Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pinapatay ng mga Pagsasalin sa Dugo ang 1,000 Taun-taon

● Isang anyo ng hepatitis na kilala bilang non-A non-B hepatitis, sabi ng The New York Times, ang nakakaapekto sa “120,000 mga Amerikano taun-taon, at mga 90,000 ang nakakakuha ng sakit sa pamamagitan ng mga pagsasalin sa dugo.” “Mahigit sa 1,000 na mga biktima ang namamatay taun-taon,” dagdag pa ng report. Kamakailan ang mga siyentipiko ng E.U. ay nagtagumpay sa pagkilala ng isang virus na sanhi ng anyong ito ng karamdaman. Maaari na ngayong pag-aralang masugid ng mga siyentipiko ang virus. Inaasahan nila na makagawa ng isang paraan ng pagsasala sa nahawaang dugo at maaaring makagawa pa ng isang bakuna para sa hepatitis. Subalit, hanggang sa ngayon, ang karamdaman ay wala pa ring lunas. Sinabi ni Dr. Robert J. Gerety ng Food and Drug Administration sa The Times na “halos 10 porsiyento ng lahat ng indibiduwal na tumanggap ng lima o higit pang mga unit ng isinaling dugo ay nahawaan ng non-A non-B na virus.”

Pambuong Daigdig na Kamangmangan

● “Isang bilyon ng populasyon ng daigdig ay mangmang​—at ang bilang ay patuloy na dumarami,” sabi ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, batay sa ulat mula sa GFID (ang German Foundation for International Development). “Sa maraming bansa​—lalo na sa Aprika​—mahigit na 90 porsiyento ng mga tao ang hindi makabasa o makasulat.” Sang-ayon sa Alemang agronomong si Eva-Maria Bruchhaus, isang kampaniya para sa internasyonal na pagkatutong bumasa at sumulat na itinataguyod ng UNESCO ay nangangapa-ngapa sa umuunlad na mga bansa. Bakit? Dahilan sa mababang enrollment sa paaralan, isang mataas na bilang ng mga dropout o humihinto sa pag-aaral​—kulang-kulang na sangkatlo ng mga nakatala ang natatapos ng pag-aaral​—at isang kakulangan ng pagkakataon para sa mga mag-aaral na ikapit ang kanilang natutuhan.

Mga Pagsasalin ng Plasma

● Kasindami ng 90 porsiyento ng plasma ng dugo na ginagamit sa Estados Unidos ay hindi makatuwiran, ulat ng isang lupon ng mga dalubhasa na nagkatipon sa National Institutes of Health sa Washington, D.C. “Sa 3.5 milyong mga pasyente na tumatanggap ng pagsasalin taun-taon, hanggang 700,000 ang tumatanggap ng plasma​—marahil 630,000 mahigit ang hindi dapat na tumanggap nito,” sabi ng The New York Times sa pag-uulat ng opinyon ni Dr. James L. Tullis, na nangunguna sa lupon. Tinataya ng lupon na taun-taon mga 10,000 kaso ng viral hepatitis ay dahil sa plasma.

‘Kapitalismong’ Intsik

● Inanunsiyo kamakailan ng partidong komunista ng Tsina ang tinatawag ng The Wall Street Journal na “isang malaking pagbabago sa planong pangkabuhayan” na maglalagay sa “200 milyong mga maninirahan sa lunsod sa kapitalistang landas na hindi halos mapaniwalaan ng sinuman.” Ang plano ay talikdan “ang karaniwang istilong Sobyet na central planning.” “Sa susunod na mga ilang taon,” sabi ng ulat, “mahigit sa isang milyong mga negosyo at pagawaan ng estado ang ihihiwalay sa pagpaplano at proteksiyon ng gobyerno at babangon o babagsak batay sa kanilang sariling merito at talinong pangkabuhayan.” Gayunman, ang pangunahing mga industriya, gaya ng pagawaan ng bakal, ay mananatili sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno. Sa kasalukuyan, ang tulong na salapi ng pamahalaan ay nagpapanatili sa presyo ng pagkain, pabahay, pananamit, transportasyon, at edukasyon na kunwa’y mababa. Ngunit nagbabaka-sakali ang mga eksperto sa labas ng Tsina na ang presyo ay tataas at na sa darating na mga taon ay magkakaroon ng kalituhan sa pagpapatupad sa bagong planong ito. Gayumpaman, si Robert Hormats, dating katulong na kalihim ng estado sa ekonomiya, ay nagsasabi, “Kung magpapatuloy ang Tsina sa direksiyong ito, talagang makikita natin ang isang pambihirang mga pangyayari sa ekonomiya ng ika-20 siglo.”

Natapong Langis

● Ang dami ng nawalang langis sa dagat noong 1983 dahil sa pagkatapon, sunog, o pagkalubog ng mga barkong may dala nito, ay lubhang dumami​—930 porsiyentong mahigit kaysa 1982. Tinutukoy ng The Oil Spill Intelligence Report na 241.8 milyong galon ang nawala. Ang pinakamalaking isahang kawalan​—80 milyong galon​—ay naganap sa Persian Gulf, kung saan ang mga pagsalakay sa Iraqi-Iranian na mga labanan ay nagpangyari ng pagsabog ng mga minahan ng langis at iniwasan ang pag-aayos. Gayunman, karamihan ng mga natapong langis ay mula sa mga oil tanker. Ang nakadaragdag pa sa problema ng natapong langis, sabi ni Richard Golob, editor ng The Report, ay ang katunayan na “wala tayong teknolohiya upang pakitunguhan nang mabisa ang mga natapong langis.” Kakaunting langis ang maaaring makuhang muli.

Mga Antibiotic sa hayop​—Isang Bagong Panganib

● Pagkatapos ng totoong maingat na pag-aaral, ang mga siyentipiko ng CDC (Centers for Disease Control) na si Scott Holmberg at mga kasama ay nakapagtatag ng tuwirang kaugnayan sa pagitan ng karamdaman ng 18 katao sa apat na gitnang-kanlurang mga estado at ang paggamit ng antibiotic sa pagkain ng hayop. Ang pag-aaral na ito, pati na ang iba pang pag-aaral noong nakalipas na mga taon, ay nag-udyok sa kaso ng pagpapataw sa pagbabawal ng antibiotic sa hayop, sabi ng maraming siyentipiko. Ipinaliliwanag ang mga panganib, ang magasing Science ay nagsasabi, “Ang mga antibiotic sa pagkain ng hayop ay pumapatay ng mahinang mga baktirya, iniiwan ang mas mabisa, at kadalasang mas mabagsik na mga mikrobyo na sumagana.” Kapag ang mga mikrobyo ay naipasa sa tao sa nahawaang pagkain, “ang karamdaman ay maaaring tumagal dahilan sa ang kombensiyunal na antibiotic na terapi ay hindi mabisa laban sa mga organismong ito na hindi tinatablan ng gamot.” Samantalang tinatanggap ng maraming laban sa pagbabawal na ito sa antibiotic sa pagkain ng hayop ang lakas ng pag-aaral na ito, ikinakatuwiran nila na ang gayong pagbabawal ay magtataas sa presyo ng karne.

Pagsikat ng Araw, Bagsak ang mga Damo

● Ang mga siyentipiko sa University of Illinois ay nakagawa ng isang herbicide (pamatay-tanim) na pinakikilos ng liwanag, ulat ng Science News. Ang pangunahing sangkap ng herbicide ay isang simpleng amino acid, karaniwan nang kilala bilang ALA, na masusumpungan sa lahat ng mga selula ng halaman at hayop. Karaniwan na, ang ALA ay ginagamit ng mga halaman upang gumawa ng sensitibo sa liwanag na mga kemikal na tinatawag na tetrapyrroles, na siya namang gumagawa ng chlorophyll sa tulong ng liwanag. Ngunit kapag ang ALA at isang kemikal ay inisprey sa mga halaman sa gabi, ang labis na tetrapyrroles ay nagkakaroon ng reaksiyon pagsikat ng araw. Karamihan ng mga tanim ay namamatay sa loob lamang ng mga ilang oras. “Ang tanim ay literal na lumiliit sa iyong paningin,” sabi ni Dr. Constantin A. Rebeiz, isa sa mga gumawa ng herbicide. Ang mga trigo, oats, mais, at sebada ay hindi gaanong apektado. Ngunit ang ALA ay nakamamatay sa maraming karaniwang uri ng damo.

1,800-Taóng-Gulang na Himig

● Ang pinakamatandang partitura (score) sa musika na kailanman ay nasumpungan sa Tsina, isang inukit sa piraso ng kahoy na may mga notasyon ng musika na isinulat para sa limang kuwerdas na instrumento, ay halos 1,800 taóng gulang, sulat ng lingguhang magasing Intsik na Beijing Review. Nasumpungan ito noong 1920 ngunit napabayaan at itinabi ng mahigit na 60 taon hanggang kamakailan ay sinuri ito at isinalin ang partitura ng isang historyador sa Lanzhou University na si Niu Longfei. Inilarawan niya ang himig na elegante at maganda.

Polusyon sa Ártico

● Sa isang forum tungkol sa polusyon sa taunang Arctic Science Conference sa Anchorage, Alaska, ipinahayag ng mga siyentipiko ang pangamba sa dami ng polusyon sa hangin na ngayon ay masusumpungan sa Ártico. Ang Sobyet Unyon, na sumasakop sa 75 porsiyento ng lupain sa hilaga ng Arctic Circle, ay sinasabing ang pinakamalaking tagapagdala ng polusyon, sinusundan ng Europa at ng United Kingdom. Napansin na ang mga epekto ng dumi o lason ay nababanaag sa masamang kapaligiran sa Ártico. Sinabi ng mananaliksik na si William Zollar, na may 20 taóng karanasan sa Ártico, “lahat ay nanganganib sa Malayong Hilaga.” Isang internasyonal na komperensiya tungkol sa polusyon sa Ártico ang binalak para sa taóng ito, ulat ng The New York Times.

Pirateria sa Computer

● Taun-taon, ang mga kompaniyang Amerikano ng mga computer-software ay nalulugi sa pagitan ng $1 bilyon at $3 bilyon dahilan sa kinokopya ng mga pirata sa computer ang kanilang mga programa, sabi ng The German Tribune. Ang pirateria sa computer ay laganap sa Estados Unidos, Pransiya, Alemanya, Singapore, Taiwan, at Timog Korea. “Ang problema ay lumulubha,” patuloy pa ng tagapagsalita para sa industriya. Sa ngayon, ang mga pirata ay nakatuklas ng mga paraan kung ano ang gagawin sa mga gamit na inilalagay upang ipahinto ang pangongopya ng mga programa. Ano ang maaaring gawin? Sa ilang mga bansa, ipinatupad ang mga batas upang gawin ang gayong pirateria na labag sa batas. Subalit iminumungkahi ng isang tagapagsalita, inaamin ang pagkatalo, na ang mga kompaniya ng computer ay basta “patuloy na gumawa ng bagong mga software” at gawing luma ang nadambong na mga kopya.

“Gamitin ang mga Salaginto”

● Napakaraming kemikal para sa pagsawata sa peste ang ginagamit sa agrikultura at panggugubat, sabi ni Propesor Berndt Heydemann sa International Entomological Congress sa Hamburg, Alemanya. Gaya ng iniulat sa The German Tribune, sinabi niya na “makabubuting gamitin ang mga salaginto at iba pang mga insekto upang talunin sa biyolohikal na paraan ang mga bugs o ibang insekto” at ang pinsala ng pesteng iyon ay maaaring “bawasan sa pamamagitan ng crop rotation at pagtatanim ng mas maraming uri ng binutil.” Ang masaganang mga ani at mga bukirin na isang uri lamang ng pananim na walang mga tanin na ligaw ay binabawasan ang pagiging mabisa ng likas na mga pansawata sa peste. Ang ulat ay naghihinuha: “Kung ang mga magsasakang Europeo ay gagawa lamang ng pagkain na kasindami ng kinakailangan ng kanilang mga kababayan, ang kemikal na pansawata sa peste ay maaaring itigil sa loob ng 10 hanggang 20 taon.”

“Super-Gonorrhea”

● “Kamakailan lamang ang penicillin ay ginagamit upang gamutin ang gonorrhea. Sinasabing nalulunasan nito ang sakit sa loob lamang ng ilang oras at ginagamot ang sipilis sa loob lamang ng mga ilang araw.” Gayon ang sabi ng Athens News ng Atenas, Gresya. Subalit ngayon, sabi ng report, isang bagong uri ng gonorrhea, na tinawag na “super-gonorrhea,” “ay nakagagawa ng isang sustansiya na nagpapawalang-bisa sa penicillin.” Upang gamutin ang sakit, mas mahal, mapagpipiliang antibiotic, gaya ng kanamycin at spectinomycin, ay dapat gamitin. Gayunman hindi nito ginagamot ang sipilis​—ang pinakamapanganib na sakit na seksuwal na naililipat. Samantalang binabanggit ng mga doktor sa Asia ang pagiging mabisa ng mapagpipiliang mga antibiotic sa paggamot ng “super-gonorrhea,” ang sipilis doon ay lalong lumalaganap.

Panakot sa Kalapati

● Sa Mitaka Railway Station na malapit sa Tokyo, isang hanay ng umiikot na mga baner na nagtatanghal ng malaking disenyo ng “mata” ay nakatakot at bumugaw sa mga kalapati​—winawakasan ang araw-araw na mga reklamo na tinatanggap ng mga opisyal mula sa mga biktima ng mga nahuhulog na dumi ng kalapati. “Ibinitin sa istasyon ang 40 na mga baner sa anim na dako kung saan karaniwang nagtitipon ang mga ibon,” ulat ng Mainichi Daily News ng Tokyo, Hapon. “Ang matingkad na dilaw, na may tatlong itim na mga bilog at dalawang kalahating buwan sa gitna, na nagmumukhang mga mata, ang umiikot sa ihip ng hangin.” Ang mga baner na ito ay maaaring magbigay ng pag-asa sa libu-libong mga gusali at templong Hapones na sinasalot ng mga dumi ng kalapati, sabi ng ulat.

Panganib sa Hot-Dog

● Isang pag-aaral ng 103 mga kaso ng pagkainis o pagkabara ng pagkain sa mga batang siyam na taóng gulang at pababa ang nagpapakita na ang hot dog ang pangunahing sanhi ng nabulunang kamatayan kapag kumakain, ulat ng Journal of the American Medical Association. Ang iba pang mga pagkain, gaya ng carrots, mga biskuwit, kendi, at mga nuwés ang iba pang sanhi, subalit ang hot dog ang pangunahing dahilan ng 17 porsiyento ng lahat ng mga pagkamatay dahil sa pagkabulunan. “Kung sinisikap mong magdisenyo ng isang bagay na kasiyang-kasiyang bumara sa lalamunan ng isang bata, ito ay ang isang kagat ng hot dog,” sabi ni Susan P. Baker ng Johns Hopkins University sa Baltimore, sang-ayon sa Daily News ng New York. “Ang isang bata na wala pang 4 na taóng gulang ay hindi dapat bigyan ng isang buong hot dog upang kainin,” sabi niya.