkatuto​—ay nawawala dahilan sa panunood ng TV. Sang-ayon kay Priesemann, gaya ng iniulat sa pahayagan ng lunsod ng Kiel na Kieler Nachrichten, ang mga bata ay dapat lamang manood ng TV “kung sila ay mayroon nang sapat na mga kakayahan sa pagsasalita at pag-iisip upang maunawaan nila ang masalimuot na mga pangyayari na nagaganap sa screen ng telebisyon.” Ayon sa kaniyang napakakontrobersiyal na opinyon, ang mga batang hindi pa pumapasok sa paaralan ay hindi dapat manood ng TV.

Mga ‘Mananalakay ng Tupa’ sa Caribbean

● Isang liham sa editor na inilathala sa Olandes na Romano Katolikong magasin na Bijeen ay nagreklamo tungkol sa suliranin ng “pananalakay ng tupa” sa Netherlands Antilles islang Caribeano ng Curaçao. Sino ang mga ‘mananalakay ng tupa?’ “Ang iba’t ibang sekta ng Bibliya mula sa Hilagang Amerika na masiglang nagpapakahirap sa Katolikong populasyon upang kumbertihin sila sa kanilang sariling grupo,” paliwanag ng maysulat ng liham. Ang masiglang pangungumberte ay isang “tinik sa panig ng Iglesya Katolika Antilleano” sa 30 o 40 taon nang nakalilipas, ngunit ang mga grupong iyon ay medyo nanahimik, patuloy pa ng liham. Pagkatapos, di sinasadyang kinikilala ang hindi kumukupas na sigasig ng isang grupo ng mga ministro, sabi pa nito, “Yaon ay maliban sa mga Saksi ni Jehova.”

Ang Tulog ay Tumutulong sa Kalusugan

● Para sa maraming tao, ang dulo ng sanlinggo ay para sa labis-labis na paglilibang at gabing-gabi nang mga parti. Ngunit sang-ayon kay Dr. Carlos Suárez Zamudio, direktor ng Family Health Unit, Mexican Institute of Social Security, ang mga dulo ng sanlinggo ay maaaring maglaan sa mga tao ng pinakamahusay na medisina upang maiwasan ang mga karamdaman at malubhang mga aksidente​—tulog! Ang karagdagang tulog sa dulo ng sanlinggo ang pinakamahusay na medisina para sa tao, payo ni Dr. Suárez Zamudio, gaya ng iniulat sa pahayagan ng Lunsod ng Mexico na El Universal. Ang tulog ay tumutulong sa katawan na muling lumusog sa pisikal at mental, binabago ang enerhiya nito, nagbibigay ito ng saykolohikal na sigla, at inihahanda ang tao na magtrabaho nang may higit na kasiglahan sa susunod na linggo, idiniin ni Dr. Suárez Zamudio.

Pahayagan para sa mga Bulag

● Ang Sweden ngayon ay mayroon nang matatawag na isang pahayagan para sa mga bulag, ulat ng The Medical Post ng Canada. “Inihahatid [ng sistema] ang balita nang tuwiran mula sa word processing computer ng pahayagan tungo sa microcomputer sa tahanan ng mga bulag na mambabasa sa pamamagitan ng FM na signal ng radyo na nilalagpasan ang mga press at mga tagapaghatid balita,” pahayag ng artikulo. “Ang bulag na suskrayber ay maaaring makapamili kung ito ay babasahin niya mula sa isang braille terminal o pakikinggan ito sa isang voice synthesizer.” Nangangahulugan iyan na ang walang paningin na mga mambabasa ay makakatanggap ng balita nang mas maaga kaysa roon sa mga may paningin na kailangang maghintay para ang balita ay maimprenta at maihatid.

Gumuguhong Mt. Fuji

● Mga 300,000 tonelada ng gilid ng bundok ang nahuhulog na lumilikha ng pagkalaki-laking bitak sa timog-kanlurang bahagi ng Mt. Fuji taun-taon, at ang mga opisyal ng pamahalaan sa Hapon ay nababahala na ang bundok ay maaaring mahati sa dakong huli. Kaya upang ihinto ang pagguho at ingatan ang Lunsod ng Fujinomeya, na nasa paanan nito, ang mga inhinyero ay magtatayo ng isang kongkretong halang sa isang lugar na 7,200 piye (2,200 m) ang taas, kung saan malubha ang pagguho​—10 piye (3 m) ang kapal, 16 piye (5 m) ang taas at 55 piye (17 m) ang haba. Inaasahan na ang halang, na dapat ay di nakikita mula sa malayo, ay magpapahinto sa mga pagguho at pananatilihin ang kagandahan ng Mt. Fuji.

Mga ‘Hearing-Ear Dog’

● Kung paanong mayroong mga aso na tumutulong sa mga taong walang paningin, ang mga ‘hearing-ear dog’ ay sinasanay upang tumulong sa mga bingi. Ngunit di gaya ng mga aso na tumutulong sa mga bulag, na karaniwan nang mga uring Labrador o German shepherd, ang mga ‘hearing-ear dog’ ay maaaring kahit na ano mang uri​—kahit na isang haluang uri na aso. Ang kinakailangan lamang, ulat ng Globe and Mail ng Canada, ay ang isang aso na lubhang aktibo, at makatatakbong madali sa pinagmumulan ng ingay, at ang maliliit na aso ay karaniwan nang pinakamahusay. Sa loob ng apat o anim na buwan na kinakailangan sa pagsasanay, ang mga aso ay sinasanay na tumakbo sa pinagmumulan ng anumang ingay​—alarmang relo, telepono, doorbell, humuhuning kaldero, smoke detector, isang umiiyak na sanggol​—at saka aabisuhan ang kanilang mga amo sa pamamagitan ng pagtakbong pabalik sa kanila.

Paghuli sa mga Kriminal

● Mahigit na 210,000 mga pugante ang kasalukuyang pinaghahanap sa anumang oras sa Estados Unidos, sabi ng mga opisyal​—wanted dahil sa isang mabigat na pagkakasala, pagtakas mula sa bilangguan, o paglabag sa paról o paglayang may pasubali. Ngunit ang paghuli sa kanila ay lagi nang isang problema. Isang taktika na ginamit kamakailan sa isang kampanya upang hulihin ang mga puganteng kriminal ay ang padalhan sila ng mga notisya o patalastas sa kanilang huling nalalamang tirahan, pinapayuhan sila na isang pakete o parcela na nagkakahalaga ng $2,000 ay naghihintay na ihatid sa kanila, kung lalagdaan nila ang resibo. Maraming pugante ang tumugon at pinirmahan ang di umiiral na pakete. Dinakip at pinusasan, marami ang nagtanong, “Nasaan ang aking pakete?” “Kataka-taka,” sabi ni Howard Safir, assistant director ng pagpapatakbo ng Marshals Service, “kung lalagyan mo ng kaunting kasakiman ang kalagayan, gaya ng $2,000 na pakete, hindi na pinapansin ng mga tao ang iba pang mga detalye,” gaya ng bakit nga ba sila padadalhan nito ng sinuman.

Sobrang Nanganganib Malipol na Uri

● “Ito’y isang pagsasalungatan,” sabi ni Dr. Gilbert K. Boese, direktor ng Milwaukee County Zoo, “ngunit isa itong katotohanan ng buhay na kung pagbubutihin mo ang pagpaparami sa mga uri ng hayop na nanganganib malipol ikaw ay magkakaroon ng iba pang problema; yaon ay, ang pagsisiksikan o ang genetikong di pagkakatimbang.” Ito ang problema na kinakaharap ngayon ng mga zoo: kung ano ang gagawin sa mga hayop na matagumpay na naparami ngunit wala nang lugar para sa kanila o wala nang pangangailangan upang panatilihin ang uri. Gaya ng iniulat sa The New York Times, “ang espasyo sa zoo para sa mga hayop ay limitado. Ang lahat ng mga zoo sa daigdig ay magkakasiya sa Brooklyn.” Sinikap na lutasin ng ibang mga zoo ang problema sa pamamagitan ng pagbawas ng pagpaparami sa pamamagitan ng kontraseptibong pamamaraan. Nagkaroon din ng mga pagsisikap na ibalik ang ibang mga hayop sa likas nilang kapaligiran. Ngunit kadalasan nang ang mga zoo ay bumabaling sa pagpatay sa maliliit na hayop upang ipakain sa iba pang mga hayop, at ang pagpatay ng maraming bilang na mga hayop upang bawasan ang bilang ng kawan.

Loob-bahay na Polusyon

● Ang loob-bahay (indoor) na polusyon ng hangin ay maaaring mas masahol pa kaysa sa labas-bahay na polusyon, babala ng U.S. Consumer Products Safety Commission. Nasumpungan ng isang taóng pag-aaral ng mga 40 tahanan ang 20 hanggang 150 na mga kemikal sa hangin sa loob ng bahay. Ang mga ito ay mula sa mga materyales sa pagtatayo, aerosol isprey, mga aplayanses, mga produkto sa paglilinis, mga damit na naka-dry-clean, at mga kosmetiko pa nga. At yamang ang mas maraming bahay ay isinasara dahil sa pag-iinit o dahil sa air-condition sa pamamagitan ng tinatawag na weatherstripping at ng mga insulasyon, ang mga lason na ito o pollutant ay naiipon sa loob ng bahay. “Ang antas ng madaling sumingaw na organikong mga kemikal sa loob ng bahay ay karaniwan nang sampung ulit na mas mataas kaysa sa antas sa labas ng bahay,” sabi ng pag-aaral na inihanda para sa komisyon. Ang pagkahantad sa mga ito ay iniuugnay sa mga depekto sa panganganak, kanser, at mga alergi. Iminumungkahi na ang mga tahanan ay dapat na pahanginan nang regular at na dapat bigyan pansin ang mga produkto na ginagamit sa loob ng bahay.

Ang Ehersisyo ay Nagpapahaba ng Buhay

● Isinisiwalat ng isang pag-aaral sa 17,000 mga lalaki ang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng antas ng pisikal na gawain at ng haba ng buhay ng isang tao. Kahit na ang dating mga atleta o manlalaro na ngayo’y hindi na gaanong aktibo, ay apektado, sabi ng mga mananaliksik. Sang-ayon sa artikulo sa International Herald Tribune, “masiglang hinihimok ng mga siyentipiko ang mga tao na gumawa ng ilang anyo ng regular na ehersisyo, kahit na ang mabilis na mga paglakad apat na beses sa isang linggo, upang maiwasan ang mga sakit sa puso at sa baga.” Sinasabing ang pag-aaral ang siyang “kauna-unahang siyentipikong katibayan na kahit na ang kaunting ehersisyo ay nakatutulong upang mapahaba ang buhay.”