Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Karami ang Napakarami?

Gaano Karami ang Napakarami?

Gaano Karami ang Napakarami?

ANG alkohol ay maaaring maging mabuti o napakasama. Maaari ka nitong gawing masaya o napakalungkot. Depende ito kung saan ito nagtutungo at kung gaano karami ang nagtutungo roon. Ang kaunting alak ay maaaring makabuti sa iyong sikmura at pagalakin ang iyong puso. (1 Timoteo 5:23; Awit 104:15) Ang labis-labis ay maaaring gumawa sa iyo na lubhang miserable​—at gawin yaong mga nasa paligid mo na miseralbe rin!

Sa katamtaman, ang isang cocktail (inuming pampagana), alak, o beer ay maaaring makapagparelaks sa iyo at pansamantalang paginhawain ang pagkabalisa, pasiglahin ka, at gawin kang mas palakaibigan. Maaari pa ngang magbigay ito ng ilang proteksiyon mula sa mga atake sa puso, yamang pinagiginhawa nito ang kaigtingan at pinatataas ang iyong mga HDL (high-density lipoproteins). Ngunit kahit na ang kaunting alkohol ay nagpapabagal sa iyong mga replekso, kaya hindi matalinong magmaneho ng isang kotse pagkatapos nang kahit na katamtamang pag-inom. At ito ay punô ng calories, kaya hindi ito angkop kung ikaw ay may problema sa timbang.

Sundan natin ang iyong cocktail habang ito ay naglalakbay sa iyong katawan. Hindi ito nagtatagal sa sikmurang walang laman, at sa mga bituka ang alkohol ay mabilis na nagtutungo sa daluyan ng dugo. Dinadala ito ng dugo sa atay, kung saan ito ay pinaparti-parte at inilalabas, sa gayo’y inaalis ito mula sa daluyan ng dugo. Sa ganitong paraan makakayanan ng atay ang alkohol sa isang cocktail, isang baso ng alak o isang lata o bote ng beer sa isang oras.

Uminom ka nang higit riyan sa isang oras, at ang alkohol ay nananatili sa dugo at dinadala sa utak. Doon, ang kaunti ay maaaring gumawa sa iyo na madaldal, ang labis ay maaaring gumawa sa iyo na nakakasuya. Kung ang limang ika-sandaan ng isang porsiyento ng iyong kabuuang dami ng dugo ay alkohol, ikaw ay malalango nang bahagya; sampu hanggang labinlimang ika-sandaan ay gagawa sa iyo na opisyal na lasing. Ang toxic ay nasa salitang “intoxicated” (lasing) at nangangahulugang ang mga lason ay nasa iyong katawan.

Ngayon, ano ang ginagawa ng labis na alkohol habang ito ay naglalakbay sa iyong sistema? Ang unang hinto ay sa iyong sikmura. Doon maaari nitong agnasin ang malauhog na pahid na nangangalaga sa sapin ng iyong sikmura mula sa mga asido sa sikmura. Maaari rin nitong pangyarihin ang sikmura na gumawa nang higit na asido.

Inaalis ng alkohol ang tubig sa mga selula ng katawan. Tinutuyo ng labis na alkohol ang mga selula ng atay at sa dakong huli sinisira ito, na ang resulta ay cirrhosis. Hindi na matutustusan ng napinsalang atay nang sapat na asukal ang daluyan ng dugo, nagbibigay-daan sa hypoglycemia. Hindi na gaanong naaalis nito ang alkohol mula sa dugo. Pagkatapos ang alkohol ay kumakalat sa buong katawan, tinutuyo at pinapatay ang mga selula saanman. Ang mga arterya ay nagbabara, mas kaunting dugo ang dumadaloy sa puso, at ang mga kalamnan nito ay humihina.

Pagdating ng alkohol sa iyong utak, tinutuyo nito ang mga selula ng utak at naaapektuhan ang paggawa ng elektrikal na mga mensahe. Pag-alis ng alkohol sa iyong sistema, nababawi ng mga selula ng utak ang kanilang tubig. Ang pag-inom nang labis sa loob ng mahabang yugto ng panahon, gayunman, ay magpapahina sa pag-iisip at memorya. Ang utak ay lumiliit habang nasisira ang mga selula, at ang IQ ay permanenteng bumababa.

Ang malakas na pag-inom ay maaaring magpangyari sa mga lalaki na magkaroon ng pambabaing mga katangian. Ang mga lalaki ay gumagawa kapuwa ng lalaki at babaing mga hormone, ngunit inaalis ng atay ang mga babaing hormone. Ang napinsalang atay, gayunman, ay pinananatili ang mga ito. Ang labis na pag-inom ay maaaring magpangyari sa nagdadalang-taong mga babae na makunan o manganak ng patay na sanggol. Kung ang sanggol ay ipanganak na buháy, nariyan ang panganib ng depekto.

Para sa mga nagdadalang-taong babae at mga alkoholiko, ang anumang pag-inom ay napakarami. Para sa mga lalaki at mga babae sa pangkalahatan, ang katamtamang pag-inom ay nagpapangyari lamang ng kaunting alkohol na makarating sa utak. Ang ilang mga pag-inom sa maikling panahon ay napakarami para sa sinuman. Ang isang pag-inom para sa alkoholiko ay napakarami.

Ang konklusyon sa bagay na ito: Kaunting alak alang-alang sa iyong sikmura, ngunit hindi napakarami alang-alang sa iyong atay, sa iyong puso, at sa iyong utak​—at alang-alang doon sa mga nakapalibot sa iyo.