Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“That Doggie in the Window”—Ito Ba’y Para sa Iyo?

“That Doggie in the Window”—Ito Ba’y Para sa Iyo?

“That Doggie in the Window”​—Ito Ba’y Para sa Iyo?

“HOW much is that doggie in the window?” tanong ng isang popular na awit noong 1950’s, “the one with the waggly tail.” Ang pagkagagandang maliliit na animo’y mga bola ng balahibo na mapaglarong nagpapanakbuhan sa mga pet shop ay kahuhulugan ng loob. Ang kaakit-akit na mumunting mga mukha at nagmamakaawang mga mata ay walang salang nagsasabing, “Pakisuyo isama mo ako sa inyo.” Hindi sila matiis ng mga nagmamasid anupa’t sa simbuyo ng damdamin sila ay bibili ng “isa na may kumakaway na buntot.”

Karagdagan pa sa ‘isang iyon na nasa bintana,’ mayroon ding niyaong mga kakatuwang uri na dinadala ng mga bata sa bahay​—mga uri na hindi makilala kahit na ng isang dalubhasa. Ipinakikita ng batang nanlalaki ang mata at tuwang-tuwa ang kawawang nilikha sa kaniyang mga magulang at sinasabi: “Tingnan ninyo kung ano ang sumunod sa akin dito sa bahay! Puede ba nating alagaan ito?” Hindi makatanggi, pahihintulutan ng mga magulang ang aso na maging membro ng pamilya.

Gayunman, kadalasan may malungkot na pahabol dito. Pagkalipas ng isa o dalawang taon ang hayop ay dinadala sa ibang bahagi ng bayan at itinatapon​—inaakala ng may-ari na aarugain ito ng ibang pamilya. O maaaring ito ay itulak mula sa kotse habang daan upang mapasama sa dumaraming bilang ng gumagalang mga aso.

Ang gayong walang habag na kalupitan ay kadalasang nangyayari sa panahon ng bakasyon, kapag ang pamilya ay aalis ng bahay. Sinasabi ng mga ulat mula sa Pransiya na 300,000 aso ay pinababayaan sa bansang iyon tuwing Agosto. Tinataya na isang milyong aso sa Italya ay pinababayaan tuwing panahon ng bakasyon. Ang presidente ng Italian Society for the Protection of Animals ay nagsabi: “Waring binabale-wala ng mga Italyano ang kanilang mga alagang hayop. Kadalasan ay binibili lamang ang mga ito para sa kanilang mga anak, gaya ng isang bagong laruan, upang lumigaya ang mga bata. Ang mga magulang ay walang pagtingin sa mga alagang hayop. Kaya, pagdating ng bakasyon, ito ang mabuting panahon para palayasin ang kinasusuyaang mga panauhin sapagkat ang isipan ng mga bata ay nasa bakasyon.”

Ang ilang mga may-ari ay nangangatuwiran na ang kanilang di-naiibigang mga alagang hayop ay tatanggap ng isang mabuting tahanan kung sila ay ilalagay sa pinakamalapit na tirahan para sa mga hayop. Ito ay isang mapagnais na saloobin, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na report, “Napag-alaman ng The Humane Society of the United States (HSUS) sa isang surbey kamakailan na 15 hanggang 17 milyong pusa at aso ang ibinigay sa mga tirahan ng mga hayop sa bansang iyon noong 1973. Sa bilang na iyon, isang nakagigitlang 13.5 milyon ang pinatay!”

Sa Inglatera ipinakikita ng mga bilang na maaaring makuha na 55 porsiyento ng lahat ng asong dinala sa tirahan para sa mga hayop ang pinatay, 73 porsiyento sa Toronto, at 83 porsiyento sa New York. Ganito ang komento ng isang dalubhasa: “Ang pribado at pampublikong mga tirahan ng mga hayop pati na ang mga bererenaryo, ay gumugol ng higit na panahon sa pagpatay sa mga hayop kaysa sa pangangalaga sa mga ito. Sila ay nagiging mga mamamatay ng mga hayop.”

Ang aso at pusa ay napakabilis dumami​—dalawa hanggang tatlong libo ang ipinanganganak oras-oras sa Estados Unidos, sang-ayon sa ilang mga tantiya. Ang bilang na iyan ay maaari pang tumaas sa sampung libo kung isasama ang mga asong ligaw, sabi ng iba. Ganito ang sabi ng isang membro ng Atlanta Humane Society: “Literal na umuulan ng pusa’t aso!” Isang lunas ay ipakapon ang iyong alagang hayop. Ngunit tinatanggihan naman ito ng iba, sinasabing nais nilang makita ng kanilang mga anak ang himala ng pag-aanak.

Malaki ang ibinabayad ng mga hayop para sa leksiyon ng mga bata. “Marahil,” sabi ng Atlanta Humane Society, “dapat na masaksihan din ng mga bata ang kabilang panig​—ang kamatayan sa isang city pound o tirahan ng mga hayop sapagkat walang sapat na mga tirahan na matutuluyan ang mga ito. Isa lamang sa anim na mga tuta ang aktuwal na nakakakuha ng tirahan at para sa mga pusa ang katumbasan ay isa sa bawat labindalawa.”

Ang populasyon ng mga alagang hayop ay nagpuputok. Nangangailangan na ito’y gawing hindi gaanong maanakin. Maaari itong gawin at dapat na gawin, alang-alang sa kabutihan ng walang-malay at kaawa-awang mga biktima.