Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikipagtalastasan ng Pamilya—Paano Ito Mapasusulong?

Pakikipagtalastasan ng Pamilya—Paano Ito Mapasusulong?

Pakikipagtalastasan ng Pamilya​—Paano Ito Mapasusulong?

‘ANG mister ko ay hindi nagsasalita.’ ‘Ang misis ko ay hindi nakikinig sa aking sinasabi.’ Ang mga reklamong ito ay pangkaraniwan sa mga mag-asawa. Ang mga kabataan ay kadalasang nakadarama na gaya ng 12-anyos na si Max: “Hindi ako natatakot na makipag-usap [sa aking mga magulang], ngunit ikinatatakot ko ang maari nilang maging reaksiyon.” Mga halang ng katahimikan sa gayon ang naghihiwalay sa mga membro ng pamilya.

Ang ilan ay maaaring mangatuwiran na sa maraming mga kaso ang asawang lalaki at asawang babae ay talagang hindi magkabagay; na sila’y hindi magkatugma at hindi sila dapat nag-asawa! Sabihin pa, hindi gaanong pinahalagahan ng maraming mag-asawa ang pagliligawan at nakaligtaan nilang ilagay ang isang matatag na pundasyon para sa pakikipagtalastasan bago pa ang pag-aasawa. (Tingnan ang kahon sa pahina 9.) Gayumpaman, ang tagumpay ng pag-aasawa ay hindi nasasalig tangi sa tinatawag na pagiging magkabagay. Higit na mahalaga ay kung ang mag-asawa ay handang tumanggap sa mga pamantayan ng Diyos para sa pag-aasawa at ikapit ang mga simulain ng Bibliya o hindi. Isaalang-alang ang ilan lamang mga bagay na sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bahagi at mga responsabilidad ng mga asawang lalaki at mga asawang babae:

● “Hayaang ang mga babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawa gaya ng sa Panginoon.”​—Efeso 5:​22, 23.

● “Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paanong inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon . . . Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan.”​—Efesio 5:​25, 28.

● “Huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Kapag ang mga simulaing ito ay ikinapit, isang matatag na saligan para sa pakikipagtalastasan ng mag-asawa ay nailatag. Bakit? Sapagkat ang isang asawang lalaki na ipinalalagay na ang ‘pag-ibig sa kaniyang asawa’ bilang isang bigay-Diyos na pananagutan ay higit na makikipag-usap sa kaniyang asawang babae at makikinig sa kaniya. Ang isang asawang babae na naniniwala na ang pagsunod sa kaniyang asawang lalaki ay isang kahilingan mula sa Diyos ay mapakikilos na gawin din ang gayon. Ngunit papaano pakikitunguhan ng isa ang mga kaigtingan at kahirapan na nagaganap sa isang pag-aasawa? Talaga bang makatutulong ang payo ng Bibliya?

Kapag Bumangon ang mga Problema

Ang pag-aasawa ang pinakamalapit sa mga ugnayan ng tao. Darating ang panahon na maaaring tamasahin ng mag-asawa ang isang napakalapit na ugnayan na anupa’t ang isang haplos, tingin, o kumpas ay nagpapahiwatig ng marami. Gayunman ilan lamang ang nagkakamit ng ganitong kalagayan ng lubos na kaligayahan.

Naaalaala ng isang may kabataang asawang babae: “Naging mahirap ang aming kabuhayan pagkatapos naming mag-asawa. Kami ay nabubuhay sa linggu-linggo at sapat lamang na ikabuhay. Hindi ako sanay sa gayong kawalang-kasiguruhan.”

Gayunman, napawi ng mag-asawang ito ang kanilang mga kaigtingang pangmag-asawa sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga Kasulatan. Ganito ang sinabi ng lalaki: “Sa palagay ko ay lubusan kong nakalimutan ang kaniyang mga damdamin. Inaakala kong ang lahat ay ayos lamang. Ngunit hindi ko nabatid na siya pala ay nerbiyosa.” Ano ang ginawa nila tungkol sa agwat na ito ng pakikipagtalastasan? Ganito ang gunita ng asawang babae: “Nagkaroon kami ng mahabang mga pag-uusap. Kung minsan ang mga ito’y nakayayamot na mga usapan, ngunit ang mga ito ay laging nakatulong.”

Ganito ang sabi ng isang asawang lalaki na nagngangalang Richard: “Problema ko ang pakikibagay sa rutina ng pag-aasawa. Kapuwa kami nagtatrabaho nang buong panahon at nais ng aking asawa na ako’y tumulong sa mga gawain sa bahay. Gayunman, sa palagay ko ang asawang babae ang dapat na gumawa ng lahat ng bagay. Isa pa, pagkatapos ng isang araw na paggawa wala ako sa kondisyon na gawin ang anumang bagay kundi magrelaks at manood ng palakasan. Kaya kung walang anu-ano’y maririnig ko, ‘Maaari mo bang dalhin ang mga damit sa tagapaglinis ng damit?’ Sinasabi ko, ‘Gawin mong mag-isa!’ ”

Gayunman, si Richard at ang kaniyang asawa ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang malaman ni Richard na hinihilingan siya ng Diyos na ‘ibigin ang kaniyang asawa na gaya ng kaniyang sariling katawan,’ siya ay naudyukan na balikatin ang ilang mga pananagutan sa tahanan. Kahit na ang mga panggigipit ng trabaho ay waring nag-iba sa liwanag ng Salita ng Diyos. Nagugunita pa niya: “Minsang magkaroon ako ng dahilan upang mabuhay at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maaari kong alisin ang negatibong kaisipan na napulot ko sa trabaho.”

Gayunman, ipinakikita ng Bibliya ang isa pang posibleng pinagmumulan ng mga problema: “Sapagkat tayong lahat ay natitisod ng maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito’y isang taong sakdal, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.” (Santiago 3:2) Oo, ang lahat ay nagkakasala paminsan-minsan ng isang di-mataktika o hindi pa nga mabait na pagsasalita. At kapag ang dalawang di-sakdal na mga personalidad ay nagkakabungguan sa isa’t-isa, maaaring sumiklab ang galit.

Ngunit ano ang nangyayari kung pinahihintulutan ng mag-asawa ang gayong mga problema na mangibabaw sa kanilang pag-aasawa? Sabi ng Bibliya: “Ang kapatid na nasaktan ang kalooban ay mahirap mabawi kaysa isang matibay na bayan; at may mga pagtatalo na parang mga halang ng isang tirahang moog.” (Kawikaan 18:19) Ang pakikipagtalastasan ay maaaring maputol, na may malubhang mga resulta kapuwa sa mag-asawa at sa kanilang mga anak. Tunay, sinasabi ng mga dalubhasa na ang “patuloy na di-pagkakasundo ng mga magulang” ang isa sa pinakamapangwasak na impluwensiya sa isang bata.

Gayunman, ang pagkakapit ng payo ng Bibliya ay maaaring makabawas sa gayong mga alitan. Ang mga asawang lalaki ay pinag-uutusan na huwag “pagbuhusan ng mapait na galit” ang kanilang mga asawa. (Colosas 3:19) Nangangailangan ng dalawa upang mag-away. Kung ang iyong kabiyak ay nababalisa o nagagalit, bakit hindi mo sikaping manatiling mahinahon at mataktika? Sumang-ayon at makiramay hangga’t maaari. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” (Kawikaan 15:1) Ang masasakit na sagot ay nagpapalala lamang ng kalagayan. Mas mabuting magtanong sa isang mabait na paraan: “Mayroon ba akong nagawa na sukat mong ikabalisa? Ano ba ang problema, mahal?” Ang maibigin at mataktikang pag-alam ng sanhi ng problema sa ganitong paraan ay kadalasang tutulong upang malutas ito. Sa kabilang dako, maaaring makabuti ang prangka, ngunit mabait, na pagsasabi sa iyong kabiyak na ikaw ay naiinis o nababalisa sa kaniyang mga pagkilos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit. Bagkus maging mabait kayo sa isa’t-isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t-isa.”​—Efeso 4:​26, 32.

Natutuhan ng isang may kabataang asawang lalaki na ikapit ang payong ito. Sabi niya: “Ang aking asawa ay napakaemosyonal. Kaya kung minsan ay napakahirap para sa kaniya na magkaroon ng mahinahong pag-uusap nang hindi siya nagagalit. Ngunit sinikap kong makibagay sa kaniyang personalidad at naging higit na sensitibo sa kaniyang mga damdamin.” Ang gayong matapat na pagsisikap ay hindi lamang nagpapanatili ng kapayapaan kundi napapamahal ka pa sa iyong kabiyak!

Pakikipagtalastasan sa mga Anak

Ang pagdating ng unang anak sa isang may kabataang mag-asawa ay naghaharap ng tunay na hamon sa kanila. Sapagkat, ang isang bagong silang na sanggol ay nangangailangan ng higit kaysa regular lamang na pagpapakain at pagpapalit ng lampin. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga sanggol ay mayroong matinding pangangailangan na makipagtalastasan. Totoo, ang isang sanggol ay hindi nakapagsasalita. Ngunit ang mga mata ng mga magulang, ang haplos, ang pagkakadaiti sa katawan ay malaki ang nagagawa upang buksan ang mga linya ng pakikipagtalastasan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit marami sa mga ospital ang hindi na inihihiwalay ang mga ina sa kanilang bagong silang na mga sanggol. At, ganito ang sabi ng mananaliksik na sina Winberg at de Château ng Sweden: “Samantalang ang malapit na kaugnayan [ina-sanggol] sa yugtong ito ay maaaring may tuwirang impluwensiya sa pag-unlad ng sanggol, malamang na mas mahalaga ito sa ina, pinatitibay ang kaniyang buklod sa bagong silang . . . Ang pakikitungong ito ay waring nakakaimpluwensiya sa kaniyang mga saloobin at pagkadama sa mga pangangailangan ng sanggol.”

Ano pa ang magagawa ng mga magulang upang pasimulan ang isang mabuting pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak? Ipinakikita ng Bibliya na ang mga magulang ay dapat na magsalita sa kanilang mga anak “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) Makatotohanan ba ito? Sinasabi ng mga mananaliksik na sina Winberg at de Château na ang pag-awit at pagkausap sa isang sanggol ay maaaring “mahalaga upang matugunan ang [kaniyang] saykolohikal na mga pangangailangan.” Gayundin ang binabanggit ng Sobyet na mananaliksik na si M. I. Lisina sa isang eksperimento kung saan ang mga sanggol ay magiliw na kinausap, nginitian at hinaplos. Ang resulta? Pagkaraan ng dalawang buwan ang mga sanggol na ito ay umabot sa “isang lubhang mas mataas na antas ng pag-unlad” kaysa ibang mga bata na hindi tumanggap ng ganitong atensiyon. Ang gayong maibiging pakikipagtalastasan ay nagdudulot ng pakinabang sa isang bata, at ganito pa sabi ni Dr. Lisina: “Naniniwala kami na ang interaksiyon sa ibang tao ay lubhang mahalaga sa pasimula ng pagsasalita ng [isang sanggol].”

Pag-aaral at Paglilibang

Natural, habang lumalaki ang mga bata ang mga problema sa pagpapalaki sa kanila ay nagiging mas masalimuot. Sa gayon nasumpungan ng maraming Kristiyanong mga pamilya na nakatutulong na magtatag ng isang programa ng espirituwal na mga gawain. Malaki ang magagawa nito upang paunlarin ang pakikipagtalastasan at pagkakaisa. Ang gayong programa ay maaaring iba-iba, nababago, at kasiya-siya sa lahat.

Mangyari pa, ang pagtatatag ng gayong programa ay maaaring mangailangan ng ilang pagbabago sa bahagi ng bawat isa. Halimbawa, sa ilang bahagi ng Aprika, ang ama ay tradisyonal na kumakain nang mag-isa. Ngunit minsang maging isang Kristiyano, nakikita niya ang pangangailangan na mangasiwa sa kaniyang pamilya sa panahon ng pagkain. Ang mga pakinabang? Sa almusal, maaaring pag-usapan ang isang teksto o isang paksa sa Bibliya, naglalagay ng isang mabuting pasimula para sa araw na iyon. Ang hapunan naman ay maaaring maging isang nakarirepreskong panahon para sa lahat upang sariwain ang pangyayari sa maghapon at “magpatibay-loob sa isa’t-isa.” (Roma 1:12) Maaaring pasiglahin ng mga magulang ang kanilang mga anak na ipahayag ang kanilang mga niloloob.

Ang panahon para sa seryosong pag-aaral gaya ng gawaing-bahay at mga pag-uusap sa Bibliya ay kailangan. Ngunit huwag nating kaligtaan ang pangangailangan ng paglilibang. Ang TV, mga sine at inirekord na musika ay popular sa mga kabataan, ngunit ang napakahusay na mga paraang ito ng pakikipagtalastasan ay nagiging gaya ng mga imburnal​—punô ng mga karumihan. Sang-ayon sa isang pag-aaral ng National Institute of Mental Health (U.S.A.), “ang natipong mga katibayan noong 1970’s ay waring nagpapakita na ang karahasan at pananalakay na ipinalabas sa telebisyon ay positibong nauugnay sa mga bata.” Ang mga magulang samakatuwid ay kinakailangang magkaroon ng mahigpit na pagsupil sa paglilibang ng kanilang mga anak. (Tingnan ang Efeso 5:​3-5.) Ang mga piknik at iba pang pagliliwaliw, gayundin ang mga pagtitipong Kristiyano, ay ilang mga paraan upang paglaanan ang mga kabataan ng kaaya-ayang paglilibang.

Pakikipag-usap sa mga Tin-edyer

Naranasan ng ilang mga magulang ang pagguho sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak nang ang mga ito ay maging mga tin-edyer. Hindi lamang iyon mga taon ng mabilis na pisikal na mga pagbabago sa isang kabataan kundi pasimula rin ng bagong mga emosyon at mga pagnanasa. Ang ilang mga kabataan ay kumikilos sa pamamagitan ng pagbubukod ng kanilang sarili. Ang iba ay lumalayo sa kanilang mga magulang at nagiging mas malapít sa kanilang mga kaedad. Kaya nangangailangan ng higit na determinasyon sa bahagi ng mga magulang na panatilihing bukás ang mga linya ng pakikipagtalastasan sa kritikal na panahong ito. Kailangan silang maging sensitibo sa mga kondisyon at mga damdamin ng kanilang mga anak.

Ang personal na pakikipag-usap ay maaaring makatulong​—lalung-lalo na kung ang mga ito pananatilihing impormal. “At ikikintal mo [ang mga salita ng Diyos] sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon,” ang sabi ng Bibliya sa mga magulang. (Deuteronomio 6:7) Kaya maaaring hilingin ng isang ama ang kaniyang di-karaniwang tahimik na anak na gumawang kasama niya sa hardin o gumawa ng ilang mga pagkukumpuni. Maaari namang turuan ng isang ina ang kaniyang anak na babae sa pananahi. Ang gayong relaks na mga pagkakataon ay karaniwan nang umaakay sa tunay na pakikibahagi ng mga damdamin. Kahit na ang maselang mga paksang gaya ng sekso, mga pagbabago sa katawan, mga moral, pananampalataya, at mga tunguhin sa buhay ay kadalasan nang maaaring buksan sa gayong mga pagkakataon. “Ang ilan sa aking pinakamahusay na mga pakikipag-usap sa aking mga anak na lalaki ay sa lababo sa kusina,” ang nagugunita ng isang ina.

Gayunman, maging handa kung minsan na pakinggan ang mga problema. Marahil isa itong pakikipagbaka sa masturbasyon o ang pag-amin pa nga ng kakulangan ng pananampalataya. Sa halip na pagalitan, makinig nang mahinahon at magpakita ng pagkaunawa. Kung hindi ang mahalagang linya ng pakikipagtalastasan ay maaaring maputol. “Alamin ito, minamahal kong mga kapatid. Bawat tao ay kailangang maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit,” sabi ng Bibliya. (Santiago 1:19) Kahit na may nasasangkot na pagkakamali, hindi mo nanaisin na agad-agad na hatulan ang iyong anak. Ang pagkakamali ang nais mong itakwil​—hindi ang bata. (Ihambing ang Judas 23.) Una patunayan mo ang iyong sarili na “mabilis tungkol sa pakikinig,” at saka mo bigyan ng tulong at payo ang iyong anak. Kung minsan maaaring bigyan mo siya ng katiyakan sa pagsasabi sa kaniya, ‘Hindi lamang ikaw ang nagkaroon ng ganiyang problema. Naranasan ko rin ito nang ako’y kasinggulang mo.’ Ang iyong mahinahong reaksiyon ay maaaring magbunga ng kaniyang pagtatapat sa iyo kapag bumangong muli ang pangangailangan ng tulong.

Gayunman, mahalaga na ilaan mo ang iyong sarili sa iyong mga anak. Isang ama ang may totoong responsableng trabaho, at bilang resulta ginugol niya ang marami sa kaniyang panahon sa tahanan sa pag-aaral ng kaniyang mga papeles. Gayunman, ang kaniyang anak na babae ay nagkaroon ng para sa kaniya ay isang malubhang problema. Ngunit ang kaniyang ama ay napakaabalá, kaya’t sinarili niya ito. Di nagtagal siya ay nanlumo at lumayas. Mabuti na lamang siya’y nagbalik, nagkaroon ng mahabang pakikipag-usap sa kaniyang ama at natanto niya na ang problema niya pala ay maliit lamang. Gayumpaman, magmula na noon isinaayos ng kaniyang ama na gawin ang kaniyang trabaho sa salas kung saan siya ay higit na makakausap ng kaniyang mga anak.

Ang inyong pagiging naroroon ay nangangahulugan ng higit sa inyong mga anak kaysa materyal na mga kayamanan. Isang nagsosolong magulang na nagngangalang Anita ay may limang mga anak na dapat paglaanan, na ang mga edad ay isang taon hanggang anim. Bagaman ang tulong ng pamahalaan ay ipinagkaloob sa kaniya, hindi siya naghinanakit na kakaunti lamang ang kaniyang ikinabubuhay mula sa maliit na buwanang alawans. Ang paglalaang ito ng pamahalaan ay nagpangyari sa kaniya na siya’y nasa bahay na kasama ng kaniyang mga anak. At bagaman kung minsan ang pera ay totoong kakaunti, sabi niya: “Hindi kami kailanman nagutom. Natuto kaming magtiwala kay Jehova.” Sa tulong ng ilang mga kaibigang Kristiyano na naglaan sa kanila ng mga pananamit, napaglaanan niya ang kaniyang mga anak kapuwa ng materyal na mga pangangailangan at ng atensiyon na kinakailangan nila.

Maligaya, Nagkakaisang mga Pamilya

Ang maibigin, may empatiya, nakikipagtalastasang mga magulang ay malaki ang nagagawa para sa kanilang mga anak. Ganito ang sulat ng edukador na si Audrey Bilski: “ ‘Maaari kong ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa anumang bagay’ ay marahil isa na sa pinakamahusay na papuri na maaaring ibigay ng isang tin-edyer o ng isang maygulang na anak na lalaki o babae sa kanilang mga magulang.” Pinahahalagahan din ng mga asawang babae at ng mga asawang lalaki ito kapag may pagtitiwala silang makalalapit sa kanilang mga kabiyak upang ipakipag-usap kahit na ang pinakamaselang mga bagay, nalalaman na sila’y tatanggap ng pag-unawa at pakikiramay.

Totoo, sa masalimuot na daigdig ngayon maraming mga panggigipit na sumisira sa pakikipagtalastasan ng pamilya. Kung minsan ang mga magulang ay nangangailangan mismo ng patnubay. Ngunit walang dahilan para ikaw ay masiraan ng loob. Ang ibang may karanasang mga magulang, lalo na ang maygulang na mga Kristiyano, ay kadalasang makatutulong. At nariyan ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na “buháy at mabisa.” (Hebreo 4:12) Ang aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, na inilathala ng mga tagapaglathala ng magasing ito, ay nakatulong sa libu-libo upang mapasulong ang kanilang buhay pampamilya.

Inilahad lamang ng artikulong ito ang isang halimbawa ng praktikal na payo ng Bibliya. Maglaan ng panahon upang pag-aralan at ikapit ito nang palagian. Sa paggawa ng gayon, maaari kang magtagumpay sa paggawa ng iyong pamilya na maligaya at nagkakaisa.

[Kahon sa pahina 9]

PAGLILIGAWAN AT PAKIKIPAGTALASTASAN

“Dalawang mahalagang mga pagpili ang ginagawa mo sa buhay,” sulat ni Propesor Ernest Burgess, “ang pagpili ng isang propesyon o hanapbuhay, at ang isa, ang pagpili ng isang asawa.” Ang karamihan ay makatuwiran pagdating sa pagpili ng isang trabaho. “Gayunman, kapag ikaw ay nag-asawa,” sabi pa ni propesor, “malamang na ikaw ay gumawi sa paraang romantiko sa halip na sa praktikal na paraan.”

Samakatuwid ang pagliligawan ay isang panahon upang gawin ang ilang seryosong pag-uusap. Totoo, kahit na bago pa sila magkakilala, mayroong malakas na pakikipagtalastasan sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae. Maaari siyang tumitig na may paghanga sa babae, at maaari namang magpukol ng isang mapagpahalagang tingin ang babae. Ganito ang sabi ng isang matandang kasabihan: “Ang mata ang salamin ng kaluluwa.” Inihahatid ng ating mga mata ang malalim na mga emosyon at mga mensahe ng puso. Pagkatapos ang berbal na mga kapahayagan ng pagmamahal ay maaaring magbigay daan sa isa pang paraan ng pakikipagtalastasan​—ang paghaplos. Sa maraming kultura ang gayong mga bagay na gaya ng paghahawakan ng kamay o pagyayakapan ay ipinalalagay na angkop na mga kapahayagan ng pag-ibig.

At bagaman ang pagpapakita ng pagmamahal ay may kaniyang dako, ang matatag na pag-aasawa ay hindi nasasalig sa silakbo ng damdamin. Ang isang paghaplos o paghipo mula sa isang tao na iyong minamahal ay maaaring pumukaw ng malalakas na damdamin at seksuwal na mga nasa. Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na “patayin” ang imoral na mga simbuyo ng damdamin. (Colosas 3:5) Hindi lamang ito isang moral na pananggalang kundi isang mabuti at praktikal na payo. Sapagkat kapag ang di mapigil na seksuwal na mga nasa ay wika nga “nakabukas,” ang seryosong pakikipagtalastasan ay kadalasan nang “nakasara.” Sila’y maaaring mabulagan sa maliwanag na mga kapintasan at mga kahinaan ng personalidad.

Ang bukás at prangkang pag-uusap sa panahon ng pagliligawan ay maglalaan ng kasagutan sa mga katanungan na gaya ng: Tayo kaya ay talagang magkabagay? Siya ba ay tapat at mabait? Ang tao kayang ito ay may mabuting moral? Kaya ba niyang maging mabuting tagapaglaan? Gumagawa kaya siya ng mabuting mga disisyon? Ang babae naman kaya ay magiging mabuting tagapangalaga sa tahanan? Handa ba siyang sumunod sa pagkaulo ng lalaki? Mayroon ba kaming tunay na pag-ibig sa isa’t-isa​—hindi lamang pisikal na pagkahalina?

Ano kung mahiyain ang isa? Tandaan na ang pangunahing kahilingan ng mabuting pag-uusap ay ang pagiging sensitibo sa mga damdamin at mga interes ng iba. Hindi iyan mahirap para sa dalawa na talagang nag-iibigan sa isa’t-isa. (1 Corinto 13:5) Matutong magtanong ng simple ngunit angkop na mga tanong. Karamihan ng mga tao ay nais na magsalita tungkol sa kanilang mga sarili, sa kanilang mga buhay, pamilya, at mga hanapbuhay at gagawin ang gayon kung mataktikang tinatanong.

Ang mga pag-uusap na ito sa panahon ng pagliligawan ay maaaring magsiwalat na ang babae at ang lalaki ay may maraming magkatulad na mga interes, tunguhin, at pag-asa. Ano, naman, kung ang isinisiwalat ay mga pagkakaiba? Alamin kung hanggang saan lawak isasapanganib ng mga pagkakaibang ito ang kaligayahan ng mag-asawa. Ang bagay na ang inaasahan ng mag-asawa. Ang bagay na ang inaasahan mapapangasawa ay hindi nasisiyahan sa isang partikular na anyo ng paglilibang, halimbawa ng pagsasayaw, ay hindi nangangahulugan na ang taong iyon ay hindi magiging mahusay na asawang lalaki o asawang babae. Marahil may ibang mas mahalagang mga bagay na maaaring pagsaluhan. O maaaring may potensiyal na mga bagong interes na maaaring paunlarin. Sa paanuman, ganito pa sabi ni Propesor Ernest Burgess: “Dapat na mag-usap ang babae at lalaki at sikapin nilang lutasin ang mahalagang mga isyu sa kanilang kaugnayan, gaya ng mga anak, mga biyenan, kabuhayan, relihiyon, at pilosopya sa buhay, bago ang araw ng kasal. Karaniwan nang bigong asahan na mababago ang isang kabiyak pagkatapos ng seremonya ng kasal.”

[Mga larawan sa pahina 7]

Dapat gamitin ng mga magulang ang bawat pagkakataon upang itatag ang pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak