Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pang-aabuso sa Bata—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak

Pang-aabuso sa Bata—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak

Pang-aabuso sa Bata​—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak

ISANG kabataang babae na inabuso nang siya’y bata pa ng kaniyang kapatid na lalaki at ng kaniyang bayaw ay nagsasabi: “Ako’y natatakot, kaya hindi ko sinabi kaninuman. Sa dahilang ito, nais kong babalaan ang lahat ng mga magulang: ‘Pakisuyong turuan ang inyong mga anak na huwag hahayaan ang sinuman sa pamilya, o sa labas ng pamilya, na hawakan sila sa anumang maling paraan. Kung gagawin iyon ng sinuman, huwag matakot na isumbong ito.’” Sabi pa niya: “Maaari itong mangyari sa kaninumang bata sa anumang panahon!”

Sa ating pasama nang pasamang daigdig na ito, kailangang kumuha tayo ng tiyak na mga hakbang upang pangalagaan ang ating mga anak mula sa seksuwal na pang-aabuso. Hindi matalinong ipaubaya na lamang ang mga bagay sa pagkakataon at basta asahan na walang anumang mangyayari.

Ang Unang Linya ng Depensa

Ang unang linya ng depensa ay iwasan ang mga kalagayan na mag-iiwan sa ating mga anak na madaling masalakay. Halimbawa, pinapayuhan ang mga magulang na maging maingat tungkol sa paggamit bilang mga yaya ng may kabataang mga adulto na waring mas gustong kasama ng mga bata kaysa ng mga kaedad nila. Isang clinical psychologist ang nag-uulat na dalawang-katlo ng mga mang-aabuso na ginagamot niya ay nang-abuso samantalang sila’y nag-aalaga ng bata.

Binabanggit ni Dr. Suzanne M. Sgroi ang dalawa pang mga kalagayan na humantong sa problema: Ang mga bata na natutulog (sa kama o sa mga silid) na kasama ng mga adulto o mga tin-edyer, at malalaking pagtitipon ng pamilya kung saan ang matatanda ay nasisiyahan sa kanilang mga sarili at basta inaakala na inaalagaan ng mas nakatatandang mga bata ang mas maliliit na bata.

Ang totoo, mentras mas pinangangasiwaan natin ang ating mga anak, mas kaunting pagkakataon na mabiktima sila ng mga mang-aabuso. Si Ann, isang ina ng tatlong mga bata, ay hindi pa nga pinahihintulutan ang kaniyang bunsong anak, isang 14-anyos na batang lalaki, na gumala-gala sa shopping mall​—o magtungo kaya sa pampublikong palikuran​—nang mag-isa. Marahil inaakala ng bata na napakahigpit naman nito, subalit ang kaniyang ina ay may katuwiran. Ang ina ay inabuso noong siya’y bata.

Gayunman, hindi laging mababantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga magulang na nagtatrabaho ay walang mapagpipilian kundi gamitin ang mga pasilidad ng day-care center o iwan ang kanilang mga anak sa mga kamag-anak o mga yaya. Ang mga bata ay kailangang pumasok sa eskuela, at hindi maaaring sa tuwina’y sumama sa kanila ang mga magulang. Ang mga kamag-anak at ang mga kaibigan ay dumadalaw. At saka nariyan pa ang mga kapitbahay! Papaano nga natin mapangangalagaan ang ating mga anak na totoong madaling salakayin? Tunay, may iisa lamang paraan​—

Ipakipag-usap sa Inyong Anak ang Tungkol sa Panganib

Ang sikologong si Debrah Shulman ay nagsabi: “Isang kamangmangan na magkunwari sa mga bata na hindi umiiral ang mga panganib. Batid ng mga bata ang tungkol sa kanilang kahinaan at na likas na nababahala tungkol sa kanilang sariling kaligtasan. Bahagi ito ng gawain ng isang magulang na sangkapan sila ng mga gamit upang pakitunguhan ang panganib nang makatotohanan. Kung may katapatan at positibong ihaharap, ang gayong impormasyon ay hindi tatakot sa mga bata, ito’y magbibigay ng katiyakan sa kanila.” Oo, kailangan nating ipakipag-usap ito sa kanila.

Madali itong sabihin ngunit mahirap gawin, lalo na yamang ang pinakamalaking panganib ay mula sa mga kaibigan at mga kamag-anak. Maaaring nababalaan na natin ang ating mga anak laban sa mga estranghero na nagnanais na akitin sila tungo sa kahuyan o isakay sila sa isang kotse. Ngunit paano natin mabibigyan sila ng “mga gamit” upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa mga tao na kanilang nakikilala, iginagalang, at minamahal pa nga?

Sundin ang Kanilang Likas na Ugali

Si Ann, ang ina na nabanggit kanina, ay nag-uulat na siya ay limang taon lamang nang siya’y abusuhin ng isang kamag-anak na lalaki. Gayumpaman, alam niyang mali ang ginagawa ng lalaki, bagaman hindi niya alam kung paano siya pahihintuin. At, nakalulungkot, hindi masabi ni Ann sa kaniyang mga magulang ang tungkol dito. Ang mga linya ng pakikipagtalastasan noon ay hindi napakabuti.

Ipinakikita ng karanasan ni Ann na ang mga bata ay karaniwan nang may likas na pandama sa kung ano ang angkop at wasto. Kailangang patibayin ang katutubong ugaling ito, sabihin sa kanila na dapat nilang sundin ito kahit na iba naman ang sinasabi sa kanila ng isang adulto. Ang payak at matatag na “Huwag, huwag mong gawin iyan!” ay kadalasang sapat na upang pigilin ang isang mang-aabuso. Ipinakikita pa ng karanasan ni Ann ang pangangailangan para sa bukás na mga linya ng pakikipagtalastasan sa ating mga anak.

Kamakailan lamang pinag-uusapan ng isang mag-asawa ang tungkol sa problemang ito. Lubhang nababahala, tinanong nila ang kanilang anak kung siya ba ay nakaranas nang maabuso. Sa kanilang pagkasindak, ang bata ay sumagot ng oo. Paulit-ulit na ginawa iyon ng isang matanda at pinagkakatiwalaang kaibigan ng pamilya. Ang pamilya ay may mahusay na pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak, kaya bakit hindi ito sinabi ng bata noon? Sapagkat hindi niya alam kung paano sasabihin ito. Nang mabanggit ang paksa, ang bata ay kusa at handang ipinakipag-usap ito.

Papaano Natin Sasabihin sa Kanila?

Una, talakayin ang paksa. Ang isang mungkahi ay na kung mayroong ibinalitang iskandalo sa mga pahayagan, maaaring gamitin ito ng mga magulang na isang pagkakataon upang tanungin ang kanilang mga anak: “Mayroon bang sinuman na gumawa ng ganiyan sa iyo?” at saka sabihin sa kanila kung paano kikilos kung mayroong sinuman na gagawa ng gayon sa kanila.

Maaaring gamitin ng mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa Bibliya ang mga bahagi nito bilang isang panimula. Maaari nilang gamitin ang kuwento tungkol kay Dina, ang anak na babae ni Jacob, upang ipaliwanag ang mga hangganan na umiiral sa kung ano ang maaaring gawin ng isang tao sa isa. (Genesis 34:1-4) Ang kuwento tungkol kay Tamar at Amnon ay maaaring gamitin upang ipakita na mayroong mga bagay na hindi ipinahihintulot na gawin sa isa’t-isa kahit na ng mga malapit na magkamag-anak. (2 Samuel 13:10-16) At dapat nating tiyakin na nauunawaan nila na kung may mangyaring gayon sa kanila, nais nating malaman ang tungkol dito. Hindi tayo magagalit sa kanila kung sasabihin nila sa atin.

Si Mary ay inabuso nang siya ay bata pa, kaya tiniyak niya na pangalagaan ang kaniyang tatlong anak na babae laban sa mga mang-aabuso. Paano niya ginawa ito? Nang sila’y nakauunawa na, sinabi niya sa kanila: “Kung hihipuin kayo ng sinuman sa maling lugar, sabihin ninyo sa akin at hindi ako magagalit.” Paano nila malalaman kung alin ang maling mga lugar? Sabi ni Mary na nang sila ay mga tatlong taóng gulang ipinakita niya ito sa kanila. Nang pinaliliguan niya sila o pinatutulog, itinuro niya ang mga bahagi ng kanilang katawan na hindi dapat hipuin ng ibang tao. Habang sila ay lumalaki, naglahad siya ng mga kalagayan: “Hindi kayo dapat hipuin diyan ng sinuman, kahit na ito ay isang guro sa paaralan o isang pulis. Hindi kayo dapat hipuin diyan kahit na ni Nanay o ni Tatay. At maaari lamang kayong hipuin diyan ng isang doktor kung kasama ninyo si Nanay o si Tatay!”

Nakabuti ba ito? Natatandaan ni Mary ang isang pagkakataon nang isang kamag-anak ang nakikipaglaro sa kaniyang anim-na-taónggulang na anak na babae. Ang mga bagay na ginagawa ng kamag-anak ay nagpaasiwa sa batang babae. Ano ang ginawa niya? Siya ay lumayo sa kamag-anak na lalaki. Hindi tiyak ni Mary kung ang kamag-anak ay may masamang intensiyon o wala. Ngunit siya ay natutuwa sapagkat ang kaniyang anak na babae ay lumayo mula sa kalagayan nang inaakala niyang ito ay “hindi tama,” o “kakatwa.”

Kaya, kung paanong ang mga magulang ay nagbababala sa kanilang mga anak laban sa pagsama sa mga estranghero, sa paglaro sa abalang mga kalye, at sa paghawak sa mga kawad ng koryente, dapat din nilang sabihan ang mga bata tungkol sa pag-iwas sa pang-aabuso. Dapat nilang ipaliwanag ang mga hangganan sa kanilang mga katawan na hindi dapat lampasan ng iba​—kahit ng kanila mismong mga magulang. Dapat nilang ipaliwanag na kung mayroon ngang mangyari, nais nilang malaman ang tungkol dito. At hindi nila sisisihin ang mga bata.

Ang Larong “Ano kung . . .?”

Kung minsan gagamitin ng mga adulto ang kanilang mas malawak na karanasan at katalinuhan upang dayain ang mga bata na sumama sa kanila sa isang di-angkop na gawain, at maaaring hindi mahalata ng mga bata ang pandaraya nang walang tulong. Kaya si Linda Tschirhart Sanford, autor ng aklat na The Silent Children, ay nagmumungkahi ng isang gamit na maaaring gamitin upang salungatin ito nang patiuna: ang larong “Ano kung . . .?” Sa pana-panahon, tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang gagawin sa ilang mga kalagayan: “Ano kung sabihin sa iyo ng yaya na maaari kang magpuyat sa panonood ng TV kung sasama ka sa kaniya sa banyera at makikipaglaro? Ano ang sasabihin mo sa kaniya?” “Ano kung isakay ka sa kotse ng isa na nakikilala mo at nais niyang ilagay ang kaniyang mga kamay kung saan hindi nararapat? Ano ang gagawin mo?” “Ano ang gagawin mo kung hihipuin ka ng isang nakatatandang kaibigan sa isang paraan na ayaw mo, o nais kang hubaran at makipaglaro ng isang sekretong laro sa iyo?”

Sa pagtuturo sa bata kung paano sumagot, maaaring ipakita ng mga magulang na may mga pagkakataon na maaari silang magsabi ng hindi sa isang adulto. Mayroon din mga pagkakataon na dapat nilang ibunyag ang mga sekreto. Kung sila ay nasanay na magsabi ng mga bagay na gaya ng “Tatanungin ko muna si Nanay,” mahahadlangan nila ang karamihan ng potensiyal na mga mang-aabuso. Kung natututuhan ng bata ang tamang mga sagot sa “Ano kung . . . ?” na laro ito ay nagkakaroon ng mabuting mga gamit o kasangkapan upang pangalagaan ang kaniyang sarili. Kung ito ay nagbibigay ng isang maling sagot, bueno, balikan ang mga tanong at magmungkahi ng isang kakaibang sagot.

Turuan Sila ng mga Salita

Ipinakikita ng sumusunod na karanasan ang isa pang problema na nakakaharap ng mga bata tungkol sa pang-aabuso: Isinasalaysay ng isang babae na siya’y inabuso bilang isang bata at sinikap niyang sabihin ito sa kaniyang ina. Ngunit hindi niya alam kung ano ang tamang salita at hindi niya maipaliwanag kung ano ang nangyari. Inakala ng kaniyang ina na nais lamang siyang karinyuhin ng isang iyon at na hindi naunawaan ng batang babae ang kalagayan at pinalaki ito.

Dahilan sa katulad na mga karanasan, hinihimok ng mga social worker ang mga magulang na sabihin sa kanilang mga anak ang tamang tawag sa mga bahagi ng kanilang katawan. Turuan sila ng bokabularyo upang ipahayag ang kanilang sarili sakaling mangyari ang pinakamalubha.

Alisto Ngunit Timbang

Isa sa pinakamasamang panaginip ng isang magulang ay na ang kanilang anak ay maaaring seksuwal na abusuhin. Gayumpaman, dapat nating tandaan na ang karamihan ng mga adulto ay hindi aabusuhin ang ating mga anak. Mahal sila ng karamihan sa ating mga kamag-anak at mababahala na gaya natin upang pangalagaan sila mula sa pang-aabuso.

Sa kabilang dako, maaari itong mangyari. At hindi sapat na basta asahan na hindi ito mangyayari. Ang kawikaan ng Bibliya ay nagsasabi: “Ang matalinong tao ay nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Kaya, matalino na maging napakaingat, lalo na dahilan sa panahon na kinabubuhayan natin. Kung iiwasan natin, hangga’t maaari, na ilagay ang ating mga anak sa mga kalagayan na nag-iiwan sa kanila na madaling salakayin, kung ipapaliwanag natin sa kanila ang mga hangganan na hindi dapat lampasan kahit ng mga adulto at kung tuturuan natin sila kung papaano kikilos sakaling ang sinumang adulto ay magnais na lampasan ang mga hangganang iyon, malaki ang ating ginagawa upang pangalagaan ang ating mga anak mula sa mang-aabuso.

[Blurb sa pahina 9]

“Kung hihipuin kayo ng sinuman sa maling lugar, sabihin ninyo sa akin”

[Blurb sa pahina 10]

Sabihin sa mga bata ang tamang tawag sa mga bahagi ng kanilang katawan

[Kahon sa pahina 8]

Kung Mangyari ang Pinakamalubha

Walang magulang ang makapagbibigay sa isang bata ng ganap na proteksiyon laban sa seksuwal na pang-aabuso, bagaman lubhang mababawasan ng makatuwirang pag-iingat ang posibilidad na mangyari ang anumang bagay. Gayunman, kung naitayo ng mga magulang ang mabuting pakikipagtalastasan sa pamilya, maaaring ipakipag-usap ng mga bata ang tungkol dito kung mangyari ang pinakamalubha. Gayunman, kung minsan, ang mga bata ay lubhang nasindak o nahihiya sa karanasan anupa’t ayaw nila itong ipakipag-usap. Kaya, kailangang maging alisto ang mga magulang. Narito ang ilang mga palatandaan na sinasabi ng mga mananaliksik ay maaaring magpakita na may nangyari.

Maging mapaghinala sa anumang mga pagbabago sa normal na rutina. Sa isang kaso, hiniling ng isang guro ang ilang mga bata na pumasok nang maaga kaysa sa iba. Bantayan ang anumang mga palatandaan sa mga bata ng pagbaba ng mga marka o lubhang pagkabahala kapag kasama ng isang espisipikong adulto. Isang babae na naging biktima ng kaniyang kapatid na lalaki at ng kaniyang ama nang siya’y bata pa ay nagsabi: “Ako ang naging pinakamahina sa aming klase ng 42, at walang sinuman ang nagsikap na alamin kung bakit.”

Bigyan pansin ang pisikal na mga sintomas, gaya ng sakit sa ulo, pagsusuka o kawalan ng gana, at di pagkatulog. Ang mga pagrireklamo sa kanilang ari, gaya ng pagkirot, ay lubhang mahalaga. Maging alisto sa adelantadong seksuwalidad sa wika, pananamit, o paggawi. Bantayan ang biglang mga pagbabago sa ugali na maaaring magpahiwatig ng problema. Kung ang isang bata ay di-karaniwang bumubukod o nagpapakita ng hilig na iwasan ang isang membro ng pamilya, dapat itong maghudyat sa atin. Dapat din tayong makinig sa padaplis na mga mensahe na inihahatid sa atin ng ating mga anak. Ang pangungusap na, “Ayaw ko na sa math titser na iyon” ay maaaring ang paraan ng bata upang sikaping buksan ang mahirap na paksang ito.

Kung nakikita ng mga magulang ang anumang gaya nito sa kanilang anak, dapat nilang alamin kung ano ang diperensiya. Ang bata ay may problema, at maaaring ito’y isang problema ng pang-aabuso. Kung gayon, ang bata ay nangangailangan ng tulong. Sa kasamaang palad, hindi nakukuha ng maraming bata ang gayong tulong. Ang mga batang inabuso ay pinagbintangan ng pag-imbento ng pangyayari, bagaman tinitiyak sa atin ng mga mananaliksik na bibihira, kung mayroon man, sa mga bata ang nag-iimbento ng gayong mga bagay. Ang insesto ay pinagtatakpan upang huwag masira ang pamilya.

Gayunman, kung matuklasan na ang pang-aabuso​—at lalo na ang insesto​—ay naganap, dalawang bagay ang dapat na gawin karakaraka:

Una, ang bata​—at ang iba pang mga bata​—ay dapat na pangalagaan mula sa higit pang pang-aabuso. Ito ay dapat gawin, anuman ang halaga. Sa maraming kaso ang pinararatangang mang-aabuso ay kailangang harapin. Ngunit ano man ang mangyari, mahalaga na ang bata ay makadama ng pagtitiwala na ang mang-aabuso ay hindi na muling bibiktima sa kaniya.

Ikalawa, ang bata ay dapat pagpakitaan ng maraming pag-ibig at emosyonal na pagsuporta. Dapat ipaliwanag ng mga magulang na ang munting biktima ay hindi dapat sisihin. Ang krimen at anupaman na nangyari bunga nito​—kahit na mabilanggo ang isang malapit na kamag-anak​—ay hindi niya kasalanan. Ngunit ang katiyakang iyan ay kailangang paulit-ulit na ibigay, upang paniwalaan ito ng biktima​—at maniwala na pinaniniwalaan din ito ng mga magulang!